Ang Nakamamanghang Batad Rice Terraces

ni Jophel Botero Ybiosa

NOON pa man ay batid ko na ang halaga ng mga larawan na nakikita ko sa mga pahayagan, libro, magasin at maging sa mga exhibit na aking nadadaluhan. At pagdating sa photography, higit akong naging interesado sa mga Cultural Photography, Portrait at Travel Photography. Kaya naman ang isa sa pinangarap kong kunan ng mga larawan ay ang Batad Rice Terraces na itinalaga bilang UNESCO World Heritage Site. Inilarawan din ito ng UNESCO bilang “a living cultural landscape of unparalleled beauty.” At nagkaroon ito katuparan nang ako´y naging bahagi ng cultural immersion sa tribong Ifugao na inorganisa ng Culture Shock Ph. 

Labis akong namangha sa angking ganda ng Batad Rice Terraces. Perpektong tanawin para sa mga photographer na tulad ko. Bagama’t may kaunting balakid sapagkat hindi naging madali ang pag-akyat sa hagdan-hagdang palayan bukod sa pabago-bagong panahon dito. Ngunit nang sandaling naakyat at nalibot ko na ang Batad Rice Terraces ay kakaibang ligaya ang dulot nito sa akin. 

Bilang isang photographer ay mahalagang masilayan at makunan ng larawan ang mga natatanging tanawin sa ating bayan katulad ng Batad Rice Terraces na importanteng bahagi ng ating kalinangan. Malaki ang papel na ginagampanan ng photography para gisingin ang kamalayan tungo sa pagkatuto at pagbibigay-halaga sa ating kultura at kalikasan. Ang mga larawan ay repleksiyon ng ating istorya, pagkakakilanlan at kasaysayan. Nakatutulong ito upang lalong yumabong ang turismo sa ating bansa. 


Si Jophel Botero Ybiosa ay nag-aral sa PUP at naging kasapi ng Sinag Photography Club hanggang sa nagsimulang sumali sa mga local at international contest at exhibit. Nagkaroon siya ng pormal na pagsasanay sa Photography nang mabigyan siya ng scholarship sa Thailand mula sa SEAMEO-SPAFA noong 2013 at Master Class naman sa U.S.A. noong 2017 sa ilalim ng Joe Craig Studio. Kasalukuyang Master Photographer sa Princess Cruise Lines, Founder ng Team Juan Makasining at nagtuturo ng Photography sa Politeknikong Unibersidad ng Pilipinas (PUP). Aktibong lumalaban para sa Team Philippines sa mga global photo contest.