Alam mo ba kung bakit buwan ang pinakamaganda sa langit? Kasi wala s’yang sariling ilaw. Naroon lang s’ya—buo naman—pero kailangan ng iba para magliwanag. At magpaliwanag. Hindi n’ya kailangang maging katulad ng iba. Pero kailangan n’ya ang iba. Hindi s’ya perpekto, kaya s’ya mas maganda. Minsan, maging ang tulad n’yang laging nakasunod ay hindi mo rin makikita. Pero parati, s’ya ang pinakamalapit. Sa kanya mo pa rin pinakakayang tumitig.
Kape
Hindi ko na naitanong kung ano’ng lasa ng huling kapeng tinimpla ka sa ’yo. Akala ko kasi, pareho pa rin ang tamis O sakto pa rin ang gatas. Hindi ko na rin malasahan ang kapeng tinitimpla ko sa ’kin. Hindi ko alam kung nagkukulang sa tamis O kung gusto ko pa ng gatas. Hindi ko na naitanong kung noong araw-araw bang pinili kitang pagtimplahan Pinili mo rin ba ako? Alin ang totoo? Ang pait.
Payong
Magdala ka ng payong bukas. Gusto kitang kasukob sa iisang payong, gusto kong sabihin. Pero magdala ka pa rin ng sarili mo. Kapag umulan, kapag wala na ako, kaya mo na. Kaya mo naman talaga. Pero may ugali kang ayaw mong magbitbit dahil dyahe. Hindi ako naniniwalang gusto mo lang ng ulan, o lumusong sa baha nang nakatakong. Gusto mong maligo pero sa totoo, ayaw mong mabasa at magkasakit. Pero kung hindi ka rin naman maglalaro, magdala ka ng payong. Sabi ng kuya, lahat tayo basa ng ulan sa dalawang paraan — hindi tayo nagpayong, o dahil tinanggalan tayo ng payong. Kahit alin sa dalawa, kapag basa tayo at sumukob sa payong ng iba, mababasa rin ang may-ari. Magkakasakit din, o baka nga s’ya lang at hindi ikaw. Nagkasakit ako. Kaya magpayong ka sa susunod. Para wala nang mabasang iba. Kapag natapos ang bagyo’t tumirik na ang araw, matutuyo na tayo. Kailangan pa rin ng payong, siguro, pero kahit wala nang kasukob. Gusto ko nang umaraw bukas.
Si Edniel Parrosa ay halos araw-araw nagbebenta ng istorya bilang bagitong reporter ng DZRH. Pero higit sa pagbabalita, gusto niya ang pagsusulat. Higit sa napakikinggang tinig sa radyo, gusto niyang marinig sa labas nito.