Kiko Moran: Taglay Niya ang Naratibo ng Malikhain

ni Johannes L. Chua

Si Francis Alex Moran, o mas kilala bilang Kiko, ay 22-taong gulang na artist na kasalukuyang 4th year student na nag-aaral ng Visual Communication sa University of the East–Caloocan. Lumaki siya sa lungsod ng Kalookan, sa barangay na “puno ng mga naghihirap na mga tao at napapalibutan ng mga nakakapukaw na mga naratibo tungkol sa buhay na makabuluhang pag-usapan.”

Gaya ng maraming artist na napabilang sa pabalat ng Liwayway, bata pa lamang si Kiko noong siya’y nagsimulang mag-drawing. “Mahilig na akong mag-drawing sapagkat naimpluwensiyahan ako ng aking kuya at tatay na may kakayahan din dito. Noong nasa ika-unang baitang ako sa pampublikong paaralan, naatasan kami ng aming guro na mag-drawing ng dahon. Napansin ng aking mga kaklase na ang drawing ko ang pinakamaganda at nagpagawa sila sa akin kapalit ng piso.”

Ang painting na “I Read Therefore I am” ni Kiko ang pabalat ng LIWAYWAY ngayong Marso.

Naging inspirasyon din kay Kiko ang anime na Naruto at One Piece at palagi niyang dino-drawing ang mga karakter. “Habang lumilipas ang panahon, naramdaman kong dito ako masaya at kumukuha ng halaga bilang tao, hanggang sa magdesisyon na akong aralin at ipagpatuloy ang pagdo-drawing.”

Lumawak din ang mundo ng pagpinta sa mata ni Kiko. Naging inspirasyon niya rin ang pilosopiya, kumplikasyon, at kabulukan ng buhay kaya siya lumilikha ng sining.

“Nais ko magkapag-ambag ng kagandahan, katotohanan, at mabuting ideya ang likha ko para makaramdam ng sublime ang mga tao, magkaroon ng gabay ang sibilisasyon, at isa sa maging sangkap sa inobasyon ng buhay nating mga tao,” ani Kiko.  

Sa mga alagad naman ng sining, idolo niya si Gat Jose Rizal simula palang noong siya’y bata. Nang makapag-aral naman nang pormal ukol sa Art, dumami rin ang kanyang mga idolo gaya nila Salvador Dali, Elmer Borlongan, Basquiat, Olafur Eliasson, Kim Jung Gi, Christoph Nieman, ang manunulat na si Ricky Lee, at ang dalawang guro niya sa kolehiyo na si Richard Legaspi na isang interdisciplinary artist at si Ronwell Bacani, na isang art academician.

Sa kasalukuyan, ganito inilarawan ni Kiko ang kanyang mga likha, “Sa teknikal na usapin, ang mga gawa ko ay makukulay, iba’t-iba ang hugis, at puno ng mga elemento. Ang istilo ko ay kumbinasyon na ng mga napagdaanan kong mga istilo sa pagpipinta mula noong ako’y bata pa hanggang sa ngayon. Representational ang istilo ko at hinahaluan ko rin minsan ng abstraction. Ang proseso ko naman ay kumbinasyon ng researching, sketching, painting, at assemblage art. Sa pangkalahatang kahulugan ipinipinta ko ang mga naratibo sa aking lipunan na sa tingin ko’y nararapat na pag-usupan, at ipreserba sa pamamaraang mababaw at makulay para mapukaw ang atensyon ng tao.”

Higit sa pagpipinta, lumilikha rin si Kiko ng mga figurine na tinatawag niyang Imyunito.

Dagdag pa ni Kiko na ginagamit niya ang likha upang magbigay ng komento o protesta laban sa kawalan ng hustisya, at mga isyung laganap sa bansa.

 “Bilang isang Artist, marami pa akong nais na magawa at mga malalaking pangarap. Nais ko na makapagtapos nang pag-aaral at maipagpatuloy ko habambuhay ang paggawa ng sining. Nais ko rin na matupad ang layunin ko na habambuhay makapag-ambag ng positibong kabuluhan sa mundo o buhay ng mga tao,” ani Kiko.  

Kahit na bata pa, maipagmamalaki ni Kiko ang kanyang gawa na “citizen hungry,” dahil “galit siya sa mga kaganapan sa lipunan na dulot ng mga kapabayaan ng mga lider.”

“Gutom ang taumbayan sa hustisya, moral at epektibong gobyerno. Ang isa pa ay ang gawa ko na ‘Infill of time’—kumbinasyon ito ng mga layer na may kuwento ng mga pinagdaanan ko sa buhay na hindi ko aakalain na malalagpasan ko.”

Para sa mga kagaya niya na may malaking pangarap sa sining, ito ang ilan sa mga payo ni Kiko. “Una, naniniwala ako na bago tayo maging isang alagad ng sining, nararapat na tayo muna ay maging maayos na tao. Sa pamamagitan nito, magagawa natin ang kung anumang naisin nating gawin. Kilalanin muna ang pagkatao at alamin kung ano ba ang kabuluhan mo sa mundo.

Pangalawa, kapag naramdaman mo na ang paglikha ng sining ang passion at kabuluhan mo, ituloy mo ito, protektahan, at alagaan. Marami tayong haharaping mga tao at mga kaganapan na yuyurak sa tiwala at pag-asa natin na ipagpatuloy ito. Ang maipapayo ko ay harapin mo sila, pagmasdan, at tanggapin na hindi sila panghabambuhay na mananatili sa landas mo, kaya’t nararapat na magpatuloy ka lang, kung napapagod bigyan mo ang sarili nang pahinga.

Pangatlo, sa teknikal na usapin, magsanay ka. Uunlad lamang tayo kapag mayroon tayong pagkilos. Mahalaga na matuto tayong magsanay sa pag-drawing, pagpipinta, o kung anumang paraan nang paggawa.

Pang-apat, palakasin ang kuryosidad. Mahalaga na mayroon tayong motibasyong magtanong at hanapan ito ng mga sagot, mas magiging epektibo kang artist kung ika’y nagbabasa, o nakikinig ng podcast tungkol sa kahit anong bagay sa mundo dahil ang Art ay konektado sa lahat, magbasa nang madalas tungkol sa kasaysayan, sosyolohiya, pilosopiya, at sikolohiya.

Ika-lima, mabuti rin na marunong tayong mag-obserba sa ating paligid. Ang lipunan, diskurso sa daan, mga balita ay magandang pagkunan ng naratibo para sa ililikhang sining.

Ika-anim, subukan din ang pagsali sa isang maka-sining na organisasyon. May lakas ng loob tayong lumikha kapag mayroon tayong mga kasama. Tulad ko, isa akong miyembro ng Buklod Sining, isang organisasyon na nagbibigay ng gabay sa aming mga artist para maging epektibong manlilikha ng bayan.

Ika-pito, matutong gumawa ng sining hindi lamang para sa sarili kundi para rin sa iba. Naniniwala ako na mas nagiging makabuluhan ang sining na nilikha para sa ikabubuti ng ibang tao, ng lipunan o ng mundo. Ang sining ay hindi lamang dekorasyon na panlibang sa mata ng tao, o gawi para lumikha lamang ng salapi, isa rin itong sangkap para sa mabuting pagbabago, at inobasyon ng buhay ng tao.

Ika-walo, alagaan mo ang iyong mental at pisikal na sarili. Matutong gumawa sa malusog na paraan, iwasan ang madalas na pagpupuyat at kumain ng tama. Aking rekomendasyon na sanayin ang sarili sa mindfulness,at meditation upang ang kaisipan natin ay parating klaro at payapa.” ◆

Maaaring makipagusap online kay Kiko sa www.instagram.com/kiko_moran/ at sa www.facebook.com/artistkikomoran/