ni Raymund Magno Garlítos
Sa sining ng batang pintor na si Anthony Palo, hayag na hayag ang kaniyang pagkahilig sa mga
imahen ng mga bata, at hindi niya ito itinatatwa. “Mahilig kasi ako sa cartoons, anime, CG
(computer-generated) animated movies tulad ng mga pelikula ni Tim Burton, videogame
graphics at sprites,” pag-amin ni Anthony. “Iyon ang mga gusto kong idrowing noon, mga
ganoong child-like proportions, character designs – simplified, compact at cute – ‘chibi’ kung
tawagin sa kulturang Hapones, mga miniature versions.”
Dagdag pa ng pintor mulang Antipolo City, malaki ang impact ng imahenasyon o pantasya sa
kaniyang isip noong bata pa siya. “Ganoon ang nai-imagine ko – isang lugar kung saan ang mga
bata nagiging hari at reyna, mga prinsesa at prinsipe, mga dragon, knights, toy soldiers,
monsters, robots. Iyong mga kuwentong maaaring likhain nila sa kanilang isip, iyon ang gusto
kong ma-capture sa art ko.”
Ang inspirasyong iniwan sa kaniya ng pop culture tulad ng mga TV cartoon, comics at teks
(mga collectible card na gawang Pilipinas at sikat noong 1970s hanggang 1990s) ang naging
unang pardon ng kaniyang sining bilang isang batang visual artist. Ito ang humimok sa kaniya
na seryosohin ito mula elementarya at hayskul hanggang matanggap siya sa College of Fine
Arts ng Unibersidad ng Pilipinas sa Diliman. Ganoon pa man, malayo sa isip niya ang maging
pintor sa simula.
“Hindi ko naman pinili na maging painter sa simula [kasi] ang gusto ko nga noon e magdrawing
ng cartoons,” sabi ni Anthony. “Pinili ko iyong painting as major kasi naintriga ako kay Juan
Luna at sa painting niyang Spoliarium – kung paano ang isang artist ay naging bayani at ang
obra niya ay naging importante sa history at kultura natin. Naisip kong gusto ko ring
matutuhan kung paano iyon ginawa.”
Nang mabigyan ng oportunidad na makapag-eksibit ng sarili niyang show sa isang art gallery,
nagdesisyon siyang seryosohin ang pagpipinta. “Nag-full time ako kasi naisip ko na dapat
payabungin ko ang binigay sa aking skill o talento.”
Ilan sa mga nagsilbing mentor niya, mula noon hanggang ngayon, ang mga kasamahan niya sa
Saturday Group of Artists kung saan siya kabilang. “Sina Roel Obemio, Buds Convocar, Omi
Reyes, to name a few – nakikiking ako sa mga input nila. Inoobserbahan ko kung paano nila
inaatake iyong art nila, tapos ina-apply ko sa sarili kong gawa.”
Bilang pintor, pangarap ni Anthony ang makapagtanghal pa ng kaniyang sining sa
pamamagitan ng mga one-man show o group exhibit. Ganoon pa man, naroon pa rin ang
kaniyang willingness na matuto pa at mapaganda pa ang kaniyang sining at makapagbahagi pa
ng mga kuwento sa mga sumusunod na henerasyon ng mga visual artist.
“Ang layon ko bilang isang artist ang ipaalala natin sa lipunan ang pagkadalisay ng pagkabata
gamit ang sining,” paalala ni Anthony. “Ipaalala natin kung ano ba ang goal natin bilang
lipunan, bilang sariling indibidwal, bilang bahagi ng isang kabuuan. Ipaalala natin sa mga sarili
natin na dapat nating abutin ang pagkadalisay na iyon at gawin ang nararapat upang makamit
ito. Ang gawing realidad ang isang ideyal na mundo – iyon ang purpose ko sa aking sining,”
kaniyang paglalagom.