ni Mellodine A. Antonio
MAGTATANGHALI na wala pa kahit isa.
Dati naman, pagputok ng araw, meron na.
Mang-aasar na.
Ang parating bungad sa text, PM o tawag niya: “Ano, tulog pa? Tsk-tsk-tsk!”
Ngayon, naghahanda na siya ng pananghalian, wala pa rin.
Baka busy. Alo niya sa sarili.
Kahit gaano ka-busy kung gustong magparamdam, magpaparamdam. Sagot ng nagmamaldita niyang isip.
Nalukot ang mukha niya.
Bakit nga kaya?
Teka, di kaya, may nangyaring di maganda?
Baka nadulas, nabagok o kaya napilayan at di na makatayo.
Sinaklot siya ng kaba.
Nag-iisa pa naman iyon sa bahay. Sariling gawa lahat. Pero may regular na pumupunta sa bahay nito para maglinis. Sakaling naaksidente sa loob ng bahay hanggang sa bakuran tiyak na may makakasaklolo.
Pinalis nito ang alalahanin niya pero hindi ang pananabik sa muli nilang pagkikita lalo pa’t ang huling sinabi nito sa kanya bago sila naghiwalay, may sorpresa ito sa kanya.
Puntahan niya kaya?
Bakit hindi?
Alam niya ang bahay.
Paano kung may bisita pala sa bahay?
Paano kung may kayungyangang babae?
Paano kung may kasama roon at nagha-happy-happy?
Napasalampak siya ng upo sa pasimano ng terrace sa harap ng bahay nila.
Ang pinakamahirap na magkaaway, isip at damdamin.
Iyon bang binabasag ng isip ang sinasabi ng damdamin.
Iyon bang kahit anong ganda ng intensiyon ng damdamin, sinisira at pinipigil ng makatwirang tirada ng isip.
Panay ang tingin niya sa cellphone na hawak.
Wala pa.
Wala talaga.
Wala pa talaga.
Bakit kaya wala pa.
Hindi kaya wala na pala sila di lang nito masabi sa kanya?
Hala! Paano kung wala na nga?
Hindi kaya iyon ang sinasabing sorpresa?
Isang malungkot at mahabang buntonghininga ang pinawalan niya.
E, di wala, kung wala.
Nangilid ang luha niya.
Alangan namang siya ang maunang mag-text, mag-PM o kaya tumawag?
Alangan namang siya ang maunang magparamdam?
Ayoko nga! mariing sabi ng pride. Ito ang laging nauuna. Never na naging siya.
Dapat ba, laging siya ang nauuna? Di ba puwedeng this time, ikaw naman? Pagsundot ng katwiran.
Oo nga.
Puwede naman.
Bakit ba hindi?
Tiningnan niya ang keypad ng cellphone.
Nang-aakit.
Parang may ibinubulong.
Tipahin niya.
Sige na.
Isa uling buntonghininga.
Gumalaw ang hintuturo.
Nakialam ang hinlalaki.
Pumindot.
Nagdilim ang screen.
Off.
BUTI pa ang mga halaman, datna’t panawan kung saan ang mga ito nakalagay.
Matamlay na dinutdot niya ang lupa ng pasong kinatatamnan ng paborito niyang rose.
Pinaglaruan ang tinik nito.
Hinayaang bahagyang tumusok-tusok sa kanyang hintuturo.
Mabilis na kinagat ang daliring napadiin ang paglalaro sa tinik.
Nakita niya ang pagsungaw ng dugo.
Kinagat-kagat niya.
Tulad ng nakasanayan niya noong bata pa siya para ampatin ang pagdurugo ng maliliit na sugat sa daliri at kamay.
Para maibsan ang sakit – ang kirot na nararamdaman.
Pero makirot pa rin.
Masakit pa rin.
May luhang pumatak.
Agad niyang pinalis ng likod ng palad.
Para tusok lang, naiiyak siya. Para siyang tanga! saway sa sarili.
Hindi naman iyong pagkakatusok ang masakit! tudyo ng isip niya.
Oo na! amin ng damdaming nasasaktan. Masakit na di ito nagpaparamdam. Na kalahating araw na, ni ha, ni ho, wala pa.
Na di normal.
Unusual.
Di siya sanay.
TAMILMIL niyang isinubo ang kanin na may ulam.
Makailang ulit nginuya.
Wala siyang malasahan gayong alam niyang di pa sumablay ang sarap ng luto niya lalo’t sinigang na bangus sa bayabas ang inihanda niya.
Paborito niya.
Paborito nilang dalawa.
Durog na ang tiyan ng bangus na nasa pinggan niya na madalas nilang pag-agawang dalawa. Pero ngayon, mag-isa lang siya sa mesang iyon na madalas, magulo, maingay, masaya kapag magkasalo sila.
Nalasahan niyang alat sa luhang bagaman nalaglag mula sa mata alam niyang galing sa puso niya.
Mas maalat pa kaysa patis na sawsawan niya.
TAKIPSILIM na.
Wala pa rin.
Baka nga wala na.
Pinagpag niya ang kumot na bagong laba.
Samyo niya ang bango ngunit di tulad ng dati, di ito nakapagpangiti sa kanya.
Mahigpit niyang hinawakan ang isang dulo nito.
Dinala sa dibdib.
Maya-maya, dinala sa mukha.
Sumubsob doon.
Idiniin sa mga matang kanina pa basa at nagsisimula na ring mamaga.
Natiis siya maghapon.
Kaya na siyang tiisin.
Walang paramdam.
Kahit isang PM, text o mabilis at saglit na tawag man lang.
Baka abala sa iba.
Baka may iba na ngang pinagkakaabalahan.
Lalong umantak ang sakit.
Sumigid hanggang sa sulok ng dibdib ang kirot.
Lalong pinagbalong ang luha niya.
Pinaingay ang hikbi at pinadalas ang sigok na kanina pa niya pinipigil.
Wala naman kasi siyang maalalang dahilan para magkaganito.
Maayos ang huli nilang usapan.
Umalis itong tawang-tawa sa kalokohang ginawa niya.
Busog na busog na pinagsaluhan nilang tortang talong na isa sa mga madaling lutuin pero patok sa panlasa nilang dalawa.
May pangako pa ngang sorpresa sa kanya para ngayong araw na dapat dadalawin siya.
Wala talaga siyang maisip na dahilan kung bakit biglang parang bula, wala.
Ito ang araw na pinakapagod siya bagaman di naman naging produktibo ang araw niya.
Pagod ang puso! tudyo ng isip niya.
Nakakapagod kasing umasa at mag-aalala! pag-amin ng damdamin niya.
Sinubukan niyang pumikit.
Mas gising ang diwa niya.
Basa na ng mga luha ang punda ng unan niya.
Ang sakit-sakit talaga!
Bumangon siya.
Hinagilap ng mga paa ang tsinelas sa sahig.
Nagsalin ng malamig na tubig sa baso.
Mabagal na inilapat sa labi niya ang babasaging baso.
Hindi siya nauuhaw. Gusto lang niyang maibsan ang sigok at hikbi.
HATINGGABI nang gambalain siya ng tunog ng cellphone.
Call.
Hindi pamilyar ang numerong nasa screen.
Nag-aatubili siyang sumagot.
Baka prank call.
Uso iyon lalo sa hatinggabi.
Natutuhan niya sa iyon sa kanya.
Madalas nitong sabihin sa kanyang, huwag sasagutin ang mga tawag na wala na phonebook niya ang numero.
Di nakarehistro kung kanino galing.
Umingos siya.
Wala naman siya, e.
Maghapon ngang di nagparamdam.
Makaganti man lang.
Pinindot niya ang berdeng buton para tanggapin ang tawag.
Wala siyang naintindihan sa sinabi ng nasa kabilang linya.
Malabo.
Hindi choppy pero malabo.
Malabong mangyari sa kanya.
Malabong mangyari sa kanila.
Hindi na niya alam kung ano ang isinagot niya.
Bigla kasing dumilim lahat at tila siya kandilang bigla at mabilis na naupos.
Bumagsak ang katawan niyang tila damit na basta na lang inihagis sa lapag.
“SABI niya, espesyal na araw daw kaya susunduin niya kami.” Humihikbi ang ate nito. “Sabi ko, mukhang napakaespesyal nga dahil susunduin niya kami.”
“Mistaken identity ang nakikita namin upon the initial investigation.”
Hindi niya alam kung sino ang nagsalita.
Pero gusto niyang unawain.
Gusto niyang maintindihan para malinawan niya. Para magkaroon ng sagot ang maraming tanong sa isip at damdamin niya.
“May mga CCTV sa area na dinaanan niya. Napansin na may kamukha iyong sasakyan niya na parang sinusundan no’ng naka-motor. Pero biglang nawala iyong sasakyan. Sa ibang CCTV, siya na ang tinutukan no’ng motor. Hanggang no’ng nag-menor siya. Doon nangyari. Doon siya tinira. Binanatan sa driver’s seat. Napuruhan.”
Nanlalamig siya.
Para siyang nakalutang.
Parang panaginip lang.
Masamang panaginip.
Napakasamang panaginip.
Sana nga, isang napakasamang panaginip lang.
Sana, pareho silang magising at mapagkuwentuhan nila ang napakasamang panaginip na ito na sabay nilang pagtatawanan pagkatapos.
“Nakuha ito sa bulsa ng polo-shirt niya.”
Maliit na kahitang gamusang pula.
Nanginginig ang mga kamay niya.
Ikinulong niya iyon sa mga palad niyang nanginginig at nanlalamig.
Hinagkan ng labing nangangatal.
Napapikit siya nang mariin kasabay ng napakainit na luhang bumalong.
Mula pa noong umaga, naghintay siya.
Isang text, pm o tawag tulad ng madalas nitong ginagawa.
Nainip siya.
Nainis.
Nagdamdam.
Nag-alala.
Pero di siya nagpatiuna para mangumusta. Tulad ng dati at nakagawian nila. Alam niya kasing ito mismo ang sasagot sa maraming agam-agam niya.
Oo, naisip niya ang maraming ‘baka’ pero di ganito kalala.
Di ganito kalupit.
Di ganito kabigat.
Di ganito kasama.
Di ganito kasakit!
Ibinaba ng kanina pa nagsasalita ang takip sa mukha ng nakahiga.
Doon napatotohanan ang lahat.
Siya nga.
Siya nga!
Kinuyom niya sa nangangatal na mga palad ang kahita.
Matindi at sunod-sunod ang kanyang pag-iling.
May mga kamay na pumigil sa kanya nang tangkain niyang lumapit.
Nagpipiglas siya.
Hindi sapat ang lakas niya para makaalpas pero sapat ang lakas ng tinig niya na hinalagpusan ng nakakapangilabot na panaghoy.
“Bakit…? Bakit…! Bakit…” sunod-sunod niyang palahaw.
“Magpo-propose s-siya sa i-iyo. Ikaw ang gusto niyang p-pakasalan. Ikaw ang kauna-unahang b-b-babaeng ikinuwento n-niya sa amin. I-Ipinagmalaki. Susunduin niya kami para isama sa inyo. Para kausapin ka. P-para pag-usapan ang simple pero pangarap n’yong k-kasal,” buhol-buhol sa sabi ng ate niya. “H-hindi na s-siya n-nkarating. M-may tumawag s-sa ‘kin p-para s-sabihin ang n-nangyari sa k-kapatid ko.”
Binuksan ko ang kahita.
Nakagat ko ang labi ko nang makita ang singsing na pareho naming nagustuhan nang minsan kaming mamasyal sa tindihan ng mga alahas.
Binili pala niya.
Kinuha ko iyon sa lalagyan.
Isinuot ko sa kaliwa kong palasinsingan.
Saka ako napatango-tango.
“Oo! Oo! Oong-oo!” Isinatinig ko ang sagot sa tanong niya sakaling siya ang nagsuot sa akin niyon pagkatapos ng tanong niya kung gusto ko ba siyang makasama sa habambuhay.
Hinalikan kong singsing.
“Oo!” Nanggigipuspos ako.
“Miss, labas po muna tayo.”
Bakit hindi niya pa ako isinama?
Sana sinundo niya muna ako.
Sana kasama niya akong sumundo sa pamilya niya.
Sana hindi siya mapagkakamalan dahil ayokong nakasara ang mga bintana ng sasakyan.
Makikita ng kung sinoman na hindi siya ang target dahil nakabukas ang mga bintana.
Makikita kaming nagtatawanan.
Makikitang masaya kami sa loob ng sasakyan.
Baka sakaling kahit mapagkamalan, ipaubaya muna sa amin ang kaligayahan sa aming pagitan.
Baka sakaling hindi ginawa ang ginawa sa kanya.
Baka sakaling tuwa at hindi luha ang mayroon sa pagitan namin ngayong dalawa.
“Tara na, Miss. Sa labas muna tayo,” muling untag ng kung sino.
“Ayoko! Ayoko pa! Ayoko nga! Ayoko!” mariin ang sunod-sunod kong sagot.
Hindi nila ako natinag.
Hindi ako nagpatinag.
Magpahinga ka muna, sabi ng isip ko.
Dito lang ako, sabi ng puso ko.
Dito lang ako habang narito pa siya.
Habang puwede ko pa siyang makasama.
Para kong naririnig ang boses niya:
“Bukas, mayroon akong sorpresang habambuhay mong maaalala.”
Malinaw sa pagpikit ko ang pilyo niyang ngiti. Ang parating nangungusap at sinserong mga mata.
Napatango-tango ako.
Tama siya.
Sumisigok ako.
Humihikbi.
Isang itong sorpresang habambuhay kong maaalala at malabong makalimutan pa.