IDLIP
Kanina ko pa nilalansi
subalit hindi sila pumipirmi,
mga busang kusang pumuputok
wari’y inaantay ang pagtilaok
ng tandang
na bago magtakipsilim
ay napansin kong nakayupyop.
Kanina ko pa nilalansi
parang mga mumunting paslit na di mapakali.
Makailang ulit ko nang hinele,
inawitan ng oyayi
kwinentuhan, inalo
Hindi sila mapahinto
kahit anong gawin kong pagsusumamo.
Kanina ko pa nilalansi
tila alulong na nakabibingi.
Sa gitna ng madilim na gabi,
Tinatakpan ko ang aking tenga,
ipinipinid ng pilit ang mga mata.
Para silang ligaw na kaluluwa
naninindak, gumagambala.
Kanina ko pa sila nilalansi
dahil huyos na ang aking unan
sa kumpol na hamog na natipon sa aking mukha
Ang nais ko lamang naman ay magpahinga,
ipikit kahit saglit ang mga mata
dahil pagod na akong bilangin ang ilang libong tupa.
kapalit ng ilang minutong pagkakaidlip.
Ayaw ko nang maging tanod ng aming tahanan
ni maging tagabukas ng tarangkahan.
Ang ibig ko
ay malunod sa mga paniginip,
dalhin ng agos ng kawalan
sa mahimbing at mahabang pagkakaidlip.
Class Record
Dali-dali kong binuksan ang kompyuter.
Tiyak nag-aabang na si titser
para tawagin kami isa-isa.
Susunsunin na para bang mga supling na nawawala.
At tuwing babanggitin aming pangalan,
matamis na ngiti ang sa kanya’y aming turan.
Tila baga may mahikang taglay ang tinig niya,
napupuno kami ng sigla at saya.
At kung minsang tikom ang aming bibig
at wala siyang sagot na narinig
ay titingin siya ng makailang ulit
maghahanap, maninigurado, maghihintay saglit.
Titiyaking walang nawaglit
Na walang nakaligtaan
Na walang naiwan
Sigurado ako nakabisado na niya ang lahat ng nasa kanyang talaan.
Dahil kahit gaano kahaba ng kanyang listahan,
madalas pa rin niyang tinatawag kamag-aral naming lumisan.
Marahil nakatatak na sa kanyang isipan
lahat ng aming mga pangalan.
Dahan-dahan kong isinara ang kompyuter.
Tiyak bukas mag-aabang uli si titser
Para tawagin kami isa-isa
Susunsunin pati ang nawala.
Para kay Misha na mananatili sa talaan ng klase
Baka O Kaba
Takot ako
Sa mga simula.
Sa pag-uunahan ng pulso
Paroo’t parito, di humihinto.
Kinukuyom ang ‘sang libong kaba
Pumipigil sa bawat paghinga
Mga larawan sa isipa’y kumakawala na
Hindi sila mabura
Tuwing sasagi sa gunita
Na bukas makalawa
Hindi ka na
isang ideya.
Takot ako sa simula
Dahil paulit-ulit akong nagsisimula
Sa sandaling ang lahat ay mawala
At hindi ko pa rin kabisado
Kung paano mabubuo
Ang gumuhong mundo
Ang pira-pirasong ako.
Hindi ako nasanay
sa mga pagkabigo
sa mga kusang lumilisan
sa mga biglaang naglalaho.
Takot akong magsimula.
Tipunin ang mga salita
Para lamang tumugma
Sa mga saknong at linyang nais kong punan
Isa itong malaking kahibangan
Pagkat ang lahat ng simula sa akin ay katapusan.
At gusto ko nang maniwalang lahat ay dumarating para lamang wakasan.
Takot akong simulan
Baka pulso’y di na mag-unahan.
Ang paroon at parito ay hihinto.
Mapupunan ng ‘sang libong kaba
Kakapusin ang bawat paghinga
Mga larawan sa isipa’y kakawala na
Hindi na sila mabubura
Sasagi na lamang sa gunita
At bukas makalawa
Mananatili ka ng
isang ideya.
Si Hyacintha B. Lupig ay guro sa elementarya at kasalukuyang nagtuturo sa isang Katolikong paaralan sa Maynila. Hilig niya ang sumulat ng tula sa Filipino o Ingles at pukawin ang diwa ng kanyang mga mumunting mag-aaral sa pamamagitan ng mahika ng panitikan.