ni John Lloyd Lazaro
May isang natatanging pangkat-etniko sa Mindanao na napanatili pa rin ang kanilang mayamang sining sa kabila ng pagdagsa ng mga dayuhang kaisipan at paglukob ng modernisasyon. Nagawa nilang kumapit sa kanilang matandang kalinangan at maipasa ito sa sumunod pang mga henerasyon, hanggang sa kasalukuyan. Sila ang mga katutubong nagpamalas ng maganda, pambihira at walang katulad na kulturang karapat-dapat pag-ukulan ng paghanga – ang mga Agusan Manobo.
Ang kanilang mayamang kalinangan ay mula sa kanilang iba’t ibang anyo ng sining at kalinangan na kinabibilangan ng mga awit, naratibo, salawikain, sayaw at epiko.
Matimyas na Musika
Ang kanilang mga awit ay may sariling estilong tinatawag na gugud. Ito ay bahagyang pabigkas, na may mahahabang birit, na sinusundan ng mga serye ng staccato, saka magwawakas nang biglaan. Inaawit ito nang solo. Sa gugud din inaawit ang kanilang mga awit-pandigma – bagaman ito ay sa tonong mas mabilis at mas malakas.
Habang ang kanilang musikal na naratibo ay tinatawag namang dasang. Kagyat at hindi pinaghahandaan ang mga liriko dahil ora mismo ang pagsasatinig ng mga ideya. Kapapansinan ito ng malimit na pag-uulit ng parehong ideya sa iba’t ibang mga salita.
Maipagmamalaki rin nila ang kanilang nalalamang mga ritmo sa kanilang mga musikal na instrumento. Pangunahin dito ang gimbae o tambol at agung o gong. Sa kanilang gimbae na gawa sa isang inukang troso ng puno ng niyog na ang magkabilang dulo ay tinakpan ng balat ng hayop, tulad ng unggoy, usa, aso o butiki – pamilyar sila sa hanggang 50 iba’t ibang mga ritmo. Ilan sa mga ito ang kumbakumba to usa o ang pagyagyag ng isang usa, sinakaisakay o ang pagragasa ng isang balsa o bangka, kinampilan o ang paghaginit ng isang espadang kampilan, at minandaya na hango sa ritmo ng Mandaya.
Nadedekorasyunan naman ang mukha ng agung ng mga tatsulok. Pinatutunog ito sa umbok sa gitna sa pamamagitan ng patpat. Nakikisabay ang ritmo ng pagpalo sa patpat sa ritmo ng pagtapik naman ng kaliwang kamay.
Naangkop naman ang iba pa nilang mga musikal na instrumento sa anumang okasyon. Kinabibilangan ang mga instrumentong gawa sa kawayan ng apat na uri ng plawta – ang paundag, to-ali, sa-bai at lantui, apat na klase ng gitara, biyolin at jew’s harp.
Matalinong Taludtod
Kumakatawan naman sa mga nilalang o bagay sa kalikasan ang mga salawikain ng mga Manobo upang itampok ang isang katotohanan. Narito ang ilan:
Bisan bato nu bantilis mai duon panahon nu ug kahilis gihapon.
(Kahit ang pinakamatigas na bato ay natitibag ng patuloy na pagpatak ng tubig.)
Anoy man tu karabaw nu upat tu kubong di paka hidjas.
(Kung ang kalabaw nga na may apat na mga paa ay nagkakamali ng hakbang, ang tao pa kaya?)
Tu buhi angod tu atoijog. Basta nwbuong on kunad ug kaulin.
(Ang babae ay tulad ng isang itlog. Kapag nabasag, hindi na ito muli pang mabubuo.)
Tinatawag namang Uwaeging ang pabigkas na epiko ng mga Manobo. Itinuturing itong sagrado na kumakatawan sa kanilang kasaysayan, kulturang pinag-ugatan at pagkakakilanlan. Inilalahad nito ang mga tungkulin ng datu, ang pakikipag-ugnayan niya sa mga anito, ang paniniwala niya sa kapangyarihan ng pinarangalang pamanang alahas, ang pagpapalit-palit ng mga datu at ang pakikipagsapalaran ng tribo sa paghahanap ng bagong lupaing tatahanan.
Maalab na Sayaw
Sa kanilang sayaw naman, na kadalasan ay pang-isa o dalawang tao lamang, marami silang pinaglalaanan. Ang pangaliyag ay sayaw sa panliligaw kung saan pipili ang tatamisa o babae ng kaniyang kapareha. Susulpot ang ligalig sa pagsali ng isa pang manliligaw sa sayaw.
Sa saet o sayaw pandigma, dalawang lalaki ang nakagayak ng pulang kasuotan ng bagani, nakaputong at may tangkulo o panyo, habang kapwa may hawak na tabak. Sa saliw ng tunog ng tambol, magtataas-baba ang kanilang mga balikat. Gagayahin nila ang kilos ng tandang. Mag-aambahan sila habang inilalawit ang dila na parang ahas. Babagsak sila ngunit patuloy pa ring magpapambuno.
Sa kinugsik-kugsik, ginagaya ng dalawang lalaki ang mga ardilya na nag-aagawan sa isang babae. Habang sa sayaw na apian, nangangalap naman ng pulot ang isang lalaki mula sa pukyutan. Sa sayaw ng paliligo, nagpapanggap ang isang lalaki na isang mahinhing dalagang naliligo sa batis. Eksaherado ang kaniyang pagkamahinhin habang naghuhubad ng damit. Pasulyap-sulyap pa siya habang naliligo sa takot na baka may naninilip.
May isa ring sayaw kung saan aastang binubunot ng isang lalaki ang mga buhok niya sa kilikili o iba pang bahagi ng katawan. Lulukutin niya ang kaniyang mukha sa kirot at magpapabaling-baling kung may nakakakita sa kaniya. May seksuwal na sayaw ding humahantong sa kunwang pakikipagtalik. Patiyad na papasok ang lalaki sa bahay ng babae at sisiping rito – na nirerepresenta ng kawayan. Urong-sulong siya, pasikut-sikot, hihipo at bibitaw – hanggang maisakatuparan din niya ang kaniyang balak.
Tunay na maipagmamalaki ng mga Manobo ang kanilang sining na sinubok ang tatag ng panahon. Kalinangang umuugit ng kanilang sariling pagkakakilanlan. Sana lang ay maipreserba ito at hindi tuluyang maglaho.