Apat na Tula ni Lanylyn B. Bellen

Sa Tuwing Umuulan

Agad akong dumudungaw sa bintana,
kapag mga karayom nang nahuhulog ang ulan mula sa langit, pinalalaboy ang aking paningin sa paligid,
baka sakaling matanaw kang
tumatakbong muli pabalik dito sa ating tahanan–
kung dumating kang basa,
higpit ng yakap ang sasalubong sa ‘yo.
Nakataob sa ibabaw ng mesa ang paborito mong tasa,
sabik sa dampi ng iyong labi,
sa hinahon ng iyong paghinga sa init ng iyong palad.
Nakalatag na ang kutson sa kwarto,
plantsado na ang gusot ng kobre kama,
wala nang mantsa ang iyong kumot,
naghihintay sa iyong katawan,
nangungulila sa iyong samyo.
Sa tuwing umuulan,
agad akong dumudungaw sa bintana
ilalaboy ang paningin sa paligid,
at saka ipipikit ang mga mata.
Binibilang ko parati ang mga tulo mula sa bubungan,
basa na naman pati ang sahig,
hindi kayang ampatin ng kumpol ng tela–dumadaloy, lumalawak na ang marka ng tubig,
nilulunod ang alikabok na iniwan mo sa may pintuan.
Ilang tag-ulan na ang dumaan, pero tumitila rin naman.

Arkibus 

Dinala ako ng aking mga paa sa imbakan ng mga alaala
marami rin pala tayong naipon;
mga bahaging natabunan ng pagdududa,
mga piraso ng panghihinayang,
mga pinagtagpi-tagping galit ng puso
nakakulong silang parang mga bilanggong
patuloy na nag-aasam ng paglaya,
mga pangarap na nagnanais ng katuparan,
mga pag-ibig na muling humihiling ng muling pagmamahalan
habang tayo,
bahagi na lamang ng kasaysayan.

Mailap Ang Buti Sa Lungsod

Mailap ang buti ng lungsod sa mga ikinakanlong nito sa dilim
Kumakaripas ang mga paang nakasuot ng leather shoes,
Ngumingiwi ang mga ngusong namumutok, nanlilibak
Ang mga tingin ng mga matang halos matabunan na ng
Pekeng eyelashes. Sa sulok ng overpass nakalahad
Ang kulubot na kanang palad, kaliwa’y nakayapos
sa kumukulong sikmura, binibilang ang mga yabag
ng nagtataasang sandalyas, sinusundan ng panglaw
ng mga mata ang bawat indayog ng mga pulsong
kinakapitan ng mamahaling oras, tinitingala ang kisig
ng pares na amerikana, hinahabol ng singhot ang
estrangherong pabango. Walang bait ang lungsod
sa mga ikinakanlong nito sa dilim, hangin lamang
sa mga taenga ang mga gasgas na tawag at
pakiusap para sa hapunang pagpag, alikabok sa
mga mata ang walang saplot na katawan ng sanggol
na nakabalandra sa tabing-kalsada, niyayakap ng
ginaw ng aspalto.
Walang bait ang lungsod sa mga
ikinakanlong nito sa dilim,
marahas sa api, mailap ang buti.

Mailap Sa Pook Na Aking Lilisanin

Sa pook na aking lilisanin,
kung sakaling magawi rito ang aking kabiyak
paalalahanan mo siya ng pag-iingat sa mga
harurot ng sasakyan, sa kemikal na nagkalat
sa hangin (pumapatay ang hindi nakikita),
sa dilim ng mga tagong-kanto at mga eskinita.
Kung sakaling magawi siya sa simbahan
ipaalala mo sa kaniya
na hindi lahat ng panalangin
ay nabibigyang katuparan,
hindi isang daop lamang ng palad
ang mga pangarap,
binubuwisan ito ng pawis,
pinapatakan ng dugo,
pinatitikim ng isang gabi ng ligaya.

Huwag mo siyang hahayaang maligaw sa iyong pusod,
hindi siya maalam sa mga pasikot-sikot at gusot na landas.
Ihatid mo siya pauwi sa tarangkahan ng kanyang dormitoryo,
hintaying makapasok sa sariling silid at makapagpalit ng pantulog—
saka mo siya iwan na parang walang nangyaring pagkaligaw
at pagtatanong kung nasaan na nga ba siya sa siyudad,
kung ano’t dinala siya rito ng tadhana
kung saan ako maagang binawian ng dangal—ng buhay.


Si Lanylyn B. Bellen ay mag-aaral mula sa Politeknikong Unibersidad ng Pilipinas sa kursong Batsilyer ng Artes sa Filipinolohiya. Naging kontribyutor sa National Book Development Board, Takatak: Antolohiyang Bikol, at Liwayway Magazine, at iba pang mga antolohiya. Miyembro rin ng Alyansa ng mga Panulat na sumusuong (ALPAS PUP).