May dalawang taon na mula nang mapanood ko ang “Bamboo Dogs” ni Khavn dela Cruz. Hindi ako mahilig mag-rebyu ng mga pelikula, pero isa ito sa mga tumatak sa akin, marahil dahil nagawa nitong maitawid ang mga manonood papasok sa isang “time-space warp.”
Oo, maraming pelikula ang gumagamit ng “period” na tema, iyon bang dadalhin ka sa isang bahagi ng nakaraan. Pero sa halip na hayaan kang galugarin kung anumang misteryo mayroon ang panahong iyon, nagsilbing hugot-baon ang proseso ng “Bamboo Dogs” sa paghahabi ng kwento sa kanilang manonood.
Hinimay-himay nito ang mga huling sandali ng mga taong sangkot sa isang napipintong “rubout-shootout” noong 1995. Kontrobersiyal ang insidente kung saan ito ibinase; maliban sa kinasangkutan ito ng isang kilalang sindikato, may mga matataas na pangalan rin sa kapulisan ang nadamay rito.
Halos lahat ng mga ganap sa pelikulang ito ay nasa loob ng sasakyan: ang paboritong sasakyang pampamilya ng dekada nobenta, ang L-300. Kung hindi ito gamit para sa mga lakad papunta sa kung saang bakasyunan, pinapasabog ito sa mga action films na nag-uumapaw sa “toxic masculinity” (pero patok ito noong panahong iyon kaya hayaan na natin).
Nang sinimulan nang bumiyahe ang L-300, para din akong napasakay rito. Tipikal sa magilan-ngilang beses na nakapasok ako sa ganitong uri ng sasakyan, walang natatangi sa loob nito. Dahil na rin siguro sa madilim ang loob, lahat ng nakita ko, kulay abo at gula-gulanit na balat ng mga upuan. Hindi ko na matandaan kung may nakasabit na “Christmas Tree” na nagsasaboy ng halimuyak sa loob (na sa totoo lang ay nakakahilo), pero sana nga ay oo para kumpleto ang ‘90s vibes.
Ang mga tauhan sa loob ng sasakyan ay binubuo ng dalawang (o tatlo?) pulis, at ilang suspek na hinugot mula sa isang bahay matapos ang isinagawang raid. Isa sa kanila ay ay binatilyong anak ng nakakatandang suspek na kung susundan ang kuwento, ay kakilala na ng mga pulis na humuli sa kanila.
Kaswal tono ng kuwentuhan ng mga tauhan sa loob ng sasakyan habang binabaybay ang mga kalsada ng Maynila. May kamustahan ng mga asawa at ng mga pangarap na naunsyame, tawanan sa gitna ng usok ng sigarilyo, at ang pagpapanatili ng ulirat dahil ang isa sa kanila ay tinamaan na ng kung anuman ang kaniyang hinithit bago nangyari ang hulihan.
May sansaglit na alitan sa pagitan ng mag-ama, lalo na nang maungkat ang tungkol sa nag-iisang babae sa kanilang buhay. May palitan ng paumanihin, panunumpa ng katapatan, at pangako na magsisimula ng bagong buhay sa pagsapit ng bukang liwayway.
At gaya ng tipikal na biyahe, may mga stopover para umihi, bumili ng sopdrinks, at tumawag sa landline. Mga signos na isa iyong mahaba-habang gabi.
May mga eksena na nagpapaalala sa mga manonood na sila ay nasa kasalukuyang panahon -mga nakapaskil ng pa-load ng cellphone, bagong logo ng bangko, at pangalan ng mga establisiymento na wala noong mga panahong iyon. Kakaiba nga ang pakiramdam, tila ba paulit-ulit kang naglalabas-masok sa isang yugto ng nakaraan at ng kasalukuyan. Ang maliliit na detalyeng ito sa pelikula ang nagpapaalala sa iyo na kahit gaano pa ito mistulang totoo, ito’y kathang isip lamang.
Sa gitna ng mga simple at tuyot na batuhan ng mga linya, andoon ang palitan ng mga masalimuot na emosyon mula sa mga karakter na hindi mo basta makikita o madarama sa kasalukuyan. Batid ang pagpapahalaga sa mga bagay na higit pa sa presyo ng ginto-tulad ng oras, pag-ibig, at tutuparing mga pangako. Mga bagay na sa ngayon ay tila ba abot-kamay para sa atin, salamat sa pagbabagong dulot ng teknolohiya at modernisasyon na hindi pa ganoon ka-patok noon.
Hindi nila alam na sila’y nasentensyahan na, mula nang itinulak sila papasok sa L-300. At ang buong biyaheng iyon ang nagsilbing kanilang huling pantasya-na kahit man lang sa imahinasyon ay matikman nila ang tamis ng buhay.
At sa huli, alam naman natin kung ano ang nangyari. Walang bukang-liwayway silang naabutan.
Bakit ko ba ito napiling balikan? Naalala ko kasi na nasabi ni Khavn sa tsikahan matapos ang screening ng pelikula ay dapat talaga “daga” ang ilalagay niya sa pamagat, at hindi aso.
Saka kamakailan lang ay inanunsyo ng Comelec na malapit na matapos ang pagpaparehistro nila sa mga botante para sa susunod na eleksyon. Di pa man natatapos ang pagpaparehistro, may pambato na mula taon ng mga daga.
Hindi. Ang totoo, naaliw lang talaga ako nang todo sa dance number ng aktor na si Rez Cortez sa end credits. Siya’y gumanap bilang Korpo na afro ang buhok, at nilibot niya ang loob at labas ng isang lumang bahay na siyang tampok sa pelikula habang sumasayaw sa tugtugan nina Khavn at Jazz Nicolas na may pamagat na “Susan.”
Sa pelikulang ‘yon, walang tumayong testigo. Pero kung mayroon man, kanino kaya tayo?