ni Edgar Calabia Samar
(IKA-4 NA LABAS)
NGAYONG magkaharap na naman sila, ni hindi siya kinukumusta ng Magana niya sa kahit ano, tulad ng inaasahan na niya. Sa isang banda, wala rin naman ngang silbi ang anumang tanong dahil alam nito ang halos lahat ng nangyayari sa kanya. Dina-download nga nito sa PALAD niya ang progress report ng Tagapagturo at Tagapagsanay niya. Kaya ang pagkikita nila sa simula ng bawat Panahong tulad nito ay isang ritwal na lang na kailangan nilang gawin.
At walang masama roon.
Nalungkot nga siya, noong una, pero dahil hindi pa niya nauunawaan noon nang lubos.
Na ganito ang mabuhay sa Sistema.
Sa mga pagkikitang tulad nito, nagdadala ang Magana niya ng mga putahe mula sa Matandang Panahon. Dalawang kapsula ng tilapyadobo at dalawang kapsula ng ramenudo. Parehong hindi niya gusto pero iniisip niya na lang na bahagi pa rin ng pagsasanay niya ang pagkain ng mga hindi niya gusto.
Pero pagsasanay saan? Sa Gunita at Lunan? Sa Galaw at Panahon?
O sa ikatlo’t huling pagsusulit tungkol sa Bilang at Tunog (BAT)?
Dapat ba talagang binibilang niya ang lahat ng kapsulang kinakain niya rito sa loob ng silid (na ginagawa naman niya)? Dapat bang pinag-aaralan niya ang tunog sa mabibilang na pantig na binibitiwan ng Magana niya sa tuwing magkikita sila (na ginagawa rin naman niya)?
Kumain na tayo, sabi ng Magana niya, at may pinindot lang ito sa PALAD nito’t lumitaw sa sahig ang projection ng upuan at lamesa. Kahit wala ang aktuwal na materyal ay may puwersa para masuportahan ang pag-upo nila at pagpapatong ng Magana niya ng dala nitong maliit na kahon.
Hindi iyon naiiba sa projection ng Tagapagsanay niya sa mga bagay na kailangan niya kapag nagsasanay siya. Gaya halimbawa ng bato na ipinupukol sa kanya na wala talaga roon pero simulated hindi lang ang hitsura kundi maging ang texture at gaan o bigat para matantiya niya ang layo ng babagsakan at bilis ng pagbaksak nito. 24 sqm lang ang totoong lawak ng kuwadrado niyang silid pero kaya nitong magmukhang kasinlawak ng isang sinaunang parang ng naghahabulang sangkahayupan. Ngayon, isang karaniwang silid lang ito at nasa pinakagitna nito ang projected na puting kuwadradong mesa at dalawang magkaharap na upuan na kulay puti rin. May simbolo sa likod ng bawat upuan na kumakatawan sa mga tagapagtatag ng Sistema. Parang may hinahaplos na kung ano sa loob ni JM tuwing makikita niya ang simbolong iyon. Wala nang iba pang gamit sa paligid. Wala na kahit ang hinigaan niya na maaari rin niyang iba-ibahin gabi-gabi, depende sa mga available na hitsura sa PALAD niya, dahil ipino-project lang din iyon mula sa palibot ng silid. Maaari niyang i-adjust ang laki o liit, ang lambot o tigas, ang pusyaw o tingkad ng kulay. Kahit ang amoy sa loob ng silid ay maaari niyang timplahin sang-ayon sa imahinasyon niya ng mga halimuyak ng mga bulaklak o halaman na hindi na tumutubo sa Sistema.
May pinindot ang Magana niya sa PALAD nito at nagmukhang salamin ang palibot ng silid na nagpakita ng 360-digring tanawin mula sa labas. Pero siyempre, hindi iyon totoong tanawin mula sa labas dahil kahit sa bahaging pinapasukan ng Magana niya, sa halip na pasilyo, ay makikita ngayon ang matataas na gusaling mula sa panahong gumugulong pa ang mga sasakyan sa lupa at riles. Walang natatanaw si JM kundi ang ilaw mula sa mga bintana ng mga silid sa matataas na gusaling iyon. At ang bilog na bilog na buwan sa mas malayo. Sa mga ganitong pagkakataon lang niya nasisilip ang buwan. Kung minsan, naiisip niya kung totoo ba ang buwan o bahagi lang iyon ng mga alamat mula sa nagdaan.
Totoo, sabi noon ng Tagapagturo sa PALAD niya, na hindi naman nagdetalye pa dahil hindi na siya nagtanong. Napag-aralan na rin naman kasi talaga niya ang lahat ng puwedeng malaman tungkol sa buwan. At wala siyang dahilan para salungatin ang mga iyon. Pero alam niyang totoo man ang buwan o hindi, hindi totoong may buwan ngayon sa labas ng silid niya. Hinugot na file lang ang paligid nila ngayon mula sa isang partikular na lugar at sandali sa kasaysayan. Mula sa Matandang Panahon kung kailan marami pang matataas na gusali. Di tulad ngayon na nasa kaila-ilaliman ng lupa ang buong Sistema.
Nasa ilalim sila ng lupa dahil dito na lang maaaring mabuhay ang mga tao.
Muli, parang may hinaplos na kung ano sa loob niya ang realisasyong iyon.
Humakbang sila ng Magana niya palapit sa magkatapat na upuan at halos magkasabay silang naupo. Ipinatong ng Magana niya ang dala nitong kahon at binuksan. May anim na panibagong mas maliliit na kahon sa loob. Inilabas nito ang mga iyon at itinapat ang tatlo sa kaniya at ang natitirang tatlo para sa sarili nito.
Kung tutuusin, kayang pagtabi-tabihin at sapuhin ni JM sa isang palad niya ang tatlong kahon na siguradong naglalaman ng mga kapsula ng tilapyadobo, ramenudo, at palamiguel. Palamiguel lang ang gusto niya sa mga iyon. Nababawasan kahit paano ng tamis-pait nito ang alat at lansa sa bibig niya. Ang mga kapsulang ito ang tanda na hindi naiwan ng mga tao sa Matandang Panahon ang hinahanap ng kanilang dila.
Naisip ni JM na napaka-predictable talaga ng Magana niya. Pero naisip niyang hindi kaya napaka-predictable na rin niya para magkaroon ng ganito’t ganito ring reaksiyon sa inaasahan na niyang gagawin nito? Pero hindi. Iba nga ngayon. Ang nasa isip pa rin niya, ang narinig nga niya mula rito bago ito tuluyang nakapasok sa silid.
Panaginip.
Narinig ko na iyon, narinig ko na iyon.
Naiinis na siya sa sarili niya. Kung bakit hindi niya mahagi-hagilap ang lokasyon ng alaalang iyon. Naalala na naman niya ang kahinaan ng kaniyang Gunita. O tungkol sa Gunita pa nga ba ito o may pumapalya sa rehistro sa kaniya ng mga Tunog?
Ang lalong ikinaiinis niya, hindi siya sanay na naiinis nang ganito. Bakit siya kailangang mainis sa isang salita?
Anak ng Gregorio!
“MAY PROBLEMA BA?” tanong ng Magana niya habang binubuksan nito ang isa sa tatlong maliit na kahon sa harapan nito.
Nagulat si JM. Hindi siya karaniwang tinatanong ng ganito ng Magana niya. Bakit ba ako kinabahan? “Wala. Mga bug siguro sa PALAD ko.” Wala siyang maisip na dahilan kung bakit hindi niya sinabi sa Magana niya ang totoo. Code ba ’yun, ang salitang ‘yun, sa trabaho mo, Magana? Panaginip. Classified ang Kontrata ng Magana niya para sa Sistema, tulad ng ng lahat ng iba pang may Kontrata sa Sistema.
Ang SET ang magtatakda kung ano ang maaari niyang maging Kontrata. Ang ibig sabihin: kung saan siya magiging pinakakapaki-pakinabang para sa patuloy na kaayusan ng Sistema. Wala siyang ibang hinahangad kundi ang patuloy na kaayusan ng Sistema. Na makapaglingkod sa Sistema at magkaroon ng maikling buhay, tulad ng sigurado siyang pinapangarap ng lahat ng taong tulad niya. Mas maikli ang buhay niya, siguradong mas may bigat ang bawat araw na nabuhay siya’t nag-ambag sa pagpapatuloy ng maayos na Sistema.
Sa kabila ng mga napag-aralan ni JM, puro pagtataya lang sa posibleng talagang ginagawa ng Magana niya sa mga araw na hindi sila magkasama ang kaya niyang buuin sa isip. Wala itong ibinahagi sa kaniyang kahit ano tungkol sa Kontrata nito, siyempre. At iginagalang niya ang pag-iingat ng Magana niya sa Kontrata nito. Sigurado si JM na ganoon din ang gagawin niya kapag nabigyan na siya ng sa kanya. Nung una, tingin ni JM, may kinalaman sa Alaala ang ginagawa ng Magana niya. Pero pagtagal-tagal ng pagkakalkula niya sa mga binibitiwan nitong salita, tingin niya, may kinalaman sa Panahon. Kahit kasi hindi tuwirang masabi ni Tagapagturo niya, halos sigurado si JM na anumang Kontrata ng isang tao para sa Sistema ay malamang na may kaugnayan sa isa o higit pa sa anim na Disiplina ng SET. Lunan. Gunita. Galaw. Panahon. Bilang. Tunog. Tingin nga lang dahil lahat ng batayan niya ay puwedeng kinatha rin para isipin nga niya ito. Hindi niya alam na ang totoong tawag sa tingin niya ay hinala. At hindi tulad ng panaginip na hindi niya maisip kung ano, walang-wala pa nga sa bokabularyo niya ang hinala nang sandaling iyon.
Maliban sa detalyeng gaya ng haba ng sandaling inilalaan ng ina niya kasama siya, wala na siyang ibang puwedeng malaman tungkol sa gawain nito. Pero ang lahat ng galaw niya, nalalaman ng Magana niya. May contact access nga kasi ito sa PALAD niya. Bahagi iyon ng mga pribilehiyo ng pagkakaroon ng Kontrata. Káya siyang kontakin ng PALAD ng Magana niya o ng iba pang mga PALAD na alam ang contact code ng sa kanya—pero hindi niya kayang kontakin ang PALAD ng kahit sino kahit alam pa niya ang contact code ng mga ito. Pero sino rin ang kokontakin niya kung sakali? Iniisip pa lang niya na makikipag-usap siya sa ibang tao pagkatapos niya ng SET, kinakabahan pa rin siya. Normal iyan, sabi ng Tagapagsanay niya sa kaba niya. Tulad kapag mukhang hindi niya masasalo ang batong ipinukol nito sa kanya. Sanay siyang kausapin ang Tagapagturo at Tagapagsanay niya na mukhang halos kasing-edad lang niya—o kahit ang Manggagamot at Mananaliksik na mukhang mas matatanda sa kaniya—pero hindi naman totoong tao ang mga ito. Kaya hindi niya talaga alam kung anong mga sasabihin niya kapag totoong tao na ang kaharap niya. Sinanay rin ba siyang hindi talaga kausapin ng Magana niya?
Ni hindi niya alam kung may iba pa ba itong PALAD na naa-access. Sasabihin ba sa kanya ng Magana niya kung nagkaroon ito ng iba pang anak? Para saan, sabihin man nito? At siya ba ang unang anak ng Magana niya? Nagsisikip ang dibdib niya. Hindi makatingin nang tuwid si JM sa Magana niya. Ngayon lang ulit siya nag-isip ng mga ganito. Wala siyang maisip na dahilan kundi ang salita ngang narinig niyang sinabi nito. Ano ba ang panaginip na iyon?
Kasama sa mga unang pinag-aralan niya noon ang Produksiyon ng Wika. Ibig sabihin ay ang paggamit ng mga tao ng salita sa pagbubuo ng pahayag sa pamamagitan ng boses. Na bihira nang gawin sa Sistema na mas ginagamit ang binary code sa pakikipagtalastasan sa pagitan ng mga PALAD ng mga tao. Madalas, ito na lang ang iniisip niyang dahilan kaya hindi karaniwang gumagamit ng Wika ang Magana niya. Maaaring hindi na ito sanay. Maaaring wala naman talaga itong kinakailangang paggamitan ng Wika maliban sa kaniya. Pero kanina nga…
“Marami ngang update ngayong buwan,” sabi lang ng Magana niya at dinampot na nito ang laman ng unang kahon sa mesa nito. Itim na itim na kapsula ng tilapyadobo. Isinubo nito iyon nang hindi tinitingnan.
Naisip ni JM kung kakausapin kaya siya ng Magana niya tungkol sa SET. Sigurado siyang alam ng Magana nito na nakatakda na siyang kumuha ng pagsusulit ngayong buwan. Kinakapa niya sa loob kung may pagkasabik pa siyang ibahagi rito ang dulo ng lahat ng mga paghahanda niya. Pero wala na siyang makapa. Wala na nga ang batang siya noon na iniisip na pagdating ng panahong ito, Magana niya ang unang-una niyang pagsasabihan na handa na siya. Na nakinig siya sa sinabi nito noon sa kanya. Na nagawa niyang mag-isa, dahil iyon ang kailangan.
Binuksan din ni JM ang unang kahon sa tapat niya at dinampot ang kapsula sa loob bago niya isinubo rin agad iyon sa bibig niya. Ni hindi na niya tiningnan ang kulay. Paglapat na paglapat ng kapsula sa dila niya, parang sumabog iyon sa laway niya at naghalo-halo ang asim at alat at lagkit at pakla na hindi niya mawari. Gusto niyang masuka pero naging kalmado lang siya. 600 calories ang bawat kapsula. Pagka-update sa PALAD niya, alam niyang kailangan niya ng mahaba-mahabang pahinga habang nag-a-adapt ang katawan niya sa bagong sistema sa katawan niya.
Dinampot ng Magana niya ang ikalawang kapsula nito at isinubo iyon. Hindi pa ulit ito nagsasalita bagaman nakatingin sa kaniya. Hindi alam ni JM kung binabása ba nito ang kung ano sa mukha niya. Dinampot din niya ang ikalawa niyang kapsula. Ramenudo nga. Para na naman siyang masusuka sa loob niya pero hindi ulit siya nagpahalata. Bumuwelo siya para magsalita. “Ito na siguro ang huli nating pagkikita,” bulong niya, “dito,” idinagdag niya agad. Ayaw niyang magkaroon ng anumang emosyon sa likod ng pagbigkas niya noon pero kung bakit parang nalungkot siya. Hindi nila kailangang pag-usapan iyon. Kapag nakapasá siya sa SET, hindi niya alam kung makikipagkita pa ang Magana niya sa kaniya. Tumingin lang ito sa kanya pero walang sinabi. Wala na itong tungkulin sa kaniya kapag hawak na niya mismo ang code para sa mga update ng PALAD niya. Bahagi lang ba siya ng Kontrata nito? Matagal na niyang alam na darating ang panahong ito. Lahat ng puwede niyang máláman at kasanayan, napagdaanan na niya. Imposibleng may bago pang laman ang update na may kinalaman sa alinman sa tatlong pagsusulit. Nakaramdam ng bahagyang pagkapahiya si JM na wala man lang siyang nakuhang kahit anong reaksiyon sa Magana niya. Pero inalis niya agad ang damdaming iyon at lahat ng iba pang mumunting labo-labong damdamin sa loob niya. Sanay na siya rito. Sanay na siya sa ganito.
Pagkatapos nilang kumain, matapos ang pangwakas na 600 calories ng palamiguel, inilahad ni JM ang mga palad niya sa mesa at itinapat ng Magana niya ang mga palad nito sa ibabaw. Hindi na niya hinahangad ngayon na magkadikit man lang ang mga palad nilang dalawa. Mas naaasiwa pa nga siya na magkadikit ang mga iyon ngayon.
Isa.
Dalawa
Tatlo.
Wala pang limang segundo nang tumunog ang mga PALAD nila na tulad ng huni ng isang sinaunang ibon na tinatawag na almugan. O iyon ang sabi ng Tagapagturo sa kaniya. Isa ito sa mga bagay na hindi niya matitiyak dahil wala nang matatagpuang almugan. Wala nang kahit anong ibon ngayon sa buong daigdig, mahigit sanlibong taon na. Wala nang 5,000 ang species ng mga natitirang hayop sa daigdig ngayon. Kabilang ang tao. May panahon sa nagdaan na mahigit 10 milyon ang iba’t ibang species na nilipol ng iba’t ibang pangyayari sa daigdig. Walang dahilan para hindi niya paniwalaan ang mga aralin ng Tagapagturo. Hindi niya puwedeng pagdudahan ang sarili niyang PALAD. Napakahaba na nang pinagdaanan niya. Sampung taon.
Naunang tumayo na ang ina niya matapos damputin ang mga kahon ng kapsula at isilid ulit ang mga iyon sa mas malaking kahon. Tumayo rin si JM. Bumalik sa pagiging karaniwang puting dingding ang paligid ng silid. Naglaho ang projection ng mga upuan at mesa. Muling nagkahugis ang pintong pinagmulan ng Magana niya sa isang panig ng dingding. Doon lang ang daan palabas ng silid niya patungo sa mga Daan ng Sistema na patungo naman sa iba’t ibang Sangay ng Sistema. O iyon ang alam niya sang-ayon pa rin sa Tagapagturo. Wala nang isang buwan, makakalabas na rin siya rito. Makakapaglingkod na siya sa Sistema. Maiaalay na niya ang maikli niyang buhay para rito.
Paglabas ng Magana sa silid niya, isinet ni JM sa PALAD niya ang tatlong laksang sandali ng paghimbing. Magigising siya nang eksaktong simula ng laksang saglit ng usbong.
Bago tuluyang pumikit, ibinulong niya sa Mananaliksik sa kaliwang PALAD niya ang salitang narinig niya sa Magana niya—at sigurado siyang narinig niya noon sa ikalawang pagkakataon—para hindi malimutan kinabukasan. Panaginip.
Hindi nagsalita ang maliit na avatar ng Mananaliksik sa PALAD niya pero ngumiti pa rin ito tulad dati.
Bago siya pumikit, inulit pa ni JM sa isip niya ang salita.
Panaginip.
ITUTULOY…