Teorya ng Unang Panahon

ni Edgar Calabia Samar

(PANGATLONG LABAS)

LABÎ ng nakalipas ang utak ng tao. Ito ang pinag-iisipan ni JM habang inaalala ang hugis ng utak ng tao na nasa loob ng bungo nito, at kung paano iyon ipinakatago-tago ng panahon bilang alaala ng nagdaan. Kung paano ito lumaki nang doble at triple sa paglipas ng daan-daang libong taon. Na dahilan kung bakit nakatindig ang tao sa dalawang paa mula sa dating paggapang sa dawag. At mula roon, nagamit ng tao ang dalawang kamay sa iba pang bagay. Paghahabi ng kasuotan. Pagbabayo ng palay. Pagluluwad ng mga banga. Pagpapatalas ng mga sandata. Paghawak sa isa’t isa. Kaya nasa palad ng tao ang kapalaran niya—iyon ang matandang laro sa salita ng mga tao sa Matandang Panahon. Na naghatid sa pagtatatag ng mga komunidad. Na naging iba’t ibang bayan. Na naging iba’t ibang nasyon. Na naabot ang rurok sa pagiging Sistema ng kasalukuyan. Ngayon, tinitingnan ni JM ang salamin ng PALAD sa mga palad niya at pinakakalma nito ang isipan niya sa katiyakan na wala siyang hindi malalaman at magagawa sa tulong ng Manggagamot at Mananaliksik sa kaliwa niyang PALAD at ng Tagapagturo’t Tagapagsanay sa kanan niyang PALAD. Salamat sa Sistema na lumikha sa mga PALAD nilang lahat.


Pero alam din niyang nitong nagdaang tatlong libong taon, napatunayang unti-unting lumiliit ang utak ng tao. Parang katawan ng tao na matapos maabot ang rurok sa kasibulan ay unti-unting umiimpis sa pagtanda. Unang ibinahagi iyon sa kanya ng Tagapagturo niya noong sampung taon siya at handa na siya sa mga pinakabagong pananaliksik ng Sistema. Datos ng libo-libong pananaliksik at eksperimento na sinubok gayahin ang utak ng tao. Iba’t ibang pagtatangkang i-replicate ang mahigit sa 86 na bilyong neuron na bawat isa ay kumakatha ng libo-libong ugnayan sa iba pang neuron. Subalit walang nagtatagumpay. Bawat kabiguang gayahin ito nang ganap ay nagpapakapal sa tákot na mahulí na ang lahat. Na bago pa ito ma-replicate ay bumalik na sa dating liit ang utak ng tao na tulad noong ni hindi pa nito natutuklasan ang apoy. Ang mas nagdudulot ng hilakbot sa Sistema ay na pumanaw ang utak na gaya ng pagpanaw ng katawan ng lahat ng nabubuhay na nilalang. Pero siyempre, hindi sinabi ng Tagapagturo niyang nahihilakbot ang Sistema. Naitapat lang ni JM ang damdaming iyon nang matutuhan niya iyon nang pag-aralan niya ang mga digmaan at salot mula sa Matandang Panahon. Pakiramdam niya, iisa ang hilakbot na nadama ng mga sinaunang tao sa iba’t ibang anyo ng ligalig na kinaharap nila noon—at ang hilakbot ng Sistema ngayon sa posibilidad ng pagkaagnas ng utak ng tao sa mundo.


Kaya kailangan ng Sistema ang tulad niya.


Mga batang iniligtas ng Sistema at inaasahang magliligtas din sa Sistema.


Nagawang magaya ng tao ang halos lahat ng bahagi ng katawan ng tao: kamay, paa, ilong, tenga, mata, dila, bayag, utong, apdo, baga, puso. Pero hindi ang utak.


Ang utak na hindi makapagtapon ng kahit anong alaala.


Kaya komplikado ang pagturing ng Sistema sa utak ng tao. Sa isang banda, kinikilala ang papel nito sa mismong pagkakatatag ng Sistema. Pero kasabay rin noon, ang panganib na ito rin nga ang magwasak sa lahat ng mga sinikap isaayos ng Sistema. Nangyari na iyon sa nagdaan. Ang mga nasyong itinatag ng utak ng tao ay winasak din ng utak ng tao sa magkakambal na kapitali at terori—dalawa sa mga kagila-gilalas na halimaw na kinatha ng utak ng mga may hawak ng kapangyarihan sa dulo ng Matandang Panahon. Kaya sa isang banda, maaaring magandang balita na lumiliit sa halip na lumalaki ang utak ng tao. Anong mga panibagong halimaw ang posible pang makatha ng utak kung hindi ito masasawata sa pagsasadambuhala?


Pero, kailangan ngang mapalitan ito ng kopya bago tuluyang mawala. Hindi nape-preserba nang matagal ang utak ng yumao, di gaya ng bungo nito’t isipan. Ang alam ni JM, pagtuntong ng apat na taon, sinusukat ang utak ng isang bata sa Sistema, at ang mga tulad niyang nakapapasa sa pamantayang laki at bigat ay inihihiwalay nga sa Magana nila para ihanda sa SET. Sampung taon ng pag-aaral at pagsasanay. Pagkatapos, halos isang taon ng pagbabalik-aral habang hinihintay ang araw ng pagsusulit. Kapag naipasa na ni JM ang SET, saka nga siya bibigyan ng posisyon sa isa sa mga Dibisyon ng Sistema. Hindi siya nagdududang maipapasa niya ang SET—o hindi niya nga alam na nagdududa siya dahil wala siyang salita para pangalanan ang paminsan-minsang pag-aalala sa posibilidad na hindi siya makapasa sa pagsusulit. Hindi sinasagot ng Tagapagturo niya kung may bumabagsak ba sa SET at kung saan napupunta ang mga ito.


Pero may hinala siya.


Sa Kapisanan.


Ang samahan ng mga itiniwalag sa Sistema dahil sa hayagang pagsamba ng mga kasapi nito sa utak ng tao. Unang nalaman ni JM ang tungkol sa Kapisanan nang sinimulan niya ang pag-aaral sa Simulain ng Sistema noong pitong taon siya bilang bahagi ng paghahanda niya sa GAP. Sa mga tala ng Tagapagturo, nalupig na ang Kapisanan. Wala nang sinumang kasapi nito ang naiwan sa Sistema. Bakas na lang ng Kapisanan ang naiwan sa Sistema, sinadyang itala sa Simulain ng Sistema para magsilbing aral sa iba ang pagkakasupil sa kanila. Halos imposibleng mabuhay ang sinuman sa labas ng Sistema. Laging may hangin ng pagkabahala sa realisyong iyon na hindi mapangalanan ni JM. Halos. May tensiyon sa katiyakan na walang ganap na katiyakan.


Marami raw sa mga unang kasapi ng Kapisanan ang masugid na tagapaglingkod ng Sistema hanggang bago nagsimula ang mga eksperimento ng Sistema para kopyahin ang utak ng tao. Para sa mga kasapi ng Kapisanan, utak ang bathala, ang manlilikha, ang maykapal, ang maylalang—kaya hindi ito magagawang likhain. Hindi ito magagawang lalangin. Utak ang lumikha sa ating lahat. Sinikap nilang labanan ang mga pagtatangka ng Sistema para gagarin ang utak at nang maisalba ito sa paglalaho. Palaisipan kay JM iyon noong una. Bakit hahadlangan ang paghahangad ng Sistema na isalba ang utak sa posibilidad ng panghihina nito’t pagkawala? Hanggang ipaliwanag sa kanya ng Tagapagturo ang pangkatang kahibangan na taglay ng maraming samahang tulad ng Kapisanan noong Matandang Panahon. Sa ilalim ng pangkatang kahibangang ito, sinamba ng mga kasapi ng Kapisanan ang utak ng tao na tulad ng pagsamba ng mga sinauna sa kapwa tao rin lamang nilang gumawa ng iba’t ibang bagay na tinawag noong himala—hanggang napatunayang walang himala, na marami sa mga tinawag na himala ay isang masalimuot lang na pagtatanghal o paghahabi ng salita.


Ibinulong ni JM sa Mananaliksik sa kaliwang PALAD niya na magbabasa siya sa mga susunod na araw ng lahat ng tungkol sa Kapisanan na hindi pa niya nababasa dati.


Lumitaw ang maliit na avatar ng Mananaliksik sa PALAD niya at ngumiti sa kaniya. Walang problema, sabi lang nito bago ito naglaho sa dilim ng salamin.

WALANG PROBLEMA, kaya hinding-hindi inaasahan ni JM na nang gabi ring iyon na nagbabalik-aral siya tungkol sa utak ng tao at naisip ngang magbabasa-basa pa siya tungkol sa Kapisanan, maririnig nga niya ulit ang salitang iyon na hindi itinapon ng utak niya. Panaginip.


Hindi maitapon, sasabihin sa kanya ng Tagapagturo niya kung kasama niya ito. Dahil wala ngang trash bin ang utak ng tao. Pero wala ang Tagapagturo niya nang muli niyang marinig ang salitang una niyang narinig noong tatlong taong gulang siya—pero wala na nga siyang alaala na nangyari iyon kaya akala niya’y ngayon lang niya narinig. At dahil akala niya’y ngayon lang niya narinig, nagtataka siya kung bakit pamilyar ito, kung bakit naisip niya agad na salita ito sa halip na basta ingay lang. Sigurado siyang salita ito kahit wala naman siyang makapang isinasagisag ng tunog na itong may apat na pintig—pa-na-gi-nip. Apat na pintig na walang anumang katumbas sa lahat ng salita sa bokabularyo ng sampung taon niyang pag-aaral para sa SET.


Kapapasok lang noon sa silid niya ng Magana niya at inabutan ni JM ang mga huling binitiwang salita nito sa kung sinumang kausap nito sa PALAD nito: … bumubuo sa panaginip. Nabulabog ang LTM niya. Panaginip. Mabilis ang reaksiyon ng utak niya: bakit parang narinig ko na iyon dati? Hindi niya alam kung nahalata ng Magana niya na may reaksiyon ang utak niya sa huling salitang binitiwan nito bago muling nagsara ang pinto sa likuran nito. At hindi niya maintindihan ang sarili kung bakit nakaramdam siya ng kaba. Kung bakit pakiramdam niya’y hindi niya dapat narinig ang salitang iyon. Pero narinig ko na iyon—saan, kailan?
Dire-diretso ang Magana niya sa silid at agad bumalik sa pagiging pader ang pintong pinasukan nito. Parang hindi nagbabago ang hitsura nito sa nakalipas na sampung taon. Hindi nagbabago ang haba ng buhok nito na laging nakapusod. Hindi nagbabago ang ningning ng itim sa mga mata nito. Hindi nagbabago ang tindig at tikas nito. Parang laging handang lumundag sa mga bangin ng malalalim na panimdim ng Matandang Panahon.


Pero di tulad ng Magana niya, sigurado si JM na napakarami na ng nagbago sa kaniya sa loob ng sampung taong iyon. Mas mataas na siya ngayon sa Magana niya. Hindi na niya ito tinitingala kapag kinakausap. Mas mahahaba na rin ang mga biyas niya. Sigurado siyang kasinlakas na siya nito kung hindi man mas malakas pa.


At hindi na siya umiiyak tuwing umaalis ito.


Hindi na rin niya ito hinahanap-hanap sa mga araw na mag-isa siya.


Napakarami ng puwedeng magbago sa loob ng sampung taon. Pero heto nga, parang ganoon pa rin ang Magana niya. Hindi nagawang baguhin ng pagbabago-bago ng panahon sa bawat taon.


May tatlong panahon sa bawat taon sa Sistema. Alam ito ng lahat. Kasama ito sa mga unang ipinaliwanag sa kaniya ng Tagapagturo niya sa mga unang taon ng pag-aaral niya.
Panahon ng Simoy. Panahon ng Lagaslas. Panahon ng Bitak.


Sa pagsisimula ng bawat Panahon, pumapasok ang Magana niya sa silid niya para i-update nito ang PALAD niya. Magana lang niya ang puwedeng gumawa nito. Hanggang hindi siya nakakapasá sa SET at naitatalaga ng Sistema sa isang Dibisyon, PALAD pa rin ng Magana niya ang may hawak ng code para sa mga update ng PALAD niya. Sa pagkakaalam ni JM, maaari namang pumasok ang Magana niya sa silid niya kahit kailan nito magustuhan. Pero hindi nito ginagawa. Laging nagpapakita lang ito sa kanya sa pagsisimula ng bagong Panahon. Tatlumpu’t dalawang beses—pantatlumpu’t tatlo ngayon—nitong nagdaang mga taon. At narito nga ito ngayon dahil simula na ng Panahon ng Bitak, ang pinakamaikling panahon ng Sistema na may isang buwan lang, ang Bugtong na Buwan. Ito rin ang buwan at panahon ng kaarawan ni JM. Bago matapos ang buwan at panahong ito, maglalabinlimang taon na siya. Bago matapos ang buwan at panahong ito, maipapasa na niya ang SET. Makapagsisimula na siyang maglingkod sa Sistema. Makakasama ba niya sa Dibisyong itatalaga sa kanya ang Magana niya? Magkikita pa ba ulit sila ng Magana niya matapos ngayon?


Noong simula, noong nag-apat na taon siya at inihatid siya ng Magana niya sa silid na ito matapos ngang makapasá ang utak niya sa kinakailangang laki at timbang, iyak siya nang iyak. Kahit paulit-ulit nitong sinasabi na kailangang gawin ito para masimulan ang pag-aaral at pagsasanay niya para sa SET, iyak lang siya nang iyak. Hindi niya maintindihan kung bakit kailangan niyang humiwalay sa Magana niya. O ayaw niyang intindihin. Napakabata pa niya noon, mapapatawad siguro ng kahit sino ang takot niyang mag-isa noon.
Parang napakatagal na noon.


Ngayon, naaasiwa na siya sa alaala ng batang siya na iyak nang iyak. Nadodoble pa ang pagkaasiwa dahil wala siyang naaalalang kahit isang patak ng luha sa Magana niya, kahit bahagyang anino ng lungkot sa paghihiwalay nila, sa kabila ng halos pagkapaos niya noon sa pagpalahaw ng iyak para hindi siya iwan nito.


Kailangan mong mag-isa, iyon ang huling sinabi nito sa kanya bago siya nito iniwan. Hindi nakalimutan ni JM ang katiyakan ng mga salitang iyon at ang pakiramdam na parang may ibinalibag na kung ano sa kaloob-looban niya habang binibitiwan iyon ng Magana niya. Kailangan mong mag-isa.


At niyakap nga niya ang pangangailangang iyon na mag-isa.


Habang lumalaki si JM, nang napilitan siyang harapin ang mga araw kasama ang apat na nilalang sa PALAD niya, mas naintindihan niya na baka nga kailangan ito para mas makatutok siya sa paghahanda sa SET. Anong pinakamainam na paghahanda kaysa sa pag-unawang wala kang ibang maaasahan? Kahit ang Tagapagsanay niya, hindi niya puwedeng asahan. Ito pa ang laging nagpapaalala sa kanya na Tagapagsanay lang niya ito. Wala ito sa mismong pagsusulit. Wala ito sa kahit na anong ibang bagay na puwedeng harapin ni JM matapos ang mga paghahanda niya. Wala rin ang Tagapagturo. Wala ang Manggagamot. Wala ang Mananaliksik. Narito lang silang apat para sa paghahanda niya, pero pagkatapos nga ng lahat ng ito, wala siyang ibang maaasahan kundi ang sarili niya.


Naiintindihan ko, sabi ni JM sa Tagapagsanay niya noong walong taon siya, na hindi na niya kinailangang ulitin dito kahit kailan dahil kumbinsido siyang kumbinsido itong naiintindihan niya. Wala nga sa bokabularyo niya ang pagdududa. Kahit ang mga tanong niya noong bata siya ay hindi niya nakikita bilang mukha ng pagdududa.


Subalit naintindihan niya ba talaga? Muli, tanong ito na umiikot-ikot sa isip niya pero hindi niya ganap na mahawakan dahil hindi nga niya alam ang pagdududa. Basta ang mahalaga, maipasá niya ang SET sa takdang araw. Wala nang hihigit pa kaysa maging karapat-dapat para paglingkuran ang Sistema. Para sa Sistema kaya siya nabubuhay. Para sa Sistema silang lahat nabubuhay.


Ngayong nasa panahon na siya ng pagkuha ng SET sa wakas, kinakapa niya sa loob kung may panghihinayang pa rin ba siya na hindi niya nakasama ang ina sa lahat ng paghahandang pinagdaanan niya. At wala na siyang makapa kahit katiting. Nakahinga siya nang maluwag. Noon, hinanap-hanap niya ang Magana niya sa mga gabing naaalala niya ang pagyakap nito sa kaniya sa pagtulog. O kapag naaalala niya ang boses nito na bumubulong sa kaniya bago siya mahimbing. Anong ibinubulong nito? Tuwing magkikita sila, tulad ngayon, ni hindi siya nito hinahawakan. Nang una siya nitong dinalaw para i-update ang PALAD niya, ang una niyang napansin ay na hindi na siya nito kinalong tulad ng madalas nitong gawin. Wala na rin itong sinasabing anuman sa kanya na tungkol sa relasyon nilang dalawa. Sa unang apat na taon ng pagsasanay niya, halos walang gabi na hindi niya iniisip kung naiisip din kaya siya ng Magana niya. Para kang sinaunang tao, sabi sa kanya ng Mananaliksik noon. Nag-uubos ka ng lakas sa pag-iisip kung iniisip ka rin ba ng iba. Noon siya unang parang natauhan. Iyon din ang unang taon niya sa pag-aaral sa Simulain ng Sistema. Nagpasya siyang sadyaing hindi na hanap-hanapin ang yakap at bulong ng Magana niya. Inilubog niya nga ang sarili sa paghahanda sa SET na parang pagsuong sa kasaysayan ng mga idea ng tao—mula sa pagkontrol sa apoy hanggang sa pagdududa sa realidad hanggang sa pagmamapa ng laksantinakpan. Iyon ang dahilan kaya siya nabubuhay. Pinakamalaki ang inaasahan ng Sistema sa mga taong may utak na tulad ng sa kanya. Biyaya’t pananagutan ang pagkakaroon ng ganito pa ring utak sa panahon nila at dinibdib niya iyon sa loob ng mga nagdaang taon.


Kaya ayaw na rin niyang isipin ngayon ang mga nagawa at hindi nila nagawang mag-Magana. O kahit gustuhin niya, parang hindi na niya kaya. Wala na nga siyang makapang dahilan para malungkot sa hindi nangyari. Narito na siya. Narito na sila. Hindi na maibabalik ang mga panahon. Sakit ng mga sinaunang tao ng Matandang Panahon ang paghahangad na maibalik ang panahon. Ang mahalaga ay mapaglingkuran niya ang Sistema, tulad ng alam niyang paglilingkod ng Magana niya rito.

ITUTULOY…