ni Richard Faller
KALAKIP na ng pagdiriwang ng Kapaskuhan ang pagsasadula ng “Panunuluyan”. Sa pagtatanghal na ito sa lansangan, inilalarawan ang paghahanap nina San Jose at Birheng Maria ng tabernang matutuluyan sa Bethlehem upang pagsilangan ng sanggol na si Hesus. Isang munting dula-dulaan lamang ngunit sa likod nito ay nagkukubli ang mahalagang mensaheng dapat na tugunan ng mga mananampalataya upang mamuhay nang naaayon sa kagustuhan ng Poong Lumikha at maging karapat-dapat sa Kanyang mga pagpapala.
Madamdaming Pagsasadula
Isang marungis na lalaking may puting balbas at tungkod. Isang babaeng buntis na nakasuot ng robang puti at asul. Naglalakad sa kalsada at kumakatok sa ilang piling kabahayan. Sa ibang pagtatanghal ay nakasakay si Maria sa kabayo o kalabaw. Habang sa iba pa ay mga rebulto naman nina Jose at Maria na nakasakay sa karosa ang ipinaparada. Mananambitan ng mga awit upang ang dalawa ay patuluyin. Tutugon ang mga nasa bahay sa paraang paawit din.
Ngunit ipagtatabuyan lamang sila at aalipustahin. Ang unang bahay ay nag-uumapaw na sa mga panauhin. Ang ikalawang bahay naman ay ayaw ding magpatuloy dahil sa takot sa mga estranghero. Habang ang ikatlong bahay ay sobrang dukha kaya hindi mapauunlakan ang sinumang bisita. Hanggang humantong sila sa simbahan kung saan nakagayak ang malaking belen. Doon ay isisilang si Hesus sa sabsaban. Susundan ito ng espesyal na misa para sa Pasko.
Makulay na Pagdiriwang
May kani-kaniyang taguri ang Panunuluyan sa iba’t ibang panig ng kapuluan. “Panawagan” ang tawag sa Cavite at Batangas. Sa Cavite, magsisimulang maglalayag sakay ng bangka sina Jose at Maria at pagdaong sa pampang ay saka kakatok sa mga kabahayan. Pinakamagarbo ang pagdiriwang ng “Maytines” ng mga Caviteño kung saan nakasakay sa isang karosa sina Jose at Maria. Sinusundan ito ng sandosenang karosa na kinalululanan naman ng iba pang mga tauhan at tagpo sa Luma at Bagong Tipan. Kaagapay nila ang isang banda na nagsasaliw ng tugtugin.
Sa mga Bicolano, tinatawag naman itong “Kagharong” o “Panharong-harong,” na nangangahulugang pagbabahay-bahay. Habang sa mga Bisaya naman ay kilala ito bilang “Pakaon,” “Pastores” o “Daigon.”
Sa Pastores, mga magbubukid at mangingisda ang gumaganap sa papel ng mga tauhan habang nagsisiawit ng pagbubunyi kina Jose at Maria sa saliw ng kanilang mga musikal na instrumento. Habang ang Daigon naman ay binubuo ng apat na mga tagpo mula sa pagpapakita ni San Gabriel kay Maria, paghahanap nila ng matutuluyan, paggabay ng mga anghel patungo sa sabsaban, hanggang sa huling tagpo ng natibidad.
Gintong Mensahe
Si Kristo ay maaaring mag-anyong isang batang pulubi. Isang huklubang matandang halos manlupaypay na sa lansangan. Isang maysakit o maykapansanan. Isang nangangailangan ng tulong. Isang nawalan ng trabaho o tirahan na halos magpalabuy-laboy na sa lansangan. Bakit hindi natin sila patuluyin sa ating puso? Dulutan natin sila ng pagdamay, tulong at pagmamahal. Ang kaunting tulong upang maramdamang may nagmamalasakit sa kanila ay makapagpapangiti na sa kanila. Higit sa lahat, kumakatok si Hesus. Patuluyin natin Siya upang manirahan sa ating puso at maging Hari ng ating buhay.