Food Server

“Malaki ba’ng bag mo?” “Bakit?”

Ni Ralph Vincent V. Mendoza

“‘DI naman sa malayo magke-catering,” pangungumbinsi ni John, “sa pavilion lang din ng Tan’s gaganapin. ‘Di masyadong nakakapagod.”

Panay kasi ang tanggi ko sa alok niyang mag-food server ulit sa nasabing restaurant. May catering service raw ulit at kailangan ng tao. Si John ang tinatawagan ng isa sa mga chef kapag may mga ganitong ganap. Alam kasi nitong marami siyang kaibigan at kaklaseng kailangang kumita ng pera habang nag-aaral gaya ko. Sa katunayan, katatapos ko lang rumaket nang tumawag siya. Nanananghalian kami ng mga kapatid ko nang may biglang pumunta sa bahay namin kanina. Pinasusundo ako. Kung gusto ko raw magkayod ng niyog. Sige ‘kako. Pinatos ko dahil mabuti ring pandagdag sa pambili ng gamot ni Nanay.

Natatanaw ko pa lang ang bakuran ng kapitbahay namin, alam ko na isa ito sa mga bahay na magkakaroon ng enggrandeng selebrasyon bukas. May kumakanta na agad sa videoke habang sa garahe naman, may mesang mahaba na gawa sa kahoy. Nakahiga ang dalawang baboy na kinatay. Mukhang bukod sa fiesta, may iba pang ganap dito. At tama nga ang hinala ko. Nakita ko sa terrace ang malaking tarpaulin na may larawan ng sanggol—na sa tantya ko ay tatlong buwan ang edad—at may nakasulat na “Happy Christening Baby Josh! Welcome to Christian World!”

Ibinigay sa akin ng may-ari ng bahay ang kaukulang bayad pagkatapos kong iabot sa kaniya ang limang maliliit na palanggana ng mga kinayod kong niyog. Pinabaunan pa ako ng apat na pirasong donut na mukhang mamahalin ang presyo. Ngumiti ako at nagpasalamat.

“Ano bang nangyari no’ng nakaraan? Ba’t ayaw mo nang bumalik?” magkakasunod na tanong ni John nang hindi pa rin niya ako makumbinsi sa kabila ng lahat ng kaniyang sinabi.

***

Magtatlong oras na kaming nakaupo sa sahig ng sinasakyan naming L300 na walang rear seat. Siksikan. Halos mata lang ang puwedeng gumalaw. Bawal uminat dahil posibleng matamaan ang katabi. Damang-dama ang init ng hininga ng bawat isa. Pati ang kani-kaniya naming amoy, naghahalo. Bukod sa aming mga food server at waiter, nakasalampak din sa loob ng nasabing sasakyan ang iba pang catering equipment na hindi na nagkasya pa sa truck ng restaurant na nakabuntot sa amin. Kaya wala talagang espasyo para humilata. Iniyuyukyok lang namin ang ulo kapag dinalaw ng antok o isinasandal sa balikat ng katabi. Pero magigising din kami kalaunan dahil sa biglang pagpreno ng sasakyan. O kaya naman, biglang uugtol dahil sa lubak o humps na nadaanan.

Pumatak ang ala-singko ng umaga. Wala pa rin akong maayos na tulog. Natanaw ko na sa windshield ang subdibisyong pupuntahan namin dito sa Alabang. May boom barrier na nakaharang. Lumabas ang bantay sa guard house nang makalapit kami roon. Pagkatapos masagot ng drayber namin ang ilang tanong ng gwardiya, pinapasok na kami. Sumunod ang truck na nasa likuran namin.

“Maraming artistang nakatira dito,” sabi ng isang food server kahit wala namang nagtatanong. Nabasag tuloy ang katahimikang bumabalot sa loob ng van.

“Sino-sino?”

“Basta, marami.”

“Sana may makita tayo,” sabi ko na lang. Pakiramdam ko obligado akong makipag-usap dahil nagtama ang aming mata nang magsalita siya.

Sunod-sunod ko nang nakita ang magaganda at naglalakihang mga bahay. Parang wala na ako sa Pilipinas. Ganito kasi ang mga bahay na madalas kong makita sa mga Hollywood movie. Matataas ang bakod at dambuhala ang mga gate. Siguradong sa bakuran ng mga ito ay may swimming pool na napalilibutan ng bermuda grass.

Nagsisimula nang sumilip ang bukang-liwayway. May mangilang-ngilan nang nagja-jogging sa gilid ng kalsada. May iba ring nagpapastol ng malalaki nilang aso. Pero pansin ko, kapag nagkakasalubong ang mga tao rito, hindi sila nagpapansinan. Ibang-iba sa probinsiya na madalas nagbabatian at nagngingitian ang mga magkakabarangay.

Makalipas ang ilang oras na biyahe, narating din namin ang mansiyon ni Sir Hugh, may-ari ng Tan’s Restaurant, na tatlong palapag ang taas. May malaking garahe sa harap ngunit wala ang kotse. At katulad ng inaasahan ko sa mga nakatayong mansiyon sa subdibisyon, may swimming pool nga sa loob.

Unang beses kong makasama sa catering service na ganito kalayo. Nagpaubaya muna sina John at ang iba ko pang kaklase dahil ilang beses na silang nakakarating dito. Laging sa loob ng Quezon ang catering service na napupuntahan ko kapag kinukuhang food server. Wala na akong makitang bago.  

Nilibot ko pa ng tingin ang mansiyon ni Sir Hugh. Hindi ko napigilang humanga. Transparent na salamin ang nagsisilbing harap ng kanilang ikalawang palapag. Split-face na granite stone naman ang mga dingding sa ibaba. May voice-activated home security system pa sa loob. Naputol ang pagmamasid ko sa ilang bahagi ng bahay nang tapikin ako ng head waiter. Magbababa na raw ng mga gamit sa truck. Umangal ang isip ko. Gusto ko sana munang umidlip doon sa folding chair na malapit sa pool o kaya sa duyan. Wala pa akong maayos na tulog mula nang umalis kaming Plaridel. Pero katawan ko rin ang nasunod sa huli.

Pagkatapos maibaba ang lahat ng gamit na lulan ng truck, tinulungan naming mga food server ang mga waiter sa pag-aayos ng garahe na magiging venue ng pagdiriwang. Nilagyan namin ng artificial flower at turf ang plywood na magsisilbing background sa mga nakahilerang buffet. Nag-set-up na ng table décor ang ibang waiter at hinango naman ng ilan ang mga table cloth na mula sa isang malaking kahon. Tapos pinunasan namin ang mga baso, stemware, plato, kutsara, at tinidor para matanggal ang mga alikabok ng mga naturang gamit. Isinet-up na rin ang fondue fountain at hotdog steamer. Pati ang stall na lalagyan ng canape at iba pang dessert.

Nagsimulang magsidatingan ang mga bisita nang unti-unting kumagat ang dilim sa kalangitan. Mukhang galing lahat sa iba’t ibang lugar dahil puro nakakotse. May dalang malalaking regalo para sa bunsong anak ni Sir Hugh na nagdiriwang ng ikatlo nitong kaarawan.

***

Magaan na ang trabaho pagsapit ng gabi. ‘Di gaya kanina. Tumulong din kasi kami sa kitchen. Nagprito kami ng thigh part ng manok sa isang malaking kawali. Inutusan din akong tanggalan ng ulo ang dalawang kilong hipon habang ang iba kong kasama ay pinaghiwa ng mga gulay na ilalahok sa lulutuing chop suey.  

Pero ngayon ay nagsasandok na lang kami ng pagkain sa mga bisita. Hindi naman masyadong marami ang dumalo kaya banayad lang ang bawat galaw. Walang dahilan para mangarag. Sa hotdog steamer ako pinapuwesto para mag-serve ng footlong. Pinasamahan ako sa isa pang food server—iyong nagsabi sa akin na marami raw artistang nakatira rito noong nasa biyahe kami—para mag-asikaso naman sa fondue fountain at stall ng canape at ng iba pang dessert.

“Malaki ba’ng bag mo?”
“Bakit?”

“Ano, may nakita ka na?” tanong ko sa kaniya na nakilala ko sa pangalang Axel. Ngayon ko lang siya nakasama sa catering service. Pero pamilyar na ang mukha niya sa akin. Madalas ko siyang nakikita sa Tan’s bilang waiter.

Natatawa siyang umiling. “Wala pa nga, ay.”

Masaya kaming lahat pagkatapos makakain ang mga bisita. Kami na kasi ang kasunod na lalamon. Pero bukod pa roon, pinayagan din kaming tumikim ng mga handang pagkain kaya lalong naging masaya ang aming hapunan. Mula appetizer hanggang dessert ay nilantakan namin. Walang pinalampas na pagkakataon dahil hindi nangyayari ang ganito kapag ibang tao ang nagpa-cater. Kung ano ang nirasyong pagkain para sa amin, iyon lang dapat ang kakainin. Maliban na lang kung pinayagan kaming magbalot.

Isinagad ko ang pagtsibog. Alam ko kasing kasunod na nito ang pinakamahirap na bahagi ng trabaho: pagliligpit ng mga gamit. Mag-aalas-onse na ng gabi nang matapos ang pagdiriwang. Tinatablan na ako ng antok at sinisingil na ng pagod. Masarap nang humiga at matulog lalo na sa tulad namin na kagabi pa puyat.

Nang maramdaman kong bibigay na ang katawan ko, pumunta muna ako sa dirty kitchen ng bahay ni Sir Hugh na naroon din ang aming mga personal na gamit. Pabagsak akong umupo sa lumang sopa sabay hugot nang malalim na buntonghininga. Pipikit na sana ako nang makita kong hawiin ni Axel ang pulang kurtinang nagsisilbing harang sa bahaging ito ng bahay.

“Ano ‘yan?”

Pero sa halip na sagot, isa ring tanong ang natanggap ko mula sa kaniya. “Malaki ba’ng bag mo?”

“Bakit?”

“Palagay muna nito,” sabi niya sa akin na ang tinutukoy ay ang kipkip niyang isang balot ng hotdog na tira mula sa sini-serve ko kaninag footlong. “Paghatian natin mamaya.”

“Baka sumabit tayo diyan.”

“Hindi, ako’ng bahala. Alam na ‘yan.”

Naunang lumabas si Axel sa dirty kitchen. Saka lang ako sumunod nang maramdaman kong igugupo na ako ng antok. Tumayo ako at tumalon-talon. Inalog-alog ko ang aking buong katawan sa pag-asang matatanggal nito ang pagod na naramdaman ko sa buong maghapon. Dadampot pa lang sana ako ng magkakapatong na monobloc na hahakutin sa truck nang biglang may magtanong na waiter.

“Nasa’n ‘yong isang balot ng hotdog dito?”

Walang espisipikong tao na pinatutungkulan ang tanong. Tanong iyon para sa lahat ng naroon sa garahe. Mapa-waiter man o food server. Pero walang sumagot. Lumapit ang head waiter para itsek ang ilalim na bahagi ng steamer kung saan nakalagay ang nasabing frozen food. 

“Napakapatay-gutom naman ng kumuha n’on,” usal niya na sinundan ng mapang-uyam na tawa. “Pinakain na nga’t lahat, nandekwat pa.”

***

Simula noong gabing iyon, sinabi ko sa sariling hindi na ulit ako babalik pa sa Tan’s. Pero nang pumasok ako sa bahay pagkatapos naming mag-usap ni John, hindi ko naiwasang pagmasdan ang kalagayan ni Nanay. Mahimbing siyang natutulog sa sopang de-kawayan. Nakakumot. Nilalagnat pa rin base sa huling tsek ko sa kaniyang temperatura. Mukhang kailangan ko na siyang dalhin sa ospital.

Kaya hinugot ko ang cellphone sa aking bulsa para sabihin kay John na pumapayag na akong mag-food server. Naisip ko kasi na wala naman akong dapat iwasan dahil wala naman akong ginawang kasalanan. Hindi naman ako ang kumuha sa mga natirang hotdog. Pinalagay lang sa bag ko pero hindi ko kinuha. Wala akong kinuha. Nang malaman kong may sabit ang plano ni Axel, pasimple kong ibinalik ang nasabing frozen food sa ref na nasa dirty kitchen nina Sir Hugh.

Natuwa si John nang umoo ako sa alok niya. Ipapakuha rin daw kasi niya ang suweldo niya at ng dalawa pa naming kaklase na kasama niyang nag-cater noong nakaraan. Matatagalan na raw silang makabalik sa Tan’s dahil magsisimula na silang mag-SPES sa kani-kanilang barangay.

May mga pagkakataong hindi agad ibinibigay ng Tan’s ang suweldo para sa mga food server lalo na kapag gabi na natatapos ang catering service dahil naniniwala ang pamilya nina Sir Hugh sa pamahiing malas daw maglabas ng pera kapag gabi. Kaya ang siste, kailangan pa naming bumalik. Pero para makatipid sa pamasahe, iniipon na lang muna ng iba sa accounting. Saka na lang kokobrahin kapag nagkataong may trabaho ulit sa susunod na araw. O kaya naman, ipinapakuha sa kaibigang du-duty gaya nitong ipinapagawa sa akin ni John.

Maagap natapos ang wedding reception sa pavilion kinabukasan. Pasado alas-kuwatro pa lang ng hapon, nagbababa na kami ng mga gamit para magligpit. Kaya nakuha ko ang suweldo ko pati na rin ang kina John. Pinapirma lang ako ng taga-accounting sa logbook bilang katunayan na ako ang inatasan ng mga kaklase kong kumuha ng katas ng kanilang pinagpaguran. Itinupi ko ang mga perang papel na iniabot sa akin at agad na inilagay sa kaliwang bulsa ng aking pants. Palabas na sana ako ng restaurant nang biglang may tumawag. Hinugot ko sa kaliwang bulsa ng pants ko ang nag-vibrate na cellphone.

“Hello, p’re,” bungad ni John sa kabilang linya, “kumusta?”

“Okay na.”

“‘Yun, salamat! Punta kami sa inyo. Inom tayo.”

Pass muna ‘ko. Papatsek-ap ko si Nanay.”

“Napaano?”

“Nilalagnat. Mag-iisang linggo na.”

“Kailangan mo ba ng pera? Gusto mo hiramin mo muna ‘yan.”

“Saka na lang ‘pag kinulang. Kunin n’yo na lang ‘to mamaya sa bahay.”

“Sige, ingat. Happy fiesta.”

Pinatay ko na ang tawag. Isinilid ko na ulit ang cellphone sa kaliwang bulsa ng aking pants. Saka lumabas sa restaurant para mag-abang ng dyip sa gilid ng kalsada.

“P’re,” tawag ng isang pamilyar na boses. Nilingon ko para alamin kung kanino galing. Kay Axel. Nasa bungad ng restaurant. Suot ang unipormeng pang-waiter. Kagagaling lang niya sa loob ng nasabing establisyimento. At ako ang kaniyang tinawag.

“Nalaglag,” sabi niya sabay taas sa kaniyang kanang kamay na may perang hawak. Lumapit siya sa akin. Iniabot ang napulot na bagay sa kung saang bahagi ng restaurant. Pero sa halip na tanggapin, ipinasok ko muna ang dalawa kong kamay sa magkabilang bulsa ng suot kong pants upang siguruhing sa akin talaga ang nalaglag na pera. Saka ko lang kinuha ang isinosoli niya nang makumpirma kong sa akin nga iyon.

Natanaw ko ang paparating na dyip. Sa barangay na inuuwian ko ang ruta ng biyahe ayon sa sign board na nakasabit sa windshield ng sasakyan. Pinara ko. Tipid naming nginitian ni Axel ang isa’t isa bilang hudyat ng pagpapaalam bago ako tuluyang sumakay.

Walang salitang lumabas sa bibig namin. Hindi na ako nakapagpasalamat. Hindi na rin siya nakapagbigay pa ng paliwanag o maski nakahingi ng paumanhin sa nangyari noong nakaraan. Pero sigurado akong sa kaibuturan ng aming damdamin—magkita man kaming muli o hindi—alam naming pareho na ayos na ang lahat.