ni Erwin M. Mallari
Nagbibiruan ang buong pamilya.
“Ate, Bawal isuko ang Bataan!” sigaw ng aking Tatay Junior sabay nagtawanan sila Kuya Mikoy, Tita Duday at Tito Mike.
Napakunot naman ang noo ko.
Bakit bawal isuko ni Ate ang probinsya namin? Si Ate ba ang may-ari ng Bataan? Lumapit agad ako kay Nanay.
“Nay, Bakit bawal isuko ang Bataan?” tanong ko.
“Arthur, itanong mo sa lolo para malaman mo,” may lambing na sagot ni Nanay.
Tumabi ako kay Lolo Miguel.
“Lolo, may kayamanan ba ang ating bayan?” tanong ko kay Lolo habang pinupunasan niya ang kaniyang salamin para maaninag ako.
“Ano ang kayamanan ng Bataan?”
“Bakit bawal isuko ang Bataan?”
Sunod-sunod ang tanong ko.
“Oo Arthur, mayroon. Kaya hindi ko din isinuko ang Bataan,” nakangiting sagot ni Lolo.
“Ano iyon, Lolo Miguel?” nanabik kong tanong.
At sinimulan ni Lolo Miguel ang kuwento.
***
Ikalawang Digmaang Pandaigdig noon. Abril, 1942. Madalang marinig ang katahimikan sa bayan natin. Putok ng baril, ugong ng tangke at eroplanong naghahabulan sa langit ang madalas mong maririnig. Kalaban ng bansa natin ang mga mananakop na Hapones.
Isang pagsabog malapit sakin ang muntik ng kumuha ng aking buhay. Tanging naririnig ko lang sa aking mga kasama “ Walang susuko!”
“Huwag natin isuko ang Bataan!”
Ang sarap ipikit ng aking mata para ako’y makapagpahinga. Pero bakit ako’y bumabangon at lumalaban pa?
“Bakit ba bawal isuko ang Bataan?” tanong na hindi na masagot ng isipan.
Mapulang-pula ang langit. Tahimik ang paligid pero ang mga mata ko nagkukuwento ng isang pangyayari nagpapakabog ng dibdib ng buong mundo.
“Lolo Miguel, Bakit kayo kasama sa giyera? At bakit dito sa bayan natin ang giyera? Singit kong tanong kay Lolo Miguel.
“Boluntaryong sundalo ako noon na inatasan na huwag isuko ang bayan.”
“Huling linya ng depensa ang Bataan at kapag natalo ito para na din natalo ang lahat ng Pilipino,” paliwanag ni Lolo. Lalo akong nasabik.
Nagpatuloy lang si Lolo sa pagkukuwento.
***
Ilang buwan na pakikidigma sa mga Hapones. Marami na dumapa at hindi na nakabangon pa. Kailan ba matatapos ang kaguluhan ito. Sino ba ang dapat manalo? Bakit ba dapat manalo?
Ito ang mga tanong na gumugulo sa akin habang pinagmamasdan ang mga ibong sinisira ang aking bayan. Ibong may makina at naglalaglag ng bomba. Eroplano ng mga Hapones.
Bigla akong sumingit sa kuwento ni Lolo Miguel.
“Lolo, saang parte ng Bataan kayo lumalaban noon?”makulit kong tanong.
Ngumiti si Lolo Miguel at nagpatuloy.
***
Ang Bayan ng Mariveles ang dulo ng Bataan.
Huling linya ng depensa. Paubos na rin ang mga bala. Pawala na rin ang pag-asa. Pasuko na ang Bataan.
“Lumaban ka, Miguel!” ginigising ni Lucio habang ginagamot niya ang sugat sa ulo ko. Sugat na nakuha ko sa sumabog na bomba malapit sa aming dalawa.
“Alam ko malapit na itong matapos,” dagdag niya.
“Umalis ang ating Heneral ang sabi niya babalik siya,” sabi ni Lucio.
Bumangon ako para iputok ulit ang aking baril.
Pero wala na pala itong bala.
“Gumawa ng mga patibong,” utos ng aming kapitan.
“Ihulog ang mga bato,” dagdag pa niya
Lakas na lang ng loob ang bumubuhay sa bawat isa. Kasama ang kamote, saging at iba pang puwedeng kainin. Ipinuputok ang mga sigaw para bumalik ang pag-asa. Bukod sa bala ng kalaban, sakit na dengue at malaria ang nagpapadapa sa amin isa-isa.
“Lolo, mahirap pala ang giyera, walang makain at nagkakasakit pa,” sabi ko kay Lolo Miguel habang ini-imagine ko na mas matapang pa pala siya kay Superman.
Tinuloy ni Lolo Miguel ang kuwento.
***
“Suko na ang Bataan!” sigaw ng aming kapitan.
“Dumapa at itapon ang mga baril,” utos niya.
Nakadapa kami ng mga kasamahan kong sundalo.
Papalapit na ang hakbang ng mga Hapones. Galit na sumisigaw pero hindi namin maintindihan.
Hindi dahil sa kanilang wika kung hindi dahil sa kagustuhan nilang sakupin ang ating bayan.
“Ano na ang mangyayari sa atin?” bulong ng ibang sundalo.
“Makakauwi pa ba tayo sa mga bahay natin?” tanong ng bawat isa.
Kinalma ko ang sarili ko. Nakapikit at nagdadasal. Dasal na nagbibigay pag-asa. Alam ko ganoon din ang ginagawa ng iba.
Sumingit na naman ako.
“Lolo, ano ang nangyari noong sumuko na kayo?”
Nagkuwento na agad si Lolo.
***
Mula Mariveles lumakad kami pa-Norte sa ilalim ng nagngangalit na araw. Walang pahi-pahinga sa kamay ng mga Hapones. Hindi alam kung saan pupunta. Inihahakbang namin ang pag-asang mabubuhay pa kami. Pero isa-isang dumadapa at naiiwan ang iba. Dahil sa pagod at pagmamalupit ng mga Hapones. Tuyo na ang mga lalamunan. Bitak-bitak na ang balat. Bibig na kumukuha ng hangin. Kalyo at sugat-sugat na ang mga paa. Lahat kaming mga sundalo na nahuli ay danas ito.
Ito ang bunga ng mga giyera. Walang silbing giyera.
Huminto sandali si Lolo Miguel sa pagkukuwento pero muling nagpatuloy. Tahimik lang ako. Ramdam ko si Lolo Miguel.
“Lakad lang at huwag susuko,”bulong sa bawat kasama. Madalas pa ang pag-ulan sa Mayo kaysa ibinibigay na pahinga. Walang tubig, walang pagkain, walang masasandalan kundi ang sarili. Sa paglalakad mas humaba ang pila pagdating sa bayan ng Pilar. Dumagdag ang mga kasamahang sundalo na sumuko sa Bagac. Patuloy ang lakad ng halos 80,000 na sundalo.
Kami ni Lucio ang magkasama at tunutulungan ang bawat isa. Mabuting kaibigan si Lucio. Hindi niya ako pinabayaan.
Hindi ko mapigilang hindi magtanong.
“Lolo, kung nakapila kayo, bakit hindi na lang kayo tumakbo at tumakas sa gabi?” tanong ko.
Nagkuwento na ulit si Lolo.
Madaming sumubok tumakas. Kaunti ang nagtagumpay. Kinukuhanan ng buhay ang nahuhuli. Nahuhuling tumatakas. At nahuhuli sa Martya ng Kamatayan sa Bataan o Bataan Death March.
Binabaril. Binibitay. Binubugbog.
Napakagat-labi ako sa sinabi ni Lolo.
“Kaya ninyo yan!” sigaw ng isang gusgusing bata sa gilid ng daan ng Baryo Layac, bayan ng Dinalupihan.
Napalingon ako at pumikit.
“Alam ko na kung bakit bawal isuko ang Bataan…” bulong ko kay Lucio.
“Bakit nga ba?” sagot ni Lucio.
“Tatagan natin at nasa dulo ng martsang ito ang sagot,” paliwanag ko sa kaniya.
At nakarating na kami sa San Fernando sa ikalimang araw. Mahigit 100 kilometrong lakaran. Sandaling paghinga ang naranasan namin. Pag-asa ang dala ng kami ay pinahinto.
Hawak ko pa rin ang sagot sa akin tanong kung bakit bawal isuko ang Bataan.
Isinakay kami sa Tren. Kabado ang lahat. Pagkadating ng Capaz, Tarlac. Lumakad ulit hanggang marating ang Kampo O’Donnell, ang huling destinasyon at magiging kulungan namin.
Lumipas ang mga araw at buwan. Hawak ko pa rin ang aking kasagutan. Kasagutang nagligtas sa aking sa Martsa ng Kamatayan.
At dumating din ang araw nang tayo’y naging malaya.
“Makauuwi na kami!” sigaw ng karamihan. Sabik ang lahat.
***
“Lolo, ano sagot mo sa aking tanong?”
“Arthur!” biglang sigaw ni Tatay Junior. “Kakain na at isabay mo na si Lolo Miguel.”
“Tara na po, Lolo,” pagmamadali ko.
Pagdating sa hapag-kainan, nagkukuwentuhan ang lahat. Masayang-masayang sinalubong si Lolo.
Yakap dito, yakap doon. Mano dito, Mano doon. Nawala na ang mata ni Lolo sa sobrang ngiti. Siya ang bida at bayani sa kuwentong paulit-ulit pala niyang ikinukuwento sa lahat.
Napangiti ako. Nakangiting tumingin din sa akin si Lolo Miguel. Alam ko na kung bakit hindi dapat isuko ang Bataan.
Hindi lang si Lolo Miguel ang ayaw isuko ng Bataan. Marami siyang kasamang lumaban para sa bayan at para makabalik sa kanilang pamilya.
“Masaya akong kumpleto na naman ang pamilya ko,” bulong ni Lolo Miguel sa aking tainga.