SI Cheeno Marlo Sayuno, 30 taong gulang, ay tubong Amadeo, Cavite. Kasalukuyan siyang nagtuturo ng komunikasyon, pananaliksik, at panitikang pambata sa UP Los Baños habang nagtatapos ng PhD Communication sa UP Diliman. Nakapagkamit siya ng Don Carlos Palanca Memorial Awards for Literature noong 2013 (Ikalawang Gantimpala, short story for children, “The Magic Bahag”) at 2017 (Ikatlong Gantimpala, kuwentong pambata, “Si Tiya Salome”). Inilathala ng Lampara Books ang The Magic Bahag noong 2014 at may reprint ngayong 2021, habang sila rin ang maglalathala ngayong taon ng Si Tiya Salome. Inilathala naman ng Adarna House ang The Missing Blanket na nagtamo ng karangalang banggit sa Salanga Prize ng Philippine Board on Books for Young People noong 2015. Ang Chikiting Books ng Vibal ang naglathala ng mga aklat na How Lakan Cried for His Father at Tik! Tik! Tikatik! Samantala, ang Sayaw ni Dayaw (2021) ay inilathala ng Anvil Publishing.
Ang Sayaw ni Dayaw ay kuwento ng isang batang natatangi—makulit, malikot, at maliksi. Kaya lamang, nang magkaroon ng sayawan sa paaralan, hindi tugma sa kilos ni Dayaw ang mga sayaw na kaniyang nasalihan. Matutunghayan sa kuwento ang pagtuklas niya sa natatanging talento. Naiiba ang kuwentong ito dahil, sa wakas, naipamalas ni Sayuno sa kaniyang panulat ang pagmamahal sa mga katutubong sayaw ng bansa.
Paano ka nagsimulang magsulat ng mga kuwentong pambata?
Cheeno Sayuno: Wala sa hinagap ko na makakapagsulat ako ng mga kuwentong pambata. Journalism ang kurso ko noong kolehiyo kaya malayo sa aking tinatahak na landas ang mundo ng panitikang pambata. Ngunit nang nag-aral ako ng MA Communication Arts sa UP Los Baños, may kurso sa pagsulat ng kuwentong pambata bilang isa sa mga elective. Si Emmanuel Dumlao ang nagsilbing guro at unang mentor ko rito. Nang matapos ang klase, sinabihan niya kami na isali ang aming mga pinal na proyekto sa kompetisyon o kaya ay ipasa para mailathala. Sinubukan kong magpasa sa Palanca, at nanalo ang kuwento kong naisulat sa klase niya. Ito na ang naging simula ng aking paglalakbay sa larangang ito.
Ano ang iyong mga paghahanda o pag-aaral sa pagsulat ng kuwentong pambata? Paano nakatulong sa iyo ang palihan itinaguyod ng Room to Read noong 2019?
Kasabay ng pagsulat ko ng mga kuwentong pambata, kailangan ko ring tumugon sa kahingian ng pagiging bahagi sa akademya. Kaya ang mga papel na aking isinusulat ay nakaangkla na sa panitikang pambata. Ito ang naging tesis ko noon sa masters, at nang tumawid ako sa PhD Comm, pinag-aralan ko naman ang mga bata at ang paglikha nila ng mga mundo sa kanilang paglalaro. Ito marahil ang isa sa mga nakatulong sa akin nang naging bahagi ako ng palihan ng Room to Read. Dahil nag-aaral ako ng tungkol sa pagkabata at dahil palagi kong kahalubilo ang mga bata (kapatid at pamangkin ko man o kaya ay mga batang participant sa pananaliksik), baon ko sa palihan ang kamalayan sa mundo ng bata at kung paanong isasapapel at ikukuwento ang kanilang karanasan sa lente at boses ng bata.
Nakatulong ba sa iyo bilang manunulat ang pagiging guro ng panitikang pambata? Paano?
Malaki ang naging tulong ng pagiging guro (o kaya minsan ay resource speaker) ng panitikang pambata. Iyong klase kung saan ako unang natuto nito, ako na ang nagtuturo ngayon. At sa bawat klase, para akong hinuhulma muli bilang manunulat. Patuloy ang pagbabasa ng mga bagong perspektiba sa pagsulat, at sa bawat klase, lalo kong nakikilala ang sarili ko bilang manunulat ng mga kuwentong pambata. Masaya ang mga klase dahil palaging may baong naiibang mga kuwento at pagtingin sa mundo ang aking mga mag-aaral. Karamihan din sa kanila ay mga guro ng mga bata o kaya ay may baong karanasan ng pagkabata, kaya lumalawak din ang pagtingin ko sa kung ano ba ang maaaring pagmulan at maaaring maging estratehiya sa pagkukuwento para sa bata. Natututo rin ako sa aking mga mag-aaral.
Nang makalahok ka sa palihan ng Room to Read, ano-ano ang proseso ng pagpapaunlad ng manuskrito?
Magkakahalong emosyon ang naramdaman ko sa palihan: intimidating dahil kasama ko ang maraming hinahangaang manunulat; excited na lumikha para sa Room to Read; kinakabahan sa magiging kinahinatnan. Nagsimula kasi na may 24 na awtor na kailangang sumulat ng tig-dadalawang mga kuwento. At sa 48 na kuwento, 20 lamang ang pipiliin. Nagkaroon kami ng training sa pagsulat para sa natatanging mambabasang target recipients ng proyekto ng Room to Read. Kinakailangan naming dalhin sa aming mga kuwento ang mga kuwento ng inclusion, kasarian, at pagbaka sa mga sensitibong usapin nang may pagpapalaya at pagsasakapangyarihan sa mga bata. Kinakailangan din na angkop sa mambabasa ang wika, kaya limitado kami sa halos 100 na salita lamang para sa aming mga kuwento. Mahirap ito para sa akin dahil estilo ko ang magpinta ng lunan at mundo sa aking mga kuwento, pero kinaya naman. Mayroon ding eksperto sa children’s welfare, at inupuan niya ang bawat kuwento upang patuloy pang mapagyaman ang mga ito tungo sa kuwentong makakapagpabago sa batang mambabasa. Malaki ang pasasalamat ko dahil isa sa mga napili ang aking kuwento. Isa itong malaking karangalan para sa akin. Pagkatapos ng palihan at pagkatapos mapili ang mga kuwento, may ilang balikan pa ng manuskrito hanggang sa maging handa ang mga ito para sa ilustrasyon.
Paano napili si Harry Monzon bilang ilustrador at kasamang manlilikha ng aklat? Kumusta ang inyong kolaborasyon sa pagbubuo ng aklat na ito?
Sa Room to Read, may kani-kaniyang representative na awtor at illustrator ang bawat tagapaglathala—Anvil, Lampara, Adarna, at OMF Hiyas. Magkahiwalay ang palihan ng mga manunulat sa mga ilustrador. Bago ang proyekto, hindi ko nakilala si Harry Monzon ngunit may kopya na ako ng aklat niyang Pakitong-kitong: A Cebuano Folk Song. Tingin ko ay itong affinity namin sa mga awit at sayaw pangkultura ang naging dahilan kung bakit siya ang napili para iguhit ang kuwento. Mapalad ako dahil siya ang naging ilustrador dahil mabait at talented siyang kasama sa kolaborasyon.
Nagmungkahi ka ba sa kaniya upang maging tugma ang iyong malikhaing bisyon sa aklat na ito? Ano-ano ito?
Kinailangan naming maging maingat sa representation ng mga sayaw, at dahil isa akong mananayaw, marami akong mga hiling sa kung paanong dapat maiguhit ang mga kasuotan at mga sayaw. Pinaunlakan naman ni Harry ang mga ito habang binibigyan din ng sarili niyang perspektiba at kulay ang kuwento. Ngunit sa estilo, hinayaan ko si Harry kung paano niya bibigyang-buhay ang kuwentong naisulat ko. Para kasi sa akin, pareho kaming tagapaglikha ng aklat na may magkapantay na boses. Kaya maliban sa mas teknikal na aspekto ng mga kulturang ipapakita sa libro, may laya siyang bigyang-buhay ang kuwento ni Dayaw.
Binabati ko kayo ni Harry sa napakahusay na aklat na pumapaksa sa mga katutubong sayaw at pagtuklas ng kumpiyansa sa sarili ng pangunahing tauhan. Ano ang iyong pakiramdam nang natanggap mo ang nakalathalang aklat na ito?
Sobrang proud ako sa librong ito dahil ito talaga ang matagal ko nang pangarap: ang mapagsama ang aking karanasan sa pagsasayaw (bilang bahagi ng Sanghaya Dance Ensemble sa Cavite hanggang ngayon) at ang pagsulat ng mga kuwentong pambata. Nakita ko na ang unang bersiyon ng pabalat sa isang Christmas Party event ng Room to Read noong 2019, pagkatapos ay nagkaroon ng media launch noong February 2020 sa Museong Pambata, kung saan ko nahawakan ang pinal na kopya. Ngunit nanamnam ko ang kabuuan ng aklat nang matanggap ko ang mga kopya nitong lockdown. Para akong naglakbay pabalik sa marami kong karanasan: sa palihan, sa pagsasayaw, sa pagsusulat. Kasama ako muli ni Dayaw habang naghahanap ng sayaw para sa kaniya. Sa bawat buklat ay kinakanta ko ang mga awit sa bawat sayaw. Sobrang ganda para sa akin ng kinalabasan, salamat sa galing ni Harry. Pagkatapos, pinakita ko kay Mommy ang kopya.
Sa iyong palagay, ano ang pangunahing tema ng inyong aklat na mahalagang matutuhan ng mga batang mambabasa?
Noong una talaga, ang nais ko lamang ay maituro sa mga bata ang iba’t ibang sayaw, higit sa mga karaniwan nilang napapanood o nasasayaw sa PE classes nila. Ngunit sa huli, nagbagong-anyo ang kuwento. Hindi na lamang ito tungkol sa mga sayaw kundi tungkol sa batang hindi naayon sa hulma ng mga babaeng mananayaw. Mahalagang matutunan ng mga bata na masaya ang sumali sa iba’t ibang aktibidad sa paaralan dahil bahagi ito ng huhubog sa kanilang pagkatao. May sayaw na para sa kanila, o kung hindi man sayaw, may gampaning papel sila sa paaralan, sa lipunan. Dapat nilang yakapin ang kung anong natatangi sa kanila. Mula rito, makikilala nila ang sarili bilang espesyal na bata at kabahagi ng lipunan.
May mga natatanging paraan sa pagsulat para sa picture book. Ano-ano ang iyong proseso ng rebisyon at manuscript development para sa aklat na ito?
Una na ang pagpapaikli ng teksto para sa batang mambabasa. Kailangang maging matapang na harapin ang teksto at pakawalan ang ilan rito. Plano ko sa simula na may kasamang mga awit ang mga sayaw, ngunit dahil makakagulo ito sa teksto, pinili ni Al Santos ng Room to Read at ng Anvil na hindi na muna isama para sa proyekto ang mga awitin. Kailangan ding maplantsa ang wika para madaling basahin, madulas sa pagbasa, at malikhain pa rin ang pili ng mga salita. Kailangang mabuo ang mundo sa limitadong salita. Dito rin papasok talaga ang pakikipagtulungan sa ilustrador dahil siya ang kaagapay sa pagkukuwento. Sa huli, kailangang isipin ang kung anong makakapagbigay ng ahensiya sa bata, at dito ibabatay ang bawat desisyon sa rebisyon.
Ano-ano ang pinakamemorableng tugon ng mga batang mambabasa na natanggap mo sa iyong aklat?
Paborito ko ang mga tugon tungkol sa kung paanong nagtatanong ang mga bata sa kanilang mga magulang tungkol sa mga sayaw. May mga bata ring ginagaya ang mga sayaw sa aklat. Natuwa rin ako sa tugon ng mga kasama kong mananayaw at kanilang mga anak. Bumalik sa aming mga alaala ang mga paborito naming sayaw.
Naapektuhan ng pandemya ang industriya ng paglalathala. Paano mo minamarket ang iyong aklat?
Kasama ko sa pagmamarket ang Anvil at ang Room to Read. Naging mahirap para sa Room to Read na i-donate sa mga paaralan ang mga libro, ngunit nakapagbigay na sila ng maraming kopya sa Mindanao. Nagkaroon din ng proyekto ang Room to Read kasama ang Tanghalang Pilipino, kung saan isinalin nila sa radio drama ang mga kuwento. Sa pagmamarket naman, social media ang pangunahing paraan upang maiparating sa maraming mga mambabasa ang mga libro. Masigasig kami sa pagpo-post at pagbibigay ng link kung saan maaaring bumili. Buti at mabibili naman sa website ng Anvil at sa mga pangunahing online store platforms at apps. May mga online book talk din at resource speakership kung saan ako naiimbitahan, kaya naipaparating ko ang tungkol sa libro.
Nauuso na ang mga manunulat at ilustrador bilang tagabenta ng kanilang mga aklat, ano ang palagay mo sa praktikang ito?
Para sa akin, wala namang masama rito dahil talagang mahirap makahanap ng kopya ng mga libro kung minsan. Halimbawa, may tatlong mall lamang ang malapit sa aming area, at maliit pa ang dalawa. Mahirap mahanap ang mga libro dahil ilang kopya lamang ang makikita sa bawat bookstore, at matatabunan pa ito ng ibang libro at ng mga aklat mula sa mga banyagang manunulat at publisher. Ang mga pangunahing network—pamilya, kaibigan, katrabaho—ang kadalasang unang taga-suporta ng aking mga akda, at ako ang direkta nilang tinatanong kung saan makakabili ng kopya. Mainam na may sarili akong supply para naman maibahagi ko sa kanila ang kuwento. Walang problema kung ang mismong manunulat at ilustrador ang magiging tagabenta. Ang mahalaga, makarating ang mga aklat sa mga batang mambabasa.
Ano-ano pa ang aabangan sa iyo ng iyong mga mambabasa?
Ilalathala ng Chikiting Books ngayong taon ang kuwento kong Mga Kamatsile ni Ina Binyang at inaasahan ding lalabas ngayong taon ang aking Si Tiya Salome. Pareho kong alay ang mga kuwentong ito sa aking Lolo Guding at Lola Viniang na pumanaw nitong mga nagdaang taon. Mayroon din akong ilalabas ng kuwentong pambata kasama ang Tahanan Books for Young Readers sa isang taon. Una ko itong proyekto sa kanila kaya excited ako rito! Magkakaroon din ako ng mga kuwento at tula sa ilang mga antolohiya.
Ano-ano ang iyong mga payo sa mga nagsisimulang manunulat na nais ding maglathala ng kanilang aklat pambata? Para sa mga bagong manunulat, ang payo ko ay palaging isipin ang kapakanan ng batang karakter at batang mambabasa. Kailangang kilala nila ang mga bata at pamilyar sa konsepto ng pagkabata upang makasulat ng mga makapangyarihang kuwento. Payo ko rin na sumulat ng mga kuwentong malapit sa kanilang karanasan. Ang mga kuwento ay palaging paraan upang makilala ang sarili bilang tao at manunulat. Sana, kapag sumusulat sila para sa bata, pareho nilang nahuhubog ang kanilang sarili at ang batang mambabasa. At palagi, magsulat ng mga kuwentong tungkol sa pagbibigay ng pag-asa.