ABEL AT ENKIDU

Ni Edgar Calabia Samar

(Ika-16 na Labas)

TATALAKAYIN ng kabanata ang tradisyon ng pagsulat ng epikong tula tungkol sa mga pinuno, nang isinisiwalat kung paano ginagamit ang berso upang maging inmortal ang mga pinuno at gawing malabanal ang kanilang mga gawa (at sa kaso ni Simeon at ng Malahákan, ang mismong bayan). Ibig sabihin, sa yugtong ito ng epikong tulambuhay nagiging malametatula ang taludturan, sinisipat ang sariling anyong naghuhunos sa ganitong hilahan ng katotohanan at kasiningan (hindi binaryo ang mga ito, siyempre, kundi magkasalabid na ligas ng realidad). Susubuking pagtibayin nito na ang anyo ng epikong tulambuhay—kasama ang pagtatangka nitong sapulin ang mga imahinasyon ng kadakilaan at mga materyalidad ng kontradiksiyon nito—ang perpektong daluyan para sa paghuli (pagbitag?) sa dalawahang katauhan ni Simeon Maharlika—isang pinuno-nobelista na ang buhay ay nanunulay sa pagpapatuloy ng pamana ng kanyang ama at sa paglalayag sa hindi pa natutuklasang teritoryo ng nagbabagong ideolohiya. (Tingnan ang Talababa 5)
[Talababa 5: Batay ito sa mga teorya ng biyograpikal na naratibo at tradisyon ng epiko, at sisipiin ang mga kathang-isip na gawaing akademikong nakatuon sa interseksiyon ng kasaysayan at mito sa pampolitikang pamumuno. Isasaalang-alang din ng kabanata ang papel ng makata sa mga awtokratikong pamahalaan, at sisiyasatin kung ang akto ng pagsusulat ay tunay na maihihiwalay sa mga estruktura ng kapangyarihan na sinisikap nitong suriin o patatagin.]
Sisipatin ng kabanata ang mga etikal at malikhaing hamon na likas sa pagsusulat ng epikong-tulambuhay ng isang tulad ni Simeon Maharlika. Ang bigyan siya ng pagkatao ay may panganib na luwalhatiin ang kaniyang rehimen; ang bigyan siya ng kritika ay may panganib na magbura sa mga komplikasyon ng pagiging higit pa niya sa isang simpleng kalahok sa naratibo ng bansa. Sisikapin ng epikong-tulambuhay na manulay sa mga linyang ito.
MAG-AALAS-TRES na ng madaling-araw nang matapos kong basahin ang mga isinulat ni B—. Inabot pa ng halos tatlumpung minuto bago ako nakatulog sa wakas. Pabiling-biling sa pangunahing mungkahi ng sanaysay na iisa sina Gregorio Pablo at Simeon Maharlika. Alam kong nasa antas na speculative at malikhain ang mungkahing iyon pero parang ang hirap na hindi i-entertain.
Paggising ko kinabukasan, lampas alas-9 na ng umaga. Nakapanumpa na si Paulino Maharlika bilang Bagong Pinuno at naibaba na niya ang kauna-unahang batas sa kaniyang panunungkulan na isa sa serye ng malalaking pagbabago sa bansa simula nang itatag ng Malahákan ang PATAM sa unang taon ng pagtatatag ng Maharlika: wala nang kikilalaning kahit anong relihiyon ang mga mamamayan sa bansa. Ibig sabihin, lahat ng mga paniniwala’t umiiral na tuntunin sa lipunan na nag-uugat o nakasalalay sa anumang sinaunang pananalig, kailangan nang lansagin. Lahat ng mga institusyong nakakapit sa mga umiiral na relihiyon, tulad ng binyag at kasal, kailangan nang buwagin. Walang totoong Diyos, walang totoong Bathala, walang totoong Allah. Ang totoo, wala na naman talagang totoong puwersa sa buhay ng karaniwang mamamayan ng Maharlika ang mga relihiyong ito maliban sa kinasanayan nga. Mas bisyo ng buhay kaysa anupaman.
Kaya wala naman talaga akong totoong naramdaman sa batas na ito. Mas nakahinga pa nga ako nang maluwag. Bawas sa alalahanin. Bawas sa mga kailangang isaalang-alang. Siyempre, may mangilan-ngilang nagpahayag ng pagkabahala. Pero walang totoong sumalungat. Hangga’t hindi napapatunayang mali ang pasya ng sinumang Maharlika, walang dahilan para sumalungat. Isa pa, hindi nagkakamali ng pasya ang mga Maharlika. Hindi ang Malahákan sa mahabang panahon ng panunungkulan nito. Hindi si Simeon sa maikling panahon ng panunungkulan nito. Kaya bakit magkakamali ngayon ang kadugo nila? Kung may isang sigurado ang mga mamamayan sa kasaysayan ng Maharlika, ang kaayusan ng mga buhay namin ngayon ay bunga ng mga mahalagang pagbabago sa bansa. Kailangan namin ang mga ito.
Kaya naman, hindi ang paglalansag ng mga relihiyon ang nasa isip ko nang araw na iyon. Kundi ang interseksiyon nina Simeon Maharlika, Gregorio Pablo, at B––. Hindi ko pa alam noon, siyempre, na kasama sa equation si Enkidu. Sa isip ko lang, magre-report siya sa klase ko tungkol sa Pitumpung Patnubay ni Pablo, because he almost forced himself into it. Was I manipulated by him? Siya ba ang nasunod talaga in the end pagdating doon? Mas interesado akong marinig siyang i-discuss ang nobela kaysa problemahin kung na-control niya ako sa discussion namin—ng syllabus! On my day 1 with them! May kaunting nudge-nudge sa loob. Tipong you can’t allow him to make decisions for your class, mga bulong na hindi ko pinalalampas dati, pero now, for some reason, pinalalampas ko for Enkidu. Pero hindi ko ia-admit na I was charmed. Hindi pa. Mas curiosity rito sa Bio major na itong gustong tumula-tula at nagbabasa ng mga nobela ng paborito ko ring nobelista. Anyway, hanggang nang mga sandaling iyon, nasa periphery lang ng concern ko kina Simeon, Pablo, at B— si Enkidu. Of course, may idea na ako na fan din si Enkidu ni B—. Not fan fan, pero binabasa niya at—for reasons that I get but I also don’t get—iginagalang. Ang hindi ko pa alam noon, na malalaman ko lang much much later, way later than when I decided na kailangan ko ring patayin si Enkidu—at na hindi ko nga siya basta mapapatay dahil he’s way way above me sa PATAM dahil, well, surprise but no surprise, he’s Paulino Maharlika’s son.
Nagulat ka? I’d like to think na nagulat ako nang malaman ko ito, pero ang totoo, ang unang pumasok sa isip ko that time, kalagitnaan ng sem nang biglang ipakilala ni Paulino Maharlika sa publiko ang mga anak niya sa hindi niya talaga asawa—it makes sense. At least, I was not charmed not just by a random student. But by a Maharlika. Kadugo mismo ng Malahakan. But I still couldn’t forgive myself for falling into his trap—and laugh about it at the same time.
At ngayong wala nang reli-relihiyon, wala nang legal at ilegal na kasal, wala nang illegitimate at legitimate na anak, dugo na lang ang mahalaga. Enkidu just moved up nga from being a kept and hidden illegitimate son to being the successor to the Bagong Pinuno. Irrelevant ang malalaman ko lang din later on na disinterest niya rito, ang mas gusto sana niyang patuloy na paggamit sa apelyido ng Mama niya.
Added note to self: At kung totoo ang hinala ni B–– na iisa sina Simeon at Gregorio Pablo, ibig sabihin, lolo niya si Gregorio Pablo. Lolo niya ang paborito kong manunulat. Noong araw na inire-report niya sa klase ang nobela ni Pablo, alam na niyang anak siya ng Bagong Pinuno—pero may idea na ba siyang posibleng lolo niya ang nagsulat noon? Imposibleng hindi niya nabasa ang essay ni B—. Nasa dugo ba ang pagsusulat?
Pero nasaan na ba si Simeon Maharlika? Ano talaga ang nangyari sa kanya?

ENKIDU

Kinagabihan ng mismong araw ng inauguration, ilang oras lang pagkatapos ibaba ang unang batas ni Dad, nakatanggap ng tawag si Mom. Inaasahan ko na ito. Natagalan pa nga, I was thinking na mas immediate, na tatawag siya agad. I felt na para sa amin ang batas, sa amin ni Joaquin. I hoped na para sa amin. I was such a loser na I thought kayang bayaran nun ang pag-iwan niya sa amin. Pero iniwan n’ya ba kami talaga? I know, sa version ni Mom, para sa amin din kaya ginawa iyon ni Dad. At hindi naman niya talaga kami pinabayaan, at least financially. Would I rather have a physically present father pero hindi kami kayang buhayin? I mean, ganoon ang mga kuwento mula sa panahon bago ang Maharlika. Ang dami-daming ganoon. Honestly, wala naman akong emotions dito. Mas puzzle, mas enigma. Bakit? I mean, ano talagang difference kung umalis siya o hindi siya umalis? Ito ang hindi ko talaga maintindihan.

I know, meron pang ibang reason other than the fact na hindi sila kasal ni Mom, na may iba siyang asawa. Open secret ang mga ibang anak ng Malahákan sa iba’t ibang babae. May larawan na nakikipagkita pa ang Lakambini sa kanila, sa supposedly private gatherings o events. Siyempre, sanctioned ng mga Maharlika kahit ang paglabas ng mga picture na ito, walang makakalabas otherwise. Kaya halos normal naman ito. Kung nagawa ito ng Malahákan, bakit hindi niya hahayaan ang mga anak niya? Hindi ginagamit ng mga anak ng Malahákan ang Maharlika, of course, pero they enjoyed—and their children continue to enjoy—almost the same privileges. May-ari sila ng malalaking kompanya, mga eskuwelahan, media networks. Ambassadors sa iba’t ibang bansa. Minsan, inire-represent pa nila ang Malahákan in an official capacity. Kapag lumalabas sila, people recognize them. Probably not all of them—who knows kung ilan talaga sila? Baka hindi alam kahit ng Malahákan—but most of them.

But of course, may isang bagay na hindi mapapasakanila. Succession. Iyon ang lamang ni Simeon bilang tanging anak ng Malahákan sa Lakambini. And he probably didn’t even want the position. Otherwise, bakit niya iiwan? Iniwan ba niya? Iniisip ba ito ni Dad? What relationship does he have with his own father? Will I ever get to meet him? Sa Lakambíni, anong relasyon ni Dad? I anticipate na most likely, we’ll eventually meet. Will she recognize Joaquin and I? Will I get to call her lola? Will she care?

Anyway, nang mabasa ko ang notification tungkol sa pagtatanggal ng mga relihiyon, and all its legal implications, pakiramdam ko, personal message iyon sa akin ni Dad. Not even sa amin ni Joaquin. Sa akin lang talaga, dahil I don’t think may idea na si Joaquin about any of this. Ni hindi niya nga alam ang histura ni Dad. I don’t think iniisip niya si Dad. I don’t think iniisip niya ang idea ng pagkakaroon ng ama in itself. Just because nung nagkaisip siya, kami na lang talagang tatlo nina Mom. But maybe I am also underestimating Joaquin. When I was his age now, marami na rin naman akong kalokohan. Baka weakness din ito ng older siblings, to think na mas laging inosente ang mga nakababata nilang kapatid, kahit gaano na sila katanda both?

Anyway, nu’ng finally may tumawag nga kay Mom, alam ko na. It will be about us, about that newly-enacted law, about how it will change all our lives. Mas nagulat ako na hindi si Dad mismo ang tumawag, kundi isa sa staff niya. Not even his chief of staff. But of course. Busy siya malamang. O ayaw niya lang sigurong phone lang ang una nilang usapan ni Mom. Gusto kong isipin na iniwan niya kami, na wala naman talaga siyang pakialam sa amin, dahil ito ang mas madali. Pero sa loob ko, hindi ko rin mapigilan ang pagbalik-balik ng mga alaala, fabricated man o hindi. Mga alaala na alam kong dala-dala ko up until now kahit hindi ko laging pinapansin. Na kinakalong niya ako, na niyayakap niya ako, na gusto niyang matiyak na masaya ako. Of course, kahit iyung memory ng mga pinapagalitan niya ako dahil sa kung ano-anong kakulitan ko, especially with Puta na hindi naman pala talaga puta, I keep with me. Kasi nagbibigay rin sila ng authenticity du’n sa past na binuo ko sa sarili ko.

Pagkababa ni Mom sa phone, sabi niya lang, Gusto tayong makita ng Dad n’yo. Tumango lang ako. As soon as possible, pahabol ni Mom. Tumango ulit ako. Meaning, tomorrow, if possible. Tumango ako, after my class, bulong ko. That night, pinilit kong mag-aral sa ibang subjects. Pinilit kong upuan ang plano ko for my thesis. Wala, hindi ako umuusad. Para akong masusuka na ewan. Natatakot ako na bumalik ang condition ko dati. Mga gagambang naghahagaran, nagkakaripasan ng takbo samantalang nilalagari ang bungo ko. Binalikan ko ang Patnubay. Iniisip ko ang hitsura nu’ng prof namin, pero hindi ko maalala. Ang naaalala ko lang, pinagbigyan niya akong palitan ang nobela ni Pablo sa silabus namin.

Actually, hindi ko alam kung bakit ko sinabi iyon. I mean, clear naman na best work ni Pablo ang Patnubay—o clear nga ba?—but I also knew that that was not the point of the class. I just thought na baka mas challenging ito kesa sa Calle. Isa pa, hindi naman talaga ako masalita sa klase. I don’t volunteer my thoughts sa other subjects, not even in my majors. Siguro kasi, ang tagal ko nang walang kahit anong lit class. I was thinking of actually joining H— instead of just submitting my works to them, para may makausap man lang tungkol sa mga librong binabasa ko, but decided against it. Sa loob ko, takot ako sa commitment. Running joke ko sa sarili ko na kahit nga sa “Are you sure?” button ng mga apps o survey, napapaisip pa ako nang matagal. Tapos, saka ako matatawa. Ang sure, hindi ko na pipindutin. Iko-close ko ang app, o ang window ng kung anumang site. And I then move on with my life. Gusto kong may makausap paminsan-minsan sa lit—but, not all of the time. On my own terms.

Itinuloy ko ang pagsusulat ng notes para sa report ko sa Patnubay pero bago pa ako makatapos magri-read ng isang patnubay, nag-open ako ng journal. Not an app, but an actual journal. Pen and paper. At sinubukan kong magsulat. Akala ko, magsusulat ako ng panibagong tula. Pero nauwi ako sa pagsusulat tungkol sa isang panibagong ambisyon. Kasaysayan ng Nobela.

(Itutuloy)

Si Edgar Calabia Samar ay Associate Professor sa Ateneo de Manila University at may-akda ng mga premyadong nobela at tula. Pinarangalan siya ng S.E.A. Write Award nitong 2024.