ni Erwin Vicentino
My Amanda (2021)
Harayain mong ikaw ay nasa tabing-dagat, sa ilalim ng liwanag ng karagatan ng mga nagniningning na bituin, kasama ang taong pakiramdam mo’y bubuo sa iyo. Bagama’t ito’y tiyak na depinisyon ng isang romantikong relasyon, kailangan ba talaga nitong maging ganoon? Paano kung ito’y isang malalim na pagkakaibígan na hindi kinakailangang maging romantiko, na makakasama mo buong buhay?
Ang kalalabas pa lamang na orihinal na pelikula ng Netflix na My Amanda ay isang oda para sa hindi maipaliwanag na relasyon nina TJ/Fuffy (Piolo Pascual) at Amanda/Fream (Alessandra de Rossi).
Hindi lang husay sa pag-arte ang ipinakita ng aktres na si Alessandra de Rossi sa bago niyang pelikula, ito rin ay sa kanyang panulat at direksyon.
Kita Kita (2017)
Si Lea (Alessandra de Rossi), isang Pinay na tour guide na nakabase sa Sapporo, Japan na bigla na lamang nawalan ng paningin. Sa umpisa ng kanyang pagkabulag, makikilala niya ang kapitbahay niyang Pinoy rin na si Tonyo (Empoy Marquez). Makatatagpo sila sa isa’t isa ng marilag na pagkakaibígan na mauuwi sa hindi inaasahang uri ng pag-ibig.
Ang Kita Kita ay hindi pangkaraniwan ngunit makabagbag-damdaming kuwento ng pagmamahalan patungkol sa paghahanap natin sa tamang tao sa tamang oras. Ang pelikula’y tapat at kalugud-lugod, binibigyan tayo nito ng sariwang pagtingin sa dyanrang drama-komedya. Hindi nito nilakbay ang mga nakasusuya at magulong balangkas, bagkus ay simple na siyang bibigyan tayong lugod sa dulo.
Watch List (2019)
Matapos patayin ang kanyang asawa at maging biktima ng extrajudicial killing, ang byudang si Maria (Alessandra de Rossi) kasama ang kanyang tatlong anak ay pwinersa ng kanilang sitwasyon at karalitaan na pumasok sa madilim at nakasusulasok na mundo ng mga kapulisan, kriminal, at droga sa ka-Maynila-an. Binigyang alingawngaw ng pelikula ang mga inhustisya’t katiwalian ng mga may kapangyarihan.
Nais nitong makapukaw mula sa kuwento ng mga kasawian ng isang inang biktima ng lipunang mapanupil sa mga gaya niya, na ang tanging handog sa kanila’y opresyon ng mga naghaharing-uri. Ang Watch List ay matapang at mapangahas.
Through Night and Day (2018)
Si Ben (Paolo Contis) at ang nakaaaliw at tapat niyang pagmamahal sa kanyang nobya sa loob ng 13 taon na si Jen (Alessandra de Rossi) — isang araw ay sinorpresa at inalok niyang magpakasal ang kanyang kasintahan, at syempre, ang naging sagot ni Jen ay “Oo.” Tangi sa roon, tinupad ni Ben ang matagal ng nilulunggating pasyalang bansa ng nobya — sa Iceland. Habang magkasamang naglalakbay at tinutuklas ang ganda ng pangarap na bansa, inilagay nito ang kanilang relasyon sa pagsubok matapos nilang matuklasan kung gaano sila magkaiba sa isa’t isa.
Ang pelikula’y patungkol sa pag-ibig at pagkakaibígan, at kung hanggang saan ang kaya nating gawin para ito’y magtagal. Sa huli, ang Through Night and Day ay hindi perpekto gaya ng magkasintahang isinasadiwa ng pelikula. Gayunman, bibigyan ka nito ng dahilan upang tumawa, sumubok, at umiyak.