Ni Angela L. Javate
Sa paglikha ni Venazir Martinez ng kanyang mga sining sa kalye, nababago niya hindi lamang ang mga espasyo kundi pati na rin ang kamalayan ng mga tao. Si Venazir, 25, ay nagtapos ng Fine Arts sa University of the Philippines, Baguio. Ipinanganak at lumaki sa Tarlac City. Isang full-time artist at street muralist.
Tinawag din niya ang kanyang sarili bilang isang visual anthropreneur. Layon niya na sa pamamagitan ng kanyang sining, makapagbigay siya ng inspirasyon sa iba at makatulong sa pagpapayaman ng kultura ng bansa. Nais din niyang tumulong sa komunidad at kapwa niya manlilikha.
Maagang namulat ang kamalayan niya sa sining. Bata pa lamang ay mahilig na siyang gumuhit ng mga tao at gumamit ng krayola para guhitan ang pader ng kanilang bahay. “Kaya siguro malakas ang atraksyon ko sa mga malalaking espasyo tulad ng mga pader sa daan,” sabi niya.
Inspirasyon ni Venazir sa kanyang mga obra ang mga kulturang Pilipino na nagmula sa ating katutubong pamayanan, lalo na ang napakayamang kultura ng Kordilyera dahil ipinapakita nito ang depinisyon ng pagiging Pilipino sa gitna ng teknolohiya at globalisasyon.
Noong 2021, naging tagapagtatag siya ng 23 Sampaguita Artist Collective. Ang samahang ito ay naglilingkod sa mga indibidwal na nagsusumikap na magpatuloy bilang mga manlilikha ng bayan. Nagbibigay-suporta rin ito sa indigenous art forms, na binubuo ng maraming anyo ng sining, kabilang ang panitikan, teatro, sayaw, pagpipinta, eskultura, at pelikula.
Naging bahagi rin siya ng konseho ng sining ng lungsod ng Baguio bilang kinatawan ng sining-biswal sa UNESCO Creative Cities Network. Bilang bahagi ng tungkulin na paunlarin ang lungsod ng Baguio, iminungkahi niya ang Sining Eskinita, ang unang street art festival sa Baguio. Naipapakita rito ang pagmamahal at pagpapahalaga sa katutubong kultura sa pamamagitan ng pagbabahagi ng kanilang mga obra, tradisyonal na pagsasayaw, pagtatanghal ng musika ng mga katutubong grupo.
May masidhing interes din siya sa paggalugad sa mga kultura sa iba’t ibang komunidad ng Pilipinas. Nais niyang matuto sa mga indibidwal na nakakasalamuha niya at makagawa ng mga mural, na sumasalamin sa mga kuwento ng mga tao sa bawat lugar na binibisita niya. “Ang aking pagkahilig sa paggalugad ng pagkakakilanlan ng isang tao ay naging layunin ng aking buhay. Layunin nito na bigyang kahulugan ang pagiging Pilipino sa pamamagitan ng paghahabi ng pulang sinulid sa iba’t ibang bahagi ng mundo.”
Para sa kanya, maipagmamalaki niya angkanyang obrang Hila-bana, na hango mula sa salitang hilbanahan, na nangangahulagan ng pansamantalang pagtatahi. “Makikita sa mga hiwa-hiwalay na mural ang guhit ng pulang sinulid sa mga pader ng Baguio. Ito ay isang paraan upang maiugnay-ugnay ng mga tao ang mga sinulid at makabuo ng sariling pang-unawa sa sining,” sabi niya.
Kinilala rin ang Hila-bana ng ilang pambansang at internasyonal na institusyon ng sining at kultura, tulad ng Search Mindscape Foundation, Davies Paints Philippines, San Miguel Corporation, Redline Contemporary Art Space sa Denver, ang Harnisch Foundation sa New York, at ang Duke University sa North Carolina.
Sa Oktubre 6, 2023, magkakaroon ng solo exhibition si Venazir sa Duke University, John Hope Franklin Center sa North Carolina, na pinamagatang Hila-bana: Espasyo Temporal.
Ang mga likhang sining niya ay representasyon ng mga tao mula sa iba’t ibang kultura. Ang kanyang istilong fragmented at animated, ay isang progressive visual approach na sumasalamin sa abstract realism. Ipinapakita rito ang pagiging multi-faceted ng kanyang personalidad at kung paano ito naimpluwensiyahan ng iba’t ibang salik bilang isang bansa.
Ang pagpipinta niya sa mga eskinita sa Baguio ay naglalayong hindi lamang magbigay inspirasyon at atraksiyon, kundi maging isang mahalagang bahagi rin sa paglikha ng isang ligtas na komunidad.
Pangarap ni Venazir na lumikha pa ng malalaking mural sa mga gusali ng bawat lungsod sa buong mundo na magpapakita ng kultura, kasaysayan at pagkakakilanlan ng mga Pilipino.
Ang hiling niya para sa industriya ng sining-biswal ay makita ang sining ng Pilipinas na nangunguna sa internasyonal na antas, upang maipagmalaki ang yaman ng ating kultura at kasaysayan sa buong mundo. At suportahan din sana ng mga pinuno ang mga manlilikha sa pamamagitan ng pagbibigay ng plataporma at espasyo sa kalsada.
Ang kanyang mga sining ay may kakayahang magbago ng pananaw ng tao, magbigay ng emosyon at inspirasyon, at magdulot nang malalim na pag-unawa sa kultura ng ating lipunan.
Sa mga interesado sa likhang sining ni Venazir, maaaring bisitahin ang kaniyang website (www.venazir.com), o mag-email (vhanamartinez@gmail.com), o magpadala ng mensahe Facebook (Venazir Martinez), at Instagram (venazirmartinez).