ni Aniceto F. Silvestre
Unang nalathala: LIWAYWAY, Disyembre 26, 1960

Ang iyong alindog
Na nabibihisan ng dilag ng Langit,
Ma’nong ipakita sa sangkatauhang
Marangya’y marungis.
Sa ganyan, ang budhing santaong marumi’y
Tuwang maglilinis,
At saka ang diwang umasam ng ganda’y
Magbabagong-bihis.

May bango’t may tamis
Ang kagandahan mo’t ang iyong hininga –
Bayaang mangarap, tumungga ang puso
Ng alak mong dala.
Bayaan mo sanang ang dukha’t alipin
Sa sangkisap-mata’y
Makalimot naman, minsan sa santaon,
Ng dusa’t pangamba.

Sa gabing madilim,
Napaglalandas mo ang magulong hakbang;
Ang kamay na dating sandata ng poot
Ay masuyong kamay.
Nagagawang ibon ang mumunting bata
Sa sinag ng buwan,
Saka nagagawang bahagi ng puso
Ang wala mang saysay.

Libo! Libong taong
May tambuli pa ring laging tumatawag;
Nakikipagdiwang, mailap mang ibon
At hayop sa gubat.
Inaawit namin ang awit ng Langit
Kahit sa pangarap,
At ang dinarasal ay kapayapaang
Ikaw ang may gawad.