ni Angelo Sanchez
Walang ginagawa… naburyo… binuksan ang selepono, nagtweet.
Nagkaroon ng libreng oras… binuksan ang laptop, nag-status.
Tinatamad… binuksan ang kompyuter, nagpatugtog.
Araw-araw, hinihintay natin ang ating mga gadyet na buksan o madalas, tayo ang hinihintay nito na gamitin lamang sila. Hindi maitatago na naging bahagi na ng ating buhay ang social media.
Matapos tayong makaramdan ng pagod at iba’t ibang emosyon tulad ng kasiyahan, lungkot, galit, at iba pa, ang social media na ang nagiging takbuhan natin para magbahagi ng ating saloobin.
Sa pamamagitan din ng social media, makapipili tayo ng personalidad at buhay na maaari nating ipakita sa iba — maaliwas na buhay at ipinapakita natin ang perpektong imahe natin sa iba.
Ginagamit rin natin ito upang manatiling konektado sa ating pamilya, kaibigan, at iba pa. Kung kaya naman ay nananatili tayong nakakasabay sa kung anong ulat at pagbabagong nagaganap sa mga taong nakapaligid sa atin.
Sa kabilang banda, marami ang gumagamit ng social media upang kumalap ng impormasyon. Naghahanap ng balita, nagbabasa ng mga artikulo, o nakikipag- palitang kuro. Kaya naman, hindi na natin ikagugulat kung bakit marami ang gumagamit nito.
Samantala, ayon sa Italyanong nobelista, kritiko, pilosopo, at propesor na si Umberto Eco, iba ang kapangyarihang ibinibigay ng social media sa tao.
Aniya, “Social media gives legions of idiots the right to speak when they once only spoke at a bar after a glass of wine, without harming the community. Then they were quickly silenced, but now they have the same right to speak as a Nobel Prize winner. It’s the invasion of the idiots.”
Sa kaniyang perspektibo, binibigyan ng social media ang bawat isa ng kapangyarihang makapagsalita tulad ng isang matalinong manunulat ngunit sa likod nito’y nagkukubli ang kakulangan ng talino sa paggamit. Tulad ng iba na para lamang maging tunog matalino ay susulat ng mga artikulong madalas ay pagkahaba-haba ngunit kulang sa pananaliksik. Ang resulta, nagpakalat lamang ng maling impormasyon, na siya namang tinatanggap ng taong kulang sa pagsusuri.
Nagpapatuloy lamang ang ganitong pangyayari kung hindi nagiging maingat ang bawat isa sa kanilang sinusulat o sinasalita sa social media.
Sabi nga nila, “You learn from your mistakes.” Ngunit hindi sa social media. Sa personal na karanasan, isa sa pinaka kinababahala ko ang magkamali. Isang maling salita o pahayag –nandyan na ang mga taong handa kang “i-cancel.” Hindi na bago ang makakita ka ng katagang “With the power vested in me, I hereby declare (pangalan) cancelledt.” Ang iba ay biro ngunit ang iba ay intensyonal na ginagawa upang sumira ng reputasyon dahil sinasabing malaya ang bawat isa sa sarili nitong “opinyon.”
Sa kontemporaryong mundo na umiikot sa social media, hindi maiiwasang magkamali sa paggamit nito ngunit sa bawat pagkakamali ay dapat natututo tayong pulutin ang mga karanasan at aral.
Pinatunayan ni Eco na malawak ang saklaw ng karapatan na ipapatong sa atin ng social media. Kasabay nito, kinakailangan nating pasanin ang responsibilidad na nakadikit sa ating karapatan sa paggamit.
Nawa’y huwag tayong mapabilang sa “legion of idiots” na tinutukoy ni Eco sa pamamagitan ng masinop na paggamit ng social media. Walang kapangyarihan ang social media upang piliin ang mga idyotang gumagamit nito ngunit may kapangyarihan tayong piliin sa kung paano natin magagamit ito sa maayos at matalinong paraan.