Nais Kang Mahalin

ni Armando T. Javier

(IKA-2 NA LABAS)

ANG lalaki ay nakahawak sa bakal na railing ng tulay. Nakatungo, sinisipat at waring tinatantiya ang taas at agwat ng tulay sa babagsakang batuhan. Napansin ni Princess sa kanyang pagtakbo papalapit dito na may tangan itong bote. Long neck.

Patungga-tungga nga ang lalaki; lalapit-lalayo sa bakal na railing. Nang sapitin niya ito at humingi ng saklolo, parang walang narinig; inilapit pa ang mukha sa kanya. Amoy-alkohol nga.

“Please, tulungan mo ‘ko. Me mga humahabol sa ‘kin…!”

“P-P-wede bah! Iwan mo ‘ko! Tsupi!” At muling tumungga ng alak. Tinalikuran pa siya. Insulto! Binatak niya pero tinampal at pinalis ang kanyang kamay. Inangilan pa siya.

“A-Ano bah! Hinde ka ba nakakaintindi? Iwan mo sabi ako!”

Alumpihit si Princess. Nang tanawin niya ang kanyang pinanggalingan, may bumubuglaw na liwanag na alam niyang mula sa L-300 van. Binigyan lamang siya nang partida ng mga sakay. Bangag ang mga lalaki at malamang na maging biktima siya ng gang rape kung hindi siya makakalayo roon. Lalo siyang nag-panic.

“Please naman,” halos magmakaawa na siya sa lalaki. 

Patay-malisya pa rin; para siyang kumakausap sa tuod. Nang mapagtantong wala siyang mapapala rito, padabog niyang iniwan ang lalaki at nilapitan ang jeep.

“Ayaw mo, ha? Pahiram na lang ng jeep mo!”

Nakakabit pa ang susi. Sumampa siya at ini-start ang sasakyan. Nagrerebolusyon na siya nang lingunin ng lalaki, parang nahimasmasan.

“H-Hoy…!”

Pinatakbo niya ang jeep. Nang makitang hinahabol siya ng may-ari, nagmenor siya. Nang makasampa ito sa unahang upuan, agad din siyang umarangkada.

Nakatingin sa kanya ang lalaki, nang-uusig. Hindi niya pinansin. Kailangan niyang makalayo. Tama siya. Ang L-300 van nga ang nasalubong nila. Kumakalabog pa rin ang malakas na stereo. Nilampasan niya. Nagpreno at humabol nang makilalang siya ang nagmamaneho. May naispatan siyang shortcut. Kinabig niyang pakanan ang jeep. Humahabol pa rin ang van. Lalo niyang tinulinan.

Nagkada-untug-untog ang may-ari ng jeep. Wala siyang pakialam. Ang nasa isip niya’y makalayo. Nang mapatapat sila sa mga bahayan sa subdibisyon, bahagya siyang nakahinga. Hindi nga nagpursige ang mga sakay ng van, nilampasan lamang sila. Nag-flying kiss sa kanya ang lalaking nasa unahan.

Nakahinga siya nang maluwag.

Nakalungayngay ang may-ari ng jeep, lango, nang kanyang lingunin. Niyugyog niya nang siya’y magmenor. Dumilat.

“Bahket?”

“Sa’n ka nakatira?”

“H-Ha?”

“Sabi ko, sa’n ka nakatira?”

Nagkunot-noo.

“’Asa’n bah tayo?”

Sinabi niya.

“Sa Tramo ‘ko nakatira,” paangil uling sabi. “Sinoh ka bah? Ba’t mo kinakarnap ‘tong jeep koh?”

“Mam’ya na ‘ko magpapaliwanag. Sa’n ba ‘yung Tramo?”

Sinabi nito.

Malayo pa! Hinapit niya ang jeep palayo roon.

“PARA!”

Napasubsob ang lalaki nang tapakan niya ang preno.

“Anoh bah? Papatayin mo bah akoh?” Sinalat ang nauntog na noo.

Nasa harap sila ng palengke, sa bungad ng isang eskinitang katabi ng isang banko. Bumaba ang lalaki, tuluy-tuloy; parang walang kasamang pinasok ang eskinita. Sa relos ni Princess, pasado alas-dose na. Sumunod siya sa lalaki. Nangungunyapit ito sa pader at lumusot sa isang basketball court. Sumikot uli sa makikitid na sementadong daan. Madilim. Tapatan ang mga bahay na gawa sa tabla’t yero at may mga bakod na tinilad na kawayan.

“O?” Napataka ang lalaki nang mapansing kasunod siya. Sinipat siya, liyo pa, parang manhid pa ang utak sa kalasingan.

“Please, d’yan na ‘ko magpapalipas ng gabi…”

“B-Bahket?”

“’Dami mo namang tanong? Bukas na ‘ko mag-e-explain. Sa’n dito’ng bahay mo?”

Nagkunot-noo na naman. Tinalikuran siya, nagpatuloy sa paglalakad at huminto sa tapat ng bahay na ang pintong yero ay napipintahan ng dilaw. Umingit ang pinto nang itulak nito. Kapis ang bintana. Malamok. Tirahan ng isang walang pakialam sa mundo.

Napaismid siya. Napapisil sa ilong. Amoy niya ang kanal na masansang ang tubig. Inilibot niya ang paningin. May malaking TV. Mayroon ding mini-component. Maliban doon, wala na siyang makitang bago sa maliit, masikip na salang iyon. Iisa rin ang kuwarto at tuluy-tuloy sa loob niyon ang lalaki.

Isinara ni Princess ang pinto. Ihinilig niya ang pagod na katawan sa dalawang pirasong single sofa na lumilitaw na ang spring. Hindi na niya namalayan nang makatulog siya dahil sa pagod, tensiyon at puyat.

Sa Tramo, hindi maikakailang umaga na. Na dinding lamang ang pagitan sa mga kapitbahay, na ang usapang sigawan ay normal lang at dapat na asahan.

Maagang nagising ang lalaki. Masakit pa ang ulo sa hang-over. Hindi maalala na may kasama ito nang nagdaang gabi kaya nang tumambad sa kanya ang nakaunat na pigura ni Princess, napataka ito. Hinagod siya nito ng tingin: mahahaba ang biyas niya, malalaki ang pata. Matatag. Athletic. Nakahapit na t-shirt siya, banat ang lapat. Walang bilbil ang maliit na baywang. At ang kanyang dibdib, may angat na lilingunin nang makalawang beses. Maamo ang tisay niyang mukha, parang sa isang natutulog na anghel.

Nagkakape ang lalaki. Nakaupo ito sa harap ni Princess. Nang magdilat siya at mabungaran ito, pabalikwas na napaupo siya. Nagpahid siya nang panis na laway.

“Sino ka?”

“A-Ako ‘yung kasama mo kagabi.”

Hindi matandaan ng lalaki na may kasama ito kagabi.

“Kasama? Kagabi?” Parang inaapuhap nito sa isip ang katotohanan ng kanyang sinasabi.

Tuluyan siyang tumayo.

“Sa’n ang CR?”

Inginuso ng lalaki ang maliit na pintong nakukurtinahan ng bulaklaking plastik. Nagpasintabi siya. Presko na ang pakiramdam niya nang lumabas ng banyo. Bagama’t gusot pa rin ang mahabang buhok, may kasariwaan naman ang bukas ng kanyang mukha. Nginitian niya ang lalaki nang mahuling nakatingin sa kanya.

“P’wedeng mag-coffee?”

“Sige.”

Itinuro nito ang baso ng kape sa mesa, ang thermos, asukal, kutsarita at puswelo. Habang nakatungo at nagtitimpla ng kape, napansin niyang sumusulyap ang lalaki sa dibdib niyang puno at may angat na makalawang beses na lilingunin. Nagpatay-malisya siya. Tinapatan niya sa pagkakaupo ang lalaki.

“May hang-over ka pa ba? Lasing na lasing ka kagabi.”

Nagkibit-balikat ito, iniiwasan na magkahulihan sila ng tingin.

“Magkasama ‘kamo tayo kagabi?”

“Oo.”

“Bakit?”

“H-Hindi mo talaga naaalala?”

“Hindi.”

“Iniligtas mo ‘ko.”

“Ikaw? Bakit? Pa’no?”

“Kundi mo ‘ko sinamahan, hindi sana ‘ko nakatakas. B-Baka…na-rape na ‘ko.”

“Gano’n?” Parang bigla itong naging interesado sa kanyang kuwento.

“Nagka-camping kasi ‘ko malapit do’n. Nadaanan ako ng mga lalaking ‘yon na ginabi siguro sa outing. Nakatuwaan ako’t kinursunada.”

“Nagka-camping? Mag-isa ka?”

“Hindi. Apat kami.”

Tila balewala rito. Parang hindi na kumbinsido sa sinasabi niya.

“Sino ba naman ang hindi matutukso n’yan, e, wala kang bra!”

Napatingin siya sa tinitingnan nito at tinutop ng palad ang kanyang dibdib. Nakalimutan niya kanginang hubarin niya at maglinis ng katawan!

Umiwas ng tingin ang lalaki. Napatikhim. Tumayo at nagbukas ng kabinet sa kusina. At nakatayo, palakad-lakad, habang hawak ang puswelo ng kape na ngayon ay hindi kape na lamang ang laman. Nabantuan na ng rhum.

Ilang saglit din na naroon lang sila. Nagpapakiramdaman. Panay ang lagok ng lalaki ng alak. Malayo ang tingin. Sa kawalan. Nakaupo pa rin siya sa sopang litaw na ang spring at nagninisnis ang foam, patingin-tingin sa kanyang mga daliri. Sa pagpihit ng lalaki, nahuli nitong nakatingin siya.

“Bakit?”

“Kamuk’a mo si Al Pacino.”

Nagkunot-noo uli. Parang hindi kilala si Al Pacino.

“Nagpapatawa ka ba?”

“Ang sungit mo!”

Tumalikod ito at muling sinalinan ng rhum ang puswelo.

“Nag-iisa ka dito?”

“Me nakikita ka bang ibang tao bukod sa ‘ting dalawa?”

Ang sungit talaga!

Sa siwang ng bintana sa gawing likuran nila, dinig ang yabag ng mga nagyayao’t dito sa eskinita.

“Isda! Sariwang isda!”

Nagtakip ng ilong si Princess. Hinatsing.

“Ano ba namang lugar ‘’to? Buti, nakakatiis ka dito?”

“Poor nga ako, e. Unemployed. Kaya nga dito lang ako nakatira.”

Nakahalukipkip si Princess, walang kibo. Gumagala pa rin ang mata sa paligid. Maya-maya, napapitlag siya.

“Ay!”

Napatindig.

“Bakit?”

Nakita ng lalaki na may pinapalis siya sa kanyang braso.

“Ngiii!”

May ipot ng kalapati ang braso niya. Napatingala, nakita nila ang ilang pares ng kalapati sa manipis nang bubong ng yero na nabubutas na.

“Kadiri! Ngiii!”

Tatawa-tawa ang lalaki.

Binuksan nito ang pinto at binugaw ang mga kalapati. Sa katapat na bahay, may isang mesa ng mga lalaking nag-iinuman.

“Ang aga naman n’yan, p’re!” 

“Maaga kang nagising? Himala?” sagot naman ng isa, malisyoso ang ngiti. “Ang seksi ng kasama mo!”

Tawanan.

Nakitawa rin ang lalaki. Maya-maya, panabay na lumingon sa pinto ang mga nag-iinuman. Napalingon din ang lalaki. Nakasilip si Princess sa nakaawang na pinto, nakatingin sa umpukan.

“Hi!” sabi niya. Kumaway sa lalaki. Saka humakbang na palabas, para lapitan ang mga nag-iinuman.

             (ITUTULOY)