“Hindi ‘yan ang susi sa bahay, Tiya Ising!”
ni Efren R. Abueg
(IKA-2 NA LABAS)
NANAGINIP si Archie nang gabing iyon. Isang munting batang nagpapalahaw daw siya. Dalawang sundalong unipormado ang nagtulak sa bahagyang nakaawang na pinto at pumasok.
“Ang bata, Regidor…umiiyak!”
Napatingin munang mabuti ang tinukoy na Regidor sa batang nagpapalahaw. Saka napalipat sa babaing tahimik, hindi gumagalaw sa ibabaw ng teheras.
“Ba-bakit?” Lumipat ang tingin ng sundalong unang nagsalita mula sa sanggol na nagpapalahaw pagawi sa katabi nitong babaing nakakumot, ngunit walang katinag-tinag sa pagkakahiga.
“Pa-patay na?” Nabigkas nito.
“Hindi, Regidor. Buhay ‘yan kagabi at kinawing pa nga ang braso ng sanggol!”
Ngunit iniluhod na ng sundalo ang isang paa nito sa lapag, saka tumunghay sa katawang walang kibo habang patuloy ang palahaw ng sanggol.
“Patay na nga, Regidor. Dinugo kagabi…wala tayong malay!”
Napaluhod din ang sundalo na tinawag na Regidor. Napakurus ito pagkaraang hawiin ang kumot sa katawan ng nakahiga. Tuyo na ang dugo sa ilalim ng nakatakip na kumot sa katawan nito.
“Ipaalam natin kay Major!” At tumindig ito at mabilis na iniwan ang tumawag dito na Regidor.
Biglang nagising si Archie. Narinig niya ang mga katok sa pinto!
“Tiyang…gising na ako!”
“Umuungol ka, malakas! Nanaginip ka ‘ata!”
Pupungas-pungas na nagbukas ng pinto si Archie. Nakatingin sa kaniya ang babae na biglang pumasok.
“Walang ano man ho ‘yon, Tiya Ising! Wala!”
Naglagos ang tingin ng babaing nasa katanghaling gulang sa nakapinid na puting salamin ng bintana. Nagliliwanag na sa dakong silangan.
“Umaga na pala! May office work ka, ha?” tanong nito.
“Oho…”
“Magluluto na ‘ko habang nag-aayos ka, ha? Daraanan mo sa kanila si Demy?”
Kakaunin niya si Demy sa bahay ng kaniyang biyenan, saka ihahatid niya sa opisina nito.
“Oho. Hihingi na siya ng leave ngayon sa kaniyang boss,” ang sagot.
Tuluyang lumabas ng silid ang Tiya Ising niya. Patungo ito sa direksiyon ng kusina. Narinig ni Archie ang mahabang tunog ng telepono sa salas, saka iyon biglang naputol. Alam niya, sinagot iyon ng kaniyang tiya.
Hindi na nakatalikod sa may pintuan ng kuwarto niya si Archie. Narinig niya ang mala-eskandolosong sagot ng kaniyang Tiya Ising.
“O, kumare. Sasabihin ko sa kaniya…sasabihin ko!” Narinig ni Archie ang magaralgal nitong tinig.
“Archie! Archie!” Nakita ni Archie ang pagkaway ng isang kamay nito habang hawak sa isa pa ang awditibo ng telepono.
Napasugod si Archie sa kaniyang Tiya Ising. Hindi na siya nakatugon sa walang kawawaang sinasabi nito sa kaniya. Napahigpit ang hawak niya sa telepono.“Ho? Saan ho’ng ospital? Nandoon ho si Tatay!” pasigaw ang sagot niya sa biyenan niyang babae.
Umuunignig sa tainga ni Archie ang sarili niyang boses. “Saang ospital? Ngayon lang ho!”
Binitiwan ni Archie ang awditibo ng telepono. Mabilis na bumalik sa kuwarto niya. Nagbihis. Sumugod nang palampas sa nakamulagat na maedad na babae. Hindi na nabilang ng mga mata niya ang mga baytang ng hagdanan. Tuloy-tuloy siya sa kalye at nagkakaway sa isang taksing namataan niyang paparating.
Dinatnan niyang nakatulala sa pintuan ng operating room ang biyenan niyang lalaki. Napahawak ito sa manggas ng kaniyang polosert paglapit niya.
“Dinugo siya kanginang umaga. Napaanak pagdating sa ospital. Wala na ang bata nang ipasok siya sa labor room.”
Namutla si Archie, sa halip na umiyak. Naisip niya ang kaniyang panaginip. Karugtong iyon? Buhay na buhay iyon.
Makaiiyak ba siya sa harap ng kaniyang biyenan? At ngayong nakita niyang lumabas ang tatlong doktor at sinabihan sila ng kaniyang biyenan ng mga nangyari kangina lamang sa operating table?
PUGTO ang mga mata ni Archie nang sumakay sa taksing pinara niya sa tabi ng sementeryo. Nahagip pa ng tingin niya ang kaniyang biyenang babae na sumakay sa isang kotseng minamaneho ng asawa nito. Nagsakayan na rin sa ibang mga kotse ang mga nakipaglibing.
Hindi sumama sa paglilibing ang kaniyang Tiya Ising. Araw-araw ito sa burol ni Demy at ng anak niya, at hindi bumalik sa malaking bahay ang kaniyang tiya. Parang ibig ipakita sa mag-asawang biyenan niya ang lubos na pakikiramay nito sa mag-inang pumanaw. Kaya minalas muna nito sa mga huling sandali ang dalawang yumao bago ito nagpaalam sa kaniyang mga biyenan.
Ngayon, dinig na dinig ni Archie sa stereo ng taksi ang balita tungkol sa babaing Intsik na hinahanap ng Department of Health.
“Nakita na rin sa wakas ang turistang babaing Intsik!” Alam niyang narinig ng tsuper ang kaniyang sinabi.
“Pambihira namang turista ‘yon! Isiping may 19 katao ang kaniyang na-contact sa loob ng tatlong araw!”
“Nahawahang lahat ‘yon?”
“Lahat-lahat, naka-quarantine ngayon…”
“E, paano ‘yung na-contact naman ng labingsiyam?” nasabi ng Archie na sumandal nang husto sa upuan.
“Kaya nga nakamaskara na ako! Mahirap na ang mahawahan!”
Naisip ni Archie ang sarili. Wala pa naman siyang naririnig na instruksiyon sa broadcast na may iniuutos na sa publiko ang DOH.
“Siguro, susunod na rin ako!” nasabi na lamang uli ni Archie.
Lumipat na ang broadcast sa ibang balita. Pumikit na siya. Nagbalik sa isip niya ang kaniyang Tiya Ising. Sabik ito na makitang nakapanganak na si Demy at nakalipat na ito sa kanilang matandang bahay.
“Papayag kaya ang mag-asawa na dumito na sa atin ang mag-ina?” Iyon ang pangunahing tanong ng kaniyang Tiya Ising kung napag-uusapan nilang dalawa ang panganganak ni Demy.
“Misis ko na ho siya. Siyempre, kung saan ako nakatira, doon din siya at ang aming anak!”
“Sabagay, may isa pang kapatid na lalaki si Demy. ‘Yon ang makakasama ng mga biyenan mo!”
Alam ni Archie na isang makakasama sa bahay ang inaasam ng Tiya Ising niya. Mabait naman ito at makakasundo agad ni Demy.
“Iniisip ko na nga…ako na’ng magpapaligo sa ‘yong anak!’
Nagtawa na lamang si Archie. Sinabihan ang Tiya Ising niya na maghintay-hintay lamang pagkapanganak ni Demy.
“Hayaan mo munang maranasan ng mag-asawa ang unang apo. Beinte sais na rin si Demy…kung hindi mo pa nga siya nahagip!” At tumawa ang Tiya Ising niya.
Ngayong wala na ang mag-ina, naisip ni Archie na lalong madarama ng kaniyang Tiya Ising ang pag-iisa. Siguro, makukumbinse na niya ito na kumuha ng isang katulong na makakasama nito. Iba na ang sitwasyon ngayon!
Isinaksak ni Archie ang hawak niyang susi sa malaking pinto ng bahay. Nag-ingat siya sa katahimikang iyon. Alam niyang nasa silid nito ang kaniyang Tiya Ising. Alam niyang mahimbing itong natutulog matapos ang tatlong araw ng pakikiramay sa pamilya ng kaniyang mga biyenan. Ngunit maingat pa rin siyang lumapit sa kuwarto nito at nang makitang may bahagyang awang ang pinto ng silid, lalo siyang lumapit at sinilip ang loob nito. Nakatihaya ang kaniyang Tiya Ising. Naghihilik sa kasarapan ng tulog. Dahan-dahan siyang umatras. Ayaw niyang makalikha kahit kapirasong ingay o magising kaya ang kaniyang Tiya Ising.
Nagtungo na si Archie sa sariling silid. Kanginang umagang-umaga, nang patungo siya sa bahay ng kaniyang mga biyenan, iniwan niya ang kaniyang kama na gulung-gulo, pati na rin ang kaniyang buong silid. Ngunit ngayon, maayos ang na ang lahat. Sinilip iyon marahil ng kaniyang Tiya Ising. At nang makitang wala siyang ginalaw kahit ang nakalaylay niyang kumot sa kama, maingat iyong inayos nito.
Huminga nang malalim si Archie. Nag-iisip habang nakaupo sa gilid ng kaniyang kama. Ngunit idinuyan din siya ng antok, kaya humiga siya nang nakapatong ang ulo sa unan, saglit na inisip ang kaniyang Tiya Ising at ang yumao nitong asawa. Ilang taon na rin ang nagdaan at pagkaraang gawing cash ang insurance ng asawa, ipinagbili nga nito ang bahay na pundar noong maliit pa ang suweldo ng dalawa, saka lumipat sa bahay na iyon ng kaniyang ama. Alam niya ang dahilan: nag-iisa siya. Ibig ng Tiya Ising niya na makapagsilbi ito sa kaniya. At tumanggap pa nga ito na kumuha siya ng katulong!
“Dadalawa-dalawa naman tayo rito!”
MATINDI na rin ang antok ni Archie, kaya ipinanatag din niya ang kaniyang likod. Iidlip siya at maaaring mayamaya lamang, marinig niya ang tagistis ng mga tsinelas ng Tiya Ising niya. Kung makakatulog naman siya nang mahimbing, magigising siyang sibsib na ang araw. Babangon siya, lalabas at kapag naramdaman ng kasama niya na patungo siya sa palikuran, tatawagin siya nito at sasabihing nakahapag na at lalagyan na lamang nito ng hapunan ang mga pinggan doon.
Napangiti si Archie. Saka pumikit. Nakahimlay. Aywan kung gaano katagal. Napadilat siya. Maliwanag pa. Hindi siya nagtagal sa pagtulog. Maaaring naisip niya ang kaniyang mag-ina na iniwan niya sa kubol na iyon, sa ilalim ng nitsong kinasusulatan ng mga pangalan ng ilang kamag-anak. O alam niyang nasa silid nito ang kaniyang Tiya Ising na tatlong araw na tumigil kina Demy upang manulungan.
Nakadilat nga siya. Si Demy at ang kaniyang anak na babae ang naiisip niya. Ngunit saglit lamang iyon. Mayamaya lamang, sumingit sa guniguni niya ang kaniyang Tiyo Mondo, ang nakatatandang kapatid ng kaniyang ama. Lumalaki siya, pagkaraang iuwi mula sa Laguna, naglalaro, humahalakhak hanggang sa pumasok siya sa nursery, saka sa kindergarten at nang pasampa na siya sa primarya, saka siya nagtanong isang araw na naghahapunan sila.
“Ikaw ba ang Tatay ko?”
Nagkatinginan ang dalawa—ang Tiya Ising niya at ang kaniyang Tiyo Mondo.
“Hindi, Archie. Patay na ang Nanay mo. Malayo naman ang Tatay mo!”
Tumingin siya sa nagsalitang Tiyo Mondo niya. Hindi niya natatandaang ikinuwento ng sino man sa dalawa ang nangyari sa kaniyang ina.
“Paano ho siya namatay?”
Ang Tiyo Mondo niya ang nagkuwento. Sinabi lamang na nahagip sa isang raid ng PC ang kaniyang ina. Napagkamalan. Maysakit umano noon ang kaniyang ina.
“Na-pneumonia yata ang iyong ina!”
Nasa opisina ng gobyerno na may koordinasyon sa mga attache sa iba’t ibang embahada ng Pilipinas sa Gitnang Silangan ang kaniyang Tiyo. Ito ang tumatanggap ng mga sumbong ng OFW sa mga pinagtatrabahuhan nito. Ngunit nang magretiro na ang ibang matatandang empleyado, napalipat na ang Tiyo Mondo niya sa Kuwait.
“Mahirap pa noon ang transportasyon, kaya nang maaksidente ang sinasakyan niyang kotse roon, abo na lamang niya ang dumating sa akin dito!”
Hindi nakapagtanong pa si Archie noon. Naawa siya sa Tiya Ising niya. Nagluluksa pa ito at nang tapos siya ng haiskul at “bigla” na lamang “nawala” ang kaniyang ama at sinabihan siyang nag-OFW ito, kasunod ng deklarasyon ng batas-militar sa buong Pilipinas saka niya narinig ang sikretong “pagkakatubos” sa kaniya at sa bangkay ng kaniyang ina mula sa isang kampo-militar sa Laguna.
“Walang makapagpaliwanag kung ano ang nangyari. Basta ganoon lang…Siguro, Tatay mo na lang ang magpapaliwanag sa iyo ng mga nangyari!”
“Paano ‘yon? Kung nasa ibang bansa ang kaniyang ama, paano sila magkikita? Paano nito maipaliliwanag sa kaniya ang nangyari noon sa kaniya at sa kaniyang yumaong ina?” Kalooban na lamang niya iyon.
Iyon lamang ang huling ikinuwento ng kaniyang Tiya Ising. Kung bakit bumagsak silang mag-ina sa kamay ng militar, sinabihan siya ng kaniyang Tiya Ising na “ama” lamang niya ang makapagpapaliwang ng mga nangyari noon. Ngunit hindi siya makapagtanong sa ama sa pamamagitan ng cellphone lamang. Parang umiiwas ang kaniyang ama na “mapag-usapan” nila ang tungkol sa kaniyang ina. Pati ang hindi pag-uwi sa Pilipinas ng kaniyang Tatay, parang ayaw nitong mapag-usapan.
“May panahon para sa lahat, Archie. Maghintay ka lang!”
At sa perang ipinadadala nito sa bangko sa Pilipinas ang lagi nilang napag-uusapan. Hanggang makatapos siya sa kolehiyo ng Bachelor of Arts (BA) at pinapili siya nito ng propesyong yayakapin niya sa buong buhay niya.
“‘Yong konektado sa space science. Communication technology, aeronautics,” at marami pa siyang sinabi sa kaniyang ama.
Hapunan. Matipid ang mga pagkain sa mesa. Ngunit nagtaka si Archie nang makita ang tatlong malalaking susi sa ibabaw ng mesang kainan.
“Hindi ‘yan ang susi sa bahay, Tiya Ising!”
Tumingin sa kaniya ang maedad na babae. “Hindi, Archie. Susi ito sa kuwarto na ayaw ipabuksan ng iyong Tatay!”
Ang kuwartong iyon ng malaking bahay. May pintuan na mahogany.
Ibibigay ba sa kaniya ng Tiya Ising niya ang mga susing iyon?
Bigla ang sagitsit sa utak ni Archie. Panahon na para ibigay sa kaniya ang mga susi. Hindi na mahahawakan iyon ni Demy. Siya na ang tatanggap niyon sa kaniyang Tiya Ising! ◆
(ITUTULOY)