Ni Ma. Carmela Maurice D. Marinda
SASAKYAN, gasolina, at oras ang puhunan ng mga tao na kalsada ang lugar ng kabuhayan. Matatandaang ngayong pandemya, lalong yumabong ang larangan ng Logistics Services.
Malaki ang naging papel nito sa paghatid ng mga kagamitang ipinadadala ng kostumer mula sa isang lugar papunta sa destinasyon nito sa loob lamang ng isang araw.
Narito ang mas malapit na tingin sa mga tao sa likod ng manibela.
Si Mark Anthony, apatnapung taong gulang, ay isang drayber sa larangan ng Logistics Services. Maaga siyang gumigising para makarami ng biyahe. Madalas na walang laman ang tiyan kung simulan ang kanyang araw. Sumasapat na sa kanya ang biskwit habang nasa loob ng sasakyan.
Ilang kilometrong daan ang binabagtas niya. Minsan mula Metro Manila hanggang Calabarzon para sa isa o dalawang libong piso. Hindi lamang siya basta nagmamaneho, siya rin ang madalas na nagbubuhat ng mga kagamitang ihahatid niya.
Sa isang araw, sapat nang makatapos siya ng dalawa o tatlong biyahe. Kapag madilim na ang kalangitan, ito ang hudyat ng pagtatapos ng kanyang araw.
May pangarap si Mark Anthony, hindi niya gustong habambuhay na nasa kalsada. Nais niyang magpundar ng sarili niyang kumpanya sa larangan ng Logistics Services, para na rin sa ikagiginhawa ng buhay ng kanyang pamilya.
Kaya bukas, hahanap muli siya ng biyahe at mga kagamitang ihahatid. Ito ang paulit-ulit na sistemang kailangang tiisin ni Mark Anthony para may maihatag sa lamesa.
Si Ma. Carmela Maurice D. Marinda, labing-siyam na taong gulang ay nakatira sa Caloocan City. Siya ay nag-aaral sa Politeknikong Unibersidad ng Pilipinas ng kursong Batsilyer ng Sining sa Peryodismo, at kasalukuyang nasa ikalawang taon sa kolehiyo. Naging parte siya ng creative at document committee ng PUP Journalism Guild. Nagtrabaho sa ilalim ng University of the Philippines Film Institute bilang intern. Hilig niya ang kumuha ng mga litratong nagpapakita at nag paparamdam ng mga bagay o damdaming hindi madalas makita ng mata.