Kapag Handa Na Ang Mundo

ni Mellodine A. Antonio

“HOY!”

Huli ako! 

Ang bagal ko kasi. Ang iiksi kasi ng binti ko kaya maliliit ang hakbang. Nahuli tuloy ako.

“May lakad ako,” pagsisinungaling ko.

“Saan?” dudang tanong nito.

Nag-isip ako. “Diyan lang.”

“Tigilan mo ‘ko! Sakay!” matigas na utos nito.

Gusto ko pa sanang magreklamo pero seryoso na ang mukha niya. Hindi ako nagtangka. Baka bigwasan niya ako, ang laki pa naman niya. Literal iyon. Sa lahat ng anggulo, malaki siya.

“Sa’n tayo pupunta?”

“Huwag kang maingay!”

Natawa ako imbes na matakot. “Hoy! May atraso ka pa sa ‘kin, ha! Huwag kang makasigaw-sigaw.”

Siya naman ang natawa. 

“Sabi ko po, huwag kang maingay. Nagko-concentrate ako,” malumanay niyang sabi.

Umingos ako.

“Tukmol!”

Bumaba siya sa talipapa. 

“Walang pangkare-kare, e. Okey lang bang nilaga na lang?”

Tumango ako bagaman nanghihinayang. Kare-kare ang usapan kahapon pa na lulutuin niya dahil paborito ko iyon pero di natuloy dahil sa nangyari kahapon. Ngayon naman, di kumpleto ang rekado kaya nilaga na lang. Okey na rin kaysa bumili kami ng lutong ulam sa karinderya na madalas naming gawin.

“Pasok ko lang ‘to.” Binuhat niya ang isang kabang bigas na kabibili rin lang.

Nangingiti na ako. 

“Puwede naman pala tayong mahinahon, e.”

“Ikaw lang naman ang mapambulyaw.”

“Hindi rin!” pananabla ko.

Mabilis siyang kumilos. 

Para siyang kidlat. 

Nakatutuwang kidlat. 

Nakaaaliw na kidlat.

“Kamahalan, kain na!” malumanay pero nakangiti siya. 

Kakaiba iyon. Madalas, pasigaw ang utos niyang maghain na ako dahil siya na ang nagluto. Ngayon, luto niya, hain niya pa rin.

“Masarap ‘yang taba sa gitna ng buto.” Inginuso nito ang parte ng karneng iginilid ko sa pinggan.

“Ayaw!” sagot kong nakangiwi. Nangingilo ako sa itsura pa lang nito.

“Sure ka? Akin na lang.” Kinuha niya iyon. Walang pangiming sinipsip. Simot ang gitna ng buto.

Nangingiti ako. 

Tulad ng dati, kanya ang parteng ayoko. 

Walang pandidiri bahagya man na kainin niya ang tira o iyong di ko gusto. Bagay na normal niyang gawin sa akin na di ko naman kayang gawin sa kanya.

Nanlaki ang singkit kong mga mata nang tahimik niyang iniligpit ang pinagkainan namin.

“Iba rin si Itay.” Napapalatak ako. Iyon ang tawag ko sa kanya kapag inaasar ko siya o sinasagot ko ang pang-aasar niya. “Sarap pala ‘pag may atraso ka, bumabait ka!”

Nakangiting ingos ang sagot niya. “Mabait talaga ‘ko. Dati pa.”

Tulad ng dati, inabala namin ang mga sarili sa maghapong trabaho. 

“Tubig, gusto mo?” Akma siyang tatayo para tumungo sa kusina.

“Wala bang matamis?” 

“Matamis na tubig?” malambing na pang-aalaska nito.

Nagtaas ako ng kilay. “Ay, humihirit!”

Nagtaas ito ng mga kamay. “Joke lang.” Saka mahinang tumatawang tumalikod.

Lumipas ang maghapon. 

Kaiba sa mga nagdaan. 

Mabagal iyon. 

Tahimik kaysa karaniwan.

Bilang ang buskahan. 

Walang sigawan.

 Maingat sa mga salitang binibitiwan.

May paksang iniiwasan.

Takot magsalubong ang mga mata. 

Nagbababa ng tingin kapag napansin ang titig ng isa.

Nakisama ang kalikasan.

Bumuhos ang napakalakas na ulan.

Maingay ang kulog.

Matalim at gumuguhit ang liwanag na dulot ng kidlat.

“Okey naman tayo, di ba?” basag ko. 

Mabilis ang pag-angat niya ng mukha mula sa ginagawa. “Oo. Di ba, okey na tayo kahapon pa? Nag-usap na tayo, di ba? Okey naman?”

Ngumiti ako.

Iniligpit ko ang mga gamit ko sa mesa.

Madilim na rin naman.

Tila papahupa na rin ang nagngangalit na ulan.

Binuksan niya ang gate.

Inihanda ang sasakyan.

Tulad ng nakagawian, ihahatid niya ako pauwi.

Magkukuwentuhan kami sa sasakyan.

Mag-aasaran.

Magpapalitan ng pananaw.

Kapag di sang-ayon sa sinabi ng isa, mauuwi sa sigawan.

At dahil ayaw magpatalo, bubuksan ang bintana para sabihing: “O, sige! Lakasan mo pa! Sigaw pa!”

Gawain namin iyong dalawa. 

Kung sino ang talo, siya ang magbababa ng salamin ng bintana. 

Magugulat ang mga tao sa kalsada o mga pasahero sa loob ng jeep. 

Saka kami sabay na matatawa sa kalokohan naming dalawa. 

Sana puwedeng ganoon ulit ngayon.

Tumikhim ako.

“Pag-usapan natin,” umpisa ko.

Bahagya niya akong nilingon. “’Kala ko okey na.”

“Okey naman na tayo,” mahinang sagot ko. “Pero ‘yong sitwasyon, hindi na yata magiging okey, e.”

Nakikinig siya.

“Kasi, di ba ‘yong kahapon… ‘Yong message na na-receive ko… Mabigat… Masakit..!”

“Humingi na ‘ko ng pasensiya, di ba?”

“Oo pero hindi naman ikaw ang nagpadala no’n.” 

Hindi ko alam kung paano kong maitatawid sa kanya ang gusto kong sabihin na bawas ang kirot pagdating sa pandinig niya.

“Alam mo naman siguro ang content, di ba?”

Hindi siya kumibo.

Bahagyang bumagal ang takbo ng sasakyan kahit wala naman kaming sinusundan.

“Hindi ko ‘yon sinagot.”

“Thankful ako ro’n,” mabilis niyang sagot.

“Pero alam mo ang gusto kong isagot?”

Hindi ko hinintay kung ano ang sasabihin niya.

“Ang gusto kong isagot: Ano’ng karapatan niya’ng kuwestiyunin ako samantalang di naman siya ang legal na asawa.”

Alam kong masakit iyon sa kanya.

“Kung may gagawa no’n sa ‘kin, ina-anticipate ko na ‘yong nanay ng anak mo at hindi ang kung sino.” Humugot ako ng lakas ng loob sa pagsandal ko sa pagkakaupo. “Ang lahat ng babeng maiuugnay sa iyo, romantically o sexually, kabit!” Mariin iyon.

Nakita ko ang marahan niyang pagtango.

Nakabalatay rin ang sakit ng sinabi ko sa pagkagat ng labi nito.

“Kabit ang kahit na sinong maiuugnay sa iyo sa aspektong iyon. Gusto ba niyang marinig mula sa ‘kin na tawagin ko siyang gano’n?” 

Nagngalit ang mga bagang ko. 

Nanariwa ang kirot nang matanggap ko ang mensaheng dahilan ng ganitong sitwasyon namin ngayon.

“Puwede naman nating ibalik iyong dati, di ba? Puwede namang di tayo magpaapekto.”

Natawa ako. “Apektado ako. Apektadong-apektado ako!” pagdidiin ko. “Kanina, first time, natakot akong kasama kita.” Sanay ako sa pakiramdam na protektado ako’t ligtas ‘pag kasama ko siya. “Sabi ko, paano kung biglang may sumugod sa akin at manampal dahil kasama kita? Paano kung mag-eskandalo? Paano kung…” Bumuntunghininga ako.

“Para na lang sa akin. Ibalato mo na lang ‘to sa akin.” Mababang-mababa ang boses niya. Nagsusumamo.

“Ako ang balatuhan mo.” Nakikiusap ako. “Ibalato mo ang kapayapaang deserve ko.”

“I guarantee you, di na mauulit ‘to,” nangungumbinsing bitaw niya.

“Hindi mo siya kontrolado. Dahil kung may kontrol ka sa kaniya, sana, di niya ginawa ang ginawa niya dahil sabi mo, pinigilan mo naman siya.”

“Pagpapaliwanagan ko.”

“Walang paliwanag ang sapat sa taong nagseselos. Ikaw na ang nagsabing pinagseselosan niya ‘ko.”

“Magkikita rin kayo. Magkakakilala rin kayo,” pang-aalo nito.

“Hindi ako intresadong makilala o makita siya. Pangit na ang simula, e.”

“Puwede namang maganda ang ending di ba?”

“Tingnan mo.” Hindi ko pinansin ang sinabi niya. “Mauulit lang ‘to. Magiging cycle ito. Parati akong pagmumulan ng away n’yo. Mahalaga sa ‘yo ang relasyon n’yo, iingatan mo ‘yon. Ayokong dumating sa puntong papipiliin ka niya sa pagitan naming dalawa. Mas magiging mahirap sa ‘yo ‘yon. Mas magiging masakit din para sa ‘kin kasi siyempre, iba naman siya sa akin.”

“Susunduin kita bukas,” pag-iwas nito.

“No!” matigas kong tugon.

“Sa ibang lugar tayo gagawa.” Tiyak sa sariling bitaw.

“May mga kaibigan din iyon. ‘Pag may nakakita sa atin, makakarating sa kanya. Magseselos na naman siya. Mag-aaway na naman kayo. Sangkot na naman ako.”

“Zoom. Facetime. Webcam.”

Umiling ako.

“Tapusin na natin,” may bikig sa lalamunan ko.

Wala siyang tugon pero may bigat ang bagsak ng kamay sa manibela. 

Marahas ang hatak sa kambiyo.

Napatungo ako.

“Pero di tayo magkaaway, di ba?” tanong ko.

Walang sagot.

“Magkaibigan pa rin naman tayo.”

Ungol ang tugon niya katerno ng madilim na mukha. Di maipintang mukha.

“Di ba?”

“Ewan.” Halos sa ilong iyon lumabas.

Napangiti ako. Iyon ang itsura niyang kinaaaliwan ko.

Iniwasan ko siyang tingnan kahit sa salamin man lang.

“Diyan na lang ako sa tabi.”

“Bakit?”

“May bibilhin ako.”

Malakas na buntunghininga ang pinawalan niya.

Iginilid niya ang sasakyan.

“Salamat. Ingat ka.”

“Di pa ‘ko nakahinto.” 

Hindi ko piho ang damdaming kasama ng sagot niya.

“Di pa naman ako nagbubukas ng pinto.” Pilit kong pinagagaan ang mabigat sa pamamagitan ng pamimilosopo sa kanya.

Huminto ang sasakyan.

“Salamat,” ulit ko.

Di tulad ng dati, walang tugon.

“Ingat ka.” Narinig ko ang pag-ingay ng makina.

“Bye!” Halos ayaw lumabas sa lalamunan ko.

Humakbang ako. 

Hindi tulad ng dati, di ko na hinintay na mawala siya sa paningin ko. 

Bumagsak ang mga luha ko kasabay ng paghakbang ko.

“Akala ko ba malalim ang pagkakaibigan natin?” Kita ko ang namumuong luha sa mga mata niya.

“Huwag mo namang hayaang di na naman ako makatulog sa pag-iisip.” Pati buhok niya magulo, di lang ang isip niya.

“Wala na ‘yon!” marahas niyang tugon sa sinabi kong hihintayin ko ang katuparan ng mga pangarap niya lalo na iyong gustong-gusto niyang promotion.

“Bahala na!” walang gana niyang sagot nang itanong ko kung mag-e-enrol ba siya sa graduate school.

“Napagbago mo ‘ko, e. Inalalayan mo ‘ko. Tinulungan mo ‘ko. Tapos ngayon, ganito.” Litanya niya nang manindigan ako sa mga binitiwan ko.

“Kailan tayo magiging okey ulit? Iyong tulad ng dati? Iyong masaya tayo pareho? Iyong hindi tulad nito?” sunod-sunod niyang tanong.

Kanina, hindi ko sinagot iyon.

Hindi ko alam kung paano sasagutin.

Pero ngayon, gusto kong sabihin sa kanya: 

Kapag kaya na ng ibang umunawa na ang tunay na pagkakaibiga’y walang tinitingnang kasarian. 

Na posibleng magmahal na walang kasamang malisya kundi malinis na ugnayan ng dalawang taong magkaiba ang preperensiyang seksuwal. 

Kapag wala na ang mapanghusgang lipunan. 

Na ang mundo’y handa na sa sinasabi nitong pagkakapantay-pantay. 

Kapag kaya ng taong unawaing magkakaiba ang relasyon at pangangailangan natin sa bawat isa.

Na posibleng magkatabi sa maghapon at magdamag ang lalaki’t babae na walang kahalayang mangyayari.

Kapag kaya na naming panindigan ang lalim ng pagkakaibigan naming dalawa.

Hindi ko kaya.

Yumugyog ang balikat ko sa mensahe niya.

Ayaw mo na ba talaga?

Dagdag pa niya.

Tulad ng iba, binibitawan mo na rin ba ‘ko? Gano’n ba ‘ko kawalang kuwentang tao?

Napaupo ako. 

Nangalog ang mga tuhod ko.

Sapo ng mga palad ko ang mukha ko.

Sumisigok na ako.

Ang sakit-sakit ng nararamdaman ko.

Nangako ako noon, aalalayan ko siya hanggang sa makakaya ko. Na parati akong naroon kapag kailangan niya. Na hindi ko siya iiwan tulad ng maraming iba sa buhay niya.

Pero hindi ako naiba sa iba.

Sumuko rin ako.

Bumitaw rin sa kaniya.

Hindi dahil gusto ko o pinili ko kundi dahil kailangan na. 

Dahil iyon ang dikta ng mundo naming mapanghusga.