ni Angelo Sanchez
“May tatalo pa ba sa Pasko ng Pinas. Ang kaligayahan nati’y walang kupas. ‘Di alintana kung walang pera. Basta’t tayo’y magkakasama. Ibang-ibang talaga ang pasko sa Pinas,” mula sa liriko ng kanta ni Yeng Constantino.
Totoong walang tatalo sa pagdiriwang ng Pasko sa bansa. Pilipinas ang isa sa mga bansang nagdiriwang nito nang makulay at maingay, at hindi naman ito maikakaila sa mga parol at Christmas lights na nakasabit sa bawat bahay—walang mayaman,walang mahirap—lalo na sa pagpasok ng Disyembre.
Sa Mindanao, mula Disyembre 1 hanggang Enero 6, ipinagdiriwang sa Tangub City— bilang Christmas Symbol Capital of the Philippines—ang maliwanag na season lights at color. Ginagawa nila ito bilang pagpapahalaga sa kultura nang may pagmamahal at pagpapahalaga sa sining.
Sa Visayas, dakong Parian, Cebu City, mayroong tinatawag na Paskuhan sa Barangay, na kung saan ay nagpapasikatan ang mga presentasyon mula sa iba’t-ibang unibersidad sa Cebu. Pagpapasiklaban rin sa mga presentasyon at labanan ang paraan ng pagdiriwang ng pasko sa Tanjay, Negros Oriental, na ginaganap tuwing Disyembre 1 hanggang 9.
Pagtawid naman ng Luzon, maingay rin ang selebrasyon. Pasiklaban sa ganda ng mga lantern ang labanan sa pagdiriwang ng kapaskuhan sa San Fernando Giant Lantern Festival. Naglalakihang parol na umaabot sa 14 hanggang 18 feet ang taas ng mga ito. Sa Legaspi City, Albay, animo’y mga anghel ang mga bata sa pagdiriwang ng Pastores Bikol, na kung saan ay nagbibihis ang mga kabataan bilang mga pastol na nagpupugay sa pagsilang ni Hesus.
Patungong Metro naman, hindi rin pahuhuli sa pagdiriwang ng pasko ang taga-Maynila. Ginaganap ang parade ng naggagandahang parol mula sa iba’t-ibang dako ng bansa sa Roxas Blvd. at Quirino Grandstand. Sinasabayan ito ng saliw ng musika mula sa mga lokal na banda at mga palabras mula sa mga indigenous groups.
Sabay rin sa pagdiriwang ng pasko ay ang kinaugaliang Misa de Gallo o Simbang gabi na nagaganap mula gabi ng Disyembre 15 hanggang gabi ng Disyembre 23 o madaling araw ng Disyembre 16 hanggang madaling araw ng Disyembre 24. Parte na ng tradisyon ng mga Pilipino ang magsimba sa siyam na misa o nobena.
Kinaugalian na rin ang sabayang hapunan tuwing Disyembre 24 o ang Noche Buena. Sa bisperas ng pasko, nagiging masaya ang salu-salo dahil bukod sa magkakasama ang mga magkakapamilya ay puno rin ang lamesa ng mga handang nakakatakam at madalas ay sa pasko lang matitikman.
Hindi lamang sa araw ng Disyembre 25 natatapos ng pasko. Ang Pilipinas ay isang bansang pinaniniwalaan na mayroong pinakamahabang pagdiriwang ng Pasko. Nagsisimula ang kasabikan ng lahat pagsapit ng Setyembre o pagbubukas ng mga “Ber months” hanggang sa Kapistahan ng Epipanyo o Araw ng pagdating ng Tatlong Hari o Mago.
Napakasaya talaga na maging isang Pilipino lalo na’t nakikita mo ang mga kababayan mo na tuwang-tuwa at napakaligaya na pinapahalagahan at isinasabuhay ang kultura at mga tradisyon na ating kinalakihan. Makulay, aktibo, maingay, at magarbo. Totoong walang tatalo sa pagdiriwang ng pasko ng mga Pilipino.