ni Erwin Vicentino
Hanggang ngayon ay patuloy tayong nahaharap sa pandemya, at sa sitwasyon natin ay mukhang matatagalan pang makabalik sa dati o sa normal ang lahat, gaya ng pagbubukas ng mga sinehan. Kung magbubukas man ang mga ito o maidaraos man ang mga pistang pampelikula sa online, walang pribilehiyo ang lahat na makapagbayad at makapanood. Pero sa YouTube, tampok ang mga kubling hiyas na pelikulang Pilipino — at oo, mapapanood mo sila ng legal at libre.
Narito ang limang lokal na pelikula na maaari mong mapanood sa YouTube. Huwag nang palampasin ang pagkakataong mapanood sila hangga’t pwede pa.
1. Sunday Beauty Queen (2016)
Isang nakaaantig at tapat na dokyu-pelikula sa direksyon ni Baby Ruth Villarama. Sinusundan ng pelikula ang kuwento ng buhay ng limang kababayan nating domestic workers sa Hong Kong at kung paano nila paghahandaan ang taunang patimpalak sa pagandahan kasama ang iba pang mga Filipino.
Sa likod ng maliliwanag na mga ilaw at kalye sa gabi at nagtataasang mga gusali na siyang patsada nito, isiniwalat ng pelikula ang masalimuot na reyalidad ng mga OFW at mga uring manggagawa, mula sa mababang sweldo hanggang sa malupit na trato ng mga amo. Gayunman, ipinakita rin nito ang kultura nating mga Filipino: sakripisyo para sa ating mga pamilya tungong kaginhawaan; at beauty pageants. Wawasakin ng pelikula ang ‘yong puso para lang buuing muli ng mas matatag kaysa noon.
2. Bliss (2017)
Isang sikolohikal na drama-misteryo na umiikot sa kuwento ng isang sikat at matagumpay na aktres na si Jane Ciego (Iza Calzado), na nagnais na gumawa ng sariling pelikula para bigyan siyang respeto ng industriya. Ngunit isang malagim na aksidente ang nangyari sa aktres sa pagbuo ng pangarap na proyekto, dahilan para siya’y maging panandaliang baldado. Pwinersa siya ng sitwasyon na ikulong sa isang bahay na mayroong nangyayaring hindi maipaliwanag na mga tagpo at atmospera, habang siya’y nasa ilalim ng pangangalaga ng asawa at kakatwang nars.
Ang kontrobersiyal na pelikulang ito ay sa direksyon ni Jerrold Tarog. Gagambalain ka ng pelikula at bibigyan kang balisa — mula sa paulit-ulit na takot at mga pang-aabuso.
3. Bar Boys (2017)
Ang pelikula ay sa direksyon at panulat ni Kip Oebanda na sinusundan ang kuwento ng magbabarkadang Torran, Chris, Erik, at Josh at ang kanilang pakikipagsapalaran sa law school upang makamit ang pangarap na maging abogado.
Sinasagot ng pelikula ang ilang mga katanungan kung paano ba ang mag-aral sa law school; mula sa kung ano ang kailangan upang makapasok dito, hanggang sa ano ang hindi dapat gawin upang manatili at makapagtapos. Ang Bar Boys ay may mga detalyeng dapat nating tandaan at mga aral na dapat nating matutunan.
4. Six Degrees of Separation from Lilia Cuntapay (2011)
Maaaring maraming hindi nakakakilala sa ngalan ng yumaong aktres na si Lilia Cuntapay sa industriya ng showbiz, ang kanyang mukha naman ay palaging pamilyar dahil madalas nating makita sa isang partikular na dyanra ng pelikula — siya ay patuloy na kikilalanin bilang “Reyna ng Katatakutan sa mga Pelikulang Pilipino.” Sa direksyon ni Antoinette Jadaone, ito ay isang mockumentary na sinusundan ang kuwento at ng mahabang proseso ng pagsusulat ng talumpati ni Cuntapay matapos siyang maging nominado sa isang parangal sa unang beses sa loob ng 30 taon niya sa showbiz.
Matagumpay na naipakita ng pelikula ang katotohanan sa buhay ng mga ekstra at mismong kahulugan ng buhay na hindi nangangailangang magpakita ng huwad na drama.
5. Smaller and Smaller Circles (2017)
Base sa 2002 nobela ni F. H. Batacan, ang drama-misteryong ito sa direksyon ni Raya Martin ay sinusundan ang dalawang heswitang pari na nagnanais pagkalooban ng hustisya ang mga misteryosong pagkamatay ng mga batang lalaki sa Payatas sa pamamagitan ng pag-iimbestiga nila sa mga ito, habang nilalayag ang nakasusulasok na korapsyon ng gobyerno, simbahan, at mga naghaharing-uri.
Naalinsunod nito ang tono mula umpisa hanggang dulo. Mapangahas ang pelikula sa mga paksa nitong tinalakay. Eksaktong sinabi nito na “ang oras at paglimot ay kakampi ng pang-aabuso.”