Ni Angela Javate
TULAD ng ibang mga artist, naging makulay ang mga likhang sining ni Kulay
Labitigan, 32 taong gulang. Si Kulay, na ipinanganak at lumaki sa Tayabas, Quezon, ay kasalukuyang nasa London bilang isang Creative Talesmith (siya’y nagkukuwento sa pamamagitan ng ilustrasyon at naratibong disenyo). Siya’y nagtapos ng kursong Fine Arts sa UP Diliman at makalipas ang ilang taon, natapos niya ang MA sa kursong Narrative Environment sa Central Saint-Martins, University of the Arts London.
Unang namulat ang kamalayan ni Kulay sa sining noong siya’y maliit pa lamang. “Bata pa lamang ako ay mahilig na akong gumawa ng kung anu-ano gamit ang aking kamay,” sabi niya. “Kinokopya ko ‘yung mga nakikita ko sa simbahan. Kung ang iba ay nagsimula sa pagdodrowing ng anime, ang naging mga unang drawing ko ay ang imahe nina Mama Mary at Jesus.”
Upang lalong mahasa ang kaniyang kakayahan sa pagguhit, humuhugot si Kulay ng inspirasyon sa personal niyang karanasan, alaala, maging ang mga taong kaniyang nakasasalamuha, nakikilala sa daan, at sa buhay. Bukod dito, ibinahagi rin ni Kulay na mayroon siyang binabalik balikan sa tuwing nauubusan ng mga ideya at iyon ay ang mga salita. “Para silang mga butil ng mga abstrak na ginto at humihinga ng buhay sa bawat pagbigkas, at pagbaybay, at pagpinta. Daluyan ng kultura na lulan ang kasaysayan, tradisyon, paraan ng pamumuhay at marami pang aspekto ng pagiging tao kung kaya maraming imahe at inspirasyon ang lumalabas.”
Sa kabila ng pagiging kilalang artist ni Kulay, ‘di lamang sa Pilipinas kundi maging sa ibang bansa, marami pa siyang pangarap, at marami pang mga lugar na nais niyang marating. “Bilang isang ilustrador, nais kong masaksihan na huminga ang aking mga obra ng isa pang buhay sa marami pang mga unconventional format at sukat.” Dagdag pa niya, nais niya ring matuto at gawing kapaki-pakinabang ang kaniyang mga obra.
Inilarawan naman ni Kulay na ang mga nabubuong tema ng kaniyang mga likhang sining ay hinabing imahe ng ugat, gunita, pangarap, at pagkakakilanlan. “Ang mga larawang aking nabubuo ay madalas nagtataglay ng mga kulay na may katingkarang umaaninag sa silangang araw. Madalas pinagtagpitagpi ng samu’t saring mga pattern. Madalas masalimuot, patungpatong, at maraming nangyayari.”
Para kay Kulay, maipagmamalaki niya ang lahat ng kaniyang mga likhang sining, at ang bawat isa ay may angking kilig. Pero kagaya rin ng ibang ilustrador, may pinakamalapit na adbokasiya sa kaniyang puso. “Nitong Setyembre, nagkaroon ako ng oportunidad na makipagkolaborasyon sa Uniqlo Europe para suportahan ang Action Space, isang organisasyong sumusuporta sa mga artist na may kapansanan.”
Tila ispiritwal ang paglikha ng sining para kay Kulay— kung saan ang pagdanas ng proseso ang tunay na tagumpay at paglago, at kaakibat nito ang pagiging bukas sa anumang mga oportunidad na dumarating sa buhay. “Upang maging mabuting manlilikha para mas maging mabuting tao, mahalaga na patuloy na mag-ipon ng karanasan sa totoong buhay, mag-eksperimento, sumubok, magtagumpay, magapi, at matuto,” ani Kulay.
Bilang isang ilustrador, may payo si Kulay para sa mga kabataang nasa larangan ng siningbiswal sa ating bansa. “Gasgas mang pakinggan, pero lagi nating iisipin na wala talagang shortcut sa larangan ng sining. Maging ako man ay nasa proseso pa rin ng patuloy na pag-unlad at pagbabago. Ang bawat minuto at segundong inilalaan natin sa ating craft, ay mga minuto at segundong nakapagpapalalim ng relasyon sa ating sarili, sa ating mga obra, at sa ating Manlilikha.”
Dagdag pa ni Kulay, nais din niyang ipabatid na ang sining ay nagbibigay kulay sa ating buhay. Wala na rin siyang mahihiling pa kundi makilala ang mga obra ng mga ilustrador sa ating bansa. At isa na rito ang kaniyang mga obra.