Ni Anjella Gieneena Cruz
Sa loob ng dalawang semestre, si Hanna ang parati kong naging musa sa kurso ng potograpiya. Sa pagkakataong ito, nais ko namang itampok ang kaniyang kuwento—na katulad ng marami ay nahihirapan pang palayain ito mula sa kanilang mga puso.
Si Hanna ay lumaking mag-isa sa pangangalaga ng kaniyang ama, kung kaya’t bahagi sa kaniyang buhay ang pagkakaroon ng lalaki bilang pinuno ng tahanan. Isa itong halimbawa ng patriarkiya sa ating lipunan na nag-uugat mula sa Kristiyanismo na dala ng koloniyalismo. Ito ang naging dahilan ng paglaganap ng ideolohiya na mas higit ang kalalakihan kaysa sa iba pang mga kasarian. Mahirap yakapin ang ating katauhan kung pakiramdam natin ay pag-aari na tayo ng mata ng lipunan—nabansagan na bago pa man din tahakin ang daan ng sariling pagkilanlan.
Ang serye na ito ay para sa lahat ng Hanna: tandaan mo, kalayaan at karapatan natin ang umibig sa anumang kulay, anyo, at kasarian. Pareho tayong si Malakas, si Maganda, si Adan, at si Eba. Tayo ang liwanag, dilim, tubig, at hangin. Tayo ang kagandahan at ang buong kalawakan. Bawiin natin ang ating kuwento, sapagkat tayo ang dapat na sumulat nito.
Si Anjella Gieneena Cruz ay isang manlilikha ng potograpiya at pelikula. Nanalo ng Gold Award in Cinematography sa 29th Edition ng Filipino International Cine Festival sa San Francisco, California. Nakatanggap din siya ng Heather B. Matura Scholarship mula sa C/O Berlin at Strudelmedialive, New York, at naging estudyante sa “Documentary Workship with Ditsi Carolino” ng Mini Film Festival Malaysia, at “Storytelling Masterclass with Ricky Lee” ng Cinemalaya Foundation.