Artsibo ng Nobelang Komiks sa Loob ng 100 Taon ng Liwayway

ni Edgar Calabia Samar

(IKA-12 NA LABAS)

NOBELANG KOMIKS BLG. 20

TULISANG PUGOT

Manunulat: Gemiliano Pineda

Ilustrador: Fred Carrillo

Publikasyon: Liwayway

Bilang ng Labas: 50

Bilang ng Pahina Bawat Labas: 2

Unang Labas: 2 Oktubre 1950

Huling Labas: 10 Setyembre 1951

NANGYARI ang kuwento sa panahon ng mga Kastila sa bayan ng Santo Tomas, sa lalawigan ng X, kung saan malaking hiwaga ang bumabalot sa katauhan ni Tulisang Pugot. Sa pagbabalik sa nagdaan, makikilala natin ang dalawang binatang nanliligaw kay Lolita, anak ni Don Tenorio. Ang isa ay si Leonardo, anak ng mayamang si Don Sebastian. Ang ikalawa ay si Tulume, dukha, may kapangitan pa ang mukha ngunit mabait at mapitagan sa lahat.

Ipinagtabuyan ni Don Tenorio si Tulume nang makitang kausap si Lolita. Nabatid ni Tulume na nakipagkasundo ang ama ni Lolita upang ipakasal kay Leonardo. Di sinasadya’y nagkita sina Tulume at Lolita sa liwasang-bayan at namataan sila ni Leonardo. Si Tulume ay hinamak ni Leonardo. Nagkasukatan sila ng lakas ngunit napipilan ang mayamang binata at nagbantang maghihiganti. Sina Tulume ay pinalayas sa lupang sinasaka bilang paghihiganti ni Leonadro. At pagkatapos, ang ama ni Tulume ay sinadya ng mga guwardiya sibil. Ibinilanggo ang si Mang Bino sa paratang na paglaban sa pamahalaan. Humanap si Tulume ng makapaglalagay ng piyansa ngunit siya’y nabigo nang dumulog kay Don Tenorio. 

Tumakas si Mang Bino sa bilangguan nang matalos na may sakit ang kanyang asawa. Ngunit siya’y hinabol ng mga guwardiya sibil. Nabaril si Mang Bino sa kanyang pagtakas at inabutan niyang malubha ang kanyang asawang si Aling Sima. Magkasunod na yumao ang ama’t ina ni Tulume. Ang una’y sa tama ng punglo, at ang ikalawa’y sa karamdamang di napag-ukulan ng lunas. Pagkalibing sa mga magulang niya, umuwi si Tulume at sinalubong siya ng nakikiramay na si Lolita. Ngunit dumating si Leonardo at hinamak ang binata. Nagsukatan sila ng lakas hanggang sinabuyan ni Leonardo ng asido ang mukha ni Tulume. Nagkabutas-butas ang mukha ni Tulume dahil sa asido.

Nilisan ni Tulume ang sariling bayan at naglagalag sa kagubatan. Dahil sa pagliligtas ni Tulume sa dalawang hayop na ang diwata pala mismo ng kagubatan, binigyan siya nito ng dalawang mahiwagang supot. Gumaganda ang anyo ng mukha ni Tulume pag suot ang supot na puti, at nawawala naman ang mukha kung suot ang supot na itim. Ipinaalala ng diwata na mawawalan ng bisa ang mga supot kapag pumatay ng tao si Tulume.

Pag-alis ng diwata, madaling nag-anyong taong walang ulo si Tulume at pinanhik ang tahanan ng isang mayaman sa nayon. Lumuwas ng Maynila si Tulume at nagpanggap na siya’y si Don Fernando Almendras. Umupa ng malaking bahay at kumuha ng maraming alila. Isang gabi’y nilooban niya ang isang malaking tindahan ng alahas. Nagimbal ang buong Maynila sa panloloob ng Tulisang Pugot sa mga tindahang malaki sa siyudad. Sadyang nagpapayaman si Tulume upang maisagawa ang balak na paghihiganti. Pinanhik niya ang tahanan ni Don Recaredo Monteazul, ang pinakamayaman sa siyudad. Ngunit ang silid ng anak na dalaga nitong si Teresita ang unang napuntahan. Nagising ang don dahil sa ingay sa silid ng anak. Hinabol siya ng mga punglo samantalang tumatakas sa tahanan ng pinagnakawan.

Bilang makisig na lalaki na nagpakilalang Don Fernando ay napaibig ni Tulume si Teresita. Ngunit natunghayan din niya sa pahayagan na malapit nang ikasal si Lolita, ang unang babaeng nagtanim ng binhi ng pag-ibig sa kanyang puso. Nagpaalam si Tulume sa kasintahang si Teresita at nagbalik sa Santo Tomas upang pasimulan ang paghihiganti sa limang lalaki: si Don Tenorio, sina Don Sebastian at Leonardo, si Don Mamerto na may-ari ng lupang sinasaka ng mga magulang niya noo, at si Komandante Humberto na nagpiit sa kanyang ama. Tumira siya sa malapalasyong tahanan na pagmamay-ari dati ng isang mayaman. Nakita ni Tulume bilang Don Fernando sina Lolita, Don Tenorio, at Leonardo sa simbahan. Ipinangako niyang hahadlangan ang kasal nina Lolita at Leonardo. Pauwi, binili niya ang kalayaan ng isang utusang labis na inaapi, si Pampilo.

Sinimulan na nga ni Tulume ang balak niya. Pinanhik niya ang tahanan nin Don Sebastian. Kinabukasan ay dumalaw siya roon bilang Don Fernando at naghandog ng tulong na salapi. Pinautang niya si Don Sebastian ngunit kinagabihan di’y ninakaw ng Tulisang Pugot. Isinumbong ito kay Komandante Humberto. Nagkahinala ang puno ng guwardiya sibil kay Don Fernando dahil ito lang ang may alam tungkol sa sampung libong ipinautang nito kay Don Sebastian na muli ngang nanakaw ng Tulisang Pugot. Biglang-bigla ang paghihirap nina Don Sebastian dahil sa Tulisang Pugot. Nangamba si Leonardo na di matuloy ang kasal nila ni Lolita. Ipinatawag ni Don Tenorio si Don Sebastian. Hinihingi ni Don Tenorio ang doteng sampung libong piso upang matuloy ang kasal ng kanilang mga anak. Binigo ni Don Fernando ang mag-amang Don Sebastian at hindi pinautang ng panibagong sampung libong piso. Nagpatiwakal si Don Sebastian dahil sa di pagkakatuloy ng kasal ni Leonardo at ni Lolita. 

Inanyayahan ni Don Fernando sina Lolita at Don Tenorio sa isang sayawan sa kanyang tahanan. Pinasimulan ni Don Fernando ang pamimintuho kay Lolita at dahil dito’y pinagtangkaan siyang patayin ni Leonardo. Isang gabi’y pinanhik ng Tulisang Pugot si Mamerto. Kamuntik nang matutop ang Tulisang Pugot nang siya’y tugisin nina Komandante Humberto. Salamat na lamang at nakapagpalit agad siya ng kasuotan pagdating sa sariling tahanan. Napaghigantihan ng Tulisang Pugot ang puno ng guwardiya sibil nang palayain niya ang mga bilanggo. 

Natamo naman ni Don Fernando ang pag-ibig ni Lolita sa wakas. Itinakda na ang kasal nina Don Fernando at Lolita ngunit tumanggap si Don Fernando ng isang liham buhat kay Teresita, ang kasintahang taga-Maynila na humihiling na siya’y makita sa lalong madaling panahon. Nakipagkita si Don Fernando sa kasintahang si Teresita, ngunit nang matambad sa dalaga ang pangit na mukha ng lalaking iniibig ay nasuklam nang gayon na lamang at ipinagtabuyan si Don Fernando. 

Ikakasal na lamang sina Don Fernando at Lolita nang humadlang si Komandante Humberto. Pinaratangang si Don Fernando ay siyang tulisang pugot at ipinakita bilang katibayan ang kasuotan nito na nakuha sa silid. Nang dadakpin na lamang si Don Fernando ay dumating si Pampilo, ang kanyang iniligtas noon na naging sarili niyang utusan, at siyang umaming siya’y si Tulisang Pugot. Hindi naniwala si Komandante Humberto. Inagaw ni Pampilo ang baril ng isang guwardiya sibil at pinaputukan ang komandante ngunit si Pampilo ay nabaril din ng isang guwardiya. Namatay si Pampilo alang-alang sa pinagtatakpang panginoong si Don Fernando. Naniniwala pa rin ang komandante na si Don Fernando nga ang Tulisang Pugot. Sa pakiusap ng obispo ay natuloy ang kasal ni Don Fernando at Lolita. 

Nag-isang dibdib nga sina Don Fernando at Lolita ngunit may lihim na pagbabanta si Leonardo. Nagtayo ng tindahan si Don Fernando at tinalikdan na ang pagiging Tulisang Pugot. Isang umaga, samantalang nasa tindahan si Don Fernando’y dumalaw si Leonardo kay Lolita. Pinagtangkaan ni Leonardo na gahasain si Lolita ngunit ito’y nanlaban hanggang sa mawalan ng malay-tao. May nakapagsumbong naman kay Don Fernando ukol sa pagpanhik sa kanila ni Leonardo nang umagang iyon. Patakbong umuwi si Don Fernando at nailigtas si Lolita sa buktot na hangad ni Leonardo. Ngunit sa kanilang paghahamok ay naalis kay Nanding ang mahiwagang supot at natambad ang pangit niyang mukha. Nahulog sa hagdanan si Leonardo samantalang tumatakas dahil sa takot nang makitang muli si Tulume. Namatay si Leonardo nang di nabubunyag ang lihim ni Nanding. Ngunit nagtataka sina Lolita at Don Tenorio kung bakit nabanggit si Tulume. 

Sa paglipas ng mga buwan, sumiklab ang himagsikan at isa palang lihim na  kasapi ng Katipunan si Nangding, ngunit kalaban niya si Don Tenorio na sumusuporta sa mga Español. Natuklasan ni Don Tenorio na si Nanding ay kasapi sa Katipunan at siyang pinuno ng mga manghihimagsik sa bayan ng Santo Tomas. Hiniling ni Don Tenorio kay Nanding na pumanig sa pamahalaan at talikdan ang hanay ng mga Katipunero. Ngunit tumutol ang manugang at sinabing ipakikipaglaban niya ang simulaing iyon. Nagbanta si Don Tenorio na isusumbong si Nanding sa guwardiya sibil. Napatawa lamang ang manugang at ibinunyag ang tunay niyang katauhan—na siya rin ang si Tulisang Pugot at si Tulumeng pinakalalait noong una. Nang mga sandaling yaon ay may bihag na Katipunerong nagsiwalat na si Don Fernando ang siyang puno ng mga Katipunero sa bayan kaya lumakad sina Komandante Humberto upang dakpin si Don Fernando.

Gayon na lamang ang panggigilalas ni Lolita nang makitang si Tulume pala ang kanyang napangasawa. Ipinagtapat ni Tulume na siya rin ang tulisang pugot. Sa bugso ng damdamin ay hinimatay si Lolita. Dinakip ni Komandante Humberto si Tulume na nagtapat na siya ring Tulisang Pugot. Nang mahimasmasan na ang hinimatay na si Lolita ay unang itinanong ang asawang dinala sa bilangguan. Nang dadalhin na lamang si Tulume sa kuwartel ng mga guwardiya sibil ay nakasalubong nila ang isang pangkat ng mga Katipunero. Binaril si Tulume na nagtangkang makatakas at nagpasimula ang labanan ng dalawang pangkat. Napatay ng mga Katipunero si Komandante Humberto at ang mga kasamang kawal. Ngunit sumiklab ang kanilang poot nang malamang si Tulume ay siya ring si Tulisang pugot at sinabing babarilin ito. Nangako si Tulume sa mga Katipunero na siya’y di na babalik sa bayang yaon kaya pinahintulutan siyang makaalis. 

Samantala, ninais ni Lolita na makarating sa piling ng asawa. Pinilit nitong makatakas sa ama para habulin si Tulume. Nagtungo sa kagubatan si Tulume ngunit siya’y sinundan ni Lolita, ang kabiyak na umiibig pa rin sa kanya sa kabila ng lahat ng nagdaan sa kanilang buhay. At sa kanilang pagtatagpo’y sumupling ang ibayong pagkakaunawaan at unti-unting nawala sa mukha ni Tulume ang mga nakapagpapapangit na mga pilat. Dulot pala ito ng diwata na nagpakita kina Tulume sa huling pagkakataon. Nagwakas na nga ang kasaysayan ng “Tulisang Pugot” ngunit para kina Tulume at Lolita, noon lamang nagsimula ang isang bagong buhay na lipos ng pag-asa.

Narito ang kopya ng buong unang labas ng nobela na lumabas sa Liwayway noong 2 Oktubre 1950.

ILANG PANSIN

⦿    Nasa nobelang ito ang maraming elemento ng kinalakihan nating kuwento, pangunahin ang pag-iibigan ng mayaman at mahirap. Pero kapuna-puna rito ang paulit-ulit na pagsasabing pangit din si Tulume (bagaman hindi kita iyon sa guhit ni Alcala sa mga unang labas, kaya kinailangan pang mabuhusan ng asido sa mukha si Tulume para maging mas graphic ang “kapangitang” iyon). Malinaw na ang kaanyuan o appearance ang isa sa pangunahing sinisiyasat sa nobela, kaya nga sentral dito ang pagbabago-bago ng anyo ni Tulume bilang Tulisang Pugot at bilang Don Fernando rin. Pero sa huli nga, sa kabila ng pagsasabi ni Lolita na mamahalin pa rin niya si Tulume sa kabila ng “kapangitan” nito, pinili pa rin ng nobela na gawing “magandang lalaki” ang lalaki, sa tulong ng kapangyarihan ng diwata ng kabundukan, na para bang nasa “pagbabagong” iyon nga ang lubos na gantimpala para sa pag-iibigan ng dalawa.

⦿  Isa sa pangunahing isyu sa nobela ang kayamanan at ang “pagnanakaw,” lalo pa at nakalunan ito sa panahon ng kolonyalismong Español na isang sistemikong anyo ng pagnanakaw. Panahon iyon na inilalagay ng mga don ang kanilang kayamanan sa mga kahang bakal kaya nananakaw ang mga iyon ng tulad ni Tulisang Pugot. At dahil dito, tulad ng sinabi sa liham ng Tulisang Pugot, “sa loob lamang ng dalawang gabi’y namulubi na kayo.” Na siya ngang nangyari sa maraming mayayaman sa Maynila at sa Santo Tomas na biniktima ni Tulume. Subalit nakita rin natin na ginamit ni Tulume bilang Don Fernando ang mga kayamanang nakuha niya upang tulungan ang Katipunan. Pero nang malaman din ng mga Katipunero na siya ang Tulisang Pugot, hindi rin matanggap ng mga iyon noong una ang paghahasik niya ng lagim. Mahalagang pagmunian pa ang ganitong pagdadalawang-loob na kinatha ng kolonyalismo sa loob ng bayan pagdating sa usapin ng pagmamay-ari.

⦿ Pagdating pa lamang ng ika-19 na labas (5 Pebrero 1951) ay una nang ipinatalastas na “Kasalukuyang isinasapelikula ng Sampaguita Pictures, Inc.” ang nobela. Sa huling panel naman ay ipinatalastas na ang kasunod nitong nobela na isinulat din ni Gemiliano Pineda, ang Haring Midas na iginuhit naman ni Ruben N. Yandoc.

ITUTULOY