ni Mellodine Antonio
AYOKONG pakialaman ang kuwentong pampamilya.
Hangga’t maaari kapag nagsusulat iyong sensitibong bahagi ng buhay-pamilya, iniiwasan ko. Alam ko kasi kung gaano kasakit. Batid ko rin kung gaano itong nakakahiya. Kaya nga hangga’t kaya, iyong suwabe lang ang tinitipa ko. Iyong masyadong sensitibo, nagpipikit-mata at nagbibingi-bingihan na lang ako.
Kaso, nakilala ko si Mr. Lonesome sa chatroom.
Unang hirit pa lang niya, alam kong malaki ang hinanakit niya sa iniwan niya sa Pilipinas noong mangibang bansa siya’t makipagsapalaran para sa isang matinong buhay ng kanyang mga iniwan.
Mr. Lonesome: Misis ko, nagpapakasasa samantalang ako, dumudugo na ang ilong sa init dito sa disyerto.
More or less, dama ko na ang drama ng pangangalunya.
Mr. Lonesome: Nalaman ko sa mga kapatid ko. Nagpadala pa ng video. Ang masaklap, kumpare ko pa ang kasama niya sa pananarantado sa akin.
Medyo kinabahan ako nang sabihin niya ang kanyang balak sa napipintong pag-uwi.
Mr. Lonesome: Huhulihin ko sa akto para mapatay ko man, absuwelto ako.
Kung tutuusin, talagang masakit ang pagtaksilan.
Lalo siguro kung isa kang lalaking nagpapakahirap sa ibang bansa para mabigyan ng magandang kinabukasan ang iyong pamilya tapos mababalitaan mong dinudungisan ng mismong asawa mo ang iyong pangalan.
Pero kung aayon ako kay Mr. Lonesome baka maulit sa kanya ang nangyari sa aming kapitbahay – si Mang Roger.
NAKALAKHAN na naming pabalik-balik si Mang Roger sa Saudi.
Hindi pa yata uso ang OFW, naroon na siya at nagtatrabaho.
Ang mga anak niya sa pribadong paaralan pumapasok.
Ang asawa niya, parang may Hepa. Talaga namang naninilaw sa mga suot na alahas sa katawan.
Ang tawag din sa kanya ng mga kapitbahay, ‘Saudi Girl’.
Parating nakaporma na akala mo, kung saan pupunta.
At galanteng manlibre sa mga kaibigan niya.
Tapos, minsang umuwi si Mang Roger, nagkagulo.
Nadatnan kasi niya si Aling Dalen sa akto ng pangangaliwa nito.
Ayon sa mga tsismosa’t tsismoso, hubo’t hubad daw ito sa kama habang nasa ibabaw ang lalaking natuklasang hindi iba kay Mang Roger – pamangkin niyang pinag-aaral sa kolehiyo.
Kahit siguro sinong lalaki, magdidilim ang paningin kapag nakita ang ganoong nakapanginginig ng lamang tagpo.
Ni hindi na raw nakapagmura sa sobrang galit sa asawa.
Iyong halihaw daw ni Mang Roger ng bakal na nadampot kung saan, walang kahit sinong sasantuhin, e.
Ang balak yata, iyong lalaki ang patamaan kaso humarang ang asawa niya.
Nagmamakaawa.
Pero hindi nakakakilala ng katwiran o awa man ang pusong dinurog ng kataksilan.
Wala sigurong puwang ang anumang dahilan para sa taong nakasaksi sa pagdungis sa sarili niyang dangal.
Kaya iyong malakas na hataw, tumama sa babae.
Sapol daw si Aling Dalen sa ulo tapos sa dibdib tapos sa kung saan-saan pa.
Walang makaawat sa kanya.
Walang nagtangkang umawat sa kanya.
Takot lumapit ang mga taong tila mga nabato sa marahas na tagpong nakikita.
Tila naging ibang tao raw si Mang Roger para sa kanila.
Nawala raw ang mahinahong kapitbahay na matagal na nilang kilala.
Bakas daw kasi sa mukha nito na kung sinuman ang humarang para siya’y pigilan, tiyak siyang babagsakan ng bangis ng sinapit niyang kahihiyan.
Tila raw ito sinaniban ng pinakamalakas na diyablo.
Iyong pamangkin niya, takot at mabilis na nakatakbo.
Hubo’t hubad na tumalon sa bintana.
Kumaripas para isalba ang buhay.
Sabi ko kay Mr. Lonesome, “Nakakulong ngayon si Mang Roger. Iyong tatlo niyang anak, naulila sa ina at nagkaroon ng bilanggong ama.”
‘Kako, hindi naman niya siguro balak sundan ang yapak nito lalo pa’t may dalawa siyang anak na babae na umaasa sa magandang kinabukasang maibibigay niya sa kanila.
Mas maganda sana kung imbes na pagganti, legal na lang niyang hiwalayan ang asawa at mag-concentrate siya sa pagiging mabuting ama.
Mr. Lonesome: Madali ‘yang sabihin pero napakahirap gawin. Lalo pa kung pati perang para sa pag-aaral ng mga anak mo, winawaldas para sa ibang tao.
Sinang-ayunan ko ang litanya niya.
Ako: Kaya lang kapag nakapatay ka, anumang pagsisisi, balewala na. Hindi naman kasi kayang ibalik ng pagsisisi ang mga buhay na nawala, di ba? Hindi rin niyon mababawasan ang kahihiyan na sinasabi mong mahirap iwasan.
SIMULA iyon ng madalas naming pagcha-chat ni Mr. Lonesome.
Kumbaga, basta kapwa kami OL, tiyak na tiyak na mag-uusap kami.
Hanggang sabihin niyang:
Mr. Lonesome: Malapit na akong umuwi ng ‘Pinas.
Kinabahan ako sa sinabi niya. Parang may nagbababalang giyera.
Ako: So, itutuloy mo’ng plano mo?
Hindi matigil ang kaba ko.
Matagal bago niya sinagot ang tanong ko.
Mr. Lonesome: Oo. Kailangan kong malaman ang totoo. Ayokong mabuhay na may nanloloko sa likod ko.
Nalungkot ako.
Hindi ko pala nabali ang pasya nito.
Kunsabagay, sino ba naman ako para sundin nito?
Ako: Okey, sabihin mo na lang kung saan presinto ‘ko dadalaw sa iyo saka kung anong pagkain ang paborito mo para madala ko.
LOL ang sagot niya sa seryosong hirit ko.
Natawa rin ako.
Para kasing kahit paano, gumaan ang palitan namin ng mensahe at di simbigat ng mga una naming gabi.
At least, marunong na siyang tumawa kahit di ko nakikita kung talaga bang nakatawa siya sa pagtipa.
Mr. Lonesome: Matagal akong nagtiis dito. Nag-ipon. Nagtiyaga. Nagpakatino. Dito sa bansang di atin, kailangan pati prinsipyo’t paniniwala, lunukin. Hindi iyon madali.
Naghihintay ako ng karugtong.
Mr. Lonesome: Tama ka siguro. Sayang ang buhay ko at kinabukasan ng mga anak ko kung paiiralin ko’ng galit. Nag-usap na kami. Di siya umamin pero di rin tumanggi. Kumausap na ko ng abogado. Maghahanap kami ng grounds para makapag-file ako ng annulment. Pag-uwi ko, malalaman ko ang totoo. Pero di na ‘yun mahalaga. Ang importante, makapagsimula ako nang tama kasama man siya o hindi na.
Nakahinga ako nang maluwag.
Akala ko, may ia-eyeball na ako sa dorm Sampaguita.
Mr. Lonesome: Oo nga pala, kumusta ‘yung kapitbahay n’yo – si Mang Roger?
Magaan ang mga kamay kong tumipa sa tiklado ng laptop.
Ako: Okey na siya. Umuwi na ng probinsiya. Nakalaya na. Marami kasing nakasaksi nang naaktuhan niya. Saka iyong pamilya no’ng asawa niya, di naman interesado sa demanda. Sabi ng anak, doon na raw sila sa Samar. Babalikan nila ang dating buhay, payak pero malayo sa kaguluhan. May naipundar naman palang maliit na sakahan, e. Iyon na lang daw ang pagkakaabalahan para mabuhay nang marangal.
Mr. Lonesome: Good for him. ‘Pag nakita mo siya, ikumusta mo ‘ko. Sabihin mong natulungan niya ‘ko. ‘Yung kuwento ng buhay niya, parati kong tatandaan. Iyon ang nakapagpabago sa mga plano ko. Aaminin ko ring natakot akong matulad sa kanya. Hindi ko yata kayang mabilanggo, e. Parang mas masarap mabuhay sa laya. LOL. Maliban sa sariling kapakanan, kailangan ko ring tingnan ang kahihiyan ng mga anak kong nagdadalaga na. Ayoko silang makita’ng hiyang-hiya sa ginawa ng nanay nila at sinapit ng ama nila kung sakali.
Nakangiti ako sa kabilang panig ng mundo.
Natutuwa na kahit paano, maayos na si Mr. Lonesome.
Mr. Lonesome: Saka, sa iyo rin, thank you. Pinagtiyagaan mo ‘ko. Buryong na buryong na ‘ko no’ng nakausap mo rito akala mo. Kahit sa mga amo ko, ready na ‘kong makipagpatayan noon, e. Sabi ko kasi, wala nang saysay ang buhay ng tulad kong pindeho. Lumalakad na may ipot sa ulo. Hurumentado na ko no’n. Buti walang pumatol sa akin dito.
Dinugtungan niya iyon ng tawa.
Magaan na talaga ang dating napakabigat na bagahe niya.
Di ko sigurado, pero mas parang higit ang saya ko.
Mr. Lonesome: Oo nga pala, pag-uwi ko puwede ka bang makita? Gusto sana kitang i-treat kahit coffee lang. Makapagsalamat man lang sa isang taong matiyagang nagpaliwanag saka umalalay. Don’t worry, alang malisyang involved. Alam ko namang may pamilya ka, e. Just want to see the face of the person that made me realize na maganda pa ang buhay sa kabila ng maraming problema at kahihiyan.
Tuwang-tuwa na talaga ako.
Masayang-masaya.
Parang gusto ko nang hilahin ang araw na makikita ko siya in the flesh.
Mr. Lonesome: Papalitan ko na rin ang chatname ko. Hindi na Mr. Lonesome. Hindi na kasi bagay. Parang ang lungkot-lungkot pangalan pa lang kaya siguro bihira ang nagpi-PM sa akin. LOL.
Ako: Meaning, masaya ka na?
Mr. Lonesome: Di pa rin gaano. Pero tanggap ko na. Kumbaga, ano pang magagawa ko, nando’n na? Hindi ko na kayang baguhin, e. Baka nagkamali ako ng pili kaya sa bungi nauwi. Siguro na lang, mula sa nasira, bumuo ulit. Puwede naman siguro ‘yon. Kahit nga sa basura, may pakinabang pa, di ba?
Nagdidiwang ang loob ko.
At least, may isang kaluluwang napanuto.
May isang buhay na di lumiko.
May isang amang makikita pa ng mga anak niya.
May isang lalaking maninindigan para sa sariling kapakanan sa kabila ng babalikating sakit ng kahihiyan.
Ako: Ano na ang ipapalit mo?
Mr. Lonesome: Nag-iisip pa ‘ko. Basta next time na ka-chat mo ‘ko di na iyon ang pangalan ko.
Di ko alam kung bakit parang mas excited pa ‘ko sa napipinto niyang magandang pagbabago.
Ako: Ok. Basta pakilala ka lang agad dahil tiyak maninibago ako sa pangalan mo.
Nag-sign out ako.
Nakangiti pa rin.
Parang ang gaan-gaan ng gabi.
Sobrang kakaiba sa mga nagdaan.
Naisip ko lang, ano na kaya ang magiging bagong chat name ni Mr. Lonesome?
Tama siya, di na bagay sa kanya ang pangalang iyon. Para kasing pangalan ng walang pag-asa sa buhay ang chat name na napili niya.
Masaya ako na positibo na ang pananaw niya.
Maligaya akong tila magaan na niyang dinadala ang napakabigat na problema.
Pero ano na nga kaya ang bagong pangalan niya?
Di bale, malalaman ko rin iyon sa susunod naming pagkikita sa chatroom.
At sobrang excited na ako para roon.
Ang status ko sa FB nang gabing iyon:
Tama siguro ang mamang nakilala ko. Tanggapin ang mga bagay na di natin kayang baguhin. Mula sa sira, magtiyaga tayong makabuo ng bago. Huwag na lang habulin sinuman ang may atraso. Tutal naman, kung sino nang-agrabayado, siyang magdadala ng bigat ng mundo.