Tula ni Amado V. Hernandez
(Unang nalathala: LIWAYWAY, Enero 11, 1960)
At magsisimula:
papel na maputi
na wala pang titik ni isang salita,
kabanatang bago at bago ring paksa—
bulaklak at ngiti,
tula, salamisim, himutok, dalita…
a, ito rin pala ang mapapatala!
Isang sanggol mandin
iyang Bagong Taon,
ipinagdiriwang sa tuwing darating:
alak, kasayahan, aliw at taginting;
malusog na sanggol,
tungkos ng pag-asang maganda’t maningning,
isang harding rosas sa sariwang hardin.
At dahong nalagas
bawa’t isang araw,
iilang maghapo’t gabi ang lumipas.
nalanta ang Abril ng libong pangarap,
ang langay-langaya’y
sa kung saang langit humanap ng pugad,
at ang tao’y tila tulisang tumakas!
Kahambing ng agos
ang taon at taon,
darating-yayaong simbilis ng busog
na itinutudla ng isang paglimot;
tao’y isang alon
sa kawalanghanggan ng ating sinukob—
buhay at panahong walang pagkatapos!