TALISMAN

(Unang nailathala: LIWAYWAY, Hunyo 12, 1950)

Ni NEMESIO E. CARAVANA

DUMATING sila sa bahay-pahingahan na hindi makatkat sa guniguni ni Nanding ang kapangahasang ginawa ni Ricardo kay Ganeya. Sa lahat ng sandali’y para niyang nakikita ang ginawang paghawak ng anak ng may-ari ng minahan sa bisig ng Igorotang nagkaloob sa kanya ng tapis. Dumating na ang kanilang paghahapunan, na para pang nakikita ni Nanding ang ginawang pagpisig ni Ganeya upang magkakawala sa kamay ni Ricardo. Buhay na buhay na naglalaro pa rin sa kanyang balintataw ang matuling pagtakbo ng dalagang igorota na nagkapitak na sa kanyang puso.
“Ano ka?” ang may kahalong sanggi ng bisig na salita ni tandang Soro, sa binatang tila namamalikmata. “Bakit hindi ka kumakain? Ano ba ang iniisip mo?”
Pinilit ni Nanding na tumikim ng nakahandang pagkain. Hindi siya sumagot gaputok man kay Tandang Soro. Napailing lamang ang matanda sa kanyang nasaksihan sa kinagigiliwang binata. Lumingon si Nanding sa nakabukas na darungawan. Nakita niya nakangiti na sa langit ang mga bituing kung minsa’y naghihilamos ulap.
Hinawakan sa bisig ni Tandang Soro ang binata nang makita niya itong tumayo na sa pagkain. Ilang sandaling nag-usap ang kanilang mga mata. Tumayo rin si Tandang Soro at binulungan ang binata:
“May ilang bagay akong itatagubilin sa iyo,” ang bulong ng matanda, “bago ka manaog ng hagdanan. Dapat mo munang makilalang lubos ang ugali ng Igorot.”
Sabay na lumabas ang dalawa sa balkonahe. Nagniningning ang mga mata ni Nanding na nakatanaw sa bayan-bayanang hindi gaanong kalayuan sa bahay-pahingahan.
“Talaga bang tutuloy ka sa pagdalaw kay Ganeya?” ang tanong ni Tandang Soro.
Tumango lamang si Nanding, at pinawalan mula sa kanyang dibdib ang isang mahabang paghinga.
“Kung gayo’y dapat mong malaman ang ilang bagay na may kinalaman sa pakikisalamuha sa kanila,” ang patuloy na paliwanag ni Tandang Soro, “sa unang-una mong pagpanhik sa kanilang tahanan ay hihingi ka agad ng inumin. Ang panauhing dumadalaw sa tahanan ng mga Igorot, na hindi humingi ng tubig na maiinom ay ipinalalagay nilang kaaway. Karaniwan nang sa tahanan ng mga Igorot kahit na munti ay may nakapalamuti o nakapahiyas sa dingding na isang balaraw. Huwag mong babatiin ni pag-ukulan ng pansin ang naturang palamuti.”
Matamang nakikinig si Nanding sa mahahalagang bagay na ipinagtatapat ni Tandang Soro, na mula sa pagkabata’y inuban na sa pakikisama sa mga taal na tao ng lalawigang Bulubundukin.
“Ang inumin, para sa mga Igorot ay nangangahulugan ng pagtitiwala mo sa tahanang iyong pinapanhik,” ang patuloy na paliwanag ni Tandang Soro, “isang bagay na pagbibigay kapurihan sa may tahanan. Ang balaraw na palamuti ay nangangahulugan ng mahalagang bagay: “nagpapahayag na siyang gagamitin ng maybahay sa sinumang lumapastangan o magkulang ng pagpipitagan sa tahanang pinapanhik.”
Pagkatapos ng mga ilan pang bagay na ipinaliwanag ni Tandang Soro ay tuluyan nang nanaog si Nanding. Tinalunton niya ang landas na patungo sa lawa-lawaan, na sa hindi kalayuan nito’y nakatirik ang munti, ngunit maayos na tahanan ng mag-amang Sinay at Ganeya. Hindi alintana ni Nanding ang matinding lamig. Wala siyang nararamdaman kundi ang masidhing pananabik na makarating kaagad sa tahanan ng Igorotang kanyang nilalangit.

Kakaba-kaba ang dibdib ni Nanding nang itigil ang kanyang mga paa sa paanan ngg hagdanan nina Ganeya. Isang impit na “magandang gabi po” ang nalaglag sa kanyang mga labi. Ang una niyang pagbibigay-galang ay hindi tinugon ng maybahay. Nalalaman ni Nanding na gayon ang mangyayari, pagkat ipinaliwanag sa kanya ni Tandang Soro, na kailangan ang tatlong pagbibigay-galang bago siya tutugunin. At isa… hanggang sa bigkasin niya ang huling “magandang gabi po”. Nakita ni Nanding na gumalaw ang liwanag ng ilawan sa kabahayan. Narinig din niya ang lagitikan ng sahig, at walang anu-ano’y bumungad sa pintong nakabukas si Sinay, na ama ng dalagang kanyang nilalangit.

“Sino ka?” ang tanong sa wikang Igorot ng ama ng dalaga.

Yumukod lamang si Nanding, saka inulit ang kanyang “magandang gabi po.”

“A, Tagalog… tuloy ka,” ang pakli ni Sinay sa wikang nalalaman ni Nanding, “tuloy…”

At madali namang binilang ng mga paa ni Nanding ang tatatlong baytang ng hagdanan.

“Kaunting inumin,” ang malumanay na salita ng binata. “Nauuhaw ako.”

Si Ganeya, na nabigla sa pagdalaw sa kanilang tahanan ni Nanding ay madaling kumilos at kumuha ng inumin at iniabot sa binata. Habang umiinom si Nanding ay nakatitig ang kanyang mga mata sa mukha ng magandang Igorota. Wala rin namang alis ang mga mata ni Gaenya sa kanya. Nang mangalahati ang inumin ay ibinaba ni Nanding ang baso at iniabot kay Ganeya. Umiling ang magandang tala sa kabundukan, at paanas na sinabi ang ganito: “Ubusin mo… ubusin mo… ipalalagay kong hindi mo minamahal ang aming tahanan at wala kang tiwala sa amin kundi uubusing lahat.”

At sa sangkisapmata ay inubos ni Nanding ang inuming inihandog sa kanya ni Ganeya.

“Salamat sa inumin,” ang buong kasiyahang namutawi sa mga labi ng binata.

Isang ngiti ang sumilay sa mga labi ni Ganeya. Si Sinay na ama ng dalaga ay lubusang nagiliw kay Nanding.

“May katwiran ang aking anak,” ang bulong sa sarili ni Sinay, “sa lalaking pinagkalooban niya ng tapis.”

Pinagala ni Nanding ang kanyang mga mata sa paligid-ligid ng munting kabahayan. Natambad sa kanyang mga paningin ang isang balaraw na nakapahiyas. Noon siya ganap na naiwala sa sinabi ni Tandang Soro. Isang impit na pasasalamat ang nulas sa kanyang mga labi, na iniukol niya sa matandang kanyang tagapayo.

“Maupo ka… maupo ka,” ang anyaya ni Ganeya sa binata.

Luminga-linga si Nanding upang hanapin ang luklukang ibig paupuan sa kanya ng Igorota. Wala siyang makitang anumang likmuan. Nakangiti si Ganeyang naupo sa lapag. Isang lihim na ngiti ang naglaro sa sulok ng mga labi ni Nanding. Naupo na rin siya sa lapag na kagaya ni Ganeya.

“Ano ang kahulugan ng tapis na ipinagkaloob mo sa akin?” ang halos pabulong na sinabi ni Nanding.

Ikinurap-kurap ni Ganeya ang kanyang mga mata. Nasinag sa kanyang mukha ang hiya at kumibot nang bahagya ang kanyang nguso.

“Ano lamang ang kahulugan, e?” ang ulit ng binata.

“Buhay!” ang tugon ni Ganeya na sinabayan ng pagtutungo ng ulo.

Hinawakan sa tulis ng baba ni Nanding ang magandang Igorota at itinaas.

“Buhay?” ang wikang paanas ma’y maliwanag na maliwanag. “Anong buhay ang ibig mong sabihin.”

“Buhay at pag-ibig!” ang tahasan nang pahayag ng Igorota. “Ang tapis sa katawan namin, pag inalis at ibinigay sa isang binata’y mahalaga. Ibinibigay lamang iyan sa lalaking maghahatid sa amin sa dambana ng pag-iisang-puso.”

“Ang ibig mong sabihi’y… iniibig mo ako?” ang wari’y nangangarap na tanong ni Nanding.

“Oo,” ang walang gatool na tugon ni Ganeya, “iniibig mo rin ba ako?”

“Higit pa sa pag-ibig ng hanging humahalik sa mga dahon ng pino; malaki pa sa pagmamahal ng ulap sa langit…”

Isang maluwag na paghinga ang pinawalaan ni Ganeya, habang nakasilay sa mga labi ang ngiti ng kasiyahan.

“Ano ang pangalan mo?” ang usisa ng dalaga.

“Nanding…” ang tugon ng binata, “Fernando Octubre, Jr…”

“Nanding…” ang sunod naman ni Ganeya,” Fernando… Oktubre…”

Nagkahalakhakan ang dalawa, dahil sa pagaril na pagkakabigkas ng dalaga sa pangalan ng binata.

At…

Ang buwan ay ibig nang mangubli sa likod ng bundok. Biglang napatayo si Ganeya.

“Umuwi ka na, Nanding,” ang wika ng dalaga, “habang may ilaw pa ang langit. Mapanganib pag nangubli na ang buwan sa likod ng bundok.”

“Hindi ako natatakot maglakad sa karimlan,” ang tugon ng binata, “kailanma’t baon ko ang iyong pag-ibig at pagmamahal.”

“Matakot ka kay Galudan,” ang pakli ng dalaga, “ang makapangyarihan at malakas na binata sa aming bayan-bayanan. Marami siyang pinapatay na nanliligaw sa akin. Maaaring mag-abang siya sa madilim na landasin at paslangin ka. Mamamatay ako kung masasawi ka, Nanding.”

At muling tinapunan ng tanaw ni Ganeya ang buwang gumigilid na sa tuktok ng bundok.

“Huwag sanang matigas ang ulo mo,” ang ulit ni Ganeya, “hala na… umuwi ka na.”

Luminga-linga si Ganeya, hanggang sa tumigil ang kanyang paningin sa balaraw na pahiyas sa dingding. Lumapit ang dalaga sa kinasusuksukan ng balaraw at hinugot ito at muling lumapit sa binata.

“Narito ang sandatang kinasasandigan ng buo naming karangalan,” ang wika, “baunin mo sa pag-uwi at nang magamit mong pananggol sa sinumang mangangahas na pumaslang sa iyo.”

Sinunod ni Nanding ang utos ng babaing kanyang iniibig. Pagkatapos na abutin ang balaraw ay tinungo na niya ang hagdanan at tinahak ang landas na patungo sa bahay-pahingahan. Mga huling sinag na lamang ng buwan ang nakatatanlaw sa landasin. Kakaba-kaba ang dibdib ni Ganeya, habang nawawala sa kanyang paningin ang anino ng binatang minamahal niya nang higit sa kanyang buhay.

Nakarating ng bahay-pahingahan si Nanding nang walang anumang panganib na kinasuungan, ngunit nang pumanhik siya at makarating sa balkonahe ay sinalubong siya ng galit at magaspang na tinig ni Ricardo Montex, Jr.

“Ibigay mo sa akin ang tapis ni Ganeya at kung hindi ay uubusin ko sa iyo ang lamang punlo ng rebolber kong hawak!”

Hindi nakasagot gaputok man si Nanding. Nabigla siya sa pagsalubong ng anak ng may-ari ng minahan. Nakita niya si Tandang Soro, na nakatayo sa likod ni Carding.

“Ano? Ibibigay mo hindi sa akin ang tapis ni Ganeya?”

(Itutuloy)