DALAWANG PAG-IBIG

ni Pedro Gatmaitan
(Unang nalathala: LIWAYWAY, Abril 19, 1946)

IKAWALO ng gabi. Sa isang magandang tahanan sa Troso ay masayang-masaya. Maraming panauhin at may tugtugan.

Walang anu-ano’y palakpakan ang narinig.

—Ang bagong kasal muna. Silang dapat magpaunang sumayaw. Sila!

At palakpakan uli.

Sumunod naman ang mga tinukoy at magkayakap na umindak sa gitna ng salon sa saliw ng isang makabagong tugtugin ang dalawang bagong kasal. Minsang palakpakan pa, at sunud-sunod nang napagitna ang maraming pareha ng mga kabataang may iba’t ibang ayos ng pag-indak, sa pasimuno ng dalawang nag-isang dibdib.

Talagang masaya ang kasal na ito nina Maring Rodrigo at Arsenio Ruiz. Kakailan man, ay ngayon lamang natipon sa isang handaan sa Troso ang gayong karaming panauhin at gayong karaming kadalagahan at kabinataan, sapul nang tayo ay mapalaya uli ng mga Amerikano. Paano’y maraming kaibigan ang pamilya ng babae, at lalong maraming mga kapalautangang-loob ang mga magulang ni Arsenio Ruiz. Ang abay lamang ni Maring ay anim na magagandang dalaga at gayon ding bilang ng binata ang abay naman ng lalaki.

Maraming tinanggap na alaala ang nag-isang-puso, na nakapuno sa isang lamesang malaki sa isang panig ng komedor.

Kaninang hapon ‘kinasal si Maring at si Arsenio sa simbahan ng Kiyapo. Kanina nang siya’y nakaluhod nang kasiping ng kanyang makakataling-dibdib sa harap ng maliwanag na dambana ng Nasareno, bago siya belohan ng mga abay at suutan ng aras ni Arsenio, ay kanyang nagunita na siya ay ikinasal na rin noong araw. Siya’y nakipag-isang dibdib na, hindi nga lamang sa tao, kundi kay Hesukristong nakapako sa krus.

Ganitong-ganito rin halos ang ginawang seremonya. Sa kanyang pakikipag-isang-puso noong araw sa Dakilang Bayani ng Damasko. Siya noon ay binelohan din, sinuutan ng aras ng isang madre at binendisyonan ng isang banal na kinatawan ng Diyos. Pinapanumpa siyang lilimutin ang daigdig at pinapanatang habang buhay ay kanyang iuukol ang pag-ibig at kaluluwa kay Hesukristo. Pinagsuot siya ng abitong itim at binigyan siya ng bagong pangalang Sor Milagros. Tinutupad niya ang kanyang sinumpaang panata at walang sandaling hindi siya nakaluhod at nananalangin sa Kristong nakaisang-puso. Mahigit nang isang taong siya ay madre nang sumiklab ang digmaan.

Datapuwa’t nang Disyembre ng 1941, nang ang Intramuros ay hulugan ng bomba ng mga Hapones, at maparamay na masunog ang kanilang kumbento, silang mga nagsisipanahanang madre roon ay nagkani-kanya nang ligtas. Si Sor Milagros o si Maring, sa takot at pagkalito ay patakbong nakarating sa tulay ng Jones, saka nang makatawid sa Eskolta ay pasugod nang umuwi sa kanyang mga magulang sa Troso. Ang gulat ng kanyang tatay nang siya ay dumating at ang panangis nang siya ay yakapin ng kanyang nanay.

—Salamat sa Diyos at nabalik ka rin sa amin, anak ko! — ang sabi ng kanyang ama. —Inaasahan kong amin ka na uli sa buong panahon, Maring.

—Tatay, —lumuluhang sagot niya noon sa kanyang ama, — babalik po ako sa aking mga kapatid na madre, mapayapayapa lamang ang Intramuros. Malaking kasalanan po sa Diyos na sirain ko ang aking panata.

—Huwag na muna ngayon, anak ko, — pakiusap na umiiyak ng kanyang ina. —Bayaan mong matapos muna ang digma, yamang hindi naman magiging kasalanan sa Maykapal ang huwag ka munang makulong sa kumbento habang ganitong may kaligaligan.

Ang mga magulang ni Maring ay ayaw na ayaw sa kanyang pagmamadre, nguni’t hindi siya napapigil sa kabila ng dalamhati at panggigipuspos ng mga pinagkakautangan ng buhay. Subali’t nang mga sandaling yaon ay madali siyang nahimok at pumayag upang huwag na munang magbalik sa kanyang pinanggagalingang mga kapatid, kundi pagkatapos na ng digma at mapayapa ang sangsinukob.

Ipinasiya ng kanyang mga magulang na iwan na muna nila ang siyudad na sa palagay ng marami’y napakamapanganib, at sila’y sa isang bayan ng lalawigang Bulakan lumikas.

Naghubad na si Sor Milagrosa ng kanyang itimang abito, nagsuot ng isa sa kanyang mga datihang damit na itinatagong parang mga relikiya ng kaniyang nanay, saka nagpugong ng isang malapad na bupanda, upang itago ang utod na buhok.

Sa kanilang nilikasan, nakilala niya si Arsenio.

Nang mga unang araw, wala siyang kaloob-loob sa mga lalaki at kanyang ipinalalagay na matingin lamang siya sa lalaki’y isang malaking kasalanan na sa Diyos. Hindi niya nalilimot ang pinagkamihasnang pananalangin kaya’t sa loob ng munting silid ng bahay na kanilang pinakituluyan, maghamaghapon halos na siya’y nakaluhod sa harap ng isang Santo Kristo.

Subali’t may mga pagkakataong hindi niya makuhang makaiwas sa kanyang kakilalang si Arsenio. Ito ay lubhang mausig na siya ay makita ay makausap kahit pasaglit-saglit. Tila hindi napupuna ni Arsenio na siya ay hindi nag-aalis ng pugong, pugong na hindi niya inaayos at tinatali na lamang na parang panakip-ulo ng isang lalaki, upang huwag nga siyang makatawag ng pansin sa kaninomang binata. Nguni’t si Maring ay maganda, at hindi sukat ang walang ayos na pugong upang magbawas ang kanyang katutubong kagandahan.

Kaya’t si Arsenio ay haling na haling. Naghihintay lamang ng mabuti-buting pagkakataon upang maipahayag ang kanyang inililihim sa pusong mataos na pagmamahal.

At ang pagkakataong ito ay dumating nang hindi niya kinukusa.

May kumalat na balitang ang mga Hapones na noon ay nakapamamayani na sa buong Luson ay namamanhik ng bahay-bahay sa paghahanap ng mga gerilya.

Silang mga mamamayang nakalikas sa isang pook ay sama-samang nagsipagtago sa malayong kagubatan. Doon nagkaroon ng pagkakataong maluwat si Arsenio upang si Maring ay makaniig nang sarilinan.

—Iniibig kita, Maring, — ang wala nang ligoy na sinabi ng binata nang makaniig ang binibini. — Iyan ay nalalaman mo na, kahi’t hindi pa nabibigkas ng mga labi ko, palibhasa’y matagal mo nang mapapansing iya’y sinasabi ng aking mga kilos at tinitingin-tingin sa iyo, pag-ukulan mo ng paglingap ang aking matapat na pagsuyo.

—Arsenio, ako ay may isang panata, — tugon niya noon. — Panatang hindi ko masisira, pagka’t natutungkol sa Diyos. Ako ay isang madre, Arsenio, huwag mo akong pagkasalanan.

—Maring, ang Diyos din ang may bigay ng pag-ibig na iniuukol sa iyo. Siya ang may utos sa taong tayo ay mag-ibigan.

—Kasalanan pagka’t Kanya na ang aking pag-ibig.

—Hindi, Maring. Hindi ang pag-ibig mo sa Kanya ang hinihingi ko sa ‘yo. Ako man ay tulad mong umiibig din sa Diyos. Iniibig Siya ng kaluluwa ko, ang pag-ibig ng kaluluwa ko’y para sa Kanya. Nguni’t ang pag-ibig ng aking puso ay para sa iyo, sa iyong sa iyo lamang, Maring.

—Samakatuwid…

—Maaaring ibigin mo Siya, ibigin mo Siya nang walang hanggang pag-ibig ng kaluluwa mo nguni’t ibigin mo naman ako, ibigin mo naman ako nang walang maliw na pag-ibig ng iyong puso.

Si Maring ay napipi noon sa mga narinig niyong pangungusap ni Arsenio. Wala siyang maisagot. Ang kaluluwa niya’y sa Diyos, ang puso niya’y kay Arsenio. Tila may katwiran. Nguni’t nagpasubali pa rin siya ng ganito:

—Maaari kayang pagdalawahin ang pag-ibig. Tila hindi ko mapagdadalawa.

—Hindi mo nga mapagdadalawa kung hindi matapat sa iyo ang aking pag-ibig. Nguni’t mapagdadalawa mo kung ako’y nakatawag ng habag sa iyong puso. Talusin mo, Maring, na hindi ko inaagawan ang Bathala. Ang pag-ibig mo sa Kanya’y mananatiling pag-ibig, kahi’t ako ay iyong ibigin.

Iyon lamang. Hindi na siya nakasagot ng ano pa. Sukat ang mula noon ay nagkaibigan na sila at nagmahalan ni Arsenio. Totoo nga namang hindi inagaw ng kanyang irog ang pag-ibig niyang iniuukol sa Bathala. Parati rin siyang nakaluhod, madalas din siyang nananalangin at nagdarasal sa Santo Kristong nasa dinding ng kanilang munting silid. Sa Diyos ang kanyang kaluluwa, kay Arsenio ang kanyang puso. Ipinasiya niyang kahi’t matapos ang digma ay hindi na siya magbabalik sa piling ng kanyang mga kapatid sa isang kumbento, sapagka’t kanyang napatunayang kahi’t malaya at hindi nakukulong ang isang kaluluwa y maaari ring makipag-ibigan at makipagmahalan sa Diyos. Ang Diyos ay walang hindi kinaroroonan, kung kaya’t kahi’t saan ka naroon ay maaaring matapat kang makipagsintahan sa Diyos. Ipinasiya rin nila ni Arsenio, na matapos na matapos lamang ang ligalig ng digmaan, sila’y agad nang mag-iisang dibdib.

Kung kaya’t ngayon, hindi lamang natapos na ang digma, kundi napapanumbalik pa sa kaginhawahan ang bayan natin ng nagpalayang bandila ng Estados Unidos, sila ni Arsenio ay nag-isang dibdib, ng isang masayang pag-iisang puso.

Tumagal hanggang sa malapit nang hatinggabi ang kasayahan at sayawan ng kanilang mga panauhin, na sa bawa’t tugtugin ay bihira ang hindi sila kasamang nagsasayaw ni Arsenio.

Ganap na ika-12 na ng gabi nang magpaalam ang huling umalis na panauhin.

Niyaya siya ni Arsenio sa harap ng lamesa ng mga regalo nilang tinanggap. Sari-sari, iba’t iba mula sa kahita ng panyolito hanggang sa malalaking kahon ng mga pinggan, kobyertos, damit, kumot, kubrekama at kung ano-ano. Subali’t ang kanyang napansin at sa kanyang palagay ay namumukod sa lahat, ay ang isang Santo Kristong kasama rin sa mga regalong tinanggap nila ngayon.

Nang siya ay inaanyayahan na ni Arsenio na pumasok sa nakalaan sa kanilang silid upang magbihis at magpahingalay, pagka’t lagpas nang hatinggabi, ang Kristong iyon ay kasama niyang ipinasok sa kuwarto. At ang mahal na larawan ng Bathalang Mananakop ay kanyang ipinatong sa ibabaw ng kanyang tokador sa silid na itong sadyang mula nang siya ay maging binibini ay siya na niyang tutulugan.

Si Arsenio ang unang nakapaghalili ng damit na pangtulog at siya ay tinulungan nito na magbihis naman ng kanyang pangtulog na damit. Pagkatapos, siya ay pinupog ng halik ng kanyang asawa. At ang wika:

—Papatayin ko na ba, Maring, ang ilaw?

—Sandali pa, irog ko, —ang kanyang sagot. —Magdarasal lamang ako sandali.

At lumuhod si Maring sa harap ng Kristong regalo sa kanilang pag-iisang dibdib. Ginayahan siya ni Arsenio at sandali silang matapat na nanalangin sa Bathala.

Sabay rin silang tumindig at sabay ring umupo sa gilid ng kama. Si Arsenio ang unang nagsalita:

—Kita mo na, Maring. Hindi ako nagsinungaling sa iyo noong nililigawan kita. Ang kaluluwa natin ay sa Diyos, ang puso natin ay atin naman.

—Siya nga, irog ko. Talagang napagdadalawa pala ang pag-ibig. Pag-ibig ng puso. Pag-ibig ng kaluluwa. Ito’y sa Diyos. Yao’y sa iyo.

—Patayin ko na ba ang ilaw, Maring?

—Ako na ang papatay, irog. ◆