Sa isang bansang naliligiran ng sari-saring mga denominasyong panrelihiyon, ano na ba ang estado ng sexual orientation and gender identification and expression (SOGIE) sa kamalayan ng karaniwang Pilipino? Maituturing na bang pantay ang trato sa kababaihan kung ihahambing sa kalalakihan? Tanggap na nga ba ang mga taong nabibilang sa sektor ng “lesbian, gay, bisexual, transgender, queer, intersex, asexual/ally at iba pa”?
Bagaman di nagbabago ang saloobin at pananaw ng mga nangungunang relihiyong Kristiyano (Katoliko Romano, Protestantismo atbp. kaalyado nito) at Muslim sa Pilipinas kung ang usapin ay may kinalaman sa kababaihan at LGBTQIA+, importanteng makita rin na mas ramdam na ang presensya at impluwensya ng mga miyembro nito hindi lamang sa malawakang media at maging sa mga plataporma sa social media (Facebook, Twitter, Instagram at Tiktok). Isa itong kategorikal na pahayag na di maaaring burahin sa consciousness ng mga Pilipino ang kanilang identidad at mga tinig.
Malaking tulong ang pagkakalathala ng mga libro at mga publikasyon na nangahas isulat ang mga karanasang ito. Hindi ko man mapapangalanan lahat ng mga pamagat ngunit malaki ang ambag ng panitikan sa pagbabago ng attitude o saloobin ng masa sa mga isyung tumatalakay sa kababaihan LGBTQIA+ tulad na lamang sa mga antolohiyang Ladlad: An Anthology of Philippine Gay Writing (J. Neil C. Garcia at Danton Remoto, mga editor), The Forbidden Fruit: Women Write the Erotic (Tina Cuyugan, editor) at Women Loving: Stories and a Play (Jhoanna Lynn B. Cruz); mga libro ng tulang Ang Lunes na Mahirap Bunuin (Nicolas B. Pichay) at Galing Cine Café (Nestor De Guzman); personal na sanaysay/creative nonfiction tulad ng It’s a Mens World at It’s Raining Mens (Beverly ‘Bebang’ Siy); mga kuwento sa Brusko Pink (Louie Cano) at nobelang Ang Autobiografia ng Ibang Lady Gaga (Stefani J. Alvarez). Nagkaroon pa ng mga diksiyonaryo tulad ng Bekibolaryo (Randiva Datinguinoo, Lady S at Ojo Gonzales; Christopher dela Cruz, editor) at Baklese at Baklese Dos (Louie Cano) at naglabas pa ng mga malikhaing stationery set at merchandise tulad ng Chorva Pads.
“Patunay ang mga development sa magandang direksyon ng ating lipunan tungo sa inclusivity at pagsasa-mainstream ng mga isyu at ideyang pang-SOGIE. Tangkilikin at basahin natin ang panitikang gender-inclusive sa Pilipinas, anuman ang kulay ng ating pananaw sa kasarian o panitikan. Nandito na sila. Nandito na kami.”
Maging ang panitikang pambata sa Pilipinas ay nangahas maglabas ng mga kuwentong di mapagkakailang matapang na tumatalakay sa SOGIE at mga natatanging set-up ng pamilya, tulad ng mga picture storybook na Ang Bonggang Bonggang Batang Beki (Rhandee Garlítos at Tokwa Peñaflorida); Ang Ikaklit sa Aming Hardin (Det Neri at CJ de Silva); Dalawa ang Daddy ni Billy (Michael P. De Guzman at Daniel Palma Tayona); at Uncle Sam (Segundo Matias at Jason Moss). Lumabas din ang serye ng mga librong pambata ng Mulat Sulat na iminumulat ang presensiya ng LGBTQIA+. Naging landmark din ang teen’s novel na Mga Batang Poz (Segundo Matias) at Orosa-Nakpil, Malate (Louie Mar Gangcuangco) dahil sa progresibong pagtalakay ng HIV/AIDS sa mga kabataang miyembro ng nabanggit na sektor.
Kamakailan ay naimbitahan ako ng Philippine Normal University Center for Gender and Development, sa pamumuno ng direktor nitong si Krizna Rei Palces, at ang proyekto nilang gawad pampanitikan para mga sulating pang-inklusibo sa lahat ng kasarian (gender-inclusive literature) upang magbigay ng mga mungkahi at ideya upang maitaguyod ito. Nabanggit ko sa kaniya na isa itong matapang ngunit napapanahong hamon na kapag nagtagumpay ay maituturing na isang patimpalak na may pambansang kalibre at nibel. Napagpasyahan nilang tawagin itong PNU Normal Awards for Gender-Inclusive Literature na may kategoryang pambata at pang-adult/hustong gulang at nabuo ang mga guideline ng paglahok. Bukod sa premyong pera ay mailalathala din ang mga nagwaging akda ng pagpapalibro sa antolohiya (ang mga mananalong kuwento ay gagawing librong pambata). Maaaring lumahok ang baguhan at propesyonal na manunulat na Filipino citizen, sa loob o labas man ng bansa. Ang dedlayn ay na-extend sa ika-31 ng Hulyo ngayong taon. Patunay ang mga development na ito sa magandang direksyon ng ating lipunan tungo sa inclusivity at pagsasa-mainstream ng mga isyu at ideyang pang-SOGIE. Tangkilikin at basahin natin ito, anuman ang kulay ng ating pananaw sa kasarian o panitikan. Nandito na sila. Nandito na kami.