ni Timothy Ignacio
NANG magsimula ang pandemya, kasabay rin nito ang pagbago ng takbo ng mundo. Marami ang nawalan ng hanapbuhay, nalayo sa pamilya, nagkasakit, at nawalan ng mga taong mahal sa buhay, at isa na ako roon. Isa akong freelance photographer mula sa bayan ng Sta. Cruz, Laguna. Labing-anim na taon na akong nasa larangan ng potograpiya at ito rin ang aking ikinabubuhay.
Naging isang malaking hamon sa akin ang pangyayaring ito. Kaya ginamit ko ang aking talento sa pagkuha ng mga litrato para maidokumento ang mga pagbabagong nangyayari sa ating mundo.
Kung dati ay puro ngiti at saya, ngayon ay puro hinanakit at pagdadalamhati ang nasisilip ko sa aking kamera.
Kaya naman naghanap ako ng mga lugar, bagay at pangyayari na maaari kong ibahagi sa ating kasaysayan na tatatak sa puso at isip ng masa.
Sa Laguna de Bay ang paborito kong puntahan kapag gusto kong takasan ang mga problemang dulot ng pandemya. Sariwa ang hangin dito, maganda ang tanawin, tahimik at payapa. Kay sarap panoorin ang mga batang walang muwang sa mga nangyayari sa ating paligid. Makikita mo sa kanilang mga mata ang saya at sigla sa mundo na kanilang ginagalawan.
Sa bawat pagsilip sa aking kamera ay isang kuwento ng buhay ang aking nakokolekta. May masaya, malungkot at may umaasa na muli pang makita ang kanilang mga mahal sa buhay.
Ito ang aking kuwento sa likod ng kamera. ◆
Ang Portrait Photographer na si Timothy Ignacio ay kilala sa paglikha ng mga litrato ng mga tao mula sa lahat ng antas ng pamumuhay. Natutuhan niyang pagsamahin ang musika at litrato para makalikha ng isang perpekto at kawili-wiling sining. Pinasok din niya ang mundo ng vlogging sa pangalang TEAM TIM CHANNEL at doon ipinapakita niya ang kanyang mga obra na kuha sa likod ng camera. Isa rin siyang miyembro ng grupong Team Juan Makasining, isang samahan ng mga Litratista na ang hangarin ay maipagmalaki ang kakayahan ng mga Pilipino sa mundo ng Potograpiya.