Ni Ronnie M. Cerico
Hindi na lumutang sa dagat ang bangka namin simula nang hindi nakauwi si
Tatang.
Nang subukin naming mamangka ni Manoy Onyo, unti unting pinapasok ito ng tubig dagat. Magsisimulang pumasok ang tubig sa kasko ng bangka. Susunod naman sa mga dingding nito. Pero wala naman itong butas. Nakapagtataka, saan kaya dumadaan ang tubig? Kaya, hindi pa man kami nakakapagsimulang managwan, mabilis kaming babalik sa dalampasigan. Mabilis kasing mapuno ng tubig ang bangka kahit anong gawin naming paglimas.
Marami na ring bago sa buhay namin ngayon. Halimbawa, kami na ni Manoy Onyo ang nag-aayos ng mga lambat, sagwan, bingwit, at artipisyal na pain. Kami na rin ang nag-aasikaso ng aming bangka na dating gawain ni Tatang. Si Nanang naman, nagsimula nang bumili ng isda sa ibang mangingisda para ilako sa banwa.
Minsan, sinubukan naming hanapin ni Manoy Onyo ang butas sa bangka. Tinapalan namin ang sa tingin namin ay pinapasukan ng tubig. Hanggang isang umaga, kinuha namin ni Manoy Onyo ang ilang gamit-pangisda ni Tatang—sagwan, lambat, bingwit, tabong panlimas. Kailangan naming mangisda para makadagdag sa kita ni Nanang.
Magkatulong naming tinulak ang maliit naming bangka patungong dagat. Hindi pa man kami nakalalayo, naramdaman namin ang muling pagpasok ng tubig sa bangka. Limas. Sagwan. Limas. Sagwan. Napagod kami sa paulit-ulit na paglimas at pagsagwan. Malakas pa rin ang pasok ng tubig sa bangka. Nagsimula na ring lumaki at lumakas ng mga alon. Tila nagagalit ang dating payapang dagat. Sa takot na tuluyang lumubog, mabilis kaming babalik sa dalampasigan.
Pagkauwi ni Nanang mula sa paglalako ng isda, nag-usap kami.
“’Nang, ano’ng gagawin natin sa bangka?” tanong ni Manoy.
“Hahanap ako ng mag-aayos,” sagot ni Nanang.
Hindi na kami nagtanong pa kay Nanang. Baka mayroon siyang kakilala na makahahanap ng butas ng bangka namin.
Kinabukasan, dumating ang isang karpintero at hinanap ang butas ng aming bangka. Wala naman daw kailangang tapalan. Wala namang butas. Walang kailangang ayusin.
Hindi kumbinsido si Nanang. Nagtawag pa siya ng iba pang maaaring mag-ayos—mga kaibigang mangingisda ni Tatang, mga kapitbahay, mga opisyal ng aming Sitio, mga magagaling na tagagawa ng bangka. Pinalitan nila ang ilang bahagi ng bangka. Tinapalan ang posibleng dinadaanan ng tubig. Pininturahan ng bago. Pero nang gamitin ulit namin ito ni Manoy Onyo, mas lalo pang lumakas ang pasok ng tubig. Mas lalong hirap itong lumutang. Kaya tumigil na muna kami sa pagpapaayos ng bangka.
Unti-unting naubos ang ipon ni Nanang sa pagpapaayos ng bangka. Nahirapan na rin kaming mag-aral dahil sa kaiisip kung paano namin siya matutulungan. Ni hindi kami makapangisda gamit ang naiwang bangka ni Tatang—ang bangkang hindi lumulutang.
“Humingi kaya tayo ulit ng tulong, ‘Nang?” sabi ni Manoy.
“Sumuko na sila at walang nagawa,” sagot ni Nanang.
“Makakauwi pa ba sina Tatang?” dagdag kung tanong sa kaniya.
Nagkatinginan lang si Manoy at Nanang. Hindi sumagot si Nanang. Hindi naman kami masyadong nagtatanong simula noong umalisang grupo ni Tatang. Nagpumilit mangisda ang grupo sa Maqueda, kahit alam nilang may bagyong paparating. Nawala na ang bagyo ngunit wala pa rin sila. Halos ilang linggo nang pinaghahanap dahil hindi pa bumabalik. Ni wala kaming balita sa kanila.
Isang araw, nakita ako ni Manoy na nakaupo sa prowa ng bangka namin. Lumapit siya sa akin. Hindi ko na naitago sa kaniya ang mga luhang nag-uunahang pumatak. Lumakas nang lumakas ang aking pag-iyak. Umiyak na rin si Manoy. Ramdam niya rin ang lungkot at pagkasabik na makita ulit si Tatang. Na makita itong ligtas at buhay.
Nasilip kami ni Nanang at patakbong pumunta sa amin. Tulad namin ni Manoy, hindi niya na rin napigil na hindi umiyak lalo’t mas lalong nagpapaalala ang bangkang naiwan ni Tatang. Lumakas ang pag-iyak naming tatlo.
“Makakauwi pa ba si Tatang?” sabay naming tanong ni Manoy.
“Hindi ko alam,” buntonghiningang sagot niya.
“Ibenta na lang kaya natin ‘tong bangka?” suhestiyon ni Manoy.
“Hindi maaari, ‘Nak.”
“Igatong na lang kaya natin itong bangka?” biro ko sa kanila habang lumuluha.
Natawa sina Manoy at Nanang sa aking biro. Ngayon ko lang ulit sila nakitang tumawa kahit pagod na pagod ang kanilang mga mata. Naghalakhakan kaming tatlo habang lumuluha. Habang tumutulo ang sipon.
Walang ano-ano’y natigil kami sa aming halakhakan ng biglang bumusina nang pagkalakas-lakas ang isang lantsa na may watawat ng Pilipinas. Hindi makalapit sa amin ang lantsa dahil sasayad ang kasko nito sa mga batuhan. Sakay nito ang mga nakaunipormeng bantay-dagat at isang grupo ng kalalakihan.
Kumakaway-kaway sa amin habang sumisigaw.
“Buhay si Tatang!” sabay naming sigaw ni Manoy Onyo nang makilala namin ang isang sakay nito.
Patakbo naming tinungo ni Manoy Onyo ang bahay. Kinuha namin ang dalawang sagwan. Tumulong na rin si Nanang na buhatin ang bangka patungo sa dagat. Sumampa kaming tatlo upang lapitan sina Tatang. Sagwan. Iyak. Tawa. Sagwan. Iyak. Tawa. Sagwan, iyak at tawa ang ginawa namin ni Manoy. Tahimik na nagdarasal at nagpapasalamat naman si Nanang.
Wala nang tubig-dagat na pumasok sa bangka namin. Banayad ang paglutang nito sa ibabaw ng dagat. Hindi rin nagalit ang mga alon. Payapa kaming inihatid nito kay Tatang na matagal-tagal naming pinakahihintay.
Si Ronnie M. Cerico ay tubong Maygnaway, San Andres, Catanduanes. Kasalukuyang guro sa Mababang Paaralan ng Tibang, Kanlurang Purok ng San Andres, Sangay ng Catanduanes. Kasapi ng Bilog Writers’ Circle, samahan ng mga manunulat sa Catanduanes.