Katulad ng ano pa mang pelikula, alam kong ang dapithapon ay katulad lamang ng saliw ng musika. Impit sa mapayapang gabi at simoy ng hangin. Tilamsik ng ulan at kapanatagan ng puso. Pangarap. Huni. Sayaw. Panaghoy.
Balot ng luha sa bintana ng kawalan. Habang nakatingala sa kalangitan. Kutitap ng bituin. Halimuyak. Saliw ng lamig buhat ng paglisan.
Katulad ng ano pa mang pelikula, alam kong ang dapithapon ay katulad lamang ng anino sa makutitap na liwanag. Magkikita. Magniniig. Kasabay ng ulan at lamig ng magdamag. Pagsasaluhan ang init ng katawan. Sa dilim tanging magniningas ang alab – ng awiting tayo lamang ang nakakaalam.
Sayaw ng mga daliring nag-aasam. Naglalambing. Mangangarap sa kinabukasang maaatim lamang sa sapantaha. Ngingiti. Ngingitngit sa awit. Magyayakap.
Subalit ang paglisan ay isang nakakarimarim na yugto. Yuyuko. Titiklop. Dalamhati. Buhat sa pag-iisa’y patuloy na luluha. Mumunting bulaklak nalusaw, nawala.
Katawa’y nadurog. Katawa’y hahapo. Musikang nag-alab, naglaho nang lubos. Luha patuloy sa pag-agos Panaghoy ng alaalang nais kumawala. Dinig ay walang makakahinuha.
Subalit ang paglisan ay isang masalimuot na k’wento ng dalawang taong natukso ng kung sino. Tadhana’y marahil awiting pambata- upang sandali’y makalimot, at makapagpunas ng luha.
Katulad ng ano pa mang pelikula, alam kong ang dapithapon ay paghihintay sa paglubog ng araw at pag-aasam sa liwanag ng umaga. Samyo ng ngiti. Halimuyak ng pangarap. Mapapanatag ang batang maghapong kakaiyak mula sa pagkakaakbay ng lamig at dampi ng bagong simula.
Subalit ang paglisan ay pagpapaalam na binalot ng pagmamahal. Hindi magbabago. Mananatili. Magtiya-tiyaga. Kasama ng tula at yakap. Muling magkikita sa panahong nararapat. Magpapakilala ng may kagalakan ang pusong handa. Muling aawit nang walang takot at pagkabahala. Ang paglisan ay hindi na alintana. Sa katotohanang ang puso ay mas lumigaya ng kusa. Bagong yugto. Panulat. Lakad. Ang mga salita’y mamumutawi bilang magkaibigan. Saksi ang himpapawid at karagatang kailaliman.
Katulad ng ano pa mang pelikula, alam kong ang dapithapon ay bagong simula. Ito ay saliw ng musika na yumakap sa anak mula sa kanyang ina. Sa simoy ng hangin, sa mapayapang gabi. Pag-asa sa pagkakaibigan at kapanatagan ng puso. Pangarap. Huni. Sayaw at awit.
Kahit Tinalikuran
Para sa nawalan ng pag-asa, panlasa sa tulad kong naniwala’t umasa. Sa pagkakalunod – mahiwaga pa sa alaala. Dikit ang dila’y agad hinagkan ang sutla.
Magniningas ang apoy sa sisidlan na animo’y kakat’wang aninong hapong aahon, hahabi sa sinulid ng kahapon.
Rurupok ang nginig sa pagkakahawak sa lamparang sa isipa’y magsisimula nang mawasak. O gunita ng alaalang nais kumawala, sa mundo mo ako’y pinagsawalang bahala.
Ninipis ang labi mula sa pagkakayakap. Titipid ang mga salitang hindi maririnig sa alapaap. Patuloy ang liwanag ng lampara, luha’y magsisilbing gabi-gabing pag-anyaya.
Si Angelo Guan ay isang Bulakenyo. Kasalukuyang nagtuturo ng Panitikan at kumukuha ng MA Comparative Literature sa Unibersidad ng Pilipinas, Diliman.