ni Manuel Ortega Abis

Guhit ni Eli San Miguel

I. Prologo

“Ang dagat ang tunay na dugong buhay ng ating sangkapuluan.”

Sa gabing ito, may isang bangka na nakadagan sa aking dibdib –

isang pasaning katawang-tubig na binahura ang aking tulog;

isang awiting pinakadukha ang melodiya’t mga lirika;

sugatang tinig na binulahaw ang mismong pintig ng aking puso.

Bangkang-haraya’y di maalpasan, pinaghugpong na kadenang alon,

uhaw na apoy ang lumalawak at lumalalim na tubig-alat;

at akong isang estrangherado na lumulubog at lumilitaw

sa tuwing may paglalayag lamang sa mga pulong ikinuwintas,

ako ay isang mahinang bulong kung ihahambing sa pagdaluyong

nitong kumintang na namumuo sa mismong templo ng aking noo:

ang pagwawala sa pagkawala nitong malayang wika-ng-dagat.

Estrangherado akong tinuring na nagpalígaw at naligáw rin,

subalit ako’y di nag-iisa. Tulad ng dagat na binubuklod

at binubukod ang iba-ibang danas at daloy ng mga buhay

na sinubukang suungin itong uhaw sa apoy ng limi’t lira,

laksang tinig ang nagsusumamo na kaawaang pakinggan natin.

II. Tinig ng Isang Tagbanwa

“At magbago na ang lahat, lamang pagbabago’y huwag;

ang pagwawala ng dagat, pinakamangmang sa lahat,

ang pagkawala ng dagat, pinakadukha sa lahat.”

Isang bangkang palad na nakadausdos

sa baybaying patag ng bangketang dagat.

Nagdaong sa limos ang nasirang layag.

Katig ay nagsugat. Ang dalawang sagwan,

nagmistulang saklay. Timon ay pilantod

habang manikluhod. Bangkang walang alay

kundi sambanyerang dungis at kalawang;

pati ang mayaman sa buslot na lambat,

nasilat sa baklad ng nahúling awang

ipinai’y luha. Sino ang sasakay

sa lunoy na kamay nitong bangkang palad

na kalunos-lunos ang pagkadausdos

ng muling paglayag sa bangketang dagat?

Sino ang mapalad? Sino ang mapalad?

III. Tinig ng Isang Nangangarap

“Mahirap maging dayuhan sa sariling dagat.”

Palaboy na ibon sa baybay ng dagat,

bukas-makalawa’y saan ba hahapon?

Nasaan nga kaya ang tahanang pugad?

Katulad ng isang gumagalang alon,

Saan at kailan ang aking pag-ahon?

Ang bagong bayani na OFW,

iba ang ibayo sa ibang ibayo.

Sa aking pagdayo sa ibang lupalop

ay aking sinuong ang ilang panganib:

malawak ang dagat, malalim ang laot.

Ako ang kanaway, may kukong pandagit,

at ngayo’y buhangin ang kinakalahig.

Ang OFW na bagong bayani,

may trono sa lupaing di pag-aari.

Sa baybay ng dagat, migranteng kanaway,

tuka’y nakatungo at bagsak ang pakpak.

Ako na lagalag, akong manlalakbay;

bukas-makalawa’y kung saan mapadpad,

tanging pinakingga’y tawag ng paglipad.

Ang bagong bayani na OFW,

iba ang ibayo sa ibang ibayo.

Ano ba ang hanap, ang nais mahagap

kasabay ng hanging sa mundo’y uminog?

Ano ang sa palong tila’y humahatak – 

balani nga kaya ang dagat at laot

na tanga’y pagsakop at ang magpasakop?

Ang OFW na bagong bayani,

may trono sa lupaing di pag-aari.

Malawak ang dagat, sinlawak ng guwang

kung saan ang dukha’t mangmang, magkaparang;

malalim ang laot, sinlalim ng kalam

ng naghapding tiyan. Ano’ng kapalarang

itong tiyak lamang – walang katiyakan?

Ang bagong bayani na OFW,

iba ang ibayo sa ibang ibayo.

IV. Tinig ng Isang Nag-Jump Ship

“Sa malayang pagbuhaghag ng hangin

sa buhangin ng mga baybayin,

sa manipis na pagtabing ng mga tabing-dagat,

para na ring nakasulat sa ating mga palad –

marami ang paghuli’y tiyak na mayroon,

subalit tiyak ring ni isa’y walang pagkulong.”

Bumibilis ang pintig ng alon

sa aking dibdib.

Hinahabol ang paghangos

ng isang pagpuga

bago pa ito maghunos

bilang isang paglaya.

Sino ang makababatid

na may maliwanag na pagkakaiba pala

ang kawalan ng pabigat sa likod

at ang pagiging magaan ng loob?

Ang una’y upang makalipad,

at ang pangalawa’y 

upang

pumailanlang.

V. Epilogo: Salindagat

(ang salitang “salindagat” sa Ingles ay sea change)

Isang malalimang pagbabagong-anyo, 

isang malawakang pagdayo, 

sa iba at sariling ibayo;

isang prusisyong tubig ng samotsaring tinig

na isinasalin sa kani-kanilang buhay 

ang walang-kamatayang wika-ng-dagat.

Sa malayang

pagbuhaghag ng hangin – buhangin,

na bawat butil ay may kinatawang tao.

Sa manipis

na pagtabing ng dagat – tabing-dagat,

at ang dalampasigan ang katutubong pook

ng kalakalan.

Sa matinding

pag-alo na makatawid parito’t paroon – alon,

ang di-masawatang agos ng tao’t kalakalan.

Sa nakaambang

pagtulin ng dagat – tulisang-dagat,

ang sarimukhang tagahasik ng chaos:

mga pirata’t pugante, refugee’t smuggler,

mga magnakakaw ng pulo at mandarambong

ng buhangin upang gamitin sa paglikha ng mga pulo-puluan;

mga nakikipagsapalaran at nakikipag-agawan

sa kapalarang-bayan.

Sa likas

na pag-alpas ng hinahon mula sa chaos – ahon,

ang paglaya at pagsasariling-buhay

ng binubuong wika-ng-dagat.

Binabaybay ng isang malalimang pagbabagong-anyo

ang di-mabilang na look, bangkota, at pulo

na ikinuwintas ang mahabang-mahabang baybáyin

na di-madali’t malakadena kung babaybayín.

Ilang dantaon nang nagsimula tayong makilahok

sa isang napakahabang prusisyong tubig ng ating lahi,

bilang mga saksi sa isang pagsasalin ng dagat,

mga minulat sa pagka-inklusibo ng ating magkakaibang tinig;

na patuloy ang paniniwalang ang wika-ng-dagat ay may daloy at danas

na, tulad ng tubig, ay may kusang puwang at panahon

ng pag-alon, ng pag-agos, at ng pag-ahon.

“At mga isla na ikinadena, sa muling pagsipat, magiging mga islang ikinuwintas.”

Laksang tinig pa, nag-aagawang-sagwan at timon upang itawid,

kanilang diwa, paksa at saysay, estrangheradong bangkang-haraya –

laksang tinig pa na lumalawak at lumalalim ang bawat hugot,

laksang tinig pa na lumulubog at lumilitaw, parang bangungot

sa pagtulog kong mistulang gising. Tulad ng banga, katawang-tubig

na nakadagan sa aking dibdib ay nagkabitak, at tuluyan nang

nabasag; at ang gunitang imbak, sadyang dumanak: naging panglanggas

ng mga tinig na nasugatan. Uhaw sa luha’t pighating apoy, 

tila naibsan. Laksang tinig din ang nag-umapaw upang daluyan 

ng pagbabagong magiging tulay at ang hanggahan sa paghuhunos;

at mga isla na kinadena, sa muling sipat, magiging islang ikinuwintas.

O, Amansinaya na Poon ng dagat,

hinding hindi na ako makapapayag –

ngayo’y mas marami ang tulisang-dagat

kaysa mangingisdang dukha ang paglayag!

Sapagkat bawat sugatang tinig na nilulublob sa karagatang 

dinadaluyong

ang aking dibdib, tangang kamandag ang mulaan din ng isang yerbang

mapagpahilom, at sisipsipin ang hapdi’t sakit na dinulot ng 

pagkakawala

ng diwa, paksa’t saysay ng aking bangkang-harayang nais maglayag

sa malaya at mapagpalayang wika-ng-dagat. Ang aking wikang 

ilang dantaong napabayaan. Ilang dantaong tila hinintay,

muling pagdaloy ng aking tunay na dugong buhay, nananalaytay

sa kasaysayan ng aking bayan, kahapon, ngayon, at kailanman,

ang nakapagbibigay-buhay, nakapagpapabagong-buhay – dagat.

***