NITONG nakaraang taon lamang kami naging malapit na magkaibigan ni Tata. Ito ay sa kabila ng pagiging magkakilala nang halos sampung taon na, bagama’t sa pagkakakatanda ko ay dalawang beses lang ata kami nakapag-usap: una sa isang interbyu na ginawa ko sa banda na kanyang kinabibilangan, at pangalawa ay sa isang kapihan sa tapat ng simbahan kung saan sinabi ko na singilin niya ang dyaryo na naglathala ng kanyang Facebook post patungkol sa kanyang sinapit sa Yolanda.
Hindi ko alam kung paano, pero basta na lamang halos araw-araw kaming nagtsitsismisan ni Tata sa chat may ilang buwan bago matapos ang 2021. Sa kanya ko nasisilip ang buhay sa Tacloban na aking nilisan noong 2015, at sa akin niya nakukuha ang mga kaganapan dito sa Maynila.
Maraming alam si Tata pagdating sa sining – mula sa pagguhit hanggang sa pagpinta, pati na rin sa pagtugtog at pag-awit, at higit sa lahat, sa pagsusulat. Maliban sa pagsusulat, halos lahat ata ng kanyang kakayahan ay inasam ko rin lalo na noon, pero nito ko lamang inaaral magpinta, bopol pa rin ako sa pagguhit, at nananatili akong mangmang pagdating sa musika. Kalaunan ay natutuhan ko na lamang tanggapin itong aking mga siphayo, siguro naman kung may naitatago man akong “talent” ay susulpot rin ito bukas-makalawa.
Pero masaya ako dahil kahit na nasa kanya ang mga gusto kong abilidad sa buhay, andiyan si Tata bilang kaibigan ko. Ano nga ba kasi ang mga naganap nitong mga nagdaaang taon at hindi kami naging tropa noon?
Kung mayroon ako noong mas nakakausap sa panahong nakatira ako sa Tacloban, ito ay si Jazz. Si Jazz na tahimik at mayumi ang pagtawa, pero laging nauunang kiligin lalo na noong minsan sa isang pagbubukas ng kanilang art exhibit na andun ako ay saktong dumating din ang kras ko na kanila ring kaibigan. Mas hindi magkandamayaw si Jazz at pasimpleng kumukuha ng mga litrato namin.
Tulad ni Tata, alagad din ng sining si Jazz. Mas nakatutok siya sa pagpinta gamit ang iba’t bang pangkulay. May panahon na lagi ko siyang tinatanong tungkol sa mga gamit niyang watercolor, dahil doon din ako nahumaling noong inaaral kong magpinta.
May ilang taon na rin kaming hindi nag-uusap ni Jazz, pero dahil sa limitado rin naman ang aming napag-uusapan noon, para bang walang matinding rason upang kumustahin namin ang isa’t isa. Siguro dahil na rin sa pasulpot-sulpot siya sa aking newsfeed, mga throwback ng bakasyon niya sa ibang bansa, o di kaya sa mga island-hopping adventures nila nina Tata, at kalimitan, ang kanyang mga obra na nasasama sa mga exhibit sa Tacloban.
Madalas ko pa rin isiping paano kaya ang naging takbo ng aking buhay kung doon ako sa Tacloban lumaki at nagkaisip, bilang doon ako ipinanganak. Anong klaseng buhay kaya ang itinadhana para sa akin doon?
Pero ang buhay ko sa Tacloban ay paputol-putol, kahit akala ko ay doon na ako maglalagi mula noong lumipat ako roon mahigit isang dekada na ang nakakalipas. Isang matinding bagyo lang pala ang bubuyo sa akin paalis, at heto, may isang libong kilometro halos ang namamagitan sa akin at sa aking bayan ng aking kapanganakan.
Ang mapanuya pa, ang lahat halos ng mahal ko sa buhay ay nandoon. Mula kay Tia hanggang sa mga abo ng yumao kong lola, sa tatay ko at mga kapatid ko sa kanya, at ilang malalapit na kaibigan – isa na roon si Tata.
Dahil wala na rin Jazz. Kung mayroon man siyang naiwan sa akin, ito ang kanyang mga alaala. At ilang kurot ng pagsisisi dahil sana mas naging makulay ang buhay kung kasama namin siya ni Tata na nagtsitsismisan.
Nangungulila akong muli sa Tacloban. Malamang sa pag-uwi ko, aayain ko si Tata na magkape. Matapos ay sasaglit kami sa simbahan, magsisindi ng kandila, at mag-aalay ng bulaklak na katukayo ng aming kaibigan. ◆
Para kan Jasmine Joy Diaz-Theuman (1982-2022)