Ni Angela Javate
Sa pamamagitan ng mga guhit, linya, at kulay, ang mga likhang sining ni Cil Flores ay nagbibigay ng buhay sa mga kuwento, mga ideya, at mga konsepto. Si Cil, 29 taong gulang, ay nagtapos ng kursong Bachelor of Science in Psychology sa Silliman University. Ipinanganak siya at lumaki sa Dumaguete City, Negros Oriental.
Bago nagpasyang maging full time artist, nagtrabaho muna siya bilang isang copyeditor, proofreader, business writer, at marketing virtual assistant.
Ayon kay Cil, namulat ang kaniyang kamalayan sa sining noong siya’y bata pa lamang. “Nagsimula akong gumuhit noong ako’y nasa kindergarten. Marami kaming ginagawang doodle at comic strip ng mga cartoon at anime na nakikita namin sa telebisyon at hindi ako rito tumigil. Ipinagpatuloy ko ang pagguhit sa mga sketchbook noong high school at kolehiyo.”
Upang lalong mapaunlad ang kaniyang kakayahan sa pagpipinta, humuhugot si Cil ng inspirasyon sa kaniyang sariling karanasan, imahinasyon, emosyon, at kanta. Inspirasyon niya rin ay mga kasalukuyang isyu at mga bagay na nakapaligid sa kanya. “Dati, kinukuha ko ang aking mga ideya mula sa mga sanggunian sa pop culture, partikular dito ang pelikula at cartoons.”
Inilalarawan naman ni Cil na ang estilo ng kaniyang pagguhit at mga likhang sining na malapit sa pop at street art. “Kadalasan, nagtatampok ako ng mga paksa katulad ng mga detalyeng root at rock-like, matingkad na pula at dilaw na kulay.”
Gaya rin ng ibang mga pintor, kamakailan lang ay nagsimula si Cil na bumuo ng orihinal na karakter para sa kaniyang obra. Mailalarawan niya itong isang malaking bahagi ng ebolusyon sa paglalakbay niya sa mundo ng sining. “Sa pamamagitan ni Clae, gumagawa ako ng mga painting, mga ilustrasyon, at mga guhit na naglalahad ng mga damdamin at sitwasyon tulad ng pag-asa, kalungkutan, pagkabigo, pagpapaalam, pagpapagaling, at maging ng adiksiyon.”
Para kay Cil, bilang isang umuusbong o self-taught artist na mula sa probinsiya, malaking tagumpay sa kaniya na ma-exhibit ang kaniyang mga piyesa sa Maynila. “Nakatanggap ako ng maraming imbitasyon mula sa mga gallery at art fair upang ipakita ang aking sining. Naimbitahan din akong gawin ang aking pinakaunang solo show doon. Kaya iyon na siguro ang pinakamalaking tagumpay ko.”
Nais din niya na matanggap at makapagartist residency upang matuto pa at yumabong ang kaniyang kaalaman sa pagpinta. “Gusto ko talagang gumawa ng iba pang anyo ng sining tulad ng mga eskultura o makapag-install para sa mga susunod na layunin. Gusto kong lumikha ng sarili kong disenyo ng mga laruan at mga vinyl figure. At sa hinaharap, nilalayon ko ring matuto ng oil painting.”
Bilang isang nagmamalasakit na pintor, hangad ni Cil na makakonekta ang kaniyang sining sa mga tao. “Nagsusumikap din akong palawakin ang aking koneksiyon sa labas ng Dumaguete, dahil may layunin akong ipakita ang aking mga likha sa mga art gallery sa labas ng lungsod, partikular na sa Luzon.”
Sa kabila ng lahat, nais ipabatid ni Cil ang halaga ng sining hindi lamang sa kaniyang buhay kundi maging sa sangkatauhan. Inilahad niya rin na ang pagpasok sa larangan ng pagpinta ay mahabang proseso. Maraming pagsubok na kahaharapin at ito’y nangangailangan ng sikap, tiyaga, at tapang.
Ang payo ni Cil sa mga nagsisimula sa larangang ito ay simple lamang — huwag kailanman sumuko at huminto sa paglikha ng mga bagay. “Palaging maging bukas sa pagaaral at paggalugad ng mga bagong bagay. At maging bukas sa pagbabago, ngunit ugaliin din ang disiplina at pagpapakumbaba. Hindi pa huli ang lahat. Panatilihing nagniningas ang apoy at ipagpatuloy ang paglikha.”
Tunay nga na ang sining ay nagsisimula sa kamalayan, at pagtanggap sa sariling kakayahan. Ito ay may taglay na buhay at kulay upang tayo’y magpatuloy sa buhay. At isang pagpapatunay na rito ang mga obra ni Cil.
Sa mga interesado sa likhang sining ni Cil, maaaring makipag-ugnayan sa Instagram (@cilflores) o sa kaniyang email: visartcilflores@gmail.com.