ni Mellodine A. Antonio
“MAY something dito.”
Nagdilat siya.
Nagsalubong ang mga mata nila. Nakita niya ang pagkabahala sa mga mata ng asawa.
“Saan?” Mahina iyon. Halos bulong.
“Dito.” Idiniin nang bahagya ang dalawang daliri sa gawing iyon ng kanyang dibdib.
Kinapa niya rin.
Oo nga.
Mayroon nga.
Parang bilog.
Pero parang hindi bilog.
Parang gumagalaw.
Teka, parang hindi naman gumagalaw.
Tinakpan niya ng kumot ang hubad na dibdib.
Nasira ang mood nilang mag-asawa.
Tila binuhusan ng malamig na tubig ang mainit na pagnanasa sa pagitan nilang dalawa kanina.
“Kailan pa ‘yan?” Umupo ang asawa niya.
Umiling-iling siya.
“Hindi mo napansin?”
Iling ulit.
“Di ba kapag naliligo ka, ugali mo ‘yang kapain? Bakit di mo napansin?”
Iling pa rin ang sagot niya.
“Matulog ka na. Pupunta tayo sa doktor bukas.”
MABAGAL ang oras.
Bilang niya ang tik-tak ng wall clock.
Biling-baligtad ang asawa.
Alam niya, pareho silang di nakatulog pero walang bumabasag ng katahimikan. Parehong may takot sa kung ano ang haharapin kinabukasan.
“Ultrasound. Tingnan natin kung ano ang ‘yong bukol. Baka naman fluid. Baka naman di solid mass,” magaan na sabi ng kaibigan nilang doktor.
“Delikado ba, Doc?” Asawa niya iyon.
“Di natin masabi? Need ng ultrasound. Mammogram after.”
“Ma’am, relax lang po. Ang bilis ng tibok ng puso ninyo. Baka po lumabas sa dibdib n’yo,” nakangiting sabi ng nag-u-ultrasound.
Mariin ang hagod nito sa dibdib niyang pinadulas ng malamig na gel na ipinahid nito.
May parteng hinihintuan.
Mas dinidiinan.
Pinipilit nitong panatilihing walang emosyon ang mukha pero kita niyang may pagkunot ng noo manaka-naka.
Kumikibot ang labi.
“Ano’ng meron?” Di niya napigil ang sariling sabi.
“Si Doc na po ang magpapaliwanag, Ma’am.”
“Kailangan ng mammogram. I want to be sure. We have to be sure.” Tinitingnan ng doktor ang resulta ng ultrasound. Mula sa laboratory, diretso iyon sa mata’t kamay ng doktor. Di na ipinaraan sa kanila.
“May I speak with your husband?” paghingi ng permiso ng doktor sa kanya.
Tumango ang asawa niya.
Tumayo.
Sumunod sa pintong itinuro ng doktor.
Gusto niyang magprotesta.
Siya ang pasyente.
Bakit di siya kasama?
“Urgent,” paliwanag ng asawa sa kanya nang tanungin niya kung puwedeng ipa-schedule muna nila ang napipintong mammogram.
“Bakit? Malalala ba?” nangangatal ang mga labi niyang tanong.
Tumalikod siya.
Ayaw niyang marinig o makita sa mukha ng asawa ang tugon.
“Just to be sure.” Halos ungol. Walang tatag sa sagot na iyon.
“Kailangang buksan for the biopsy.”
Kunot ang noo niya.
“Hindi ba puwedeng huwag munang buksan?” Asawa niya.
Umiling ang doktor.
“May nabasa ako about fine needle aspiration. Can that be an option?”
“Not on her case. Mas sure kung bubuksan. Maliit lang naman. May kukunin lang na specimen for laboratory testing. For biopsy. We want to know kung benign…”
“Or malignant?” Nakuha niyang sumabad.
Nagpalitan ng tingin ang dalawa.
May bulak na ipinahid sa buong dibdib niya.
Expose ang bahaging iyon ng katawan niya.
Dalawa ang doktor na kasama.
May dalawa ring nurse.
Malamig ang bulak na ipinahid sa kanya.
Nangangamoy betadine.
Inilapat sa dibdib niya ang telang berde na may butas.
Itinapat ang butas sa gawing hihiwain. Bubuksan.
Kukunan ng kaunting laman.
Laman na pag-aaralan.
Hihimay-himayin sa laboratoryo para malaman kung naroon o wala ang kinatatakutan nila. Kung wala, walang problema.
Kung naroon, aalamin kung gaano kalala.
Gaano karami.
Paano mawawala?
Ano ang gagawin para tanggalin?
Napapikit siya.
Mariin.
Hindi dahil sa pisikal na sakit.
Mas masakit isipin.
Mas masakit sa damdamin.
Nananaig ang takot.
Mga agam-agam.
Mga malalaking bagabag na hindi madaling itaboy ng nang-aalong salita ng kanyang asawa.
Maapektuhan ba nito ang pagnanasa niyang maging ina?
Magkakaroon ba ito malaking epekto sa pagsasama nilang mag-asawa?
Kaya ba niyang mawalan ng dibdib?
Matitingnan ba niya sa salamin ang sarili kung wala na siyang suso?
Wala na siyang mga suso?
Naramdaman niya ang pagpahid ng tissue sa gilid ng magkabila niyang mata.
“Relax.” Malamig. Walang emosyong sabi ng doktor.
“Ma’am, huwag po kayong kabahan.” Muling idinampi ng nurse ang tissue sa magkabila niyang mata.
Gusto niyang ngumiti pero napangiwi siya sa nadarama.
“The result came out not that good.”
Sa mukha pa lang ng doktor, alam na nilang bad news ang ibibigay nito.
“Stage 3. Dalawang suso ang apektado. Mayroon na rin sa part ng kilikili. We have to check ang iba pang organ. Hopeful tayo na mako-contain sa part lang na binanggit ko. But we don’t want to assume. We have to be sure about it.”
“Ano ang dapat gawin, Doc?” Asawa niya, pisil ang balikat niya.
“Chemo. Radiation.”
“Give us all the possible options. We want to know. We want to prepare,” siguradong sabi ng asawa niya.
“ANO’NG hinahanap mo?”
Kinakalkal niya ang kahon ng mga dokumento.
“Insurance.”
“Para saan?”
“Hospitalization.”
“Naiayos ko na. Naitawag ko na rin sa agent. Magkikita kami bukas sa opisina.”
Tumikhim siya.
“Iyong…?”
“Iyong ano?” tanong na sagot ng asawa sa tanong niya.
“Iyong sa St. John.”
“Aanhin mo iyong St. John?” Tumaas ang boses nito pagkarinig sa St. John, iyong memorial plan.
“Para ready. Para handa. Para hindi magiging aligaga.”
Lumapit ang asawa sa kanya.
“Hindi magagamit iyon. Hindi pa ngayon. Hindi soon.”
Pumiksi siya.
“Walang masama sa paghahanda.”
“Iba ang paghahanda sa pagiging nega,” salag nito. “Magpapagamot ka. Gagaling ka. Kaya nga iyong health plan ang inaasikaso ko. Sambot ang para sa critical illness.”
“We’re talking about stage 3 breast cancer. Hindi basta-bastang critical illness. Number one cause of death sa ‘ming mga babae. One day, kasama na ‘ko sa statistics ng sakit na ito.”
“Don’t be too pessimistic about it! Maraming stage 4 na survivor ang turing ngayon. Some are in remission. Simula pa lang ng laban, ganiyan ka na. Walang puwang ang negativism sa kalaban natin ngayon.”
“And don’t give me that false positivism as well! Toxic positivism!” Galit siya. Galit na galit siya. Kung kanino, hindi niya alam. Kung saan, tiyak siya, sa punyetang cancer na nasa katawan niya – nasa suso niya! At baka… Baka kalat na sa iba pang parte ng katawan niya!
Naramdaman niya ang yakap ng asawa.
Mahigpit.
Tulad noon.
Kapag ipinararamdaman sa kanya ang pangangailangan nito sa kanya.
Iyong pagpaparamdam, na mahal siya nito.
“We’ll get through this. Tulad ng marami nating pinagdaaanan.” May katiyakan sa boses nito. May tigas sa bitaw. Parang pangako. Tila sumpa.
Bumigay siya.
Humagulhol sa dibdib ng asawa.
“Hindi pa ‘ko nagiging ina. Wala pa tayong anak. Tatatlong taon pa lang tayong mag-asawa. Di ba, dapat honeymoon stage pa? Bakit ganito na? Bakit ang bigat-bigat na?” Isiniwalat niya ang lahat ng takot.
Hinaplos-haplos nito ang likod niya.
Manaka-nakang pinipisil ang kanyang braso. Ang kanyang balikat.
May maririin na halik sa buhok niya.
May pagpupog ng halik sa kanyang tuktok.
Hanggang maramdaman niya ang mainit na patak sa kanyang balikat.
Naramdaman niya ang mahinang yugyog ng katawan nito.
Lumayo siya nang bahagya.
Tiningnan niya ang asawa.
“S-sorry…” mahina niyang sabi. “S-sorry…”
Inilapat nito ang hintuturo sa labi niya. Pinipigil siyang magsalita.
“Sorry. Malakas dapat ako. Malakas ako. Kailangan malakas ako.”
Tumango-tango siya.
“Malakas ka naman. Sa ating dalawa, malakas ka at rational. Sa iyo ako kumukuha ng lakas. Sa iyo ako umaamot ng katwiran sa buhay.”
Sinapo nito ang magkabila niyang pisngi.
“Mas magiging malakas ako at rational para sa iyo. We’ll pull this through. Mananalo tayo!”
Muli niyang isinubsob ang mukha sa dibdib ng asawa. Tila batang umaamot ng kapanatagan sa matigas, matatag, mainit nitong dibdib.
“I’m afraid we need to this as soon as possible. Aggressive ang type ng cancer na nasa iyo. After the operation, chemotherapy.”
“Do what must be done, Doc,” may katiyakang sagot ng asawa.
BINUKSAN SIYA.
Isinara.
Maraming tahi.
Dama niya ang kirot at hapdi.
Maraming tusok.
Kung ano-anong aparato.
Ramdam niya ang panghihina ng katawan.
Sumusuka siya.
Nahihilo.
Nangingitim ang balat.
Naninilaw kung minsan.
Madalas siyang bugnot.
Pati asawa, nasisigawan niya.
Pero inuunawa siya nito. Hanggang sa kaya nito.
“KUMALAT na sa spleen at sa liver. Iyong baga, meron na ring tama.”
Di sinasadya niyang narinig nang may kausap ito sa telepono.
Bumagsak ang hawak niyang baso.
Nabigla nitong binitiwan ang telepono. Bakas ang takot sa mga mata nang puntahan siya sa kinabagsakang puwesto.
“ALAM mo bang takot ako sa bagyo?” Isa sa iilang pagkakataong maayos siya kaya sinamantala niya.
“Alam ko. Kaya nga madalas kang nakasiksik sa kili-kili ko kapag malakas ang ulan lalo na kapag may kulog at kidlat.” Nakangiti ito.
“Pinakatakot ako sa bagyong ito. Pinakamalakas sa mga naranasan ko. Unos yata ang tawag dito ng mga matatanda.” Nakangiti pa rin siya sa asawa bagaman malamlam ang mga mata.
“Kaya natin ‘to!” muling pagtitiyak nito.
“Ako muna!” saway niya sa asawa.
Tumango ito.
“Iyong St. John, naayos ko na. Tinawagan ko na ang agent. Pag kailangan ko na, ready na.”
Akmang tatayo ang asawa.
“Teka!” awat niya! “Makinig ka!” Pinagsikapan niyang maupo. “Tanggap ko na. Tanggapin mo na rin. Kapag may unos, may nasasalanta. May nasisira. May nawawala. Sa unos na ito, nasira ang health ko. Nasalanta ang mga pangarap at plano natin. Pero gano’n talaga. Isalba natin ang puwede pang isalba – sa puntong ito, iyong katinuan at pagiging rational nating dalawa.”
Nakayuko ang asawa.
“Maghanap ka ng kapalit ko.”
“Tang ‘na naman, e!” Muli itong umakmang tatayo.
Pinigil niya ang kamay nito. “Sandali!” awat niya rito. “Seryoso ako. Mag-asawa ka ulit. Bata ka pa. Tuparin mo ang pangarap nating maging tatay ka. May makukuha ka sa insurance ko – sa death benefit – gamitin mo sa pasisimula ng bago.” Bumagsak ang mga luha niya. “Mahal kita. Mahal na mahal. Dito o sa kabilang buhay man, ikaw lang. Pero di ka sasama sa akin sa kabilang buhay, buhay ka pa. Mabuhay ka!”
“Huwag mo ‘kong ganituhin,” pakiusap nito. Tulad niya, umiiyak na rin ito.
“Natatandan mo iyong sabi mo noon: Huwag kitang ipamigay? Hindi kita ipamimigay pero hindi rin kita pagkakaitan. Deserve mong sumaya. Mabuhay nang masaya. Pagka-cremate sa katawan ko, tapos na ang istorya ng buhay ko. Pero ako lang ang iki-cremate. Huwag kang sasama.” Ngumiti siya.
“Mabuhay ka pa para sa akin,” muli nitong pakiusap.
Umiling siya.
Ipinakita ang magang mga ugat. Pinasadahan ng daliri ang nagkukulay abong balat. “Maawa ka sa akin. Pagod na ako. Sumusuko na ang katawan ko,” nakangiti niyang paliwanag. “Mahihiya na akong tumabi sa iyo. Pangit na ako.”
“Huwag pa! Huwag muna!”
Hinawakan niya ang palad ng asawa. Pinisil sa pinakamatinding magagawa niya.
“Mahal kita. Mahal na mahal kita. Alam kong mahal mo rin ako. Mahal na mahal mo rin ako. Kasama sa pagmamahal ang pagpapalaya. Palayain natin ang bawat isa,” pagmamakaawa niya. “Naiintindihan mo naman ako, di ba?
Humahagulgol ito. Hindi itinago ang paghikbi sa kanya. “Hindi ko kaya. Hindi ako handa.”
“Kaya mo. Kakayanin mo. Kaya nga inihahanda kita ngayon. Kaya nga naghahanda tayo ngayon.”
Naramdaman niya ang pangangapos ng paghinga.
Nahahapo siya.
“Sige na. Magpapahinga na ‘ko. Napapagod na ‘ko.”
Iniayos siya ng asawa sa kama.
Itinaas ang kumot hanggang dibdib niya.
Pinigilan niya ang mukha nito.
Kinabisa niyang bawat bahagi.
“Mami-miss ko ito.” Hinipit niya. Hinila palapit sa kanya.
Inilapat niyang labi sa labi nito.
Mariin.
“Mahal na mahal kita,” sabi niya na sinagot din nito.
Niyapos siya ng asawa. Mahigpit na mahigpit.
“Matutulog muna ‘ko,” awat niya sa tagal na yakap nito sa kanya.
ANG alam niya saglit lang iyong pagkakapikit niya pero iba ang naririnig niya.
“Hindi ko na siya magising! Ayaw na niyang gumising!” Boses iyon ng asawa niya. Natataranta. Natatakot.
Tila matatalim na kidlat ang liwanag.
Dumadagundong ang ingay.
Magulo.
“Time of expiration…”
Pinilit niyang magmulat pero di na niya kaya. Di na niya maiangat maging ang mga kamay niya. Di na maigalaw ang mga labi.
Wala na ring tinig na lumalabas. Hanggang unti-unti, pati ingay, mawala na rin.
Tila niya naririnig ang salita ng matatanda: “Pagkatapos ng unos, sisikat ang araw. Maaaring may mga pagbabago pero pasasaan ba, magagamayan rin ito.” ◆