Ni Wilson Fernandez
Tuwing ika-9 ng Enero, ginaganap ang kapistahan ng Itim na Nazareno na kilala rin sa tawag na Traslacion. Hindi lingid sa kaalaman ng nakararaming Pilipino na ang feast of Black Nazarene ay dinarayo ng napakarami nitong deboto saan mang sulok ng bansa.
Ang tinutuluyan ko’y malapit sa Quiapo area kung kaya’t noong mga panahong wala pang pandemya, madalas kong masaksihan ang paghahanda isang linggo pa lamang bago sumapit ang mismong araw ng kapistahan. Makikita at nakahanda na sa kalsada ang mga binihisan at nakagayak na Poong Nazareno sa kani-kaniyang karo. Hanggang sa sumapit ang araw ng kapistahan na sa area ng Legarda St. hanggang Casal St. patungong Ayala Bridge ay kasabay ko sa paglalakad ang mga napakaraming deboto. Nasanay na ako sa ganoong set-up taon taon sa mga kalyeng ito na lagi kong nilalakaran sa pagpasok sa opisina hanggang makauwi sa aking tinutuluyan sa Bustillos.
Sari-saring sitwasyon mula sa iba’t ibang uri at lebel ng mga tao ang mga nasasaksihan ko habang ako’y naglalakad dala ang aking kamerang nakasukbit sa aking leeg. Karamihan ay pami pamilya na nagmula pa sa malalayong probinsiya at sa kalye na lamang nagpalipas ng gabi upang makiisa sa prusisyon at masaksihan ang pinaniniwalaang milagrosong Itim na Nazareno.
Noong mga panahong iyon, naaalala ko pang halos isang oras at kalahati pa yata akong nali-late sa opisina sapagka’t mabagal ang usad ng aking paglakad sa dami ng mga deboto sa daan. Mainit ang sikat ng araw kaya’t medyo nauuhaw at nahihilo na ako. Pero naisip ko, ano pa kaya ang mga debotong naglalakad lamang na walang sapin sa paa. Siguro’y mas lalong dama nila ang init ng kalsada at posibleng may matatalas na bagay pa silang maaaring maapakan. Subalit karamihan sa mga debotong naobserbahan ko’y pawang hindi sagabal sa kanila ang init ng sikat ng araw habang nakapaa. Nakamamangha ang mga batang deboto kasama ang kanilang mga magulang na hindi iniinda ang init at pagod. Nakamamangha rin ang pakikiisa ng mga senior citizens na sa kabila ng kanilang edad ay hindi iniinda ang pagod at sakit ng katawan.
Para sa mga deboto, ang hirap, init, antok, pagod at sakit ng katawan ay balewala, masaksihan lamang ang pagdaan sa kanilang harapan ng pinananiwalaang mapaghimalang Poon upang makadalangin at humiling ng kagalingan. Sa iba naman ay upang purihin at makapagpasalamat sa mga tinatamasang biyaya.
Bilang isang litratistang taontaong nakakasabay sa paglalakad ang mga mananampalatayang punongpuno ng pag-asa, kahit papaano’y nakahawa ang kanilang enerhiya sa akin upang mas maunawaan ko ang mas malalim na kahulugan ng salitang respeto sa kanikaniyang pananampalataya. Dahil pinaniniwalaan ko na ang respeto ay isang mahalagang elemento sa isang payapang lipunan.