Ni Arnold Matencio Valledor
(Unang Bahagi)
Hindi ko alam kung iaangat ko ang aking ulo. Kung tatagilid ba ako. Kung ididiin ko ang dalawang siko sa kama o kakapit nang mariin sa magkabilang gilid ng kama upang makaipon muli ako ng lakas. Napapangiwi akong napapakagat sa labi na nauuwi sa pagtatagis ng aking mga ngipin. Hindi ko alam kung saan nanggagaling ang sakit na aking nararamdaman. Gumuguhit. Kumikiwal. Tumutusok. Bumabaon. Pero ito ang gusto ko. Ang nasasaktan ako—sukdulang mamilipit ako sa sakit. Nakadaragdag iyon sa lakas ng aking loob, sa malay ng aking isip. Lalo akong tumatapang. Lalo akong nabubuo.
Muling gumalaw ang nasa sinapupunan ko. Umangat muli ang malaki kong tiyan kasabay ng pagkapit ko nang mahigpit sa magkabilang gilid ng kama’t pagtukod ng aking mga siko at pag-angat ng aking ulo. Humugot ako ng malalim na hininga at nagipon ng lakas. Pinigil ko ang aking paghinga upang maging malakas ang aking pag-iri. Ilang segundo. Hanggang sa namimitig na ang mga ugat ko sa leeg, sa sentido, at sa mga braso. Hanggang sa naramdaman kong napunit ang aking puwerta at may umagos na mainit-init na likido rito. At kasabay ng pagbuga ko ng tinimping hangin, narinig ko ang unang iyak ng aking anak.
Umiyak ako sa pagkakabagsak kong paupo sa sementadong sahig ng aming plasa. Mula sa stage nito, kahit na humihilam na ang aking mga mata, nakita kong kumaripas pababa at pauwi sa kanila si Lorraine, ang isa sa mga kalaro ko nang araw na iyon, na siyang tumulak sa akin.
Ramdam ko ang sakit sa aking puwitan pero mas ramdam ko ang sakit sa aking likod. Napapangiwi ako habang umiiyak. Sinubukan kong tumayo mag-isa pero hindi ko nagawa.
Lumapit sa akin si Sabel, ang isa ko pang kalaro. Paupo na iniakbay niya ang isa kong kamay sa kaniyang balikat at dahan-dahan niya akong itinayo. At dahil nahihirapan pa akong lumakad ay umupo muna kami sa isang kongkretong upuan sa gilid ng plasang iyon.
“’Wag na nating isali uli si Lorraine sa laro natin… porke’t laging taya, itinulak ka! Ang taas-taas ng stage na ‘yon! Ako nga din, di ba? Sinabunutan ako n’yan nu’ng lagi s’yang taya at kakaripas nang takbo pauwi, gaya ng ginawa sa ’yo kanina!” sabi ni Sabel habang nakaupo kami.
“Mabuti’t di ang ulo ko ang tumama sa sahig.”
“Isumbong natin si Lorraine kay Mama mo, Hazel para paluin!” sabi sa akin ni Sabel na nang aalo.
Sa isip na baka hindi na ako payagang maglaro ni Mama, sinabihan ko si Sabel na wala siyang sasabihing ano man kay Mama.
“Ano?” tutol niya.
“Baka di na ‘ko payagang maglaro ni Mama. Di hindi na tayo makakapaglaro n’yan. Di kayo na lang ni Lorraine ang maglalaro.”
“Ay, kung wala ka lang naman, di na rin ako maglalaro!”
“’Di ‘wag na nating sabihin kay Mama ang nangyari.”
“S-sige.”
“Sige na!” mabilis na sagot ni Papa kay Mama nang sabihin ni Mama na hindi dapat magsayang ng panahon sa pagpapagamot sa akin.
Isa, dalawa, hanggang maramingmaraming araw na nailihim ko kay Mama ang pagkakatulak sa akin ni Lorraine sa stage. Pero ayaw ko mang malaman niya ay nalaman din niya. Hindi ko na kasi maitago ang pananamlay ng kaliwa kong paa gayundin ang pananakit ng likod ko.
“Bilis-bilisan mong kilos mo at mali-late ka na sa klase!” sabi sa akin ni Mama nang mapansing mabagal ang aking paghakbang mula sa kuwarto namin papunta sa mesang kainan. Hindi niya ako binebeybi. Kailangang matuto raw akong kumilos nang mabilis lagi. Daycare pa lang ako noon at bunso sa tatlong magkakapatid. Sina Ate at Kuya ay pumasok na. Mas maaga kasi ang pasok nilang dalawa. “Aba’y nu’ng nag-aaral ako, ako ang pinaka-punctual!” dagdag pa ni
Mama.
Pinilit kong bilisan ang aking mga hakbang pero mas lalo akong ipinahamak ng pangangahas ko. Nawalan ako ng panimbang at napasalampak sa sementadong sahig. Napasigaw ako sa sakit na sinundan ng pag-iyak. Malakas na pag-iyak. Tiisin ko man ang sakit upang hindi malaman ni Mama ang pagkakatulak sa akin sa stage ay hindi ko nagawa.
“Ang arte-arte mo… para ‘yon lang, ganyan ka nang makasigaw at makaiyak! Dapat tayo agad!”
Na siyang inabutang eksena ni Sabel nang pumasok siya sa bahay upang sunduin ako.
“T-Tiya Myr, a-ano k-kasi…” sabi niya kay Mama na kinakabahan pero kababakasan ng pagkaawa sa akin.
Mabait si Mama, kaya lamang natatakot akong sabihin ang nangyari sa akin dahil sa tuwing magpapaalam ako sa kaniya na makikipaglaro, lagi niyang bilin sa akin na mag-iingat.
“’Wag na ‘wag kang uuwing umiiyak dahil nadapa o nasubsob ka at di na kita palalabasin!”
Mabait din si Mama kay Sabel at sa iba ko pang kalaro, kahit pa nga kay Lorraine pero lagi at lagi akong natatakot na magsabi sa kung anong totoong nangyari sa akin tuwing naglalaro kami; kahit sina Sabel at Lorraine at iba pang kalaro namin ay ganoon din—katunayan kapag may mga amorsiko o buhangin o putik sa aming shorts at damit ay inaalis, pinapagpag, pinupunas muna namin bago kami maghiwa-hiwalay at umuwi; iyon pa kaya na itinulak ako ni Lorraine sa stage?
“Anong… anong kasi, Sabel?”
Ibinaling ko kay Sabel ang nahihilam kong mga mata habang pinipilit na pigilang magkatunog ang aking pag-iyak. Siguro, hindi niya naunawaan ang tingin ko sa kaniya na huwag pa ring sasabihin kung ano man ang nangyari sa akin.
“M-may b-bali s-siguro ‘yan si Hazel, T-tiya…”
“A-ano? A-anong bali? B-bakit, anong nangyari sa anak ko?”
At ikinuwento na ni Sabel ang buong nangyari na umiiyak. Na ikinahaba ng aking pag-iyak dahil sa isip ko, pagkatapos ng pagtatapat na iyon ni Sabel ay pagagalitan at sisisihin ako ni Mama.
“’Yung anak ni Lita?” tanong ni Mama pagkatapos magkuwento ni Sabel na tinitiyak kung kaninong anak si Lorranine.
“O-opo, Tiya.”
Lumapit sa akin si Mama. Hindi niya ako pinagalitan. Hindi niya ako sinisi. Sa halip, niyakap niya ako at tinanong. “Nasa’n ang masakit, anak?”
Hindi mawala ang sakit sa aking likod at pananamlay ng kaliwa kong paa kahit na nasa ospital na kami. Sa tingin ko, mas sumakit pa nga dahil sa mahaba naming biyahe mulang Catanduanes hanggang Maynila.
“Magpadala ka pa ng pera,” sabi ni Mama kay Papa sa selpon pagkatapos na maeksamin ako.
“A-anong findings sa MRI?” may pagaalala sa boses ni Papa.
“May tumubong tumor sa spinal cord ni Hazel.”
Matagal bago ko narinig ang boses ni Papa.
“Sige, magpapadala ako…’wag mo s’yang pababayaan.”
Nasa Saudi si Papa. Folding door installer siya roon, iyon ang sabi niya sa akin minsang magtanong ako sa kaniya habang nag-uusap kami sa selpon.
Inoperahan ako. Sabi ni Mama, kinalkal daw ang tumor sa spine ko. Hindi ko pa noon naiintindihan ang tumor at spine basta ang alam ko, kapag dinala sa doktor aymagagamot na.
Hindi kami nakauwi agad sa Catanduanes. Nagpa-theraphy ako sa ospital ng ilang buwan. At nang kinakapos na kami ng panggastos ay nakiusap si Mama sa therapist ko kung anong alternatibo ang puwede niyang gawin kung hindi na kayang maipagpatuloy pa ang theraphy sa Maynila. Pinabili si Mama ng machine na gagamitin ko sa bahay.
Ikinakabit sa akin ni Mama ang machine na iyon na sinasabayan ko sa paglalakad at para siguradong hindi ako matumba ay naglagay siya ng lubid na gawa sa bandara mula sa sala hanggang sa kusina namin na nagsisilbing gabay ko.
Hindi na ako pinapasok ni Mama sa eskuwelahan. Ilang beses din akong umiyak kay Mama na payagan akong sumama kay Sabel kapag sinusundo ako.
“Seryoso ang operasyon sa ’yo,” pagpapaliwanag sa akin ni Mama. “Sabi ng doktor, bukod sa tumor na natanggal naman nila ay may affected na ugat sa spine mo kaya kailangang tumigil ka muna sa pagaaral upang maghilom,” dagdag pa niya. “Di ba gusto mong makapaglakad nang tuwid uli, anak?” sabay haplos niya sa basa ko pang buhok.
Sinabihan ni Mama si Sabel na huwag nang daraan sa bahay kapag papasok ito sa eskuwelahan na pareho naming ikinalungkot. Pinagbawalan ako ni Mama na maglaro sa labas ng bahay bagama’t minsan ay nakakatakas ako lalo na noong nakakapaglakad-lakad na ako kahit walang machine at gabay. Kahit iika-ika ay nakikipagtago-taguan ako kina Sabel at minsan naliligo kami sa dagat na malapit lang naman sa amin at nagsasaboysabuyan kami ng tubig. Ilang beses din akong nakatakas kay Mama na nauwi sa panenermon niya kaya kinausap niya si Sabel at si Nang Auring, ina ni Sabel, na puntahan na lang ako ni Sabel sa bahay para roon kami maglaro ng jackstone o lego.
Pinuntahan ni Mama ang bahay nina Lorraine upang humingi ng kahit na kaunting halaga para makadagdag sa aming gastusin. Tutal, sabi ni Mama, hindi pa naman niya ito nahingian ng kahit na ano man mula nang magpagamot ako. Nakausap niya si Nang Lita, ina ni Lorraine, pero iyon pa raw ang galit.
“Anong malay daw ng magaling n’yang anak sa pagkakaganito ng bunso natin, e, naglalaro lang naman daw sila!” sumbong ni Mama kay Papa sa selpon pagkauwingpagkauwi.
“Hayup na ‘yon!” narinig kong galit si Papa. “Kahit singkong duling man lang sanang inabot n’ya sa ’yo ay okey na sa‘kin… pero ‘yong ganyan pa ang sasabihin n’ya, hayup s’ya!”
Sinisi ko ang sarili ko. Naisip ko, kasalanan ko kung bakit umabot sa ganito ang kalagayan ko. Sana, hindi ako natakot na sabihin agad kay Mama ang nangyari sa akin.
“Sana dinala n’yo rito sa ospital sa mismong araw na nahulog ang bata… naagapan sana,” narinig kong sabi ng doktor kay Mama pagkatapos akong maeksamin.
Bagama’t umiika ako sa paglalakad, regular akong nakapapasok sa eskuwelahan mula nang sinundang taon hanggang sa sampung taong gulang ako. Hindi ko inaasahan na sa kaarawan ko pa magsisimula ang pamamanhid ng kaliwa kong paa at hindi ko na ito maigalaw.
Dadalhin sana akong muli ni Mama sa Maynila para sa eksaminasyon pero hindi na ako pumayag. Baka hindi na naman ako makapagpatuloy sa pag-aaral sa taong pampanuruang iyon kapag doon ako magpaopera.
Napag-alaman nina Mama at Papa na mayroon nang espesyalistang doktor sa Virac nang panahong iyon kaya roon na lamang ako pinatingnan.
Ineksamin ako. MRI. Lumabas na may tumor muli sa spine ko. Tinanggal. Pero narinig ko ang masamang balita nang kausapin si Mama ng espesyalista na siyang nag-opera sa akin.
“Hindi naisalba ang dating affected na mga ugat sa spine ng anak mo. Kakailanganin n’yang magsaklay upang makapaglakad.”
Kaliwa ang namamanhid kong paa. Kaliwang kamay naman ang humahawak sa saklay ko.
“Ano mang kant’yaw sa ’yo ay ‘wag mong pansinin. Maging matatag ka. Nandito kaming pamilya mo,” bilin sa akin ni Mama.
“Nandito kami, bunso,” halos magkapanabayan na sabi nina Ate at Kuya na tinapik-tapik pa ako sa balikat.
Tumalab iyon sa akin. Kaya kahit noong mga unang araw ng paggamit ko ng saklay at nawawalan ako ng panimbang at nadarapa, hindi ko pinapansin ang mga panunukso sa akin.
“Ipakita mo na di hadlang ang pagsasaklay mo upang makapag-aral ka,” pagpapalakas ng loob sa akin ni Mama.
Lalo kong pinag-igihan ang aking pagaaral. Sa bawat nambu-bully, kailangan kong mas galingan ang aking pag-aaral.
Nagtapos ako sa elementarya na may mataas na karangalan. At nakaramdan ako ng dagdag na katatagan sa pagkakatayo ko sa tulong ng isang saklay nang makita kong pumapalakpak sa pagtanggap ko ng award ang ilang nambu-bully sa akin.
Pero hanggang saan ang sukat ng aking katatagan?
High school. Ibang kapaligiran. Ibang pasilidad. Mas mahabang lugar na lakaran dahil sa paglilipat-lipat sa mga classroom sa bawat pagpapalit ng subject.
Nangangamba ako minsan sa bawat paglalakad ko sa mahahabang pasilyo dahil may mga sandali na namamanhid na rin ang kanang paa ko.
“Ikinalulungkot ko, pero iyan na lang ang magiging remedyo natin,” sabi ng doktor kay Mama na itinuturo ang isang saklay na bitbit ng nurse malapit sa amin.
Naluha ako.
“’Ma…?” hindi ko na nadugtungan ang sasabihin ko kay Mama.
Inilapat niya agad sa akin ang mainit niyang mga palad sa nanlalamig kong mga pisngi. Tiningnan niya ako. Walang kurap. Wala siyang sinabi. Pero nauunawaan ko ang pagdiin niya sa aking pisngi. Ang pagtango-tango. At ang paghaplos sa mahaba ko nang buhok.
Hindi pa rin ako nakaligtas sa mga panunukso sa akin sa eskuwelahan. Ngunit natuto na ako kung paano harapin iyon. Hanggang sa unti-unting naging bingi ako sa ano mang sinasabi nila sa aking pisikal na kakulangan. At laging nauuwi, na ang pinakamalakas mam-bully sa akin ay kinakaibigan ako.
Nakakuha ako ng matataas na marka. At ibinalita sa akin ng aking adviser, pangalawang linggo ng Marso, na may honor ako. Aakyat uli ako sa entablado. Magkahalong saya at lungkot ang naramdaman ko. Masaya, dahil na-maintain ko na may honor ako. Malungkot, dahil tuluyan nang namanhid at hindi ko na maramdaman ang dalawa kong paa at kinailangang mag-wheelchair na ako.
(May Karugtong)