Bubong
Sabi ni Tatay, nagkulang daw ng yero
Kaya’t kalahati lamang ang bubungan
Ng bago naming bahay. Matagal pa naman
Bago mag-tag-ulan, aniya.
At tumingala ako sa maaliwalas,
Asul na langit.
Isang hatinggabi, nagising ako
Sa pawisang banig
Habang lahat sila’y himbing na himbing.
Sa kaitaasan, nakita kong butas-butas
Ang bubungang langit
Sa dami ng nakapakong mga bituin.
Tagak sa Takipsilim
Nakahimpil na anino
ang tagak
sa madilim na tubigan –
nakaturo
ang palasong leeg
at nakatulos
ang mga binting patpat,
tila tumigil
na mga kamay
ng pagal na oras.
Pagpitik ng habagat
magbubuklat
ang itim na mga pakpak,
at animo’y uwak
na tatalilis
sa pusikit na lutang
ng malay.
Landas sa Ilang
Sinong limot na gobernadorsilyo ang nagtayo nitong arkong bato
Sa bukana ng liblib na daan? Sa tuktok, nagtatanod ang dalawang
Natitibag na leon, at nauulinig ko ang mabalasik nilang atungal.
Walang dyip na dumarating dito sa rutang maalikabok,
At nasa dulo ng landas ang pakay naming bayan, ayon kay Tatay,
Kaya’t nagsimula kaming maglakad sa gitna ng ilang.
Sa magkabilang panig, kumakapal ang gubat ng aromang tinik
Na ayon sa kaniya’y siyang ipinutong kay Kristo sa Kalbaryo.
(Masdan kung gaano katingkad ang pula sa mga tinik at dahon.)
Sumisilip ang mata ng isang itim na kabayo sa mga puwang ng sukal.
(Ang sabi-sabi’y dito raw bumagsak si Krispulo,
Ang heneral na nakasakay sa kabayong itim.)
Sa dapithapon, nagsasahalimaw ang anino namin sa mga bato.
Humahaba ang mga kuko ng kalansay ng punong duhat
At nakausli sa mga talahiban ang sungay ng mga lamanlupa.
Ngunit hindi nababahala ang paslit kong guniguni abutin man ng dilim
Dahil kasama ko ang aking ama, siyang pinangingilagan
Ng mga maligno at laging dala-dala ang kaniyang agimat.
Si Ronald Araña Atilano ay isinilang sa Metro Manila at lumaki sa Dasmariñas, Cavite. Naging kasapi siya ng Linangan sa Imahen, Retorika at Anyo (LIRA) at dumalo sa UP National Writers’ Workshop sa Baguio noong 2004 at sa Ateneo Writers’ Workshop sa Quezon City noong 2006. Kasalukuyan siyang naninirahan sa Newcastle, Australia.