Mga Panaghoy Mula Sa Kabundukan

ni Richard Faller

Tagapag-ingat sila ng mayaman at samu’t saring natatanging mga kultura, tradisyon, diyalekto at sistema ng kaalaman ng kanilang tribo. Mas pinipili nila ang manahan sa mga kabundukan, ilog, dalampasigan at mga liblib na lugar upang doon ipagpatuloy ang kanilang katutubong paraan ng pamumuhay. Ngunit sa halip na katahimikan ay kaapihan at ligalig ang kanilang nararanasan. At ang kanilang mga panaghoy ay umaalingawngaw mula sa kanilang tinatahanan – humihingi ng pantay na pagtrato at katarungan.

Ngayong Agosto 9 ay ipinagdiriwang ang United Nations’ (UN) International Day of the World’s Indigenous Peoples (IPs). Ito ay bilang pagkilala sa mga ambag sa mundo ng mga IPs at bilang pagtataguyod at pagbibigay-proteksiyon din sa kanilang mga karapatan. Ang tema ngayong taon ay “Walang Iwanan: Ang mga Indigenous People at ang Panawagan para sa isang Bagong Panlipunang Kasunduan.”

Tumutukoy ang nasabing kasunduan sa isang hindi nasusulat na pagkakaunawaan sa pagitan ng mga komunidad upang magtulungan para sa pambansa, panlipunan at pangkabuhayang kagalingan. Ngunit kung titingnan natin ang totoong senaryo sa maraming mga bansa, laksang mga katutubo ang naisasaisantabi sa mga politikal at pang-ekonomiyang gawain at napapalayas mula sa kanilang lupang ninuno – na humahantong sa paglaho ng kanilang iniingatang kultura. 

Sa ating bansa pa lamang, ang mapapait na karanasan ng ating mga katutubo ay makapagbibigay na ng testamento sa katotohanang ito. 

Karapatang-Pantao ay Kakambal ng Buhay

Sa loob ng maraming dekada, hindi na mabilang ang mga katutubong inaresto, ikinulong, pinahirapan o pinatay. Ang kanilang dignidad ay nabubusabos at ang mga pangarap ay nawawasak. Karamihan sa mga nagiging biktima ng pang-aabuso ng karapatang-pantao ay mga environmental defender. Sariwa pa sa alaala ang pagkitil sa buhay ng mga Tumandok at Teduray dahil sa pakikipaglaban sa kanilang lupang ninuno at pagsira sa kanilang kalikasan. Marami pang ibang uri ng karahasan ang nararanasan ng mga katutubo. Madalas ay hindi rin sila nababahaginan ng mga basic services ng pamahalaan dahil mahirap marating ang mga liblib na lugar na kanilang kinaroroonan.

“Kung titingnan natin ang totoong senaryo sa maraming mga bansa, laksang mga katutubo ang naisasaisantabi sa mga politikal at pang-ekonomiyang gawain at napapalayas mula sa kanilang lupang ninuno – na humahantong sa paglaho ng kanilang iniingatang kultura.”

Lupa ay Buhay

Dahil sa malalaking proyekto ng mga multinational corporation, napapalayas ang mga katutubo sa kanilang lupang tinatahanan. Hindi iginagalang ang kanilang karapatan sa lupang ninuno na naaayon sa Saligang Batas. Sinasamantala ang kanilang kakulangan sa kaalaman kaya napapasa-kamay ng mga kompanya ang kanilang lupa. Ang kanilang mga paraan ng pamumuhay at mga tradisyon ay kasamang inaanod ng mga proyekto. Tuluyan silang nalulubog sa kumunoy ng kahirapan. Ang kasalukuyang proyekto ng Jalaur dam sa lupain ng mga Tumandok sa Isla ng Panay at plantasyon ng langis ng niyog sa teritoryo ng mga Palaweño ay nagbunsod upang maglaho sa isang iglap ang lupang matagal nilang tinuntungan upang panahanan at sakahang matagal na nilinang upang pagkunan ng ikabubuhay.

Kultura ay Karugtong ng Buhay

Hindi napagbibigyan ang kanilang right to self-determination at pamamahala sa pamamagitan ng kanilang tradisyonal na mga pamamaraan. Madalas ay sumasailalim sila sa batas ng pamahalaan na taliwas sa kanilang mga tradisyonal na kaisipan. Dahil din sa pagdagsa ng mga dayo sa kanilang mga pamayanan, nagiging biktima sila ng akulturasyon at modernisasyon na humahantong sa tuluyang paglalaho ng kanilang mga katutubong pamamaraan ng pamumuhay, pagkakakilanlan at kalinangan. 

Kaalaman ay Kayamanan

Salat sa mga paaralan ang mga katutubo sa kabundukan. Kung mayroon man, kadalasan ay kailangan pa nilang tumawid ng mga bundok at ilog para makapasok. Sapilitan ding ipinapasara ang mga paaralang Lumad na nagtuturo sa kanila ng pangangalaga sa kanilang mga karapatan, pag-aari at kultura. Ang nalalabing kayamanan ng edukasyon na maaari nilang taglayin ay ipinagdamot pa sa kanila. Nariyan ang ulat ng ilang mga gurong Lumad na inaresto, pinahirapan o pinatay. Walang nagawa ang mga Lumad kundi lumikas at halughugin ang kanilang kaligtasan at kanlungan sa mga evacuation center kung saan sila nagsisiksikan, salat sa pagkain at sanitasyon, at biktima pa rin ng panggigipit mula sa mga pulis o  militar. 

Mga Pagaw na Sigaw

Kagaya natin, mga tao rin ang mga katutubo na dapat pag-ukulan ng pantay na mga karapatan. Higit pa roon, mga kapatid natin sila, mga kapwa-Filipino. Hindi sila dapat makaranas ng diskriminasyon, exclusion o marginalization; bagkus, dapat maging kabahagi sila sa decision-making ng bansa tungo sa pagkakaisa ng mga IPs at pamahalaan. Dapat na maitaguyod ang kanilang dignidad, kalayaan at mga karapatan. 

Sa halip na maging isang mapayapang santuwaryo, ang namamayani sa mga kabundukan ay mga gulisak at hinaing. Sa halip na sariwang hangin ang malalanghap, usok ng pulbura ang umaalimuom. Sa  halip na maging isang paraisong tahanan, ang dakong iyon ay nagmimistulang malagim na libingan. Sana lang ay matugunan na ang mga panaghoy na ito ng ating mga katutubo mula sa kabundukang kanilang tinatahanan upang makabangon tayo bilang isang lahi ng mga Filipino.


Si Richard ‘Chad’ Faller, ay isang premyadong manunulat sa wikang Filipino at isa ring guro sa Ingles. Nakapaglathala na siya ng kaniyang mga akdang pampanitikan at pamperyodismo sa  Liwayway simula pa noong early 2000s sa ilalim ng pangalan niya at ilang sagisag-panulat.