Si Tonyo At Ang Sipit sa Kaniyang Sapatos

ni Mary Grace C. Suplito

Karipas sa pagtakbo si Tonyo. Halos madapa na siya sa pagmamadali dahil na rin sa lumang-luma na ang tsinelas, na bukod sa manipis na ay malapit na ring mapigtas.

Gusot at basa sa pawis ang suot niyang polo. Halos nakalaylay na ang balikat niya dahil sa bigat ng sukbit niyang bag.
“Bili na kayo, sampung piso lang po para sa isang balot ng kamote! Ito naman bayabas, limang piso!” alok niya.
“Tonyo! Huwag mong kalimutan na ipag-igib kami ng tubig bukas ha? Sabado at walang magrarasyon!”
“Opo, Aling Nida. Puwede ko ring diligan ang halamanan ninyo sa hapon,” abot-langit ang ngiti ni Tonyo at kumindat pa pagkatapos.
Palubog na ang araw nang maubos ni Tonyo ang paninda niya.
“Limang balot na tig-sampung piso, hmmmm, limang sampu, 50 pesos! Limang balot na tig-limang piso, hmmmm 20? Ay, mali, mali, 25 pesos pala!” kuwenta niya.
Laging inililista ni Tonyo sa kaniyang kuwaderno ang kinikita niya sa pagtitinda at pag-iigib ng tubig.
“75 pesos ngayong araw, tapos bibigyan ako ng sampung piso ni Aling Nida bukas, sana bigyan niya ako ulit ng limang piso kapag diniligan ko ang halamanan nila. Kapag nagkataon, meron tayong 90 pesos bukas, Inay,” nagliwanag ang mukha ni Tonyo.

Guhit ni Jenny Jasmin Lacay

“Aba, napakasipag mo naman, Anak! Baka naman napababayaan mo na ang pag-aaral mo, ha?” tanong ng kaniyang ina.
“Naku, hindi, Inay,” hinawakan niya ang kamay ng kaniyang ina. “Alam ninyo Inay, kasali ako sa paligsahan sa pabilisan nang pagtakbo sa Lunes,” balita ni Tonyo.
“Aba! Mahusay, Anak!” bati ng ina.
“Inay, puwede ba akong kumuha ng 50 pesos sa alkansiya ko? Kasi nakakita ako ng sapatos sa ukay-ukay sa palengke, nagtingin-tingin ako habang hinihintay ko si Aling Linda. Tiyak na bagay ‘yun sa’kin, e. Kulay-itim, may naka-drawing pang star sa likod. Sabi ng tinder, running shoes daw iyon at narinig ko sa teacher ko na kailangan ng sapatos na pantakbo ang isusuot. Kasyang-kasya po sa’kin, e. Pakiramdam ko po mananalo ako sa pabilisan ng pagtakbo kapag nakasapatos ako,” hiling ni Tonyo.
“Aba, oo naman anak,” sagot ng ina.
Niyakap ng kaniyang ina si Tonyo.
Sa buntong-hininga niya, mararamdaman ang paglakas ng loob ni Tonyo.

Pakanta-kanta pa si Tonyo habang nagdidilig ng halamanan at kinakausap pa ang mga ito.
“Bahay-kubo, kahit munti ang halaman doon ay sari-sari.”
“Isang mahabang dilig, meron pang pawisik-wisik, isa, dalawa, tatlo, tumubo na kayo!”
“Ehem, Tonyo, ito ang kinse pesos. Umuwi ka na pagkatapos mo riyan, ha?” bilin ni Aling Nida.
“Opo, Aling Nida, maraming salamat talaga!” abot-langit ang ngiti ni Tonyo.

Nagmamadaling umuwi si Tonyo. Bumili siya ng kanin at sinigang na baboy sa isang karinderya malapit sa bahay nila. Abot-abot ang saya niya sa pagkukuwento sa nanay niya kung paano niya dinidiligan at kinakausap ang mga halaman ni Aling Nida.
Pagkatapos nilang mananghalian at mahugasan ang mga plato na kanilang pinagkainan, sabik na siyang nagpaalam sa kaniyang ina. Pupunta na siya sa ukay-ukay para bilin ang sapatos na gusto niya!
Nagmamadali si Tonyo, maliwanag ang mukha at ang ngiti ay hanggang langit.
“Makakabili na rin ako ng sapatos! Pagkatapos ng paligsahan, nakasapatos na rin ako pagpasok sa eskuwela,” buong pagmamalaki ni Tonyo.

Sa tindahan ng ukay-ukay, tiningnan niya isa-isa ang mga pares ng sapatos sa isang sulok. Wala na roon ang sapatos na balak niyang bilhin.
“Kuya, wala na bang ibang sapatos na medyo maliit?” Hawak-hawak ni Tonyo ang puting sapatos na may dalawang pulgada nang sobra sa sukat ng paa niya. Gawa ito sa tela at ang suwelas naman ay goma. Kulay asul ang sintas nito. “Puwede kong isukat, Kuya?” pakiusap niya. Tumango ang tindera.
Sinuot ni Tonyo ang puting sapatos na may dalawang pulgada ang laki sa totoong sukat ng paa niya. Inihakbang niya pasulong ang kanan niyang paa at isinunod ang kaliwa, may kabigatan ito kumpara sa itim na sapatos na may star sa likod na una niyang nakita. “Malambot naman ang loob kapag tinapakan,” pangungumbinsi ni Tonyo sa sarili.
“Iyan na lang ang natitirang sapatos na kasukat ng paa mo. Kung hindi mo bibilhin, ibalik mo lang sa pinagkunan mo, ha?” utos ng tindera.
“Bibilhin ko na po ito,” matamlay ang boses ni Tonyo at nagsimulang magbilang ng barya.
“5…10…15 …20… Heto po, 50 pesos po iyan.”
Kinuha niya ang sapatos at nagbuntong-hininga.
“Kung maaga siguro ako nagpunta, baka naabutan ko yung sapatos na gusto ko,” panghihinayang ni Tonyo.
Inilagay na ng tindero sa plastic bag ang puting sapatos na may dalawang pulgada ang laki sa totoong sukat ng paa ni Tonyo. Palinga-linga pa rin si Tonyo na parang may hinahanap hanggang sa nakita niya ang mga sintas ng sapatos sa estante. Biglang nagliwanag ang mukha niya. Abot-langit na naman ang ngiti niya.
Araw na ng paligsahan.
Isinuot ni Tonyo ang pulang t-shirt na galing kay Aling Nida, pinagliitan daw iyon ng kaniyang anak na lalaki. Jogging pants naman na puti ang pambaba niya na galing naman sa kaniyang titser. Isinuot na rin niya ang puting sapatos na may dalawang pulgada ang laki sa totoong sukat ng paa niya.
“Inay, hindi naman siguro ako madadapa sa sapatos ko kasi po itinali ko sa binti ko ang sintas e, buti na lang po nakakita ako ng mahabang sintas sa ukay-ukay. Mabait ang tindera, ibinigay na lang niya sa akin, e,” masayang-masaya si Tonyo habang ipinupulupot ang sintas sa kaniyang binti.
“Inay, kinuha ko ang dalawang sipit sa ating sampayan, ipangsipit ko muna sa malaki kong sapatos,” sabi ni Tonyo.
“Paghusayan mo ang pagtakbo mo anak, ha? Basta mag-iingat ka,” bilin ng ina.

Parang may kabayong tumatakbo sa dibdib ni Tonyo. Inayos niyang muli ang pagkakapulupot ng sintas ng puting sapatos sa kaniyang binti bago ito ibinuhol. Sinipit niya ang dulong bahagi ng sapatos para sumikip pa itong mabuti.
“Tonyo! Tonyo! Galingan mo yan, Tonyo!”
“Bilisan mo sa pagtakbo Tonyo, para manalo ka!”
“Puwesto!” Pumunta na sa kani-kaniyang “lane” ang mga kalahok.
“Kayang-kaya ko ‘to!” sabi ni Tonyo sa sarili habang sisipa-sipa siya.
“Handa!” iniangat nang bahagya ng mga kalahok ang kanilang katawan sa kilos na naghahanda sa pagtakbo.
Sa paghudyat ng karera, buong bilis na tumakbo si Tonyo. Nakikita niya ang mga kapuwa niya mananakbo kaya naman lalo siyang kinabahan.
Maya-maya pa naramdaman niyang pumitik ang sipit sa likod ng sapatos niya, natanggal ito.
Lalo siyang kinabahan. Nanunuyo na ang laway niya sa hingal at nararamdaman niya na ang pagod.
Pero hindi iyon pinansin ni Tonyo. Hindi na siya tumingin sa kaniyang mga katunggali. Dumiretso siya ng tingin habang mabilis na tumatakbo, ubod nang bilis!
“Tonyo! Tonyo! Tonyo! Yehey! Panalo kami! Panalo si Tonyo!”
Palakpakan ang mga kaklase at titser ni Tonyo nang marating niya ang “Finish Line.”
Nanalo si Tonyo sa paligsahang iyon sa pagtakbo.
Umuwi siyang masayang-masaya sa pagkapanalo pero hindi niya nakalimutan na humingi ng pasensiya sa kaniyang Inay dahil isang sipit na lang ang naibalik niya sa kanilang sampayan.


Si Mary Grace C. Suplito, 42 ay may apat na anak. Dati siyang guro sa pribado at pampublikong paaralan at ngayon ay isang Overseas Filipino Worker. Naisulat niya ang kaniyang unang kuwentong pambata matapos dumalo sa online na palihan o workshop sa pagsulat ng kuwentong pambata ng manunulat at kolumnista ng Liwayway na si Genaro R. Gojo Cruz. Ito ang kaniyang unang pagtatangka.