ni Efren Abueg
“Investments in beaches of my foreign friends are not earning enough. I think they would be happy now that their money are with some government infrastructures.”
(IKA-24 NA LABAS)
NASA isang bayan sa Bulakan si Amyra, kasama ni Atty. Koko Planas? Bakit hindi agad sinabi iyon sa kaniya ng dalaga?
May lupain din ba roon ang matandang Sobresantos na nabili nito sa murang halaga?
Ibinebenta kaya iyon ni Amyra sa mas mahal na halaga!
Naisip na naman ni Edel ang saliwang pinagmulan ng yaman nina Amyra.
Nakaramdam siya ng sama ng pakiramdam!
Ngayon, naisip din ni Edel ang napakamiserableng halaga na iniwan umano ni Dino kay Ming buwan-buwan. At pagkaraang gamitin ang kababata niya bilang glamorous marketeer sa realty company!
At isang trophy wife!
Kailangang tulungan niya si Ming sa kalagayan nito!
Tatawag si Amyra, naisip ni Edel. Wala itong iniwang mensahe sa opisina. Gaya ng dati, umaasa naman ang secretary nito na darating siya pagkaraan ng working hours.
“Working alone with me is convenient for both of us!” Iyon ang laging bukambibig sa kaniya ni Amyra.
Kaya hihintayin niya sa opisina si Amyra. Magtatrabaho sila, gaya ng laging inaasahan nito! At kung masaya at walang ano mang problema, maghahapunan sila sa isang malaking restawran at matutulog pa siya sa condominium nito!
Tutuloy si Edel sa opisina niya. At habang naroon, maaaring tawagan niya si Ming. Mangako na “aayusin” niya ang ano mang problema kaugnay ng yumaong si Dino. Ikakabit niya roon ang maliit na halagang iniwan dito ng yumao.
Ngunit paano kung hindi “pakinggan” ni Amyra ang mga sasabihin niya tungkol kay Ming?
Patungo na si Edel sa kaniyang opisina nang tumunog ang ring tone ng kaniyang cellphone!
“Nasaan ka?” Boses ni Amyra.
“Nasa opisina.”
“Working alone?” Natatawa ito.
“Ohoo!” Malambing ang ungol niya.
“Atty. Koko will drop me by in the condo. I will be late, so buy something for us tonight.”
Habang bumibili ng mga pagkain sa isang restawran, nagdidili-dili si Edel. Magtatagpo sila ni Amyra. Sakaling hindi sila magkasundo ng dalaga tungkol sa pangakong tutulungan niya si Ming, magpaparamdam siya ng pagkadismaya. Maaaring tumanggi siyang matulog doon para “saktan” ang dalaga. Kung “maayos” naman ang usapan nila ni Amyra, doon na siya magpapaumaga!
Nagtuloy si Edel sa condomium pagkagaling niya sa restawran. Kaaalis lamang ni Atty. Koko Planas nang dumating siya.
“Masyado ng traffic in the city. Kawalang gana,” salubong sa kaniya ni Amyra.
Inihain agad ni Edel ang mga pagkaing binili niya.
“Kumusta ang dinalaw n’yong project ni Atty. Koko?”
“We came there for two purposes!” deklara agad ni Amyra.
Naghintay lamang si Edel.
“The mayor is interested in my old man’s property near the municipal building. They will put up a new structure soon!”
Matagal na marahil ang lupang iyon na nabili ng matandang Sobresantos sa napakababang halaga!
“Guess how much money the mayor can afford now?” At tumawa si Amyra!
Naisaloob ni Edel na tama ang hinala niya tungkol sa mga deal sa gobyerno ng matandang Sobresantos.
“Grabe!” sabi ni Amyra sa maikling kaalaman nito sa wikang Tagalog. “Malaki’ng badyet nila?”
Naghintay pa si Edel sa sasabihin ni Amyra.
“Investments in beaches of my foreign friends are not earning enough. I think they would be happy that their money are now invested in some government infrastructures.”
Namangha si Edel, napausal. “Di ko alam na nailipat mo na ang mga investmet ng mga kaibigan mo!”
“Those investments are under my name!”
Nagpapayaman si Amyra nang gamit ang ibang pangalan!
Magana sa pagkain si Amyra. Nagutom dahil nabalam ang hapunan nito.
“Sorry, I am thinking more since Dino is gone!”
Umasam si Edel na magsasalita pa si Amyra, ngunit tinapos na nito ang pagkain at nagtungo na sa bathroom-toilet.
“Marami siguro siyang plano!” naisaloob niya.
Walang sinabi si Amyra na matutulog siya sa condominium nang gabing iyon. Ngunit lumalawak ang kaniyang pakiramdam sa mga kilos nito. Kung hindi agad nasabi nito sa kaniya ang pagkakadispatsa sa puhunan ng mga kaibigan na inilagay sa mga beach resort sa Mindoro, suspetsa niyang may mga pasiya ito na hindi niya alam na nangyari pagkaraang yumao si Dino.
“May iba pang plano si Amyra?”
Hindi rin nasabi ng dalaga ang mga detalye sa lakad nito sa bayang iyon sa Bulakan. Lumalim ang naglalaro sa isip ni Edel.
“O, you did not change in the other bath.” May lambing ang mga salita ni Amyra.
“Medyo relaxed na ‘ko!” sabi pa nito.
Ngumiti si Edel at sumunod sa sinabi ni Amyra. Kumuha siya ng pamalit na damit sa maliit na silid at naligo. Nakahiga na sa kama nito ang babae sa pagpasok ni Edel. Pikit-matang nagpapahinga ito nang sumungaw siya. Napatingin siya sa bulislis na mga hita nito.
Ilang beses na ba siyang natulog sa condominium? Ilang beses na ba na may “nangyari” sa kanila ni Amyra? Ano ba ang mga sinabi nito?
Hindi mawaglit sa kamalayan ni Edel ang pag-iisa ni Amyra sa condomium nito sa Paris, sa mga tinuluyan nito sa Vienna at iba pang lugar sa Europa. Hindi maiiwasang makatagpo si Amyra ng mga lalaking sing-edad nito. Nag-iisang katawan, ngunit diborsiyado. Hindi ba bumulong man lamang ang mga lalaking iyon? At nakatanggi ba si Amyra?
“Thinking of something?” Matalas din ang pakiramdam nang dumilat na si Amyra.
Umiling si Edel. Tumahi ng higa kay Amyra.
“Are they not missing you in some theaters of Paris, Vienna and London?”
Nakangiti siya.
“Why suddenly that sort of thinking? We are getting married a year after my brother’s death?”
“No! I am thinking of your long-term business plans. They might affect you personally one of these days.”
“Now that everything is my responsibilities? How about you? Are you not with me?”
Nakabaling na kay Edel si Amyra nang mga sandaling iyon.
“Or you are bothered by something?”
Bigla, nakita ni Edel ang tinitiyempuhan niyang pagkakataon. Si Ming! Mabubuksan na niya kay Amyra ang problema ng kababata!
“Si Romina, Amyra! You expect her to live by the amount you are giving her monthly?”
Natigilan saglit ang katabi.
“Magtatrabaho naman siya. Now I know that you are not so remote from her! Nakipag-usap ka sa kaniya?”
May kulay ng panibugho sa mukha ni Amyra.
“Hindi, Amyra. ‘Yon ang amount na sinabi ni Atty. Koko. Gusto ko nga na makausap si Romina at makapagpaliwanag. Pero ano ang ipaliliwanag ko sa kaniya? Na talagang ganoon lang ang living allowance niya buwan-buwan?”
Parang lumuwag ang hininga ni Amyra sa pagtanggi niya.
“Yes, Atty. Koko is right. We should consolidate our cash after Dino’s death. We have started putting up some buildings from the profits of the realty company. Can’t she wait for my next move?”
May itatayong mga gusali? Hindi pa niya alam iyon, kaya may patibay siya na may mga balak sa hinaharap si Amyra.
“Hindi ko alam ang susunod mong mga plano!”
“Why? Do I need to tell everyone of my business blueprints?”
“I did not know that you will be with Atty. Koko this afternoon?”
“And refused a mayor’s invitation? What for did I go with Atty. Koko in Bulakan? Why looked at several workers in the outskirts who are laying down some steel spikes in the railways?”
Huminga nang malalim si Amyra. Hindi nagsasalita si Edel.
“And tell everyone what I did with the investments of my friends?
Nakaramdam ng pagkapahiya si Edel. Ibig niyang bumalikwas. Bumangon. Iwan si Amyra at saglit na mawala para matunaw ang waring pagsukat sa kaniyang pagkalalaki.
Ngunit nakatitig na sa kaniya si Amyra. Nagbalik-titig din siya. Noon siya kinabig ni Amyra. Niyakap. Naramdaman niya ang gapang ng bibig nito sa kaniyang mukha, sa kaniyang leeg, sa kaniyang dibdib. May init na lumukob kay Edel. Idiniin niya ang kaniyang katawan sa katawan ni Amyra. Hindi niya napigil ang biglang lukso ng init sa buong katauhan niya.
“Don’t talk on anything now, Edel,” narinig niyang bulong na lamang ni Amyra.
Umungol si Edel sa kaabalahan niya sa umiinit na ibabaw ng kama. Napatatangay naman ng mga sandaling iyon ang kaniyang kayakap.
MAAGA pa, ngunit nauna na si Edel kay Chito. Ang kasama niyang ito sa law offices nila ang laging nagbubukas ng opisina. Karaniwang nakatanghalian na kung pumasok si Torre, Jr.. Ikasampu naman ng umaga ang karaniwang dating ni Edel. Ngayon, siya naman ang naghintay kay Chito.
“Ang aga mo, ha?” bungad nito sa kaniya.
“Baka maunahan ako sa ‘yo ng clients natin.”
“Puwede mo naman akong abalahin anytime.”
“May gusto akong ikonsulta sa iyo.”
Tumititig sa kaniya si Chito. Nilurok agad nito ang iniisip niya.
“Tungkol kay Ming?”
Umiling si Edel. “Business.”
“A…iginigiit na naman ni Amyra ang resignation mo sa law offices natin?”
Umiling uli si Edel at ngayon, napakunot-noo si Chito.
“Amyra’s moves in business!”
Kampanteng nagtinginan ang dalawa. Kumambyo agad si Chito.
“Natural lang ‘yon pagkamatay ni Dino.”
“In almost two years, Dino and Amyra accumulated so much. Amyra is putting up some buildings.”
Tinapik ni Chito si Edel. “Matagal din na negosyante ang kanilang ama, Edel. Saksi ka naman sa sipag ng matanda!”
“Saulado ko naman ang lahat ng kanilang kabuhayan. Pero kahapon, nasa isang bayan sila ng Bulakan. May bagong deal sila. Interesado sa property nila ang mayor.”
“What is the problem, Edel?” May ibig sabihin si Chito.
Binasa ni Edel ang mukha ng kaibigan.
“Tulad ng dati, Chito. ‘Yung nababangit sa iyo noon!”
Parang tumigil ang mundo ni Chito.
“’Yung deal sa mayor?”
“Baka…baka iregular ‘yon!”
Napatigil sa pagsasalita si Chito. Malalim ang tingin kay Edel.
“Bakit mo uli sinasabi ito sa akin, Edel?”
Napatungo saglit si Edel bago deretsong tiningnan ang kaibigan.
“Matagal ko nang suspetsa ito, Chito.”
“Sa matanda?”
Nagkatinginan ang dalawa. Nagtatanong ang tingin ni Chito. Sumasagot ang mga mata ni Edel.
“Napaaralan ka niya. Malaking tulong!”
“Binubundol lagi ang konsensiya ko!”
Maraming tanong si Edel. Zero ang laman sa bulsa ni Dino nang umuwi sa Pilipinas. At gayundin si Amyra na sustentado at sanay sa marangyang buhay.
“Saka, Chito…parang may ibang kausap na lawyers si Amyra through Atty. Koko Planas!”
Nanatiling nakatingin si Chito kay Edel. Alam ni Edel na binabasa siya ng kaibigan.
“Deretsuhan na tayo. Edel. You have two suspicions. One is that Sobresantos’ businesses are consorting with corrupt people. Pangalawa lang ang suspetsa mo.”
“Ano ang pangalawa?”
“Sosolohin ka ni Amyra para tuluyang umalis ka sa opisinang ito.”
Matagal, napayuko si Edel. Nang tumingala siya, nakatayo na si Chito.
“Don’t lose heart, Edel. Suspetsa lang ang lahat ng pinag-usapan natin!”
At tinapik uli sa likod si Edel bago siya umalis sa opisina ng kaibigan!
NAKATATLONG beses nang tumawag si Edel sa boarding house ni Ming. Nakikita niya sa labas ang maputlang dampulay ng araw sa paligid. Maaaring isang assistant ng may-ari o isang katulong ang nakausap niya. Malinaw ang sagot.
“Sarado pa ho ang room niya!”
“Hindi pa siya dumating?”
“Hintayin n’yo na lang ang may-ari ng boarding house!” sagot sa kaniya ng pangalawa niyang tinawagan.
Nakadalawang tasa ng kape siya sa snack house ngayon.
Naghahanap kaya si Ming ng trabaho?
Napansin ni Edel na dumidilim na pagkaraan ng kalahating oras. Inilabas niya uli ang cellphone niya. Ngayon, ibang boses naman ang sumagot sa kaniya.
“Boarding house owner ito. Ikaw ba ang tumawag sa assistant ko kangina?” Sa babae ang boses.
Sinabi ni Edel ang pangalan niya. Saglit na hindi sumagot ang kausap at parang may tinanong.
Naghintay si Edel bago nagpaliwanag ang kausap niya.
“Sarado ang kuwarto niya. Tinawagan ko ang isa niyang kakilala. Ilang araw daw na hindi muna uuwi rito. ‘Yon lang ang ibinilin!”
Mabilis ang tanong ni Edel.
“Kailan n’yo siya huling nakausap?”
“Four or five days ago.”
“Saan daw siya pupunta?”
“Babalik daw siya, pero hindi sinabi kung kailan. Isang taon namang bayad ang kaniyang room kaya walang problema sa akin!”
Narinig muna ni Edel ang mahinang bagsak ng telepono bago siya natigilan.
ITUTULOY…