ni Edgar Calabia Samar
(IKA-8 NA LABAS)
SAMPUNG TAON nga silang sinasanay para sa SET. Pero pagkasilang pa lang, inihahanda na ang PALAD ng bawat bata para maging maayos ang pagpapasok nito sa mga palad niya pagtuntong niya sa ikaapat na taon. Parehong ikinakabit agad sa bata ang buong PALAD sa kaliwa’t kanang palad nito. Nasa kanan ang Tagapagturo at Tagapagsanay at nasa kaliwa ang Manggagamot at Mananaliksik. Isa ang pagkakaroon ng PALAD ng bawat mamamayan sa mga unang itinakda ng Sistema matapos itong itatag bilang bunga ng Paghuhukom sa kalagitnaan ng Siglo 22 sang-ayon sa panahunan ng Sinaunang Panahon na hindi na sinusundan ng Sistema na gumagamit na ngayon ng MP. Matapos ang Paghuhukom ang ibig sabihin ng MP.
909 MP nang isinilang si JM, sa Araw ng mga Pakpak ng Bugtong na Buwan sa Panahon ng Bitak. Iyon ang rekord ng Manggagamot sa PALAD niya. May rekord ang Manggagamot sa lahat ng nangyayari sa katawan niya, hindi lang mula sa kapanganakan niya kundi mula nang tumibok ang puso niya sa bahay-bata ng Magana niya. Kaya niyang itanong dito ang sandali ng pinakamataas niyang blood pressure o temperatura o sugar. Kayang ibigay ng manggagamot ang buwan kung kailan pinakamalaki ang itinaas niya o ibinigat sa timbang. Kaya nitong ibigay ang grado ng mata niya nang eksakto sa talas sang-ayon sa kung hanggang gaano kalayo ang kaya pa niyang mamukhaan. Hindi maaaring magkamali ang Manggagamot. Ang totoo, walang paraan ang PALAD para malaman kung nagkakamali ang Manggagamot kaya wala itong idea ng pagkakamali ng Manggagamot dahil walang alternatibo roon. May mali lang kung may tama. Ang mahalaga, may projection ang Manggagamot sa posibilidad ng paglitaw ng sakit sa katawan, ilang taon pa bago ito lumitaw kaya agad na naaagapan. Kaya dahil sa kakayahang ito ng Manggagamot, halos imposible na ang pagkakaroon ng totoong sakit sa Sistema. Kailangan na lang niya ngayon ang Manggagamot kapag nasusugatan siya sa mga ipinapagawa sa kaniya ng Tagapagsanay. At anumang sugat na matamo niya, gumagaling sa loob lang ng isang araw. Kung hindi naman dahil sa husay magpaliwanag ng Tagapagturo, imposible sanang maunawaan ni JM ang konsepto ng sakit ng mga sinaunang tao.
Tinawagan ni JM ang Tagapagturo para ulitin sa kanya ang panibagong lagom niya ng Kasaysayan ng Sistema. Sinubukan niyang bawasan pa ng sanlibong salita ang huling lagom niya rito kahapon. Lumitaw ang avatar ng Tagapagturo sa palad niya. Ngumiti ito sa kaniya at tinanong siya kung kailangan ba niya ito sa mismong silid. Tumango siya. Pagkatapos, mula sa mga pader ng silid niya, na-project at nagkahugis sa halos isang iglap ang Tagapagturo na halos kasintaas niya. Halos pareho ang proseso ng pagpo-project ng silid sa Tagapagturo sa pagpo-project nito sa mesa, upuan, higaan, at iba pang bagay na ginagamit niya sa araw-araw. Gayundin sa pagpo-project ng silid sa mga daan at estruktura sa isang lugar na pinagdadalhan sa kaniya ng Tagapagsanay.
“Hello, JM,” bati sa kaniya ng Tagapagturo, seryoso ang tinig pero iyon ang karaniwan nitong tono. BWB ang sexual assignment nito (Babaeng Walang Binhi). Kasing-edad din lang ni JM ito dahil sinasabayan ng Tagapagturo at Tagapagsanay ang edad ng indibidwal na tinuturuan at sinasanay ng mga ito. #a020ff ang kulay ng buhok nito na halos parisukat ang tabas hanggang tenga, #4b3621 ang kulay ng balat, at #23191e naman ang kulay ng mga mata. Nakakulay-#b22222 na bodysuit ito na isinusuot nito kapag ganitong Panahon ng Bitak. Pero sigurado siyang hindi naman ito apektado ng temperatura kung paanong kontrolado rin ng PALAD niya ang temperatura sa loob ng silid. Nasa bandang leeg ng body suit ng Tagapagturo ang simbolo ng Sistema na kulay #29906d. Ang Buwayang Maykapal. Nakangiti sa kaniya.
“Hi, Tagapagturo,” sabi niya. “Huling balik-aral bago ang SET.” Ang totoo, alam niya na ang pagtatangkang isilid ang nagdaan sa tiyak ng bilang ng mga salita ang siyang sinusukat sa kaniya ng Gunita at Lunan, higit sa anupaman. Kailangang mabilis siyang magkaltas ng mga salita, magpalit, magbago ng pangungusap, magtama ng detalye.
“Handa ka na?” tanong ng Tagapagturo sa kaniya. Hindi tulad ng Tagapagsanay na laging maaliwalas ang mukha, kasinlamig ng kulay ng buhok ng Tagapagturo ang pakikitungo nito sa kaniya kahit mula noong mga bata pa sila.
Tumango siya at biglang dumilim ang silid bago na-project sa pader na nasa kanan niya ang larawan ng sinaunang tao mula sa kaliwang palad ng Tagapagturo, bago nito sinimulan ang paglalagom.
SANG-AYON SA Kasaysayan ng Sistema, nasa 25 bilyon ang populasyon ng tao bago ang Paghuhukom sa kabila ng iba’t ibang anyo ng sakit na dinaranas noon dahil sa pagbabago ng klima sa iba’t ibang panig ng daigdig, sa gutom at malnutrisyon, sa polusyon, sa iba pang mga pagsalaula sa kalikasan, bukod pa sa digmaan sa loob at pagitan ng mga nasyon, sa mga krimen na dumarami nang dumarami at nagbabago-bago ang mukha dahil nawalan ng silbi ang pinag-aralan ng mga tao sa pagkontrol ng digital na realidad sa totoong buhay. Algorithm ang nagpapasya kung anong kakainin at iinumin, kung anong libangan ang puwedeng gawin, kung saan magbibiyahe, kung anong bibilhin, kung sinong ibobotong politiko, kung sinong papaslangin. May maikling panahong humaba ang life expectancy ng mga tao sa malaking bahagi ng daigdig dahil sa mga bagong tuklas sa modification ng genes, na halos nagbura ng mga sakit, pero lumikha ng mga bagong halimaw sa pagkatao na halos lumipol sa mga tao.
(Marami sa mga nasa Kasaysayan, mga salitang kailangang ipaliwanag ng Tagapagturo sa kaniya noong bata siya dahil hindi na umano dinaranas sa Sistema. Ano ang gutom? Ano ang polusyon? Bakit lumalabas noon ang mga tao sa mga silid nila para magbiyahe? Anong ibig sabihin ng lumalanghap ng hangin? Bakit may mga talâ na inilalarawan ang hangin bilang masarap? Paano bumoboto?)
Sa huling tatlong dekada hanggang bago nangyari ang Paghuhukom, bumulusok ang populasyon hanggang sa wala pa halos 1 bilyon ang natira sa samot-saring kalamidad, epidemya, digmaan, krimen, nagbabagong klima, at mga hindi na maipaliwanag na dahilan. Siglo 18 pa nang huling bumaba sa 1 bilyon ang populasyon ng tao. Lumitaw ang panibagong daluyong ng mga sakit na hindi na nagawang kontrolin kahit ng mga pamahalaan ng iba’t ibang nasyon. Bumagsak ang mga sentro ng pananaliksik. Nawalan ng tiwala ang mga tao sa agham at pag-aaral. Nagsibalik ang marami sa pananalig sa iba’t ibang diyos at halimaw. Dumami ang mga kusang nagpatiwakal. Naunang nalansag ang mga bayan. Pagkatapos, nagsimulang gumuho ang ibang mga nasyon. Naging usapin ang pagtanggap ng mga mamamayan mula sa mga nasyon na iyon patungo sa mga nasyon na patuloy na umiiral. Lumikha iyon ng panibagong mga sigalot sa usapin ng teritoryo. Naging kalakaran at negosyo ang terorismo. Dumami ang mga bisyo sa digital na mundo para makalimot ang tao sa sarili nilang pagkatao.
Lihim na pala noong nagpupulong ang kinatawan ng walong pinakamayayamang buwaya mula sa iba’t ibang nalalabing nasyon na nasa banta na rin ng pagguho. Pinagplanuhan nila kung paano pa maisasalba ang maaari pang isalba. Pangunahin siyempre ang mga buhay nila. At ang buhay ng tao na pinaniniwalaan pa rin nilang tagapagmana ng mundo. Sinubok kontrolin ng mga pamahalaan ang walong pinakamayayamang buwaya. Subalit hawak na ng mga mayayamang iyon ang militar. Hawak na nila ang distribusyon ng mga batayang pangangailangan ng tao, pangunahin ang tubig, pagkain, at mga makinarya para linisin ang hangin. Naging extinct na ang maraming hayop at halaman. Nauubos na ang reserba ng enerhiya sa iba’t ibang panig ng mundo. Hawak na ng walo ang kaligtasan.
Noon sinimulang ilatag ang blueprint ng pagtatatag ng Sistema. Paghuhukom ang naging daan patungo sa pagwasak sa mga natitirang nasyon, lalo pa sa malalaking kontinenteng pinagmulan ng walong buwayang itong naging tagapagtatag ng Sistema. Wala silang pakialam noon sa maliliit na kapuluan na alam nilang lulubog din sa tubig tulad ng sinapit ng maraming nasyon noon pa mang kalagitnaan ng Siglo 21.
Subalit sa proseso umano ng pagpapatupad ng blueprint, may kung anong nangyari at nawala o tumiwalag ang isa sa walong pinakamayayamang buwaya. Agad pinabulaanan noon ang anumang hinala na namatay ito o pinaslang. Walang dahilan umano para roon dahil isa ito sa mga may malalaking ambag sa disenyo ng Sistema. Pero kailangang magpatuloy ng nalalabing pitong buwaya kahit iniwan sila ng isa nilang kasama.
(Siyempre, may mga hinala si JM sa mga puwang na ito kaugnay ng pagkawala ng isa sa walong buwaya. Pero halos pipi ang mga tala sa kasaysayan dito. Alinman sa wala na talagang anumang talâ na maaaring pagbatayan ang Kasaysayan o may matinding epekto ang pagkawalang iyon ng isang buwaya sa naging direksiyon ng mga bagay sa panahon ng MP. Pero natutuhan din ni JM na mahirap manahanan sa lunan ng mga espekulasyon dahil isang panibagong uniberso iyon na halos walang hanggahan. Mas madaling mapanatag sa posibilidad na walang naiwang tala.)
Nabuo umano ang tawag na SISTEMA sa pagkakabit ng unang titik ng mga pangalan ng pitong pinakamayayamang buwayang naiwan, noong panahong nagpapangalan pa ang mga tao dahil kailangan pa nilang kilalanin ang isa’t isa. Pero hindi naitala iyon sa Kasaysayan. Walang pangalan ng sinuman sa Sinaunang Panahon ang naitala sa Kasaysayan. Para bang may kung anong virus sa mga sinaunang computer na bumura sa lahat ng pangalan ng tao. Paminsan-minsan, may nakalulusot na pangalan ng lugar at hinahaka ng Kasaysayan na posibleng pangalan din iyon ng isang tao noon dahil may tala na karaniwang sa pangalan ng tao kinukuha ang pangalan ng ibang lugar noon. Tulad ng Atisan. O Dalem. O Balanga. O Angono. Pero hindi na rin matukoy kung nasaan ang mga lugar na ito ngayon.
Sistema ang nagtakda ng mga masasalba at makaliligtas. Hindi na bago iyon, pangangatwiran nila. Ilang beses nang nangyari sa kasaysayan na para mailigtas ang daigdig, kailangang halos lipulin ito, itira lamang ang ilan sa bawat nilalang. Pangunahing konsiderasyon ang kalusugan, ang lakas ng katawan. Kasunod ang diversity ng mga indibidwal. Alam nilang hindi maaaring magkakalapit ang genetic make-up ng malalabi para mas mataas ang posibilidad ng di-pagkalipol sakaling may dumating na salot na puntirya ang isang partikular na genetic trait. Para sa iba, sinubok i-preserve ang kanilang genes bago sila ihanay sa kadaw, o pag-aalay ng buhay sa Paghuhukom. May ilang tao umano na kusang pinili na maging bahagi ng kadaw. May ilan na nagpumiglas at lumaban pero nabigo rin sa huli. Hindi sinabi ng Kasaysayan kung may nakatakas, ang sinabi nito ay na kung mayroon man, siguradong namatay rin ang mga ito sa loob lang ng ilang araw sa labas ng Sistema. Maraming hayop at halaman na kung hindi nalipol ay nag-evolve upang maging malahalimaw. Gayundin ang ilang tao na dumanas ng ibang uri ng pagkahibang o transpormasyon sa katawan nang magsimulang kumain ng kapwa tao dahil sa kawalan ng ibang makakain. Kabilang ang mga hayop, halaman, at taong ito sa kinailangang puksain ng Paghuhukom.
Nang matapos ang Paghuhukom, tinatayang nasa 120 milyong tao na lang ang natitira sa buong daigdig. Maraming nawala, subalit ang mahalaga ay naisalba ang mga tao sa pagkalipol. Ang mahalaga ay naisalba ang daigdig. At noon nagsimula ang pagtatatag ng mga komunidad sa ilalim ng lupa na dahil inabot ang konstruksiyon ng mahigit apatnapung taon kaya siyang naging isa pang kahulugan ng Sistema. Patuloy na lumala ang kondisyon ng hangin sa ibabaw ng lupa dahil sa toxin ng nagdaang Paghuhukom at sa nagbabagong klima at kailangan ang pag-filter dito ng mga makinarya ng Sistema na kumukuha ng enerhiya sa lupa. Nang sumunod pang mga dekada, dumalang nang dumalang ang taong umaakyat pa sa itaas. Karamihan ay mga mananaliksik ng Sistema na nagtangkang pag-aralan kung ano pang nasa itaas ang mapapakinabangan sa ibaba.
Paglipas ng mga panahon at mga taon, dumalang nang dumalang din ang taong nakikipagkita sa iba kahit sa loob ng mismong Sistema. May mga taong nabubuhay at namamatay nang hindi lumalampas sa sampung tao ang nakikita sa buong buhay niya. Pero alam nilang gumagana ang Sistema dahil sa PALAD. Alam nilang gumagana ang Sistema dahil nakukuha nila ang lahat ng kailangan niya.
PINAHINTO NI JM ang Tagapagturo sa harapan niya.
Tiniyak ng Tagapagturo na gusto na niyang tapusin nito ang pagtuturo sa kaniya. Tumango siya.
“Paalam, JM!” sabi ng Tagapagturo bago nawala ang projected na katawan nito sa loob ng silid.
Naupo siya sa sahig. Alam niya, nagdaan na iyon. Salita na lang ang mga sinasabi sa kaniya ng Tagapagturo. Pero kung bakit hindi pa rin niya maiwasang isipin ang mga totoong buhay na naroon, ang mga bahagi ng nagdaang iyon. Nalampasan natin iyon, iyon ang mahalaga, laging sabi sa kaniya ng Tagapagturo noon, kapag nakikita nitong nagbabago ang hitsura ng mukha niya sa mga ibinabahagi nito sa kaniya. Pasalamat na lang tayo sa Sistema. Nagpapasalamat naman siya sa Sistema. Sa tuwing gigising siya at tuwing bago matulog. Kaya nga gusto na niyang malampasan ang SET na ito. Gusto na niyang ialay rito ang maikli niyang buhay. Hindi niya alam kung anong lalamanin talaga ng pagsusulit niya sa GAL, pero pakiramdam niya at may kinalaman sa sinauna’t kasalukuyang kaayusan ng daigdig.
Lumibot sa buong silid ang paningin niya. Walang naririto maliban sa kaniya.
Pero maaari niyang palitawin ang lahat ng kailangan niya.
Sa paningin niya, lumiliit siyempre ang silid habang lumalaki siya pero wala siyang maisip na kailangan niya na hindi niya madadala rito. Sa pagsisimula ng bawat buwan, sasabihin lang niya sa Tagapagpaganap sa PALAD niya ang mga gusto niyang pagkain mula sa mga pagpipiliang nauna nang napili ng Magana niya at darating ang mga kapsula sa delivery window niya, na konektado sa mga delivery window ng iba’t ibang tagapaghatid ng mga pangunahing pangangailangan sa Sistema. Sa karanasan niya, hindi niya alam kung may iba pa ba siyang dapat kailanganin maliban sa araw-araw na pagkain at bagong damit kapag maliit na sa kaniya ang mga dating damit. Kapag natutulog siya, awtomatikong gumagana ang paglilinis ng silid sa katawan niya. Noong bago ang Paghuhukom, iba’t iba ang paraan ng mga tao sa paglilinis ng katawan. May nagbababad sa sapa. May naliligo sa ulan. May nagbubuhos ng tubig sa katawan. Gumawa sila ng iba’t ibang paraan ng pagpapadaloy ng tubig. May iba pa siyang dapat na kailangan?
May iba pa ba siyang dapat malaman?
Tingin niya, nalaman na niya ang lahat ng kailangan niyang malaman mula sa Tagapagturo, kahit totoong may ibang mas mahirap matutuhan kaysa sa iba. Naihanda na rin siya ng Tagapagsanay. Handa na siya sa SET. 10 taong paghahanda, at kukunin lang niya sa loob ng tatlong oras ang buong pagsusulit, isa para sa bawat bahagi.
Pinakamadali niyang maipapasa sa palagay niya ang pagsusulit sa Galaw at Panahon. Laging eksakto sa oras ang koordinasyon ng isip at katawan niya sa mga pagsubok ng Tagapagsanay. Nahasa siya nito upang hindi lang niya kailangang maging malakas at maliksi, kailangang maging tiyak ang sukat ng mga kilos niya. Nagta-transform ang silid niya bilang training arena depende sa kailangang sanayin sa kaniya simula bata siya. Katuwang niya ang Tagapagsanay niya na sumasabay rin nga sa edad niya ang paglaki. HWB (Hermaphrodite na Walang Binhi) ang sexual assignment nito. Mahaba ang buhok nitong kulay #941100 at nakatirintas mula balikat hanggang siko. #1568203 ang kulay ng mga mata nito at #e5da9f naman ang balat. Mas singkit din ba ang mga mata nito kaysa sa kaniya, dahil siguro sa pagiging masayahin nito na kakaiba sa Tagapagturo.
“Ako lang ba ang sinasanay mo?” tanong niya noon dito, mga anim na taon sila. Noong napakasimple pa ng mga pagsasanay at may kinalaman lang sa pagtalon at paglundag at pagdamba at paglukso at pagsalta at pag-ukdo at ang pagkakaiba-iba ng mga ito sang-ayon sa mga espesipikong masel na pinagagalaw sa katawan para maisagawa ang partikular na pag-angat sa hangin at muling pagbagsak sa lupa.
“Hindi naman mahalaga sa pagsasanay mo kung may iba pa akong sinasanay,” sabi nito nang nakangiti, parang lagi lang masaya kapag magkasama sila. “Ang importante, lagi akong naririto kapag kailangan mo, hindi ba?” ◆
(ITUTULOY)