KAMAKAILAN, maaga naming ipinagdiwang ang Araw ng Kagitingan.
Di-kalayuan sa Philippine-Japanese Friendship Tower sa Bagac, Bataan naganap ang itinuturing nating “Life March.”
Binuksan ang umaga ng mistulang parada ng mga kaanak, kaibigan, at iba pang kawal kalikasan.
Tinanggap kami ni Kap — o Kapitan John Harry Carreon – na dating bayani na bilang Overseas Filipino Worker – sa kaniyang baluwarte, wika nga.
Isa itong isla-islahang minana pa niya sa kaniyang kanununuang naglingkod-bayan din.
Kakambal niya ang karagatan.
Lumaki siyang kalaro ang mga halaman at hayop.
Isa na nga rito ang pawikan.
Subalit, sikat na di-sikat ang mga ito sa kanila.
Tagaroon man pero nananatiling tagalabas sila sa kanilang sinilangang-bayan.
May isang resort kasing bukod-tanging nagpapakawala — para lamang sa kanilang parokyano — ng mga pawikan!
Kung hindi pa ito nagsara baka hindi mag-iiba ang ihip ng hangin.
Pandemya pa, kung baga, ang siyang naging pag-asa ng Barangay Pag-asa.
Doon at noon kasi nagsiuwian ang mga pawikan.
Kaya lang, dumating din ang kanilang di-inaasahan.
Nang sila ay bumalik, nagsibalikan din ang mga taong nagsikain ng nagkalat na itlog ng mga ito.
Hindi na ito matiis ng mga bantay-dagat gaya ni Eric Jabonillo.
Lumapit at kumapit siya kay Kap.
Natigil, kahit paano, ang pagkuha sa mga ito sa ngalan ng pagpapakuha ng retrato.
Tapos, kapag tapos na, basta na lamang ang mga ito itatapon.
Lingid sa kanilang kaalaman na kaya pala umaakyat ang mga ito ay para manganak!
Paano sila makakapangitlog kung sinasakyan ang kanilang likod?
Magpahanggang dumating ang tamang panahon.
Noong 2020 nga iyon.
Maysa-Ray Kinsella si Kap na nakakarinig ng “If you build it…”
Inumpisahan nila ang pangitlugan sa loob ng kanilang ari-arian.
At, hayun nga, nagkaroon ng mukha ang multo.
Este, dinagsa sila mula sa samot-saring lupalop ng mga nilalang na walang ibang sadya kundi dumamay.
Isa na nga rito ang manunulat na si Micah Fajardo-Schindler ng Tiny House.
Nagsimula silang magpa-ampon ng mga pawikan sa loob at labas ng Filipinas.
Nang malaman naman ito mulang isang I.G. story — ni Aileen Rae Perez— ginamit niya ang kaniyang kapangyarihang sumulat ng sanaysay.
Una itong lumabas sa media saka lumaganap sa social media!
Pagkaraan ng kalahating buwan, at kalahati ring araw, matatagpuan namin siya.
Matutuklasan naming iisa pala ang aming pinagmulan – ang pahayagan ng University of Santo Tomas – na The Varsitarian!
Nagtagpo ang aming mga landas sa tulong ni Dennis Bhodie Reyes ng Emilio C. Bernabe National High School at Margioleh Alonzo ng Bataan High School for the Arts.
Kinalaunan, ipapakilala naman tayo kay Patricia Bantugan na kasapi ng Pag-asa Pawikan Protection and Conservation Center Corporation (3P3C) na kinabibilangan nga nina Kap, Maja Fajardo, Keesha del Rosario.
Siyempre, si Kuya Eric at iba pang “Pulis Pangkaragatan” na si Rogelio Insigne, Cristanto Pascua, at Guillermo Rosal!
Kaya pala magaan din ang loob natin sa arkitektong si Felicisimo Tejuco, Jr..
Pati sa presidente ng Philippine Institute of Environmental Planners ng Bataan-Olongapo-Zambales Chapter (PIEP-BOZ) na si Oscar Conrad de Jesus, landscape architect na si Jam Saplagio, at environmental planner na si Eugenia Galvez.
Kanilang nilinaw sa kanilang presentasyong edukasyonal ang tungkol sa One Bataan Pawikan Conservation Alliance Network o 1pakiCan!
Diumano, nanganganib ang mga pawikang Green, Hawksbill, at Olive Ridley, ayon kay Karen June Alcantara Balbuena ng Bataan Integrated Coastal Management Program ng Bataan.
Ngunit, nananatiling walang tugon pa rin sa amin ang mga tanong.
Bakit ang tuon ng pansin ay sa mga itlog lamang?
Paano na ang pamumugarang pampang?
Sino ang magsasanay at ang sasanayin pagdating sa paghawak ng pawikan?
Ano pa ba ang karagdagang pangangalaga sa dagat at dalampasigang makalat?
Kailan matutuklasan ang solusyon sa konserbasyong kalat-kalat?
Saan matutuhan ang wastong impormasyon ukol sa kanilang biyolohiya’t ekolohiya?
Sikolohiya nila ang sumanib sa amin ng misis kong si Ellay.
Para sa panganay naming si Psalma na guro sa Raya School, mabuting modelo ang pag-uugali ng pawikan makaraang mapisa ang inilibing nilang itlog.
Pinangarap tuloy ng pangalawa naming si Wika na aralin ang sining ng pag-angat ng pawikang pinakamalakas mula sa ilalim sa patnubay ng kanilang kapatid.
Paboritong kuwento ito ng bunso naming si Sulat – na nangangarap maging beterinaryo — lalo na ang hinggil sa paglabas-pugad!
Di ba ito rin ang bukambibig ni Nanay Edna Fajardo?
Kung may kabaliktaran ang utak-talangka, ito ay walang iba kundi ang tinatawag nilang utak-pawikan.
Ito rin ang panalangin natin sa lahat.
Habang nagpapahayag ng magandang balita – ang mga kabataan — sa naturang Visioning Workshop, may di-inaasahang bumibirit sa awit ng Aegis sa kabilang ibayo.
Sayang Na Sayang ba ang sigaw ng panghihinayang ng pamayanan?
Boses ba ito ng Bagac na kumakatawan sa 16.84% ng Bataan?
Kaya ba sila kumakanta nang malakas para magsiwalat: “Paano naman kami?”
Kahit matagal nang may Subic Bay Metropolitan Authority, Hermosa Ecozone, Bataan Techological Park Inc., Mt. Samat Tourism Enterprise Zone, Philippine National Oil Company, Department of Defense Arsenal, Freeport Area of Bataan, at iba pang kailangan sa kaunlaran?
Pagdating ng 2023, inaasahang bumaba ang poverty incidence at tumaas ang Human Development Index dito.
Noong 2016, P230.13 bilyon daw ang naipasok ng turismo sa Filipinas.
Ilan kaya ang napunta sa Bagac, Bataan?
Lalo na sa kanilang 400-ektaryang Las Casas Filipinas de Acuzar na idineklarang Best Historic Hotel in Asia and the Pacific noong 2021.
Sa kabilang banda, handa na nga kaya ang pawikan sa pagbabago?
Dito pumapasok ang pananaliksik.
Kaya ating ipinapanukala ang Pawikan Studies Center na sanay maging imbakan ng iba’t ibang pananaliksik na higit na uunawa sa pawikan.
Naiintindihan ba natin ang kanilang tahanan, populasyon, o relasyon ng mga organismo sa paligid nito?
Kung hindi man teknikal, maaaring malikhaing tambakan ito.
Bakit nga ba kahit may Bantay Pawikan, Pawikan Festival, o Pawikan Conservation na – parang wala pang literatura, sayaw, sining biswal, o pelikulang pampawikan?
Si Joey Ayala pa lamang yata ang nagkusa:
“O, Manong Pawikan,
ako sana’y turuan n’yo
kung ano ang paraan
na ang mabigat ay gumagaan.”
“Ang katotohanan,” sabi nga ng salawikaing Ukrainian, “ay hindi nalulunod sa tubig at nasusunog sa apoy.” Noong gabi, naitanong namin sa sariling lihim na sumusulat ng alamat: “Paano kaya kung wala na si Kap?” ◆