ni Edgar Calabia Samar
NOBELANG KOMIKS BLG. 21
PALASIG
Manunulat: Francisco V. Coching
Ilustrador: Francisco V. Coching
Publikasyon: Liwayway
Bilang ng Labas: [di-tiyak]
Bilang ng Pahina Bawat Labas: 1,2
Unang Labas: 16 Oktubre 1950
Huling Labas: [di-batid]
KABILANG sa mga nagsilunsad buhat sa sasakyang galing sa Amerika si Abdul Alihabad, isang sultan sa isang mayamang pulo sa karagatan ng Mindanaw na katatapos pa lamang ng pagkamanananggol sa Mataas na Unibersidad sa Washington. At ang isa ay si Bantilan, ang tapat na alagad ng sultan. Matapos iwan ni Sultan Abdul Alihabad ang kanyang tapat na alagad na si Bantilan sa Manila Hotel ay sakay na muli ng isang taksi at nagtungo sa isang pook sa San Juan del Monte. Saglit na natigilan ang sultan nang sabihin ng hardinero na si Isabel na kanyang hinahanap ay wala roon at may asawa na. Nagpupuyos ang kalooban ng sultan nang mabatid na ang katipan niya ay malaon na palang may asawa at anak. Gayon man, hindi pa rin siya nagpahalata sa matandang hardinero at magalang na nagpaalam.
Matamang nakinig si Dampilan [dating Bantilan, nagbago sa ika-5 labas] sa binabalangkas na paghihiganting gagawin ng sultan sa babaing nagtaksil sa kanya. Dumating ang araw ng Biyernes, taglay ni Dampilan ang mga sangkap na kailangan sa gagampanan niyang tungkulin. Ayos isang mayaman siyang sumakay sa taksi at bumaba sa di-kalayuan sa tahanan ni Donya Isabel. Napamaang ang batang si Angelito nang lapitan siya ni Dampilan na nagkukunwang isang mayamang ninong. Matapos makatain ng bata ang mga tsokolateng may timplang gamot ay agad itong nakatulog. Kaya’t si Dampilan ay pakunwang nagpaalam sa hardinero at nang makalabas sa pinto ay patagong nagmanman. Sa pamamagitan ng tabakong ibinigay niya sa hardinero na may pampatulog din ay walang sagabal niyang nakuha ang batang ipinananakaw ng sultan.
Nang malaman nina Isabel ang pagkawala ng kanilang anak ay nagpatawag agad sila ng sikreta. Nang humingi ang sikreta ng isang larawan ng nawawalang bata, nagtungo agad si Don Fernando na asawa ni Isabel sa mesita ngunit nakitang pati ang larawan nilang mag-anak doon ay nawawala.
Sa pulo ng Ambil, hindi nagtagal at ang hinihintay na vinta ni Dampilan ay dumating. Masiglang bumalik sa kaharian ng Islam ang sultan at si Dampilan taglay ang batang kanilang ninakaw. Ipinahayag ng sultan sa lahat ng kanyang sakop na ang batang si Angelito ang siyang magiging tagapagmana ng kanyang pagkasultan, at pingalanan niya itong Palasig Alihabad. Nagbulungan naman ang mga pandita na hindi ganap na naniniwala sa salita ng sultan pero walang nagawa ang panditang si Apo Lakay kundi basbasan ang bata.
Nang gabing iyon, matapos maganap ang pagdiriwang sa palasyo, dalawang tao ang marahang nag-uusap sa madilim na pook ng hardin, si Datu Baliwis na nakababatang kapatid ng sultan, at ang kabig niyang si Kalumpang. Binalak nilang patayin si Palasig pero pinigilan sila ni Apo Lakay na nagmungkahing unahin muna nila dapat ang sultan.
Samantala, naging tagapangalaga ng batang prinsipe si Dampilan. Lumipas ang panahon at lumaki si Palasig na namulat na siya ay lahing di binyagan. Isang araw ay ipinatawag ng sultan ang inaaring anak upang ipaalam na sa ikalabindalawang taong gulang nito ay magsisimula na ito sa pagtupad sa mga alituntuning ginagampanan ng isang prinsipe. Kinabukasan, sa liwasan ng palasyo, ay masigla ang lahat para sa isang piging. May mga nagsidating na dalagitang panauhin mula sa iba’t ibang lupain at pilit inuusig ni Palasig si Dampilan kung bakit magiging alipin at alagad niya ang mga iyon subalit hindi siya sinagot maging ng itinuring na ama dahil hindi pa raw panahon.
Masigla namang humarap si Palasig sa mga gurong kinasundo ng kanyang ama upang magturo sa kanya ng iba’t ibang karunungan. Naging mahusay si Palasig sa lahat kahit sa iba’t ibang anyo ng pakikipaglaban. Minsan, habang nagsasanay kasama si Dampilan ay nagapi niya ito at iniakma ni Palasig sa lalamunan ni Dampilan ang dulo ng kanyang sable at pinilit nitong ipagtapat ang lihim ukol sa mga dalagitang panauhin. Napilitan si Dampilan na ipagtapat na ang mga iyon ay magiging asawang lahat sa harem ni Palasig.
Ilang taon pa ang matuling nagdaan at sumapit si Palasig sa ikalabingwalong taong gulang. Isa siyang prinsipe ngayon na sa kisig, dahas, at talino’y walang pangalawa sa kaharian. Subalit malungkot siya dahil sa malubhang sakit ng kanyang ama na nauwi nga sa pagsakabilang-buhay nito. Makalipas ang ilang oras matapos mailibing ang sultan, muling nagbalik ang doktor sa palasyo para sabihin kay Palasig namatay ang kinilala nitong ama dahil sa pagkalason at hindi dahil sa karamdaman.
Sa Maynila, ang mga tunay na magulang naman ni Palasig ay patuloy sa kanilang masaganang pamumuhay. May panibagong anak na sila, si Florinda, na isinama ni Don Fernando Alvarez sa pagtungo nito sa Mindanaw sakay ng isang bapor. Ilang saglit matapos makalunsad ang mag-ama sa bapor, dumating ang katiwala ng don sa kanyang hacienda. Kinabukasan, masiglang ginala ni Florinda ang malawak na taniman ng kanyang ama at hiniling niyang huwag muna silang umalis doon dahil sa sariwang hangin.
Samantala, nagtangkang tumakas sina Datu Baliwis at Kalumpang nang matiyak nilang natukoy nina Dampilan na sila ang may kagagawan sa pagkamatay ng sultan. Pataksil din nilang ipinapatay ang panditang si Apo Lakay nang nagnais itong magpaiwan. Nagbalak naman si Datu Balawis na lusubin ang hacienda ng mga Alvarez upang magkaroon ng sapat na kayamanan para maagaw ang pagkasultan kay Palasig. Naalimpungatan at nagbalikwasan ang mga guwardiya ng hacienda nang sumalakay ang pangkat na mandarambong ni Datu Baliwis. Subalit lubhang marami ang mga sumugod at napilitang tumakas sina Don Fernando, naiwan ang natutulog pang si Florinda. Nang sandaling iyo, nabihag na ni Datu Baliwis ang dalaga at isinakay sa kanilang vinta.
Nang nalaman naman ni Palasig ang naging pangungulimbat ni Datu Balawis, hinangad nitong sumugod sa kuta ng inaakalang tiyuhin. Sa tulong ng tiktik nilang si Aganag, nakarating sina Palasig sa kuta ni Datu Baliwis. Noon nama’y hibang na hibang na minamalas ni Datu Baliwis ang naipon nilang salapi’t alahas sa loob ng kanyang lungga. Nang makita niyang nasusukol ng mga kawal ng palasyo ang kanyang mga kampon ay agad silang nagsitakas at buong bilis naman silang hinabol ni Palasig. Matapos magahis ni Palasig si Kalumpang sa isang puspusang paghahamok ay patuloy nitong hinabol si Datu Baliwis na tumatakas. Nagapi si Datu Baliwis at nagbalik sa palasyo si Palasig na taglay ang magandang bihag na si Florinda. Pati ang mga tulisang kampon ni Datu Baliwis ay humantong na lahat sa bilangguan.
Nang gabing iyon, lipos ng kalungkutan si Florinda na namighati sa kanyang madilim na silid. Madilim-dilim pa ay sumulpot na si Kianag, ang mabagsik na mayordomang labis na namumuhi sa mga Kristiyano. Ginawang sariling tagapaglingkod ng prinsipe si Florinda upang mailayo kay Kianag na pinagsabihan nitong huwag pagmalupitan ang babae. Noon nadama ni Florinda na kasiya-siya pala ang maging isang alipin kung ang paglilingkuran ay isang panginoong makisig at magiliw.
Kinabukasan, sa araw ng koronasyon, muling nagkatipon ang mga maharlikang datu at mga banal na pandita ng kaharian. Sa harap ni Palasig ay sabay-sabay na dumulog ang labindalawang dalagang taga-iba’t ibang lipi na kanyang magiging asawa upang pumili ng magiging sultana ng kaharian. Sinabi ni Palasig na hindi niya susundin ang kinasanayan at pipili siya mula sa isang alipin man o maharlika ng talagang iniibig niya. Ipinasiya rin niya na puhunanin ang kanyang buhay sa pagsisid sa makasaysayang perlas na tinatanuran ni Sibad, ang dambuhalang pating sa dagat, upang ihandog sa kanyang makakaisang dibdib. Sa isang sulok nama’y tumatahip ang dibdib ni Florinda sa takot na mapahamak si Palasig.
Kinabukasan, nangunguna ang bintang sinasakyan ni Palasig at Dampilan patungo sa gitna ng dagat. Malayo pa’y natanaw na nila ang gutom na si Sibad. Kinagat ni Palasig ang kanyang balaraw at saka lumundag sa tubig. Kakukuha pa lamang niya ng makasaysayang perlas ay lumabas na ang kilabot na si Sibad. Maya-maya, buhat sa madugong tubig ay lumitaw si Palasig na yapos-yapos ang walang buhay na si Sibad. Ganoon na lamang ang pagbubunyi ng lahat sa tagumpay ng kanilang sultan. Subalit si Palasig ay may hinahanap na nasa karamihang iyon at siya naman ang tinatanaw—si Florindang sa mata’y may luha ngunit sumisigaw sa galak. Nang gabing iyon, nabuo sa loob ni Palasig na si Florinda ay gawing sultana ng kanyang harem. Halos malunod sa galak si Florinda sa mga sumpa at pangako ni Palasig.
Dahil hindi sang-ayon si Florinda na makasal kay Palasig kung may ibang mga dalagang kahati niya sa harem ng lalaki, tinanggap ni Palasig ang pagpapakasal sa babae bilang Kristiyano. Hiningan ni Palasig ng tulong si Dampilan upang magpatawag ng paring magkakasal sa kanila ni Florinda. Hindi naman nalingid sa mga pandita ang balak na ito ng tatlo. Pinagkaisahan ng mga pandita na hayaan munang maganap ang kasal nina Palasig at Florinda bago nila salakayin ito.
Kaligayahang may kalakip na pangamba ang nadama nina Palasig at Florinda matapos maganap ang kanilang kasal. Hindi nga nagluwat at ipinahayag ng tanod n si Apo Tukang ay dumating na may kasamang kawal. Ipinahayag ng mga pandita na dahil sa kataksilang ginawa ni Palasig, sina Florinda at Dampilan ay nararapat ding parusahan ng kamatayan. Upang makatakas sina Palasig at Florinda, nagpaiwan si Dampilan at mag-isang hinarap ang mga pandita hanggang sa siya’y tamaan. Ngunit namangha si Apo Tukang nang sabihin ng kawal na di nila matagpuan ang dalawang hinahanap.
Samantala, patuloy sina Palasig at Florinda sa paglakad sa makipot na lagusan sa ilalim ng lupa. Pag-ahon nila, sakay ng kabayo silang buong bilis na tumakas ngunit sila’y naudlot nang sa dulo ng landas na kanilang tinutungo ay may mga kawal ni Apo Tukang na nag-aabang. Saan man sila bumaling ay may mga kawal na sa kanila’y humahabol. Tinamaan si Palasig bago ito naitakas ni Florinda. Pagkaraan ng mahabang paglalakbay, pumasok sa masukal na kagubatan ang dalawa. Lupaypay at tigmak ng dugo ang katawan ni Palasig nang ibinaba ni Florinda sa tabi ng sapa. Sa kabilang dako, sa baybay dagat, pasuray-suray na lumalakad si Dampilan na pinilit na mabuhay para sa lihim ng totoong katauhan ni Palasig.
Nang nalamang nakatakas sina Palasig, nagplano si Apo Tukang ng bagong paglusob gamit ang uranggutang na si Kakak. [Nasa Ilang Pansin sa ibaba ang dahilan kung bakit hindi buo ang buod.]
IKALAWANG LABAS
Narito ang kopya ng buong ikalawang labas ng nobela na lumabas sa Liwayway noong 23 Oktubre 1950. Interesting ito dahil lumabas dapat ang unang labas noong 16 Oktubre 1950 pero wala sa kopya ko ang mga pahinang naroon dapat iyon, at wala rin ito sa talaan ng “Mga Nilalaman Ngayon” sa pahina 11 ng isyung iyon.
ILANG PANSIN
⦿ Lumabas ito habang lumalabas pa rin ang seryeng Si Hagibis at ang Tatlong Balakid ni Francisco Coching, bagaman pareho ngang naging tig-isang pahina lang. Naging dalawang pahina ito simula sa ika-7 labas nang magtapos na ang Hagibis. Sa ika-47 na labas (3 Setyembre 1951) ay may patalastas nang isinasapelikula ito ng Sampaguita Pictures, Inc at tinatampukan nina Alicia Vergel at Cesar Ramirez. Hanggang ika-50 labas lang ang mayroon dahil missing ang Oktubre hanggang Disyembre 1951 at Enero hanggang Marso 1952 sa kopya ko ng mga nasaliksik na Liwayway.
⦿ Naging Dampilan ang pangalan ni Bantilan dito, isa sa mga karaniwang nangyayari sa mga nobelang tuluyan na nagbabago ang pangalan ng tauhan.
⦿ Sa ika-17 labas ay ipinakilala ang mga mutya mula sa iba’t ibang lupain na magiging kabilang sa harem ni Palasig. Isa sa mga tampok na isyu sa nobela ang relasyon ng kasarian at relihiyon at dahil sa namamayaning Kristiyanong pananaw ng nobela sa kabila ng pagkakaroon ng mga Muslim na tauhan, naitanghal ang mga papel na iyon ng kasarian sang-ayon sa relihiyon bilang halos hindi katanggap-tanggap. Narito rin ang isang Kristiyanong ginawang Muslim bilang paghihiganti na piniling maging Kristiyano muli dahil sa pag-ibig, at ubod lamang ito ng iba pang suliranin sa paghawak sa relihiyon sa nobela.
(ITUTULOY)